Chapter 06

1633 Words
ELISSA TULAD ng ipinag-uutos ni Xavier ay umakyat nga ako sa hagdan kung saan siya tumuloy kanina. Sinigurado ko muna na busog ako, nangialam ako sa kusina at nagtimpla ng kape ko. Wala ngang tao roon maliban sa aming dalawa. Wala ni isa sa mga katulong, wala rin ang Joaquin. Kaya naman habang umaakyat ako ng hagdan ay hindi ko maiwasang kuyugin ng kabog sa dibdib. Ano kayang ipagagawa ni Xavier sa akin sa taas? Napakalaki ng mansyong iyon. Dalawang palapag lang ngunit parang mall sa haba. Nga lang ay halatang may katandaan na dahil halatang mga antigo na ang mga gamit. Pagkaakyat ko sa taas ay luminga-linga ako sa paligid. May panibagong living area roon, may malawak na pasilyo. Naglakad-lakad ako sandali. Parang haunted house na iyon sa sobrang tahimik ang paligid. May naraanan akong kabi-kabilaang kuwarto. Natutukso man akong pihitin bawat seradura ng pinto ay pinipigilan ko ang sarili. Baka mahuli ako ni Xavier at iba naman ang isipin. Baka sabihin ay pagnanakawan ko naman sila. Tatatlo lang ang katulong doon at ang isa ay may katandaan pa kaya naiintindihan ko kung bakit may nakikita ako alikabok sa mga gilid-gilid. Mahirap i-maintain ang ganitong kalaking bahay, tapos ay mukhang ngayon lang yata natirahan ng amo. Siguro pamana ito sa pamilya ni Xavier mula pa sa kanunu-nunuan nila. Alam kong hindi ito ang tunay nilang tahanan, well obvious naman dahil wala rito ang kaniyang mga magulang o mga kapatid kung ilan man iyon. Mukhang naparito lamang siya upang magbakasyon. O dahil sa akin. "Dito!" Napaigtad na naman ako nang marinig ang boses ni Xavier galing sa aking likuran. Nakatiim na naman ang bagang na nakamasid siya sa akin. Mukhang galing siya sa isang pinto na nalagpasan ko kanina. Kahit naiilang ako ay nagawa ko siyang harapin at tanungin. "A-Ano'ng ipagagawa mo?" Hindi naman niya siguro pinagnanasaan ang katawan ko. Well, eh ano'ng laban ko sa ex-bride niya? Maputi rin iyon at makinis. Maganda. Kung pagdidikitin kaming dalawa ay hindi kami bagay, 'no. Mukha lang akong muchacha niya. Ni mas makinis ang balat niya sa akin, mas mabango siyang titigan. Hindi ang kagaya ko ang pagtutuunan niya ng pansin. Malibang dahil galit siya sa akin. May itinuro siyang isang malaking cabinet. "Nandiyan ang mga gagamitin mo. Simulan mo na ang mga dapat mong gawin. Hindi libre ang mga pagkaing kakainin mo rito kaya papalitan mo ng serbisyo." Mga gamit sa panglinis ang mga laman niyon. Alumpuhit pa ako kung alin ang unang dadamputin doon. So aalilain niya ako kapalit ng ginawa ko sa kaniya? Kapilit ng pagkain at marahil pati ng 'pagtira' ko roon? Pero sana naman hindi na niya ako sa kulungan ng mga aso na patulugin. Kaunti na lang ay parang bibigay na ang katawan ko. Hirap na hirap din ako roon lalo sa gabi. Hindi ako makatulog sa pangambang maabot ng mga aso. Hindi rin ako makapagbanyo kapag kinakailangan dahil disoras ng gabi ay sino ang magbubukas ng pinto sa akin? Kinuha ko muna ang walis at dustpan. "Para sabihin ko sa 'yo, hindi lang pagwawalis ang gagawin mo rito. You will scrub everything your eyes can see. Pati mga bintana at dingding, ang kisame. Pati ang baba ay idadamay mo rin," nakasimangot pang saad niya sa akin. Baka kaya wala na ang mga katulong. Pinaalis niya? Ako rin ba ang magluluto? Pero paano kapag naubusan na ng suplay. Ako rin ba ang bibili? Sa lawak ng mansyong ito, baka bukas pa ako matapos sa paglilinis. Pero naisip ko, sa kabilang banda, maigi na rin kung ito ang magiging 'punishment' niya sa akin. Kaysa saktan niya ako --- wala sa hitsura niyang nananakit ng babae. Noong una, takot na takot ako. Akala ko talaga ay bubugbugin niya ako, pahihirapan tulad ng mga ginagawa sa mga kini-kidnap sa tv. Siguro kasi hindi naman ganoon kakitid ang utak niya. Naisip niya rin siguro na kahit bugbugin niya ako ay wala siyang mapapala sa akin. Alam niyang accomplice lang ako but not the mastermind. Ngunit sana naman ay makita na ng Joaquin ang matandang itinuturo kong nag-utos nito sa akin. Nang makalaya at uwi na rin ako sa amin. Tiyak na hinihintay na nila nanay at tatay ang pagtawag ko. Alam nilang pauwi na rin ako "Okay," mahinang tugon ko. Parang wala sa sarili. Iniisip ko kung paano sisimulan ang gagawing paglilinis. Hindi pa rin siya umaalis sa kinatatayuan niya kaya napaangat ako ng tingin. May sasabihin pa kaya siya? Ngunit nang magtama ang mga mata namin ay tumalikod na siya. . . . . . "NAKU! Ano ang ginagawa mo, iha?" Natigil ako sa pagpupunas ng bintana nang marinig ang boses ni Manang. Bahagya pa akong nagulat nang makita ito, sabay napangiti. Akala ko ay ako na lang talaga at si Xavier ang matitira sa bahay na 'yon. Umalis lang pala ito at nagbalik din? "Inutusan ho ako ni Xavier na maglinis," sabi ko sabay lapit dito. "Saan kayo galing, Manang Ines?" "Pumunta kami ng bayan nina Huling para mag-grocery. Huwag mo nang tapusin 'yan, iha. Si Mona ang nakatoka riyan. Doon ka na lang sa baba. Tumulong ka na lang sa akin magluto kung gusto mo..." Gusto ko sanang sumang-ayon na lang sa matanda ngunit nangangamba ako na baka kapag nalaman ni Xavier ay magalit iyon sa akin. "Inutusan talaga ako ni Xavier na maglinis, Manang. Kaya maglilinis lang ako rito." Kahit ba parang nahihilo na ako sa pagod. Marami pa akong kailangang linisin. Kasama ang mga silid sa lilinisan ko. Mabuti't patapos na ako rito sa labas at iyong unang kuwartong makikita pag-akyat sa hagdan ang sunod kong lilinisin. "S-Sige..." alanganing tugon ng matanda. "Kapag nakaluto na ng pananghalian ay tatawagin na lang kita. Nakapag-almusal ka ba, iha?" Tumango ako. "Nagtinapay at kape ako kanina, Manang." Nang bumaba na ito ay ipinagpatuloy ko na ang ginagawa. Basahang nilabhan sa sabon ang ginagamit kong pamunas. Nang mapunasan ang huling bintana ay nag-inat-inat ako saglit. "Marumi pa 'to." Napalingon ako sa kabilang bintana kung saan ko nakita ang nakatayong si Xavier. Pinupunas-punasan niya ng kamay ang mga salaming napunansan ko na. Sinisipat niyang maigi ang bawat sulok ng haligi ng bintana. Pagkuwa'y dismayadong mapapabuga ng hangin. "Bilisan mo't lahat ng kurtina rito ay papalitan mo rin at lalabhan. Lahat ng kuwarto, papalitan mo ng bedsheet. Ang sabi ko, hindi ba, ii-scrub mo pati ang mga dingding. Ayokong may matitirang alikabok. Bilisan mo ang kilos mo at marami ka pang gagawin." "O-Oho, Sir." At bigla na lang akong napatawag sa kaniya ng "Sir". Siguro sa ganoong paraan ko na lang siya ituturing para mawaglit sa isip ko na nakakulong nga pala ako sa lugar na 'yon. Inulit ko ang pagpupunas ng bintana at pati ang mga dingding ay pinunasan ko na rin. Kumuha ako ng bangko para maabot ang sabitan ng mga kurtina upang matanggal ang mga iyon. Then inipon ko lahat sa isang tabi. Pagkuwa'y ang mga silid naman ang aking pinasok. Hindi ko tiyak kung kani-kaninong kuwarto ang mga iyon ngunit lahat ay pawang mga malalaki. Merong silid na nakatakip ng mga puting tela ang mga gamit. Marahil matagal nang walang umookopa ng silid na iyon. Winalisan ko lang at i-mi-in-op ang sahig. Pagkuwa'y kinuha ang bedsheet at pinalitan. Pasalamat ako't hindi ganoon karurumi ang silid. Mukhang alaga naman sa linis. Magtatanghali na nang bumaba akong muli. Nakahagip ako ng hamper at doon inilagay ang mga maruruming kurtina at bedsheet. "Makapagbabakasyon na kayo Ate Mona, Manang Huling." Patungo na sana ako sa parte ng kusina para magtanong sa mga kasama kung saan ang laundry area. Ngunit natigilan ako nang marinig ang boses ni Xavier. "Senorito, sigurado kayo? Mga isang buwan ho ang hihingin namin," alanganing tugon ni Ate Mona. "Halos kalahating dekada na akong hindi nakakauwi sa amin, Senorito..." naulinigan ko ang maluha-luhang boses ni Manang Huling at hindi ko maiwasang hindi maging emosyonal din doon. Kalahataing dekada. Five years? Natiis nito ang ganoong katagal na mawalay sa pamilya? Daig pa nito ang OFW. "Kaya nga ngayon, makakapagbakasyon kayo. Pero kung hindi na kayo babalik, ayos lang naman. Basta tatawagan ninyo ako. Bukas ng umaga, ipapasundo ko kayo sa chopper para mabilis ang maging biyahe n'yo pa-Manila." Mabait at malumanay kung ang boses ni Xavier habang kausap ang mga katulong. Bagay na nagpabuhay na naman sa aking konsenya. Alam kong isa nga siyang mabuting tao. Pero sino naman ang tarantadong iyon na bigla na lang nagpasabotahe sa kaniyang kasal? May kaaway kaya siya? Sa hitsura niyang iyon ay mukhang wala naman. "E-Eh, Senorito, paano si Manang Ines? Siya na lang ang matitira rito?" "Naku! Huwag mo akong alalahanin, Mona. Dito na ako tumanda. Baka dito na rin ako mamatay. Parang ito na ang nagsilbing tahanan ko. Wala naman akong anak. Matagal na akong biyuda. Ang mga kapatid ko at magulang, tiyak wala na rin. Masaya na ako rito sa mansyon. Gusto ko ng tahimik. Lahat naman ng kailangan ko ay naririto na. Hindi ko na rin kailangan magbakasyon." Hindi ko maiwasang maawa sa matanda. Sa sobrang dedikasyon nito na manilbihan dito ay hindi na nito marahil na-enjoy ang buhay. Matanda na ito. Kung baga, nasa dapit-hapon na ng buhay. "Ang laki-laki nitong mansyon, Senorito. Sino ang makakatulong ni Manang Ines magmintina rito?" "Huwag kayong mag-alala. Ano'ng silbi ng isang 'yan?" Napadako ang tingin nila sa akin. Napilitan na rin kasi akong bumaba ng hagdan dahil nangangalay na ako sa aking bitbit. Nakatayo ako sa isang gilid at matamang nakikinig. Hindi ko nga lang sukat akalain na makikita agad ako ni Xavier. Alanganing tango at ngiti lang ang iginawad sa akin nina Manang Huling at Ate Mona. Hindi nagkomento ang mga ito. Muling nagsalita si Xavier. "Huwag na kayong gumawa ngayong araw. Hayaan n'yong masanay sa gawain ang bagong katulong. Pakituruan na lang para hindi naman mahirapan sa pag-a-adjust si Manang Ines."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD