“SORRY, UNCLE. Hindi ako puwede.” Nagtataka man sa biglaang pag-aaya na iyon ng tiyo para sa isang lunch date ay tumanggi si Grace. Sumulyap siya sa entrance ng opisina nila. Siya na lang ang tao doon. Naglabasan na ang mga kaopisina niya para magtanghalian. Medyo nagugutom na din siya pero makakakatiis pa siya. She was waiting for Luis.
Narinig niya tumunog ang automatic door, palatandaan na may na-detect iyon na papasok. Mabilis na niyang pinutol ang pakikipag-usap dito at inabangan ang paparating.
Una niyang nakita ang malaking flower arrangement. Mabilis na nag-iba ang t***k ng puso niya. Flowers? Mag-e-effort pa ba ito ng flowers sa kanya gayong iti-treat lang naman siya sa lunch? Masyado naman siyang napapabilib siya ni Luis kapag ganoon..
Nakasunod lang siya ng tingin sa flowers na paparating sa kanya. Pero sigurado siyang hindi si Luis iyon. Delivery boy.
“Ma’am Mary Grace?”
“Ako nga.”
“Paki-receive na lang po dito.”
“Thanks!” Kinuha niya dito ang bulaklak matapos siyang pumirma. Hindi niya maipaliwanag ang saya niya. Flowers mula sa masungit na boss? Hindi niya ine-expect iyon.
Inusyoso niya ang mga bulaklak. OA kung sa OA ang laki niyon. Walang iniwan halos doon sa magandang flower arrangement na para kay Lara. Napatda siya. Para sa kanya nga ba iyon? Pero imposible namang si Lara pa ang pagbibigyan nito. Unless para kay Lara nga iyon at dadalhin nito sa sementeryo mamaya. Pero siya ang hinanap ng delivery man.
Secretary ka. Puwedeng taga-receive ka lang, paalala niya sa sarili at bahagyang napasimangot.
Hinanap niya ang card. Anyong bubuklatin na niya ang card nang napansin na lang na lumampas sa mesa niya si Luis. Dire-diretso itong pumasok sa office nito. Bahagyang nakaawang ang mga labi na napasunod na lang siya ng tingin dito.
Kumunot ang noo niya. Ano iyon? Sa laki niyang iyon hindi siya nito nakita? At dedma lang din dito ang mga bulaklak? Nakakapagtaka naman. Hindi man lang siya tinanong kung nagustuhan niya ang bulaklak na bigay nito.
Tumunog ang tiyan niya. Mas naalala niya tuloy na kaya siya nandoon ay naghihintay siya dito. Ibinaba niya ang bulaklak at sumunod sa opisina nito.
“I INVITED her for lunch!” nagngingitngit na bulong ni Luis at padabog na naupo sa swivel chair niya. Inikot niya ang silya saka magkakrus na itinaas niya ang paa sa buffet table doon.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Parang sasakit uli ang ulo niya. Hindi pa napo-proseso ng utak niya ang pag-aaya ng presidente na mag-lunch kasama ito at ngayon na pagbaba niya ay may hawak pa itong bulaklak. At siyempre pa, alam niyang hindi basta-bastang bulaklak iyon. Sanay din siyang gumasta kung bulaklak rin lang ang pag-uusapan.
Halos magsalubong ang kilay niya. Hindi niya maisip na makakadama siya ng ganoong iritasyon dahil lang sa isang simpleng lunch treat na napurnada. Wala na siyang balak na ipaalala pa kay Grace iyon. Mukha namang excited ito sa lunch kasama ang presidente. Mukhang kilig na kilig pa ito sa bulaklak na natanggap.
Marahas siyang napahinga. Lalo siyang naiinis habang nag-iisip. Mabuti na lang din at sagana siya sa pagnguya kanina ng pica-pica habang nasa meeting. Kung hindi lalo na siguro siyang parang bulkan na puputok sa inis ngayon kung gutom pa siya.
“Luis?”
He froze. Ano pang ginagawa ni Grace doon? Hindi ba’t may lunch date ito?
“Yes?” halos paungol na sagot niya. Hindi siya tuminag sa puwesto niya.
“Masakit ba uli ang ulo mo?”
Naramdaman na lang niya ito na nasa tabi niya. Hindi siya dumilat. Mabuti pa ngang isipin na lang nito na masakit uli ang ulo niya kesa makita nitong para siyang batang inagawan ng laruan dahil lang sa lunch na hindi natuloy. Baka mamaya ay hingan pa siya nito ng paliwanag at wala naman siyang maisagot.
Ah, ano ba ang nangyayari sa kanya? Para isang simpleng lunch lang iyon. Hindi naman katumbas ng isang state dinner ang napurnada pero heto siya at nagpuputok ang butse niya.
Nasuspindi pati pagkibot ng muscles niya nang maramdaman ang haplos nito sa ulo niya. “Kung masakit pa rin hanggang ngayon ang ulo mo, hindi na ito madadala ng basta hilot. Kelangan mo na rin ng gamot. Magpapakuha ako mamaya sa clinic. O kaya naman baka kelangan mong magpatingin sa doktor.”
“No need. Simpleng sakit ng ulo lang ito.”
“Pero naisip ko baka naman gutom lang din ito. Lunch time na.”
Nagtagis ang bagang niya. Ipinaalala pa. Pinapamukhaan pa ba siya nito? “Lunch time na pala, bakit nandito ka pa?” mahinang sabi niya.
Naramdaman niyang natigil ang kilos ng kamay nito sa ulo niya. “But, of course. I thought we are going to have lunch together?”
Dumilat siya. “Oo nga, iti-treat nga sana kita, di ba? Pa-thank you ko sa paghilot mo kanina.”
“Then what are we doing here? Kanina pa ako naghihintay na matapos ang meeting mo.”
“Hindi ba’t may ka-lunch kang iba?” Hindi niya naitago ang panunumbat sa boses niya.
“Who? Me? You are the one who told me to wait for you. Pero kung masakit ang ulo mo, okay lang naman na di matuloy. Ikukuha na lang kita ng gamot.”
Kumilos siya. In an instant, umaliwalas ang pakiramdam niya. So, hindi pala nakuha ng imbitasyon at flowers si Grace? Ibig sabihin, mas hinihintay siya nito? Gusto niyang magdiwang. “May oras pa naman. We’ll have lunch.”
“Ang gulo mo, Lui. Ooops, sorry, Luis pala.”
Nginitian niya ito. This time parang kiniliti ang pakiramdam niya na tinawag siya nitong Lui. “May magic touch ka. Nawala na ang sakit ng ulo ko.”
“Puwede namang dito na lang din tayo mag-lunch. Mainit sa labas. Baka lalong sumakit ang ulo mo.”
“No. Sa labas tayo kakain,” pilit niya.
“Okay. By the way, salamat nga din pala sa flowers.”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “What flowers?”
BIGLANG nakaramdam ng alinsangan si Grace. Kitang-kita niya sa itsura nito na clueless ito sa mga bulaklak na tinutukoy niya. At ngayon lang din parang nag-rewind sa utak na basta na lang siya nilampasan nito kanina. Dahil ba sa mga bulaklak? Alalang-alala pa naman siya dito na baka mas masama ang pakiramdam nito.
Nagmamadaling lumabas siya ng opisina nito. Kung hindi dito galing ang bulaklak ay kanino?
How are you, my Mary Grace? I miss you.
Lance
Nanlaki ang mga mata ni Grace nang mainspeksyon ang card. Hindi na niya kailangang ulitin ang basa doon. Agad na umahon ang bad mood sa kanya. Talagang kumukulo ang dugo niya sa lalaking iyon.
Hindi niya talaga ma-gets ang mommy niya para ipagkasundo siya kay lance samantalang kahit kelan hindi siya nagkaroon ng good vibes man lang sa doon. Kung sana man lang ay friends nila. Kahit nga sa f*******: account niya, never niya itong in-accept. Kahit maya-maya din na nagse-send ito sa kanya ng friend request.
Sa punto lang na iyon ay hindi pa ba makakahalata ang mga ito? Paano sila magpapakasal? Nakakaloka talaga ang mommy niya para ipilit ang isang bagay na imposible. Wala siyang pakialam kahit na mas mayaman pa ang pamilya nina Lance sa kanila. Wala siyang pakialam kahit guwapo pa ito. Hindi niya naa-appreciate ang kaguwapuhan nito. Kahit kailan ay hindi siya tinubuan ng katiting na crush sa lalaking iyon.
“Sa akin ba galing?” pormal na tanong ni Luis na pumukaw sa kanya.
Mas guwapo pa itong boss niya, para sa kanya. Pero juice na kulang sa yelo, anong nakain niya para mag-assume na dito sa boss niya galing ang mga bulaklak?
“Alam mong hindi ka nagbigay kaya bakit iisipin mong sa iyo galing?” sopla niya dito bago nakadama ng pagkapahiya. “Sorry kung nag-assume ako na ikaw ang nagbigay.”
Tumikwas ang sulok ng mga labi nito. “Galing iyan kay KS.”
Gusto niyang tumawa nang malakas. Kevin Sunico. KS for short. Of course, iyon ang turing ng iba sa presidente. Mr. President was too formal. Ang lakas daw maka-Korean novella kaya ayos lang din dito na i-address ito na KS.
At gaano naman kaya kasakit ang ulo nito para maisip nitong kay KS galing ang mga bulaklak? Gusto niyang ipamukha dito ang card. Pero nilamukot na niya iyon sa palad niya. Wala siyang balak na i-discuss ang existence ni Lance kahit na kanino. Hindi ito importante sa kanya.
“Nope.” Bigla ay nawalan siya ng gana sa magagandang bulaklak. “Are we going now?”
Nakatingin ito sa bulaklak. Curious pa rin ang itsura. “Kanino iyan galing?”
“Sa isang kakilala. Tara na. Hindi naman masyadong importante iyan.”
“But you thought it’s from me.”
Napabuga siya ng hangin. “Kaya nga maraming namamatay sa akala. Muntik na ako.”
“Kung ako ang nagbigay sa iyo ng bulaklak, magiging importante iyan sa iyo?”
She rolled her eyes. “Kung ang boss ang nagbigay, oo naman.”
“I’ll bear that in mind. Halika na, mag-lunch na tayo.”
“Aw, salamat. Gutom na nga ako. Kanina pa kaya ako naghihintay.”