Chapter 6

3138 Words
NANLALAMIG AT hindi mapakali si Arianne sa kinauupuan habang nilalaro ang nga kamay sa ilalim ng mesa. Malikot din ang kanyang mga mata at hindi makatingin ng diretso kay Artemio na magmula nang maupo sila roon ay nakatingin lang sa kanya. Tila ba naghihintay itong gumawa siya ng mali para masisante siya. Alam niyang kilalang negosyante ang ama nina Daniel at Amber dahil na rin sa kuwento noon ng mga katrabaho sa coffee shop. Bihirang-bihira raw itong magpunta sa shop. Kapag naroon nga raw ay alam nilang may nagawang kasalanan si Daniel. Kasalukuyan silang nasa isang restaurant at silang dalawa lang ang tanging customer. "Gaano na kayo katagal may relasyon ni Daniel?" sa wakas ay nagsalita na si Artemio na bagamat napaka pormal ay kahit papaano ay ikinahinga ng normal ni Arianne. "Yung totoo po niyan, wala talaga kaming relasyon. Pinagkamalan lang po niya akong girlfriend niya kaya—“ "Magkano ang inoffer na bayad sa 'yo ni Daniel para magpanggap na kunwari ay wala siyang maalala?" Napakunot ang noo ni Arianne. "Sir, totoo pong may amnesia ang anak ninyo. Si Ma'am Amber po ang nakiusap sa akin na gawin ang magpanggap para hindi ma-stress—“ "Posibleng pati si Amber ay niloloko ninyong may amnesia si Daniel. Magkano ang binayad niya sa 'yo? Titriplehin ko. Sabihin mo lang ang totoo." Napakurap-kurap siya dito. "Sir, naaksidente po ang anak ninyo. Ako ang kasama niya nang mangyari 'yon. Kahit kausapin niyo pa ang mga doktor niya." "Hindi ba't ikaw ang palaging pinagagalitan ni Daniel sa coffee shop dahil nagsusumbong ka kay Amber ng bawat kilos niya?" "Sir, hindi ko po ginagawa 'yon. Inakala lang ni sir Daniel 'yon." Tila ba napapagod na si Arianne sa issue na 'yon. "Yun din po ang dahilan kung bakit—“ "Hindi ka ba nagtataka kung bakit ikaw ang napagkamalang girlfriend ni Daniel samantalang ayaw niya sa 'yo?" "Hindi ko alam, sir." May diin na ang pagsasalita niya. May inilabas ito mula sa suot na suit. Isang pen at checkbook. May isinulat ito doon at pagkatapos ay pinunit at ibinigay sa kanya. "Sapat na siguro 'to. Isulat mo na lang ang pangalan mo diyan." wika nito. Nagtataka man ay kinuha niya iyon at binasa. Two million pesos. "Gusto kong iwan mo na si Daniel. Kasama siya ngayon ni Amber at nagpunta sila sa Doktor niya. Ako nang bahala ang magsabi sa kanya na umalis ka na. Maghanap ka na lang ng ibang trabaho mo. Lumayo ka." Napasinghal si Arianne. Hindi siya makapaniwala sa naririnig. "Alam kong kailangan mo ng pera para matubos ang bahay at lupa niyo, hindi ba? Nasabi sa akin ni Amber na 'yun ang hiningi mong kapalit sa pagpapanggap mo. I don't care kung totoo o hindi na may amnesia si Daniel. Iwan mo na siya." Unti-unti niyang naikuyom ang mga kamao hanggang sa malukot ang hawak na tseke. "So, kulang pa 'yan? Magkano ba ang kailangan mo para lumayo ka na?" sa pananalita nito ay tila ba wala itong pakiramdam. Nakadama siya ng matinding poot sa kausap. Hindi na siya nag-isip kaya naman tumayo siya at pinagpupunit niya ang papel na hawak sa harap nito. "Hindi ko ho kailangan ng pera ninyo! Oo, kailangan kong matubos ang titulo ng lupa ng nanay ko pero paghihirapan ko 'yon!" Sarcastic itong ngumiti. "Paghihirapan? You are now living a comfortable life with my son. Doon ka na nakatira sa bahay niya, hindi ba? You are seducing him. And later on, mabubuntis ka." Lumipad ang nag-iinit niyang mga palad sa pisngi nito. Hindi na talaga siya nakapagtimpi pa. Nagitla naman ang ginoo sa ginawa niya. "Mahirap lang ako, sir, tanggap ko 'yon. Pero kahit kailan, kahit minsan ay hindi ko hinangad na gamitin ang katawan ko para lang umangat sa buhay. Concern ako sa kalagayan ng anak ninyo. Pero ikaw na sarili niyang ama wala kang pakialam! Ni wala ka nga nung nasa ospital siya! Hindi mo ba naisip na baka ikamatay niya ang aksidenteng 'yon?" Napaiyak na siya sa tindi ng emosyon. "Puwede ninyo ako sabihang iwan ko si Daniel sa maayos na paraan. Hindi ninyo ako kailangan insultuhin at gamitan ng pera!" Pagkasabi ng mga iyon ay mabilis siyang iniwan ito. Naginginig ang kalamnan niya at hindi niya mapigilan ang mga luhang pumapatak sa mga mata. Dire-diretso ang paglakad niya palayo sa lugar na iyon.   Narinig niya ang boses ng isang lalake na tinatawag siya ngunit hindi niya ito nililingon. Wala siyang ibang gustong gawin ngayon kundi ang puntahan ang kanyang ina para doon umiyak. "Aya!" may humawak sa braso niya at napagilan siya. Napaharap siya rito at nang makitang si Jerome iyon ay bigla niya itong niyakap. "Ang sama niya, Jerome!" sumbong niya. "Napakasama niya!"     "THANK YOU po, Doc. Babalik na lang kami kapag nagkaeoon ng problema." wika ni Amber. "Basta iwas lang sa stress, Daniel." Bilin ng doktor. Nakangiting tumango lang si Daniel. Nauna na rin siyang lumabas ng office nito dahil gustong-gusto na niyang makabalik sa coffee shop dahil hindi niya nagawang magpaalam kay Arianne kanina bago siya umalis. Bigla na lang kasi siyang sinundo ng kapatid at nagmamadali ito dahil nga raw may appointment sila ngayon sa doktor niya. "Hizon, ikaw na ang bahala kay Daniel. Kailangan ko nang bumalik sa office, eh." Bilin ni Amber nang nasa may parking na sila. "Dens, ah, behave lang. Huwag mong puwersahing makaalala ka dahil baka mas mapasama pa." "Inulit mo lang ang sinabi ni doc, eh." Natatawa siya sa kapatid. "Baka kasi nakalimutan mo. Oh, siya, mauna na ako, bye. ingat kayo." at sumakay na ito sa kotse nito. Sumakay na rin sila ni Hizon sa kotse niya at umalis. "Daan muna tayo sa flower shop, ah. Baka magtampo ang girlfriend ko, eh. Baka kanina pa ako hinahanap. "No problem sir." sagot ni Hizon. Sa di kalayuan mula sa clinic ay may nakita na silang isang flower shop. Bababa na sana si Daniel nang matanaw niya ang isang babaeng nasa loob ng shop at abala sa pag-aayos ng mga bulaklak. Pamilyar ito sa kanya at pakiwari niya ay kilala niya 'yon. Nag-isip siya kung saan niya ito nakita noon pero dahil nga may amnesia ay tila ba blangko ang kanyang utak. "Ako na ba sir ang bibili?" Tanong ni Hizon. "Ako na lang." Tumuloy na siya sa pagbaba. Bahagyang kumunot ang noo niya nang para bang nakarating na siya sa lugar na iyon. Hanggang sa maglakad siya papasok sa loob. "Good morning po! Welcome to—“ ang babaeng natanaw niya sa labas ang bumati sa kanya ngunit para itong nakakita ng multo nang makita siya. "Good morning. Boquet of--" naputol ang pagsasalita niya nang patakbo itong lumapit sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. "Akala ko hindi na kita makikita pa." umiiyak na wika nito. "I'm sorry, miss, hindi kasi kita kilala." Aniya. "Daniel naman! Miss na miss na kita!" Sa pagkakabitaw ng mga salitang 'yon ay biglang parang may mga pumasok sa kanyang isipan na mga alaala. 'I miss you!’ ‘Mahal kita, sweetheart!’ At may mga ilang eksena na lahat ay nakafast forward. Inalis niya ang mga braso ng dalaga at bahagyang itinulak palayo sa kanya. "Hindi kita kilala, miss. Pasensiya na. Sa iba na lang ako bibili ng bulaklak para sa girlfriend ko." Dali-dali siyang lumabas doon at sumakay sa kotse. Inutos niya kay Hizon na maghanap ng ibang flowershop. Napapahilot siya sa may noo. Bumilis ang t***k ng puso niya. "Sino ba siya? Bakit may naaalala ako sa kanya?" ito ang tanong niya sa sarili.     "HETO, para maging okay ka." sabi ni Jerome kasabay ng pag-abot ng isang large size na milktea kay Arianne. Nakangiti namang kinuha iyon ng dalaga ngunit nanatili ang lungkot sa mukha. Nasa isang park sila ngayon. Gusto niyang kumalma muna bago bumalik sa shop. Naupo si Jerome sa tabi niya. "Pasensiya ka na talaga kay Tito. Hirap lang talaga siya magtiwala sa iba." "Pero hindi 'yun linsensiya para mang insulto siya ng tao." sabi ni Arianne na masamang-masama talaga ang loob. "Hindi sa kinakampihan ko siya, ha, alam kong mali na manghusga siya ng iba nang hindi naman niya talagang kilala. Pero maiintindihan mo siya kapag nalaman mo ang pinanggagalingan niya." Napatingin dito si Arianne. "Huhulaan ko, may babaeng nanloko sa kanya noon at pera lang ang habol sa kanya kaya tingin niya sa lahat ng babae ay mukhang pera, tama?" Alanganing napatango si Jerome. "Tss. Bakit ba ganyan ang takbo ng utak ng mga matatanda? Masyado nilang dinidibdib ang mga karanasan nila noon kaya hindi maka-move on. Alam mo ba ganyan din ang nanay ko. After mabuntis ng tatay ko at iwan kami ay hindi na nag-asawa. Kaya heto ako, ni walang kapatid na kasama." Napainom tuloy siya ng milktea. "Si tito kasi... nagmahal siya ng isang babae noon. Kaya lang nakilala niya si tita Elizabeth, nagbago ang lahat. Sabi ni tita, may ibang lalake raw ang girlfriend noon ni Tito kaya hiniwalayan niya. Tapos nagkaroon sila ng relasyon ni tito at nag mabuntis siya ay nagpakasal sila." "Oh, naging okay naman pala ang love story niya, ah." "Well, yes. Pero hindi nakalimutan ni tito ang first love niya. Siguro minahal niya rin si Tita Elizabeth pero hindi katulad ng sa una. Para nga siyang naiwas palagi kasi palagi siyang nasa trabaho. Naaalala ko never naging present si tito sa mga family gathering namin." "Eh nasaan nga pala ang tita Elizabeth mo?" naitanong niya. "She passed away 5 years ago. Breast cancer." "Oh, sorry." nasambit niya. "Okay lang. Matagal na 'yon. Pero before she died, umamin siya kay tito na pinikot lang niya si tito for business purposes. Those times kasi ay palugi na ang business nila lolo at kailangan nila ang mga Lopez to survive." Napatangu-tango na lang si Arianne. "Sabi nga ni mom, malaki rin ang sacrifice ni Tita sa family namin. By the way, kapatid ng mom ko ang mom ni Daniel. Nakakatuwa lang kay tito Art na after niya malaman ay hindi nag-iba pakikitungo niya sa amin. Mas naging strict nga lang kay Daniel." Sunod-sunod na napahigo ng iniinom si Arianne bago nagsalita. "Kaya ayaw nila sa ex ni Daniel." Tumango ito. "Eh binalikan ba ng daddy ni Daniel ang ex niya na iankala niyang nanloko sa kanya noon?" Umiling ito. "I don't know. Siguro hindi na." Napabuntong hininga si Arianne. "Kung sabagay nga, hindi naman niya ako kilala. Kaya siguro akala niya pera lang ang kailangan ko." "Pero susundin mo ba siya? Iiwan mo nga ba si Daniel?" Hindi siya makasagot. Paano nga ba siya makikipagbreak kay Daniel kung nagiging mas malapit na siya rito? Biglang nagring ang kanyang cellphone. Si Amber ang natawag. "Yes, ma'am?" "Hi. Next week birthday ni Dad, may party siya. I want you to bring Daniel. Hindi kasi siya mahilig sa party kaya sana magawan mo ng paraan na mapapunta siya." "B-birthday ng daddy niyo?" tila nagbubuhol ang dila niya para lang masabi 'yon. "Yes. He asked me to invite you. Aasahan ko kayo ni Dens, ha? 'Yun lang naman. Bye." At naputol na ang linya. Kinabahan si Arianne. Pagkatapos ng nangayari kanina ay gusto ni Mr. Lopez na pumunta siya sa birthday party nito? Para ano? Para mas insultuhin siya? "Bakit kas kailangan umabot sa ganito? Bakit pati ang tatay nila ay pahihirapan ako? Bakit?" Mga tanong ni Arianne sa isip. “Sana kasi bumalik na ang memory ni Daniel nang matapos na ito.” “Are you okay?” tanong ni Jerome. “Sa palagay mo bakit ako ii-invite ng tito mo sa birthday party niya?” Napataas ang dalawang kilay ni Jerome. “He invited you?” “Sabi ni ma’am Amber.” Saglit na nanahimik si Jerome na mas lalong ikinatakot niya. “Two things,” Anito. “First, baka may gawin siyang hindi maganda para layuan mo si Daniel or,” “Or?” “The second one is bsks nagustuhan ka niya kaya iwewelcome ka niya sa family which is also a bad thing kasi kapag bumalik ang memory ni Daniel, siguradong malaking gulo ‘yon. Pero huwag kang mag-alala kasi nandito lang ako palagi sa likod mo.” “Salamat.” Sabi niya ngunit lalo lang namroblema sa mga narinig.     "SWEETHEART!" sinalubong ng yakap ni Daniel si Arianne na kanina pa niya hinihintay makauwi sa bahay. Hindi na siya tumuloy bumalik sa shop at umuwi na lang para magpahinga. Bigla na lang kasi sumakit ang ulo niya nang pag-isipan mabuti kung sino ba ang babaeng nakaengkwentro sa flower shop. Pinasundo na lang niya kay Hizon ang girlfriend at ibinilin sa driver na huwag nang banggitin ang nangyari sa kanya kanina. “Sakto ang dating mo kasi nag-order ako ng pizza. Kakadeliver lang din. Tara, sabay tayong kumain.” Hinawakan niya ito sa kamay at inaya patungo sa kusina. Inusog niya ang silya upang upuan nito ngunit nang aalalayan na niya ay napuna niya ang katamlayan nito. “Masyado ka bang maraming ginawa sa shop ngayon? Gusto mong magpahinga na?” Marahan lang na tumango si Arianne. “Sasabihan ko nga ‘yan si Jerome na huwag kang pagurin. Baka napakarami niyang iniuutos sa ‘yo kapag wala ako roon.” “Hindi naman. Marami lang customer kanina.” Sagot nito. “Ay, teka, bago ka pumasok sa kuwarto mo may ibibigay pala ako sa’yo.” Nagtungo siya sa kaniyang silid at kinuha ang isang paperbag na nakapatong sa kama niya. Mabilis niyang binalikan si Arianne na mukha talagang wala nang energy. “Regalo ko sa ‘yo ‘yan. Sana magustuhan mo.” Siniglahan niya ang pagsasalita sa pagbabakasakaling mahawa ito sa kanya. Hindi naman siya nabigo dahil nakangiti na ito habang kinukuha ang nasa loob ng paper bag. “Wow!” Bulalas nito. “Ginawa mo ‘to?” “Well, pinagawa ko. Pero ako pumili ng designs at sinigurado kong lahat ng happy memories natin ay nandiyan.” Proud na proud talaga siya sa scrapbook na pinagawa niya. “Ahhh… ang sweet mo talaga, sweetheart!” At niyakap siya nito. “Itatago ko ‘to, promise!” “Promise ‘yan, ha?” aniya. Masaya itong tumangu-tango. “Kahit mag-away tayo huwag mong itatapon o siisrain yan, ha?’ “Hangga’t mahal kita, hindi ko ‘to iwawala.” Dinampian niya ng halik ang labi nito. “I love you.” “I love you, too.” Anas nito. “Pahinga ka na. Baka magkasakit ka, eh.” “Parang bigla akong nagutom. Sana bukod sa pizza may ice cream din tayo, ‘no?” “Sige, pero bukas magjo-jogging tayo, ha?” aniya. “Sure!” sagot nito at sinimulan nang kumain. Masaya naman siyang pinagmasdan ito. Ngunit bigla na naman pumasok sa kanyang isipan ang babae sa flower shop kanina. Napailing-iling siya. Kailangan niyang iwaksi sa isipan iyon dahil pakiwari niya ay nagkakasala siya kay Arianne. “Ice cream!” utos nito. “Heto na nga po kukuha na.” tatawa-tawa siyang sumunod dito.   NAPAPAHAWAK sa kanyang kaliwang pisngi si Artemio habang inaalala ang pagsampal sa kanya kanina ng dalaga. Hindi siya makapaniwalang matapos nitong punitin ang tseke ay gagawin nito iyon. Ilan na ba ang naging girlfriend ni Daniel na nabayaran niya para layuan ang anak? Anim. Lahat sila ay masayang tinanggap ang kanyang suhol. Kinabukasan ay nalaman niyang nakipaghiwalay na agad sa anak. Pinakahuli nga itong si Clara. Masyado nga lang minahal ni Daniel kaya hindi mawala-wala sa buhay ng anak. At si Arianne. Saglit siyang natawa sa lakas ng loob nitong pagsabihan siya ng ganon. Kung sino pa ang hindi tunay na nobya ng anak, kung sino pa ang nagpapanggap lang para sa pera ay siya pa itong tumanggi sa alok niya na kung tutuusin ay wala naman kahirap-hirap na iwan na lang basta si Daniel. Hinaltak niya ang drawer at kinuha ang isang kahon. Naroroon ang ilang mga larawang tinatago niya at pinakaiingatan. Ang larawan ng babaeng una niyang minahal. Si Martha. Napasandal siyang mabuti sa kanyang kinauupuan at pinagmasdang mabuti ang magandang mukha nito. "Akala ko ikaw lang ang kayang sumampal sa akin, hindi pala. May tao pa palang hindi marunong matakot sa akin." Pansamantala niyang hinayaan ang sarili na magpadala sa emosyon na nagpapabalik sa kanya sa nakaraan. Nang mga panahong masaya siya kasama si Martha. Ang mga sandaling kailanman ay hindi niya malilimutan. "Nasaan ka na nga ba ngayon, Mahal ko?" "Dad," Biglang bumukas ang pinto ng kanyang opisina at pumasok si Amber. Dali-dali niyang ibinalik sa kahon ang mga picture at itinago sa drawer. "Yes?" "Hindi ka pa ba uuwi? Sabay na tayo. Sa bahay na muna ako matutulog." Anito. "Mauna ka na. May tatapusin lang ako." Pagsisinungaling niya. Saglit siyang pinagmasdan nito bago sabihing "Okay" at iwan siya. Malalim siyang humugot ng hangin at ilang segundo bago iyon pinakawalan. Muli niyang kinuha ang larawan ni Martha at nagpatuloy sa pag-reminisce na sa totoo lang ay gabi-gabi niyang ginagawa magmula pa noon.   NAPABALIKWAS NG BANGON si Daniel at ilang saglit na inalala ang kanyang masamang panaginip bago kumalma. Pawis na pawis siya na parang tumakbo siya ng napakalayo. "Bakit ba ako binabangungot ng ganon? Nakakanerbiyos." Aniya. Tumayo siya at lumabas ng kuwarto para uminom ng tubig sa may kusina. "Kakaisip ko siguro kung paano ko mapapaalis sa shop si Arianne kaya pati sa panaginip nakikita ko siya. Totoong kabaligtaran ang panaginp kaya gano'n. Nakakakilabot talaga." Kinakausap niya ang sarili habang naglalakad. Natawa siya sa sarili. Napakaimposible na maging girlfriend niya si Arianne. Nakakapanindig balahibo na maging malambing siya rito lalo na ang halikan ito. "Over my dead body! Hanggang sa panaginip ay binubwisit mo ako, Aya." Binuksan niya ang refrigerator para sana kumuha ng maiinom nang mahagip ng kanyang mata ang papel na nakaipit sa magnet ng refrigerator. Dahan-dahan niya itong isinara at kinakabahan na binasa kung ano ang nakasulat doon. 'I promise that I will love you forever, sweerheart. I love you so much! Love Daniel.' Umiling-iling siya. "Hindi 'to totoo. This is still part of my nightmare." Kinuha na niya ang pitsel sa refrigerator at doon na mismo uminom ng tubig. Dinamihan niya ang paglagok para tuluyang gisingin ang sarili. "Bakit gising ka pa?" Muntik ba na niyang maibuga ang laman ng bibig sa gulat sa biglang pagsulpot ni Arianne. Nakasuot ito ng pang tulog at mukhang bagong gising. “Teka, ano ang ginagawa niya rito sa bahay ko? Huwag mong sabihing…” Mabilis na nagflashback sa kanya ang mga nangyari. Ang sobrang pagkainis niya rito, ang pagsusumbong kay Arianne kaya naman lalong naghihigpit sa kanya ang kapatid. ANg pagsagut-sagot nito sa kanya, ang pagkakahuli niya nang matulog sa shop, ang aksidente, at ang... Bigla niyang nabitawan ang pitsel at ang pagkabasag noon sa sahig ay tila ba kasabay ng pagkasira ng pagkatao niya. "No, hindi ito nangyayari. Si Clara pa rin ang girlfriend ko. Siya lang ang mahal ko! Hindi ito puwedeng mangyari! Nooo!!!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD