Carlos POV
Ilang araw at linggo ang dumaan, at halos wala talaga kaming tulog sa ginagawa namin. Halos hindi na kami umuuwi sa bahay namin sa sobrang busy ng trabaho. Mabuti na lang at unti-unti na naming naipagdugtong ang lahat ng ebidensya na nakalap namin sa ilang linggong pagtatrabaho para rito.
"Kape muna," anunsyo ni Jenna nang pumasok siya, may dala ng apat na kape sa karton.
"Salamat naman… kanina pa ako nagugutom," reklamo ni Jam saka nauna nang kumuha ng kape niya.
"Santiago!" tawag ni Jenna sa akin.
"Oo, andiyan na," sagot ko habang pinapatay ang laptop ko. Mabuti na lang talaga at umandar na ito kahapon para hindi na ako manghiram kay Jam ng laptop.
Napagdesisyunan naming magpahinga muna ng ilang minuto bago bumalik sa trabaho. Pero bigla kaming nagulat nang hingal na pumasok si Luis, dala ang kanyang laptop.
"Guys, tingnan niyo 'to," sabi niya habang mabilis na kinokonekta ang laptop sa screen. May ipinakita siyang mga litrato ng mga bata, at isa doon ay si Anna.
"Hinanap ko kahapon ang impormasyon sa pamilya ni Anna at nalaman kong matagal na daw itong hindi umuuwi. Anim na taong gulang pa lang ito nang mawala sa kanila," kwento ni Luis. Nagulat ako at agad na inalala ang edad ni Anna ngayon: 26 na siya.
Napatingin ako kay Luis, at mukhang nabasa niya ang iniisip ko. "Dalawampung taon na siyang nawala sa pamilya niya. Ang sabi ng mga magulang niya, nawala daw siya noong nag-aaral pa siya ng elementarya, at hanggang ngayon ay wala nang pag-asa pang bumalik sa kanila. Nalaman ko rin na lahat ng mga babaeng pinatay noon ay nawala rin sa mga pamilya nila 20 taon na ang nakalipas," dugtong niya.
"Anong ibig sabihin nito?" tanong ni Jenna. Kahit ako ay ganoon din ang tanong sa isipan. Bakit sabay-sabay silang nawala noon? Hindi kaya…
"k********g…" nabasa ulit ni Luis ang nasa isip naming lahat.
"Sigurado ka ba?" tanong ni Jam.
"Hindi pa ba halata?" sagot ni Jenna, kaya napatahimik si Jam. "Pero kailangan pa natin ng maraming ebidensya na k********g nga ang nangyari sa kanila," dagdag ni Luis.
Ipinakita sa amin ni Luis lahat ng litrato ng mga biktima, pero nahinto ako sa isang pamilyar na larawan.
"Yan 'yong bata… hindi ba?" tanong sa akin ni Jenna. Tumango ako. "Kausapin mo siya muli, Santiago. Siya lang ang susi natin ngayon sa kasong ito," dugtong niya. Napalunok ako at tumango.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, mas lalo pang sumakit ang ulo ko. Alam ko na hindi iisang kaso lang ang aming hinahawakan. Mula sa r*ped incidents, mga sindikato, at ngayon naman k********g—dugtong-dugtong silang lahat, at sobrang sakit sa ulo na mag-isip tungkol dito.
Kinagabihan, pauwi na ako pero dumaan muna sa night market para bumili ng ilang bagay na ilalagay ko sa refrigerator. Napansin ko ang isang batang nagtatago sa basurahan. Nilapitan ko siya at agad na nagulat nang makilala ito.
"Mina?" tanong ko nang gulat. Magsasalita na sana siya, pero may dumaang sasakyan at mabilis itong nagtago ulit. Ilang sandali lang at tinitingnan niya kung andoon pa ang sasakyan.
"Anong problema? At… anong ginagawa mo rito sa labas ng ganitong oras?" tanong ko.
"Tulungan niyo po ako… hinahabol nila ako," umiiyak niyang sabi. Kaagad ko siyang itinayo at humanap ng mauupuan. Pumasok kami sa isang coffee shop at binilhan ko siya ng makakain.
"Ano bang nangyari?" tanong ko kalaunan. Pero tumingin lang siya sa akin at bumalik sa kinakain niyang cake. Napahinga na lang ako ng malalim. "Bakit ka hinahabol? Sino ang humahabol sa'yo?" tanong ko ulit, pero hindi siya sumagot.
Minabuti ko na lang tapusin niya muna ang kinakain bago ulit siya tanungin.
"Pwede mo na ba akong kausapin?" tanong ko. Tumingin siya sa akin pero hindi nagsalita.
"Mina… kakampi mo ako dito. Kung gusto mong tulungan kita… kailangan mong sabihin sa akin ang problema," dugtong ko. Pero wala pa rin siyang imik. Napahinga ulit ako ng malalim. Mabuti na lang at malaki ang coffee shop at nasa pinaka-dulo kami, kaya wala rin halos tao na makakakita.
"Mina… kilala mo si Ate Anna, diba?" tanong ko. At mukha ngang naagaw ko ang atensyon niya. Umangat ang tingin niya sa akin.
"Alam mo na ba ang nangyari sa kanya?" tanong ko pa. Bumaba na naman ang tingin niya. "Mina… kailangan ko ng tulong mo," sabi ko, at nakita ko naman sa mga mata niya ang takot at pag-aalinlangan.
"Mina. Nakikiusap ako sa’yo. Kailangan mo kaming tulungan," pakiusap ko. Naging mailap ulit ang tingin niya.
"Ibalik niyo na po ako," sabi niya. Napahinga ako nang malalim. "Nakikiusap ako sa’yo. Sabihin mo sa amin… kinidnap ka ba ng mga kilala mong magulang ngayon?" tanong ko, at ramdam ko ang laki ng takot niya. Doon ko na seguradong may kakaiba nga dito.
"Wag niyo po silang sasaktan. Wala silang kasalanan," biglang nanginig ang boses niya, sabay tuloy-tuloy na pagtulo ng luha.
"Mina. Sabihin mo lang sa akin lahat. Tutulungan kita, pangako," ani ko. Pero mas lalo lang siyang umiyak.
"Wag niyo po silang kukunin sa akin. Ayoko pong malayo sa kanila," iyak pa niya. Kinuha ko ang panyo ko sa bulsa at pinunasan ang mga luha niya.
"Hindi kita ilalayo sa kanila… Ganito na lang… 'wag ka nang umiyak. Wag na natin pag-usapan… sabihin mo na lang sa akin kung bakit at sino ang humahabol sa’yo para matulungan kita," pag-iba ko ng usapan. Panandalian siyang nanahimik, pero nagsalita rin kalaunan.
"Naglayas ako sa amin…" sagot niya, na ikinagulat ko.
"Ha? Bakit mo naman 'yon ginawa?"
"Kasi… ipapamigay na naman nila ako sa ibang tao… ayoko ng ipamigay ulit. Gusto ko kay Mama lang," sabi niya, sabay iyak.
"Ipapamigay? Anong ibig mong sabihin?" tanong ko. Nag-aalangan pa siyang sumagot, pero nagsalita rin naman.
"Kasi… bibilhin daw ako ng mamang matanda. Kaya kailangan ko daw sumama sa kanila."
"Ano? Bibilhin?" takang tanong ko.
Tumingin ang nagluluha niyang mga mata sa akin. "Kuyang pulis… tulungan niyo po ako. Ayoko pong sumama sa mamang matandang yun," pakiusap niya. Hinawakan ko ang mga kamay niya para iparamdam na kakampi niya ako.
"Mina… gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan ka… pero kailangan mo rin akong tulungan. Nagkakaintindihan ba tayo?" tanong ko. Ilang segundo siyang tumitig bago tumango.