Sa Pananaw ni Ayesha
"Nandito na tayo sa history ng Egypt, ang Mga kaharian sa sinaunang Egypt to be exact," pambungad ng tour guide namin. Ayos lang naman ang paglalakbay, subalit nakakabagot nga lang nang kaunti dahil kasaysayan ang topic. "Ang lumang kaharian ay pinamunuan ni Haring Menes, ang nagbuklod sa Lower at Upper Egypt, ang nagtatag ng kabisera, ang Memphis," paliwanag nito.
Tango nalang kami ng tango kahit ayaw naman namin pakinggan. Nakakatamad lang talaga pakinggan lalo na kung parang tamad din magsalita 'yung tour guide.
"Ang Gitnang Kaharian naman ay ang pag-usbong ng irigasyon at kanal. Ang pagusbong ng kalakalan," pagpapatuloy nito. "At ang bagong kaharian, ang pag-yabong ng sining, at ang pamumuno ng Hatshepsut, ang kauna-unahang babaeng pinuno sa kasaysayan ng mundo. Dineklara niya ang sarili niya bilang Paraon," aniya.
Babaeng Pinuno? Geez. Cool.
"Dumako naman tayo sa mga Pinuno ng Pilipinas na naging tanyag sa pakikipaglaban sa mga kastila." Naglakad kami papunta sa kabilang bahagi ng museo. Madaming mga frame doon na may pinta ng mga tao. "Ito si Bonifacio. Alam kong lahat naman sainyo kilala siya, tama? Siya ang katipunerong lumaban sa mga kastila," paliwanag ng tour guide. "Ito naman si Juanita Jasmin Hernandez, ang kauna-unahang babaeng lumaban sa mga kastila. Walang nakakakilala sa kaniya dahil ipinagbawal ito ng mga kastila. Ang tagapag-tatag ng MMM o Matatag at Matibay na Mamamayan."
Teka! Juanita! Juanita? Pamilyar 'yung pangalan niya. Saan ko nga ba narinig 'yon? Oo! Tama nga! Narinig ko na ang pangalan na 'yun dahil ang babaeng 'yon ang nasa panaginip ko. Pero paano? Paano niya ako nakilala? E hindi ko nga siya kilala? Wait, don't tell me minumulto ako ni Juanita? Hindi ko siya kilala. Naku naman! Bakit ba kasi madali akong sundan ng mga mumu?
Sa buong trip namin sa loob ng Museum ay nakatulala na lang ako at tango na lamang nang tango. Pero sa totoo lang, may naiiwang mga tanong sa utak ko: Sino si Juanita? Bakit nasa panaginip ko siya? Paano niya ako napuntahan sa panaginip e gayong hindi ko nga siya kilala?
———
"Kakain muna tayo sa isang sikat na restawrang malapit dito, tara!" Sabi ng tour guide namin bago umandar ang sasakyan. Tumingin lang ako sa labas ng bintana. Nag-mumuni muni sa kung ano-anong iniisip ko. Si Juanita Jasmin, hindi ko siya kilala nang mapanaginipan ko siya, pero paano siya napunta. . . sa panaginip ko?
Hay! Baka naman mamaya ang daming nag-halo halong mukha sa utak ko kaya siguro nabuo ang mukha ni Juanita. Pero sa panaginip ko nagpakilala siya—ARGH! Huminto agad ang bus tsaka kami bumaba. Nakakainis lang na parang nawalan ako ng gana kumain dahil nga sa Juanita na 'yon.
"Ito ang Càsa de Restanto. Ang restawran na ito ay ginawa noong taong 1978. Tara, pasok na," sabi ng tour guide. In fairness lang ah, kahit kainan lang ay alam niya ang kasaysayan. Baka naman mamaya pati kung ano dati 'tong kinatatayuan namin ay alam din niya? Sobrang galing lang kasi eh. Makapag-tourism nga.
Pagpasok namin sa loob ay bumungad ang makaluma ngunit magandang disenyo ng restawran na ito. Ang tema ng kulay ay kahel na may pagka-kayumanggi. Ang kulay ng ilaw, hindi gaanong matingkad at hindi nakakasilaw. Umupo kami sa mga bakanteng upuan, o ang sinabi ng mga guro na 'Reserved Seats'. Binigyan kami ng tig-iisang menu. At dahil nga sa wala akong ganang kumain, pumili nalang ako ng light meal. Baka kasi mamaya magutom ako. Humanap ako ng Orasan, na sa kabutihang palad ay meron. 10:46 am, basa nito. Mukhang tanghalian na namin 'to. Chill lang naman ang biyahe. Lalo na't kung hindi lang talaga kami pumunta sa museo na 'yon. Sino ba kasi si Juanita? Bakit parang ang weird ng nararamdaman ko?
"Students!" Tawag ng tour guide naming pumapalakpak upang makakalap ng atensyon. Siguro may bago na naman 'tong sasabihin. "Bago tayo kumain, dagdag kaalaman lamang. . ." nagsimula nang maghain ang mga waiter; 'yung iba madami sigurong in-order kaya hindi pa sila nahainan. Buti nalang pala talaga at light meal lang ang in-order ko kaya nakuha ko na ang akin. Susubo na sana ako nang mag-salita pang muli ang tour guide. ". . .Ang nagpatayo ng Càsa de Restanto ay ang Pamilya Javier. Sa panahon natin ngayon, tatlong Javier na lamang sila. Si Thades Javier, Ellaine Javier, at ang kanilang anak na si Diana Javier."
Nasamid ako sa narinig. Tama ba ang narinig ko? Diana Javier? Bwiset na buhay naman 'to oh! Nananadya ba talaga sila? Kanina si Juanita Jasmin, ngayon naman si Diana Javier. Hindi ko alam kung ano ang ibig ipahiwatig nito pero, bakit ganito ang nararamdaman ko? Napaka-simpleng problema lang pero tila pinakukomplika ko.
Inhale, Exhale. Dapat talaga panindigan ko ang nabasa ko: na ang panaginip ay maaaring pamithain ng iyong hinaharap. Tama. Baka naman mamaya kaya ko napanaginipan si Juanita at Diana ay dahil makikilala ko sila future. Teka, sinabi ko bang makikilala? Hindi. Ang nais kong ipahiwatig ay, baka sa future ko makikita si Juanita sa Frame, at si Diana ay nakatakdang marinig ko sa tour guide namin. Tama, dapat nga panindigan ko 'yung binasa ko. Dapat—
"Okay! Kainan na!" Sigaw ng tour guide bago sumubo ng pagkain. Tae! Nakakagulat! Kakain lang kelangan talaga sumigaw!? Sakit lang sa ear drums? Hinayaan ko na lamang lumamig ang ulo ko't kumain. Hinayaan ko na din na humupa ang g**o sa utak ko. Kung sino si Juanita at ang Diana na 'yon. Mamaya naman mawawala na din ito.
Sana.
———
"Nandito tayo sa pinangyarihan ng sinasabing paglaho ng Anak ng sikat na Pamilya Javier. Sinasabing nawala si Diana Javier dito mismo sa likod ng eskwelahan ng mga Javier kung saan siya ay nag-aaral." Nanunuod kami ng balita habang nakaupo. Papauwi na kami galing sa lakbay-aral. Nakasakay parin kami sa bus at nakikinig ang ilan sa balita, kabilang ako. At ang mukha ko? Kunot-noo nanaman nang marinig sa balita ang pangalan ni Diana.
"'Diba 'yun 'yung tinuro ng Tour Guide saatin kanina? 'Yung Pamilya Javier?"
"Oo nga. Ba't kaya nawala si Diana?"
"Baka kidnap for Ransom kasi mayaman ang pamilya niya?"
Madami din palang tsismosang nakasama sa lakbay-aral. Hindi man lang nila naipagbigay-alam sa akin; edi sana hindi na ako sumama. Hay naku.
"MAY MATANDA!" Hindi ko alam kung saan nanggaling ang sigaw na 'yon pero malakas na preno ang narinig ko kasabay ng pag-hinto ng sinasakyan naming bus. Kasabay din nito ang pagtaob ng bus at ang pagka-untog ng ilan salamin...
kabilang na ako.