INILIBING si Cesar pagkaraan ng apat na araw. At sa pagpanaw ng ama, pakiramdam ni Jewel lalo siyang nag-isa sa mundo. Naulila. May ina pa, subalit hindi naman ganap na maangking ina. Dahil kahit pumanaw na ang kanyang ama, hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo sa kanya ni Mama Sonia. Hindi pa rin niya maramdaman ang pagmamahal na kay tagal nang inaasam-asam.
May kapatid, subalit ang kalooban nito'y napakalayo sa kanya. At dahil doon, nais na rin hilingin ni Jewel na sana’y tulad ng ama'y namatay na rin siya. Ano pa’t nabubuhay siya sa mundo kung puro paghihirap at pasakit lang ng kanyang kalooban ang nadarama?
Isang mapagpalang kamay ang dumantay sa balikat ng nagdadalamhating dalaga. “Anak, oras na para umuwi ka.”
“Yaya Lourdes,” usal niya nang mag-angat siya ng mukha. Ang butihing matanda na nag-aruga at nagmahal sa kanya.
“Tama na ang pag-iyak at baka makasama sa ‘yo. Halos buong burol ng iyong ama'y umiiyak ka.”
“Wala na si Papa. Wala na akong kasama. Wala nang magtatanggol sa ‘kin. Wala nang magpaparamdam ng pagmamahal sa ‘kin. Wala nang tatawag sa ‘kin na anak.”
“Hindi totoo ‘yan,” wika ni Yaya Lourdes, tigmak ng luha ang mga mata nang magsalita. “Mahal kita, Jewel. Kailangan mong magpakatatag. Marami pang kalbaryo kang mararanasan. Subalit, ‘wag na ‘wag kang susuko. May awa ang Diyos. May mabuting kapalit ang lahat ng iyong pagdurusa.”
Tumatango siyang umiiyak. “Yaya, huwag mo akong iiwan.”
Sandaling natahimik ang matanda. Lalong bumalong ang luha sa mga mata at masuyong hinaplos ang likod ng dalaga. “Gustuhin ko mang manatili sa tabi mo, tulungan at damayan ka. P-pero hindi ko na magagawa.”
Nagtatanong ang luhaang mga mata na tinitigan ni Jewel sa mukha si Yaya Lourdes. At noon lang napuna ng dalaga ang malaking maleta na nasa tabi nito.
“A-aalis ka po?” Hinawakan niya ang mga kamay nito. “Pakiusap, ‘wag mo akong iwan.”
“Ayokong iwanan ka dahil kailangan mo ng karamay sa mga panahon pang darating. Subalit wala akong magagawa. Matapos mailibing ang iyong ama, kinausap ako ng iyong ina. Hindi na kailangan ang serbisyo ko ng mga Buenavista.”
“P-pero paano naman po ako? Kailangan ko kayo!” Umiiyak na niyakap niya ang matanda. “Isama mo na lang ako, Yaya Lourdes. Kung aalis kayo, ayoko nang umuwi. Dito na lang ako sa sementeryo.”
Mapait na napailing si Yaya Lourdes. “Gustuhin ko man, Jewel. Kung ako ang tatanungin mo'y mas gusto kong makasama ka. Pero hindi maaari, anak. Kailangan mong bumalik sa villa. Sa Mama mo at kay Vivian.”
“Ngayon pa kung kailan wala na si Papa? At kailanman hindi naman ako nagkaroon ng ina, 'di ba? Ibang tao ang trato sa akin ng aking ina at kapatid.”
“Marami akong gustong sabihin sa iyo, pero hindi pa sa ngayon dahil baka hindi mo maunawaan. Sa tamang panahon, Jewel. Kailangan mong manatili sa poder ng iyong ina gaya ng gusto ng iyong ama. May karapatan ka. Ikaw lang, Jewel. At kailangan mong ipaglaban ang karapatang ‘yon. Pakatandaan mo ‘yan.” Kumalas ito sa kanyang yakap.
“Y-yaya. . .” usal niyang sumisikdo ang dibdib.
“Umuwi ka na, anak.” Nagpahid ito ng mga mata. Yumuko ito at hinawakan ang maleta.
“H-huwag mo akong iwanan, please. . .” Nangunyapit siya sa isang braso nito.
“Magkikita pa tayo, Jewel.” Binaklas ni Yaya Lourdes ang mga kamay niyang mahigpit na nakahawak sa braso nito.
Subalit tuluyan nang naglaho sa kanyang paningin ang butihing tagapag-alaga. Umiiyak na niyakap niya ang picture frame ng yumaong ama.
NANG pumasok si Vivian sa library ay nakatutok sa kanya ang mga mata ng mga naroon.
“Bakit ngayon ka lang?” agad na tanong ni Sonia sa anak.
“Tinapos ko pa kasi ang aking assignment,” sagot ni Vivian at umupo sa isang silya sa tapat ni Atty. Delgado.
“Siya lang ba ang anak ni Cesar Buenavista?” tanong ng abogado kay Sonia.
Nagkatinginan ang mag-ina.
“Yes, Atty. Delgado.” Si Sonia.
Naroon sila sa loob ng library upang pakinggan ang last will and testament ni Cesar.
Tumango ang abogado. Sinimulan na nitong basahin ang huling habilin at testamento ni G. Buenavista.
Si Sonia, pinamanahan ng dalawang milyong piso, isang townhouse unit sa Cavite, dalawang sasakyan at thirty percent share ng Buenavista Construction and Development.
Si Vivian, pinamanahan naman ng isang milyong piso at ang beach resort sa San Juan Laguna.
“Sandali. Bakit ganoon lang ang natanggap naming mag-ina?” pigil ng babae sa abogado. “Kanino napunta ang Villa Buenavista?”
“Hayaan mo akong tapusin ang pagbabasa,” sabi ng abogado. Ngunit biglang nangunot ang noo nito. “Ang sabi mo, isa lang ang anak ninyong mag-asawa?”
Tumango si Sonia bilang tugon. Masama ang loob ng babae dahil sa hindi sapat na manang natanggap mula sa yumaong asawa.
“Sino si Jewel Buenavista?”
“Hindi siya parte ng pamilya,” si Vivian ang mabilis na sumagot. Abala ang dalaga sa kanyang cell phone.
“Gusto ko sana siyang makausap. Nasaan ba siya?”
“Bakit pa? Narito naman kami ng anak ko.”
“Dahil kay Jewel Buenavista nakapangalan ang halos lahat ng pag-aari ng mga Buenavista na nagmula pa sa yumaong mga magulang ni G. Cesar Buenavista.”
“Ano?!” Galit na napahampas sa library table si Sonia. “Hindi maaari!”
“Baka mali ang nabasa mo, Atty. Delgado?” Itinago ni Vivian ang cellphone. “Paano siyang makakasama sa tagapagmana ng aking ama, gayong sampid lang siya sa aming pamilya?”
“Attorney, gusto kong marinig ang mga pamana ng aking asawa sa babaeng ‘yon. Isa lang siyang illegitimate daughter!”
“Ang natitirang mahigit dalawang daang milyong piso sa bangko, aking ipinamana kay Jewel Buenavista. Ang villa, maging ang tatlong kotse at alahas na galing sa yumao kong kapatid sa safe-deposit box sa isang bangko. Bukod sa mga ito, may condo unit pa at ilang lupain sa Baguio at Tagaytay. At sa oras na ako'y mamatay, gusto kong si G. Carlo Burgos ang maging Director ng aming kumpanya. For the past twenty three years, malaki ang tiwala sa kanya ng aking ama kaya siya ang ginawang kanang-kamay nito. At kapag sumapit sa edad na trenta si Jewel Buenavista, sa kanya ko iiwan ang pamamahala ng kumpanya.”
Parehong napamaang ang mag-ina sa narinig. Wala silang ideyang maraming nililihim na pag-aari si Cesar. Dumilim ang anyo ni Sonia pagkatapos basahin ng abogado ang testamento.
“Attorney, posible bang baguhin ang nakasaad sa testamento?”
Napatingin kay Sonia ang abogado at umiling. Tumayo ang lalaki. “Babalik ako. Sana sa pagbabalik ko'y makausap ko ang isa pang anak ni G. Buenavista.”
Si Vivian ang naghatid kay Atty. Delgado hanggang sa kotse nito. Pagkaalis ng abogado, muling pumanhik sa ikalawang palapag ang dalaga. Binalikan nito sa library ang ina na nagngingitngit ang kalooban.