"Maraming salamat po sa pagkupkop ninyo sa akin, Mommy, Daddy. Pangako ko po na babalik ako oras na magtagumpay na ako sa mga plano ko." naluluhang paalam ko sa pangalawang magulang na kinilala at minahal ko simula ng maulila ako ilang taon na ang nakararaan.
"Ako ay kinakabahan talaga riyan sa plano mo, Isabelle anak. Hindi ba maaaring ipagpasa-Diyos mo na lamang iyan?" mangiyak-ngiyak rin namang tanong ni Mommy habang si Daddy naman ay nakamasid lamang sa amin ngunit alam ko na suportado niya ako sa lahat ng mga plano ko.
"Napag-usapan na po natin ito 'di ba? Huwag po kayong mag-alala dahil mag-iingat po ako doon." nakangiti ngunit may bahid ng luha na sabi ko.
"Huwag kang magdadalawang isip na bumalik dito, anak oras na ikaw ay magipit o mangailangan."
"Bukas ang mga bisig na tatanggapin ka namin, hija." dagdag ng kanyang tinuring na ama.
"Maraming salamat po ulit sa lahat-lahat, Mommy, Daddy. Salamat po sa pagmamahal at pag-aalaga ninyo sa mga panahong pakiramdam ko ay nag-iisa ako at wala ng pag-asa pa."
"Mahal ka namin, Isabelle." niyakap siya ng kanyang Mommy.
Masakit man, malungkot man ay nagawa pa ring hilahin ni Isabelle ang kanyang maleta at bago tuluyang lumabas ng tarangkahan ay isang sulyap ang ibinigay niya sa mag-asawa.
Ngumiti siya sa mga ito kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha.
At nang tuluyan na nga siyang makalabas ng gate ay hindi na siya muling lumingon pa.
Sumakay siya ng bus papunta sa probinsya kung saan naroroon ang Hacienda Castilleja. Pagkababa niya sa bus ay umarkila pa siya ng tricycle para marating ang nasabing lugar. Hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon na pagmasdan ang malaking pagbabago sa lupang sinilangan niya.
"Narito na tayo, hija." pukaw sa kanya ng driver.
Agad niyang iniabot sa may edad nang lalaki ang kanyang bayad, sinobrahan pa niya iyon dahil pansin niya kanina ang hirap nito sa pagmamaneho lalo na sa tuwing nasa baku-bakong daan sila.
"Keep the change po, Manong."
"Salamat, hija."
"Wala pong anuman." akmang hihilahin na ulit ng dalaga ang kanyang maleta ng biglang magtanong ang matanda.
"Magtatrabaho ka riyan, hija?"
Saglit na napaisip si Isabelle kung sasabihin dito ang totoo.
"Opo, ako po ang bagong nurse ng Don."
Napatango ang matanda sa naging sagot niya.
Bigla ay kinabahan tuloy siya sa nakikitang kaseryosohan ng matanda.
"Mag-iingat ka sa lalaking nagngangalang Albert, hija." sabi nito sa kanya.
"B-bakit naman po?" tanong niya rito.
"May pagka manyakis kasi iyon, diyan namamasukan ang pamangkin ko noon pero hindi rin nagtagal dahil biglang umalis dahil sa taong iyon."
"Salamat po sa paalala, mauna na po ako." paalam niya sa matandang driver.
Hindi na nagulat si Isabelle sa sinabing iyon ng matanda. Kilala niya si Albert, kilalang-kilala.
Agad na nag doorbell si Isabelle sa malaking kulay gintong gate ng Hacienda Castilleja. Pinagbuksan naman siya ng guard.
"Anong pakay mo rito, Miss?"
"Ako po ang bagong nurse ng Don." hinagod siya ng guard mula ulo hanggang paa sabay napailing.
"Pasok ka. Tatawagan ko muna ang mayordoma para masamahan ka papunta sa mansion."
Tango na lang ang isinagot ni Isabelle, pinaupo siya ng guwardiya sa isang silya habang tinatawagan nito ang nasabing mayordoma.
"Okay na, Miss. Hintayin mo na lang ang pagdating niya kasama ang driver."
"Salamat po, Manong." nakangiti niyang sagot sa guwardiya.
Muling umiling ang lalaki sabay buntong hininga.
"May problema po ba?" hindi napigilan ni Isabelle ang sarili na magtanong.
"Alam mo ba na hindi ko na mabilang kung pang ilan ka sa mga nurse na pumasok dito sa Hacienda?"
"Ano pong ibig ninyong sabihin?"
"Mag-iingat ka sa mansion, Miss. Manyakis kasi iyong anak ni Don Alfonso, sa tuwing may bagong nurse ang ama niya ay pinapakialaman niya kapag tulog na ang mga tao sa gabi." agad kinilabutan si Isabelle sa narinig, iniisip pa lamang niya na dadampi ang balat ni Albert sa kanya ay tumatayo na ang mga balahibo niya sa katawan.
"Huwag po kayong mag-alala, Manong kayang-kaya ko po ang sarili ko."
"Ganyan rin ang madalas kong marinig sa iba." umiiling na sabi ng guwardiya.
Nagtagis ang bagang ni Isabelle. Sa puso niya ay naguumpisa na ang pagniningas ng galit kay Albert na siyang may kagagawan sa pagkamatay ng kanyang totoong mga magulang.
'Magbabayad ka Albert Castilleja!' sigaw ni Isabelle sa isip niya.
Ilang minuto pa ang lumipas bago dumating ang mayordoma kasama ang driver.
"Ikaw na ba si Isabelle Sandoval?" tanong ng may katandaan na ring ginang.
"Ako nga po."
"Tara na, hinihintay ka na ni Don Alfonso."
Tinulungan siya ng driver na isakay sa sasakyan ang kanyang may kalakihang maleta pagkatapos ay sumakay na rin sila ng mayordoma sa likod.
"Ilang taon ka na, hija?" agad na tanong sa kanya ng ginang nang magsimulang umandar ang kanilang sinasakyan.
"22-anyos po."
"Batang-bata pa at napakaganda."
"Hindi naman po."
"Hindi ka riyan, kahit nga simple lang ang kasuotan mo ay naghuhumiyaw pa rin ang iyong kagandahan."
"Ano pong pangalan ninyo, Manang?" pag-iiba ni Isabelle sa usapan.
"Martha, tawagin mo akong nanay Martha, iyon ang tawag nila sa akin."
"Sige po nanay Martha."
"Huwag kang masyadong lalapit kay Sir Albert, ha?"
"Po? Bakit naman po?" kunwari ay patay malisyang tanong ng dalaga.
"Basta't huwag. Narito kami ng asawa kong si Esteban na isa sa mga driver ng pamilya Castilleja. Magsabi ka lang sa amin kapag may hindi magandang nangyari sa iyo sa loob ng mansion."
"Kinakabahan naman po ako."
"Lakasan mo lang ang loob mo."
"Kay gandang bata pa naman." papuri nh asawa nitong si Mang Esteban.
"Siya nga. Siguradong magkakainteres sa iyo si Sir Albert."
Pero sa isip ni Isabelle ay may isa siyang higit na kinatatakutan, paano kapag nakilala siya ni Albert? Paano kapag nalaman nito na siya si Isabelle Perez na ngayon ay Isabelle Sandoval na dahil dala-dala niya ang apelyido ng mga kumupkop sa kanya?
Anong gagawin niya? Baka masira lahat ng plano niya na matagal niyang pinaghandaan!
Bumuntong hininga ang dalaga at itinuon ang paningin sa malawak na taniman sa kaliwa at kanan na bahagi ng kanilang dinaraanan, wala yatang katapusan ang mga taniman na iyon ng pinya, tabako, tubo, mais, niyog, mangga at iba pang yamang lupa.
NAPALUNOK si Isabelle habang tinatanaw ang kabuuan ng mansion.
Halos manginig ang kanyang mga tuhod sa labis na kaba habang tinatahak ang hagdan paakyat sa entrada ng mansion kung saan naghihintay na ang mga nakapila at unipormadong mga manggagawa sa loob pa lamang ng mansion, iba pa iyong mga tauhan sa taniman.
Mahigit sampu ang mga kasambahay, hindi mabilang sa daliri na mga de-baril na tauhan, naroon din ang hardinero, kusinero, at iba pang hindi ko mawari kung anong trabaho.
Sa gitna ay naroon si Don Alfonso at ang may bahay nitong si Doña Aurora na kapwa na naka wheel chair. Hinanap ng mata niya si Albert pero tila wala doon ang lalaki. Sa hindi mawaring dahilan ay nakahinga ng maluwag si Isabelle.
Matagal na niyang pinaghandaan ang muli nilang pagkikita ni Albert pero hindi niya inaasahan ngayon na parang hindi pa rin siya handa para doon.