Sumubsob siya sa pagitan ng aking balikat at leeg, humihingal sa pagod habang ang kaniyang alaga ay nanatiling nakabaon.
"That was good."
Hindi ako sumagot. Pumikit lang ako at hinayaang anurin ng pagod at antok ang sarili.
Hindi ko na namalayan ang sunod na nangyari. Naalimpungatan lang ako nang marinig ang pagbukas ng pinto ng sasakyan.
"Sir—"
"Ang jacket?"
"Narito po."
Naramdaman ko ang pagbalot ng jacket sa aking katawan at kasunod no'n ay ang pagpangko ng matitigas na braso sa akin. Dahil sa init at bango nito ay muli akong kinupog ng antok.
Nang magising ako ay nasa malapad na kama na ako na may puting bedsheet at grey na kumot. Inilibot ko ang paningin sa paligid ng kwarto. Napakalawak nito, malinis na may pinaghalong grey at puting pinta sa dingding. Minimalist. Walang mga dekorasyon, maliban sa malaking artwork sa dingding.
Hindi pamilyar sa akin ang kwarto. Nasaan ba ako?
Tinignan ko ang sarili para lang mangunot ang noo. Nakasuot na ako ng puting long sleeve polo. Wala akong bra pero may suot na akong panty.
Panty...
Nanlaki ang mga mata ko sabay takip ng aking bibig. Naalala ko kasing hinubad ni Mr. Li ang panty ko pagkatapos ay...
"No..." Pumikit ako at mahinang hinampas ang sariling noo. "Anong nangyari? Bakit ba ako nagpadala sa init kagabi?"
Dali-dali akong bumangon pero napahinto saglit nang makaramdam ng kirot sa pagitan ng aking mga hita. Hiniling ko pa na sana panaginip lang iyon pero yung kirot sa p********e ko, ito yung sampal na gumigising sa akin. Totoo lahat ng nangyari. Hindi iyon panaginip! Naisuko ko ang aking dangal sa lalaking hindi ko kilala at hindi ko man lang matandaan ang mukha!
Inilibot ko ulit ang paningin sa paligid. Nasaan yung lalaki?
Pagtingin ko sa nightstand ay nakita ko ang maayos na nakatuping damit, katabi ang isang maliit na orasan. Alas onse na pala. Tinanghali ako ng gising. Hala! Absent na ako sa klase! Anong gagawin ko? Tiyak na magagalit si itay kapag nalaman niya ito!
"Kailangan ko nang umuwi."
Akma kong dadamputin ang damit nang mapansin sa ibabaw nito ang nakalagay na sulat na, "Wear this."
Kinuha ko ang papel at binasa ang iba pang nakasulat sa likod nito.
"Ms. 21, don't leave yet. I still want to see your pretty face when I get back."
Kumabog ang dibdib ko. Nagtatalo ang takot at hiya. Dali-dali akong umahon sa kama at nagbihis ng inihanda nitong damit. White dress na hanggang tuhod ang haba. May kasama pang bra.
Nang mamataan ang isang ballpen sa ibabaw ng nightstand ay naisipan kong mag-iwan din ng mensahe sa mismong papel na may nakasulat na "Wear this".
Nagsulat ako ng, "Salamat sa pagligtas,". Pagkatapos ay hinanap ko agad ang aking sandals. Matapos itong maisuot ay nagmamadali akong lumabas. Kahit masakit ang ulo, nahihilo, kumikirot ang p********e at umaasim ang sikmura ay tiniis ko, makaalis lang ako sa lugar na iyon bago niya pa ako maabutan.
Isa lamang pagkakamali ang nangyari kagabi. Nadala lang ako sa init na hindi ko kayang kontrolin at ayoko nang maulit iyon. Ayokong muling makaharap ang lalaking sinukuan ko ng aking dangal. Mas maigi nang hindi ko siya makilala. Malabo ang itsura niya sa alaala ko, at gusto kong manatiling malabo ang mukha niya dahil ayoko nang alalahanin ang nangyari sa aming dalawa.
***
Tahimik ang bahay nang umuwi ako. Wala yatang tao sa loob. Gusto kong makampante pero pagbukas ko ng main door ay bigla na lamang akong sinalubong ni tita.
Nanlaki ang mga mata ko at bago pa ako makapagsalita ay dumapo na sa pisngi ko ang isang malakas na sampal na halos magpabingi sa akin. Pumaling ang ulo ko sa gilid.
"Sinabi ko sa'yo kagabi na huwag kang aalis! Bakit ka umalis?!" mahina at mariin niyang sambit habang ang mga kuko niya ay bumabaon na sa braso ko. Galit na galit siya.
"T-tita..."
"Magpaliwanag ka!"
"M-may pumasok na matabang lalaki. Sinaktan ho nila ako..."
"Sinungaling!" Sinampal niya ulit ako. Pakiramdam ko ay biglang namigat at umanghang ang pisngi ko. "Malandi ka! Sumama ka sa isang lalaki! Huwag kang magsinungaling!"
"Tita, totoo pong may pumasok—"
"Manahimik ka!" Dinuro niya ako.
Wala akong nagawa kundi ang itikom ang bibig habang pinipigilan na maiyak.
Hindi ko siya matingnan sa mata dahil halata ang panggigigil niya sa galit. Natatakot ako. Bakit ba ang duwag-duwag ko? Bakit hindi ako kagaya ng aking kapatid na matapang at kayang lumaban? Analyn... Sana nandito ka para ipagtanggol ako.
Mayamaya ay nagsalita si tita sa malakas na boses. Her tone's changed. "Well, well, well... Tingnan mo nga naman. Ang bait-baitan na hindi makabasag-pinggan na anak mo, Macario. Nandito na!"
Mabilis akong nanlamig. Si tatay naman ay dali-daling lumabas sa kusina nang marinig si tita.
"T-tay—"
Isang malakas na sampal ulit ang natanggap ko mula kay tatay. Nagulat ako. Nanlaki ang mga mata ko.
Ito ang unang beses na nasaktan ako ni itay. Hindi ako makapaniwalang napatingin sa kaniya. Katulad ni tita, galit na galit din ang mukha niya.
"Alam mo ba kung gaano ako nagpapakahirap maghanap ng pera para lang masuportahan ka sa pangarap mo?! Kahit ano na ang ginagawa ko, kung kani-kanino na ako nanghihiram para lang maigapang ka sa pag-aaral mo! Tapos lalandi ka lang sa isang lalaking hindi mo kilala?!"
Nanlaki ang mga mata kong napatingin sa kaniya. Hawak ko pa rin ang pisngi ko na namaga.
"T-tay... Hindi po ganon—"
"Ay, naku, Solemn." Si tita na nakapanghalukipkip na sa harap ko. "Aminin mo na lang kasi. Kitang-kita ng dalawang mga mata ko na sumama ka sa lalaki sa club. Paulit-ulit kitang tinawag pero bingi ka. Hinabol kita pero naharangan ako ng ibang tao roon kaya hindi ko na kayo nasundan."
"Kayo po ang nagdala sa akin doon!"
"Dinala kita sa club para sana i-apply na waitress pero pag balik ko, nawala ka na. Iyon pala, lumandi ka na!"
Kumuyom ang palad ko. Hindi ako makasagot dahil totoo naman ang sinabi ni tita. Lumandi ako. Sumama ako sa lalaking hindi ko kilala at hinayaan kong may mangyari sa amin. Hindi ko alam ang nangyayari sa akin kagabi kung bakit ko nagawa ang bagay na iyon. Para akong sinapian. Pero pinagsisisihan ko iyon! Sobra...
"Ano? Hindi ka makaimik kasi totoo," mapang-uyam na tanong ni tita.
Hindi ako sumagot. Nanatili akong nakayuko.
"Absent ka sa araw na ito, Solemn. Napabayaan mo ang pag-aaral mo dahil diyan sa kalandian mo!" singhal ni tatay.
Masakit mapakinggan ang salitang landi, pero wala akong karapatan na masaktan dahil totoo naman. Malandi ako. Nilandi ko ang lalaki kagabi! Gusto kong sampalin ang sarili dahil sa ginawa ko. Pero kahit anong pagsisisi pa ang gawin ko, hindi ko na maibabalik ang nawala sa akin.
Sunud-sunod na tumulo ang luha ko. "Sorry po, itay," iyon lang ang tanging lumabas sa bibig ko.
"Pumanhik ka na. Hindi ka lalabas sa kwarto sa araw na ito," mahina nang sabi ni tatay. Pero alam kong galit pa rin siya.
Nakayuko naman akong pumanhik at dumiretso sa kwarto. Nagkulong ako roon, umiiyak habang pinagsisisihan ang nangyari kagabi.
Ilang saglit pa ay pumasok si tita at hinatak ako sa buhok. Hindi pa rin pala siya tapos sa galit niya.
"Alam mo bang muntik na akong ipapatay kagabi dahil sa pag-alis mo?! Sino ang lalaking kumuha sa iyo kagabi? Ha? Alam mo bang pinahahanap ako ngayon ni Mr. Li?! Akala niya ay sinabotahe ko siya!"
Nanlaki ang mga mata kong lumingon sa kaniya. Kahit nahihirapan ako dahil hawak niya pa rin ako sa buhok ay sinikap ko pa ring tingnan siya.
"I-ikaw ang nagpapasok kay Mr. Li?"
"Diba, kailangan mo ng pera? Pera na iyon, Solemn! Malaking pera pero itinapon mo! Ngayon ay pinaghahanap na tayo!"
Tinulak niya ang ulo ko pasubsob sa kama.
"Kapag may nangyaring masama sa atin ngayong gabi, kasalanan mo iyon!"