*ELISHA's POV*
Nasaan na ba si Klint? Miss na miss ko na si Klint. Ilang araw na kaming hindi nagkikita at nagkakasama.
Iniwan na ba niya ko? Hindi ko na kayang labanan ang lungkot sa bawat paglipas ng araw na hindi ko man lang siya nakikita.
Ayoko na.
Gusto ko na lang rin mawala. Sana ay isinama na lang ako ng killer kung kinuha man niya si Klint. Alam ko naman na malaki ang posibilidad na may nangyari ng masama sa kaniya pero ayaw lang sabihin iyon sa akin ng mga kasama ko. Ayaw lang nilang dagdagan kung ano man ang dinadala ko.
Pumatak ang luha sa mga mata ko kaya mabilis kong pinalis iyon. Kakaalis lang ng teacher namin sa second subject.
"Elisha, are you okay?" rinig kong tanong ni Jackie mula sa gilid ko. Si Jackie ang laging umaalalay sakin at malaki ang pasasalamat ko sa kaniya dahil hindi niya ako pinapabayaang mag-isa. Hindi ako nagsalita sa tanong niya pero tipid akong tumango roon.
"Nagugutom ka ba? May gusto ka bang kainin?" tanong niya pa sa akin. Umiling lang ako bilang tugon.
Pakiramdam ko ay nawawalan na ako ng gana sa lahat ng bagay.
Ni hindi ko na nga nararamdaman ang gutom. Wala na kong sigla at nawawalan na rin ako ng pag-asa. Parang ayoko ng magpatuloy pa sa buhay kung wala lang rin naman si Klint.
"Lucas, alam mo na ba yung nangyari kagabi?"
Nakatingin lamang ako sa chalk board nang magsalita si Selena kay Lucas.
"Tungkol saan?" balik na tanong ni Lucas.
Nakikinig lang ako sa usapan nilang dalawa.
"About Mike and Xyla—"
"And Ma'am Barromeo?"
Pinangunahan ni Lucas ang dapat ay sasabihin ni Selena. Tumango naman si Selena nang lumingon ako sa kaniya. Ngumiti siya sakin nang mapansin niyang napatingin ako sa kaniya pero hindi ko siya nagawang gantihan man lang ng ngiti. Muli itong bumaling ng tingin kay Lucas na siyang kinakausap nito.
"Alam mo na pala?" ani Selena kay Lucas.
"Oo at alam ko rin na niloko lang ni Mike si Xyla," sabi ni Lucas.
"Do you still care for her?" tanong naman ni Stanley.
Walang pag-aalinlangan na tumango si Lucas sa tanong na iyon ni Stanley. Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila dahil wala akong alam sa kung ano man ang kaganapang nangyayari.
"I still love her," sagot ni Lucas.
Lahat ng mga kaibigan namin ay natigilan dahil sa sinabing iyon ni Lucas.
"Seriously?" hindi makapaniwalang tanong ni Jackie sa gilid ko.
"Yeah, kahit na pinagpalit niya ako kay Mike, I know deep in my heart that I still cares, at dahil iyon sa mahal ko pa rin siya," punong-puno ng emosyon na sabi ni Lucas.
Bumaling ako ng tingin sa bintana.
"Bakit hindi mo siya balikan?" wala sa sariling nasabi ko.
Lahat ng kaibigan ko ay nagtinginan sa akin. Tila gulat na gulat sila dahil sa sinabi ko.
Ang mga mata nila ay nakatuon lahat sa akin at parang hindi makapaniwala.
"E-elisha? N-nagsasalita ka na?" nakataas ang dalawang kilay ni Stanley habang nakatingin sakin na para bang sinusuri nya ako ng tingin. Ngumiti naman sina Selena sa akin at nababasa ko sa mukha nila ni Trinity ang labis na kasiyahan. Lumapit silang dalawa sa akin. Si Jackie naman ay masayang-masaya rin sa gilid ko at naramdaman ko na niyakap niya ako.
"O-M-G! Okay ka na?" hindi makapaniwalang sambit niya.
Lahat ng kaklase namin ay nakatingin sa akin.
Pinilit kong ngumiti sa mga kaibigan ko at marahang tumango.
"Thanks God!" sambit ni Trinity.
Sa mga oras na ito ay ramdam na ramdam ko ang pagmamahal at pag-aalala ng mga kaibigan ko sa akin. Napakaswerte ko na naging kaibigan ko sila. Hindi nila ako pinabayaan kahit alam kong mahirap ang pinagdadaanan ng bawat isa sa amin.
"Salamat naman at nakakausap ka na namin ngayon Elisha," sabi ni Selena.
Ilang sandali pa ay nakaramdam ako ng tawag ng kalikasan. Marami namang cr sa Sahara pero nasa labas pa iyon ng classroom namin.
"Naiihi ako," mahinang bulong ko kay Jackie.
"Naiihi ka? Halika samahan na kita," sabi ni Jackie sakin kaya naman tumayo na ito mula sa pagkakaupo. Tumango ako sa kaniya at ngumiti.
"Saan kayo pupunta?" tanong nila Lucas sa amin.
"Sasamahan ko lang si Elisha na mag-cr," sagot naman ni Jackie kay Lucas.
"Oh, okay!" tatango-tangong sabi ni Lucas kaya dire-diretso na kaming lumabas ng classroom namin.
Naglakad kami ni Jackie sa medyo likod na bahagi ng school kung saan matatagpuan cr.
Malilim sa bahaging iyon dahil may dalawang naglalakihang puno sa gilid nito.
"Sasamahan na rin kita sa loob," sabi sakin ni Jackie.
Habang papalapit kami sa cr ay umaalingasaw ang amoy niyon. Mapanghi. Hindi ko na pinayagan pa si Jackie na samahan ako hanggang sa loob dahil masakit lang sa ulo ang amoy habang papalapit kami.
"Dito ka na lang, sandali lang naman ako. Baka mahilo ka lang sa amoy sa loob," sabi ko kay Jackie.
"No, okay lang samahan na kita," pagpipilit pa nito pero ngumiti lang ako sa kaniya at umiling.
"Dito ka na lang Jackie, babalik din naman ako agad,"
"Sigurado ka?"
"Oo naman,"
Tumalikod na ako kay Jackie at naglakad na ako sa cr.
Tatlo ang cubicle pero mukhang hindi nalilinis ang cr na ito. Mabaho ang loob at marumi ang inaapakan kong tiles.
Medyo madilim sa loob kaya pinindot ko amg switch na nakita ko pero ayaw naman gumana. Hindi sumindi ang ilaw. Hinayaan ko na lang ito at pumasok na ako sa isang cubicle.
Halos hindi na ako humihinga sa sama ng amoy pero pinilit ko pa rin na umihi dahil hindi ko na kayang pigilan, baka sumabog na ang pantog ko.
Habang tahimik akong umiihi ay nakarinig ako ng mga yabag kaya naman kumunot ang noo ko at bumaba ang mga mata ko sa ilalim. May nakita akong takong ng sapatos.
"Sino 'yan? May tao dito sa pangatlong cubicle," sabi ko. Baka kasi bigla na lang pumasok ang babaeng iyon.
Alam kong babae siya base sa suot niyang sapatos.
Hindi man lang nagsalita ang babae kaya naman nangunot ang noo ko.
"Jackie ikaw ba 'yan?" tanong ko pa pero hindi na naman sumagot ang babae. Hindi ko tanda ang sapatos ni Jackie kaya naman hindi ko masasabing siya talaga iyon.
"Tapos na ko," sambit ko at tumayo mula sa pagkakaupo ko sa inidoro. May tubig sa gilid ng timba dahil ayaw gumana ng flush kaya iyon ang ginamit kong pambuhos.
Habang nagbubuhos ako ay bigla na lang may taling sumabit sa leeg ko. May bumigti ng tali sa leeg ko kaya naman hindi ako makahinga. Umangat ang tali hanggang sa nilambitin na ako nito.
Hirap na hirap ako at di ko nagawang magsalita dahil doon. Nahihirapan na akong huminga.
Nagawa ko pang tumingala.
"S-sino k-ka?!" hirap kong sambit.
Ngumisi lang ito sa akin. Mas idiniin nito ang ginawang pagkakabigti sa leeg ko. Ubos na ang paghinga ko at alam kong sa mga oras na ito ay mamamatay na ako.
"Magsasama na kayo ng nobyo mo!"
———
*Jackie's POV*
Ang tagal naman ni Elisha, halos kinse minutos na akong nakatayo dito sa kinatatayuan ko. Ang sabi niya sakin kanina ay sandali lang siya pero hanggang ngayon naman ay hindi pa siya bumabalik. Bumuntong-hininga ako at nagdesisyon na puntahan na siya sa loob ng cr.
Hindi ko alam pero habang lumalapit ako roon ay para bang nagiging mabigat din ang mga hakbang ko. Parang may batong nakadagan sa dibdib ko.
Ang weird.
Ipinilig ko ang ulo ko at itinuloy ang paglalakad sa loob. Pumasok ako at tinawag ko ang pangalan ni Elisha.
"Elisha?" tawag ko sa pangalan niya pero wala namang sumasagot.
"Elisha hindi ka pa ba tapos? Dumudumi ka ba?" tanong ko pa at tinakpan ang ilong ko. Hindi nga maganda ang amoy ng cr na ito. Nakakasulok at parang bumabaligtad na ang sikmura ko dahil sa amoy.
Nakailang tawag pa ko sa pangalan ni Elisha pero wala talagang sagot kaya naman iba na ang kutob ko. Sunod-sunod ang mabilis na pagpintig ng puso ko habang ibinababa ang paningin ko sa bawat cubicle.
Bakante ang dalawang cubicle nang buksan ko ang mga ito. Napatingin ako sa dulong cubicle at mas lalo akong inatake ng kaba habang nakatingin doon. Napalunok ako at marahang naglakad patungo sa cubicle na iyon.
"Elisha?" tawag ko ulit sa pangalan niya at dahan-dahan kong binuksan ang pintuan.
Ganoon na lamang ang pagkagimbal ko nang makita ko si Elisha sa loob.
May nakabigting lubid sa leeg nito habang lupaypay itong nakabagsak sa sahig ng cr.
"Elisha?!"
Mabilis akong lumapit sa kaniya at niyugyog ang katawan niya pero wala ng buhay si Elisha.
Nakalawit ang dila niya tanda ng hirap sa paghinga.
"Elisha!!!"
Umalingawngaw ang sigaw kong iyon. Umiiyak na ako habang patuloy pa rin ako sa pagyugyog sa katawan ni Elisha pero wala na itong buhay. Maputla na rin ito.
Humagulgol ako ng iyak habang paulit-ulit kong binanggit ang pangalan niya. Nanlulumo ako sa isang tabi habang yakap-yakap ko ang wala ng buhay na katawan ni Elisha.
Hindi ko akalain na sa isang iglap lang ay mawawala na pala si Elisha.
Ang saya-saya pa naman namin kanina dahil mukhang okay na siya at nagsasalita na.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
"Sino ang may gawa nito sayo? Sino?!" halos pumiyok na ako nang sambitin ang mga katagang iyon sa kaniya. Patuloy lang ako sa pag-iyak hanggang sa makarinig ako ng mga yabag.
"Jackie? Elisha?"
Boses iyon ni Lucas at Selena.
Bumukas ang pintuan ng cubicle na kinalalagyan namin ni Elisha at doon ay tumabad sakin si Lucas kasama si Selena.
"Jackie? A-anong nangyari kay Elisha?!" gulat na sabi ni Lucas pagkakita nya samin.
"Oh my god! Anong nangyari?!" tanong din ni Selena at agad kaming dinaluhan ni Elisha.
"W-wala na si Elisha, patay na siya," halos hindi lumabas sa labi ko ang mga katagang iyon. Nanlalamig ang katawan ko kahit malamig naman ang panahon. Nanginginig ang mga tuhod ko.
"Sinong gumawa niyan sa kanya?" tanong ni Lucas. Si Selena ay halatang hindi rin makapaniwala habang nakatingin samin at takip-takip ang bibig nito. Nakita ko rin na tuluyan ng pumatak ang luha sa mga mata nito gayundin si Lucas habang binubuhat mula sa akin ang wala ng buhay na katawana ni Elisha.
Sunod-sunod lang ang pag-iling ko sa mga tanong nila. Wala akong alam. Hindi ko rin alam kung sino ang may gawa niyon kay Elisha.
"Sana kasi ay hinayaan na lang niya akong samahan siya!" umiiyak na sabi ko.
Tinulungan akong makatayo ni Selena mula sa pagkakasalampak ko sa sahig. Buhat-buhat na ni Lucas ang bangkay ni Elisha.
"Ang sabi niya sa akin iihi lang siya. Naghintay ako sa labas at ayaw niya akong payagan na samahan pa siya dahil mabaho raw sa loob. Ilang minuto akong naghintay pero hindi pa rin siya bumabalik kaya nagtaka na ako, sinundan ko na siya at pagbukas ko ng cubicle ay wala na siyang buhay. May bumigti sa kaniya, Selena!" umiiyak na sabi ko.
Sunod-sunod lang ang pag-iling ni Selena habang umiiyak din ito. Sumunod na kami sa kay Lucas habang buhat-buhat niya si Elisha.
"Saan natin dadalhin si Elisha?" tanong ni Selena kay Lucas.
"Huhukay na lang ako dito sa likod kaysa naman isama na naman ito ng mga gwardiya sa mga bangkay na tinatapon lang sa likod ng pader na nakita namin!" galit na sabi ni Lucas.
"Pero paano? Hindi ka papasok? Hindi rin kami papasok, sasamahan ka namin," sabi ni Selena kay Lucas.
"Ipaalam nyo muna kila Stanley ang nangyari," sabi ni Lucas.
"Pero kapag nalaman nila ay malamang na hindi rin sila pumasok. Magiging absent tayong lahat," alalang sabi ni Selena.
"Wala na akong pakialam doon Selena, ang mahalaga sakin ay makasama man lang si Elisha hanggang sa huling sandali niya dito sa lupa," umiiyak pa rin na sabi ko. Ang bigat-bigat sa pakiramdam lalo pa at ako ang huling kasama ni Elisha bago ito mawala. Sa isang kisap-mata lang pala ay mawawala na ito kaagad. Gusto kong sisihin ang sarili ko dahil kung sinamahan ko siya ay baka hindi ito nangyari sa kaniya.
Para akong mauupos na kandila ngayon. Huminto kami sa likod na sinasabi ni Lucss kung saan maraming puno ng acasia.
Nagpaiwan na ako kay Selena nang sabihin niyang ipapaalam niya muna kila Stanley ang nangyari. Tumango lang kami sa kaniya at iniwan na niya kami ni Lucas dito sa likod.
Hindi pa rin ako makapaniwala. Ayaw magsink-in sa utak ko ang mga nangyari.
Naupo ako sa isang puno ng acacia na nakabuwal. Umiiling si Lucas habang pinagmamasdan si Elisha. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang labis na sakit.
"Tangina! Kailan ba matatapos ang lahat ng ito?" ani Lucas at pinahid nito ang luha gamit ang manggas ng suot nitong uniporme. Inis itong tumingin sa kawalan.
"Wala na naman akong nagawa! Hindi ko man lang kayo naprotektahan, kayo ni Klint!"
Nagagalit ito sa sarili habang patuloy pa rin ang pagpahid nito sa luhang ayaw tumigil sa pagpatak. Pati ako ay ayaw rin tumigil ang luha. Sinisisi ko rin ang sarili ko sa mga nangyari pero anong magagawa namin? Nangyari na ang lahat.
Nanlulumong napayuko na lamang ako at sinabunutan ang sariling buhok.