Tahimik lang ang buong bahay ng mga Rosaventi nang dumating si Jenny. Hapon pa lang pero ramdam na niya ‘yung lamig ng aircon na bumabalot sa sala. Si Suzanne, gaya ng dati ay sabik na sabik. “Bes, doon na lang tayo sa study room ni Kuya! Mas maluwag doon, may printer at table.” “Sigurado ka bang ayos lang?” tanong ni Jenny, nakangiti habang bitbit ang laptop niya. “Baka kasi may gamit pa roon si—” “Wala ‘yon,” putol ni Suzanne sabay tawa. “Si Kuya? Naku, bes, hindi ‘yon umuuwi rito madalas. Busy sa company. At kung umuwi man ‘yon, gabi na. Don’t worry.” Ngumiti si Jenny at tumango. Sa loob-loob niya ay medyo kampante rin siya. Hindi pa siya handang makita si Jace muli. Lalo na’t hanggang ngayon, hindi pa rin niya alam kung paano tatanggapin ‘yung mga salitang sinabi nito sa café.

