Chapter 4

2360 Words
Tahimik ang umaga sa university nang dumating si Jenny bitbit ang maliit na paper bag na may laman na pagkain. Maaga pa siya pumasok dahil gusto niyang sorpresahin si Joshua. Dalawang linggo na mula nang birthday ni Suzanne, at nitong mga huli, bihira na silang magkita. Palaging may dahilan si Joshua, may training, may group project, may practice game. Pero ayaw niyang mag-isip nang masama. Alam niyang masipag si Joshua. Mahal niya ito, at naniniwala pa rin siyang kung may pagkakataon lang, pipiliin pa rin siya nito. Habang naglalakad siya papunta sa bench kung saan madalas silang nagkikita ay napangiti siya nang makita ang pamilyar na likod ni Joshua. Nakasuot ito ng PE uniform at hawak ang bola na nakikipagkuwentuhan sa ilang kaklase. “Joshua!” tawag niya saka masiglang kumaway. Lumingon ang binata at sandaling nagulat, pero mabilis din ang ngiti. “Jenny?” Nilapitan niya ito, sabay abot ng paper bag. “Nag-prepare ako ng breakfast. Alam kong wala kang time minsan.” Napakamot si Joshua, medyo nag-aalangan. “Ay, salamat. Grabe, hindi mo na dapat ginawa ‘to.” “Wala ‘yun. Gusto ko lang,” sagot ni Jenny, pilit na masigla. Pero napansin niyang parang nagmamadali si Joshua. Panay ang tingin nito sa kabilang side ng court, kung saan may grupo ng mga babaeng cheerleader. Isa sa mga ito, payat, maputi, at naka-ponytail, ay nakangiting palihim kay Joshua. Napansin ni Jenny ang tinginan nila, pero pinili niyang huwag magtanong. “May class ka pa?” tanong niya, kahit alam niyang wala pa. “Uh, oo eh. May pinapagawa ‘yung coach, kailangan kong bumalik sa gym mamaya,” sagot ni Joshua. “I’ll text you later, promise.” Ngumiti si Jenny, pilit pa rin. “Sige. Ingat ka.” Nang umalis si Joshua ay naiwan siyang mag-isa sa bench. Pinanood niya itong tumatawa sa grupo ng mga kaibigan nito. Hindi niya alam kung siya lang ba ang nagbago, o kung talaga bang unti-unting lumalayo ang mundo ni Joshua sa kanya. “Bes, ano ang nangyari?” tanong ni Suzanne nang magkita sila sa cafeteria kinahapunan. Umiling si Jenny. “Wala naman. Busy lang si Joshua.” “Busy? Or avoiding?” balik ni Suzanne, diretsahan pero may lambing. “Tigilan mo nga ‘yan,” tawa ni Jenny, pero halata sa boses ang pagod. “Hindi naman siya ganu’n,” malungkot niyang wika at huminga nang malalim. “Jenny, alam kong ayaw mong maniwala sa chismis, pero naririnig ko na rin ‘yung mga kwento. Si Joshua, madalas daw makita with that cheerleader—si Lianne.” Tahimik si Jenny na naglalaro ang mga daliri sa straw ng iced coffee niya. “Hindi ko alam, Suzy. Maybe they’re just friends. Hindi ko siya gustong questionin. Ayokong maging clingy.” “Hindi naman ‘clingy’ ang magtanong,” sagot ni Suzanne. “It’s just… kung ikaw ‘yung laging nag-effort, dapat maramdaman mo rin na pinipili ka pa rin niya.” Ngumiti si Jenny nang pilit pa rin. “Maybe it’s just a phase. He’ll come around.” Tumango si Suzanne, pero halata ang pag-aalala. “Okay. Pero tandaan mo, kung kaya mong magmahal nang ganun katindi, kaya mo ring bumangon kapag nasaktan. Promise me that.” Napangiti si Jenny kahit mabigat ang loob. “Promise.” ⸻ Kinabukasan ay nagpunta siya sa library para tapusin ang isang report. Tahimik ang paligid, at sa pinakadulong mesa ay napansin niya si Jace Rosaventi — nakasuot ng plain white shirt, may earphones, at nakakunot ang noo habang nagbabasa ng makapal na libro. Hindi niya alam kung bakit, pero parang nakakahawa ang focus nito. Ang dami niyang iniisip, pero nang makita niya si Jace, parang nagiging tahimik ang isip niya kahit sandali. Habang nagsusulat ay napansin niyang may nalaglag na ballpen sa tabi niya. “Uh, K-Kuya, excuse me,” sabi ni Jenny, sabay abot sa ballpen ni Jace. Nag-angat ito ng tingin at bahagyang ngumiti. “Thanks.” “Ang dami mong binabasa ah,” sabi ni Jenny, trying to make small talk. “Accounting review,” sagot ni Jace. “Finals na kasi next week.” “Good luck,” sabi niya. “Kaya mo ‘yan, Kuya.” Ngumiti si Jace, simple lang pero sincere. “Salamat. Ikaw rin, huwag mong pabayaan sarili mo. Lately parang pagod ka.” Nagulat siya. “Ha? Paano mo—?” Bahagyang natawa si Jace. “Nakikita kita madalas dito. Halata kung sino ‘yung may mabigat sa isip. Usually ‘yun ‘yung hindi pa rin tapos sa iniisip kahit nakatitig na sa libro.” Natahimik si Jenny. Hindi niya alam kung paano sagutin iyon, parang simpleng obserbasyon lang pero tinamaan siya. “Okay lang ‘yan,” dagdag ni Jace, muling ibinalik ang tingin sa libro. “May mga bagay na mas nagiging malinaw kapag hindi mo pinipilit intindihin.” Ngayon, si Jenny naman ang hindi makatingin. Hindi niya alam kung bakit ang simple ng sinabi ni Jace pero parang tumama diretso sa dibdib niya. Kinagabihan ay nag-text si Joshua. “Sorry, I forgot to text you earlier. Super busy today. Maybe we can hang out next week?” Ngumiti si Jenny nang makita iyon kahit huli na, kahit simple lang, kahit kulang. “Sure, it’s okay. I miss you,” reply niya agad. Pero ilang minuto na at wala man lang “seen.” Walang reply. Hanggang sa makatulog na lang siya na hawak ang phone, umaasang pag-ising niya may sagot na. Lumipas ang mga araw, at lalong naging malinaw sa kanya ang hindi niya gustong makita. Si Joshua at si Lianne, madalas na magkasabay kumain, nag-aasaran sa hallway, at minsan ay magkasama sa student lounge. Hindi siya tinatabihan ni Joshua tuwing sabay silang nagkikita. Para bang may dingding na unti-unting itinayo sa pagitan nila. He’s not the Joshua she used to know. Isang hapon, habang naglalakad siya sa corridor, napahinto siya nang makita si Joshua na tinutulungan si Lianne magbuhat ng gamit. Nagtawanan pa ang dalawa, at sa isang iglap, parang huminto ang mundo ni Jenny. Hindi dahil sa galit, kundi dahil sa sakit ng pagtanggap. Baka kailangan na niyang bumitaw. Ganoon talaga siguro. Tahimik siyang lumayo at naglakad hanggang makarating sa garden sa likod ng campus. Doon siya naupo at nakatingin lang sa mga dahon na nilalaro ng hangin. Napapikit siya at hinayaan na dumausdos ang luhang matagal na niyang pinipigilan. “Ang sakit,” aniya at napahikbi. “Okay ka lang?” Si Jace hawak ang libro at mukhang galing din sa library. Mabilis na pinunasan niya ang kaniyang mukha at ngumiti si Jenny nang pilit. “K-Kuya, ano’ng ginagawa mo rito? Oo naman. Nagpahinga lang sandali.” Umupo ito sa kabilang bench at hindi nangungulit. Tahimik lang silang dalawa, hanggang sa hindi niya napigilang magsalita. “Nakakatawa, no? Yung mga taong akala mo, ikaw ang pipiliin sa dulo… sila pa ‘yung unang umaalis.” Walang sinabi si Jace agad. Sa halip, tumingin ito sa langit. “Baka kasi hindi lahat ng dulo, dapat doon ka rin.” Nilingon siya ni Jenny. “Anong ibig mong sabihin?” “May mga tao kasing dumadaan lang para turuan ka kung gaano mo kayang magmahal,” sagot ni Jace. “Pero hindi ibig sabihin sila rin ‘yung mananatili.” Tahimik si Jenny. Hindi niya alam kung paano nasabi iyon ni Jace, pero parang tama. Parang naiintindihan siya nito kahit hindi niya kailangang magpaliwanag. Tumango lang siya nang mahina. “Siguro nga.” “Study first, Jenny. Love comes after,” wika nito at tumayo na. ⸻ Kinagabihan, habang nakahiga sa kama ay hindi niya mapigilang isipin ang mga nangyari. Si Joshua ay unti-unting nawawala. Ngayon lang niya napagtanto kung gaano kaiba ang dalawang iyon. Madali lang naman sana siyang kausap pero ayaw naman siyang kusapin ni Joshua nang maayos. Si Joshua, parang apoy na nakakasilaw at nakakapaso ang saya. Si Jace naman parang ulan malamig, tahimik, pero nagbibigay-linaw. At habang pumipikit siya ay hindi na siya umiyak. Hindi dahil wala nang sakit, kung hindi dahil sa wakas, alam na niyang kaya niyang maghintay. Hindi na para sa taong ayaw sa kaniya, kundi ng sarili niyang muling mabuo. Tahimik ang library. Tanging tunog lang ng mga pahinang binubuklat at mahinang pagtipa sa keyboard ang maririnig. Sa isang mesa malapit sa bintana kung saan nakaupo si Jenny Alvarez. Hawak ang cellphone at paulit-ulit na binabasa ang huling text ni Joshua kagabi. “Let’s talk tomorrow. I’ll explain everything.” “Explain everything.” Tatlong salitang hindi niya alam kung matatakot ba siya o dapat pa bang umasa. Huminga siya nang malalim. “Kaya mo ‘to, Jenny. You just need answers,”sabi niya sa sarili. Makalipas ang ilang minuto ay dumating si Joshua. Nakasuot ng varsity jacket, pawisan pa mula sa practice. Lumapit ito, halatang nag-aalangan. “Hey,” sabi nito sa mahinang boses. “Hi,” sagot ni Jenny at pilit na nakangiti. “Salamat at pumayag kang makipagkita.” Tumango lang si Joshua at umupo sa tapat niya. May ilang segundo ng katahimikan bago ito nagsalita. “So… paano ko ba sisimulan ‘to,” bungad ni Joshua, sabay kamot sa batok. “Jenny, I don’t want to hurt you, okay?” Napangiti si Jenny nang mapait. “Too late for that, Josh.” “Hindi kasi ganun ‘yung gusto kong mangyari,” mabilis niyang tugon. “Hindi ko sinadyang lumayo. Alam mo namang busy ako sa training—” “Busy?” putol ni Jenny, mahinahon pero may halong sakit. “Joshua, ilang linggo mo na akong hindi kinakausap nang maayos. Hindi ka na sumasagot sa chats. Hindi mo na rin ako tinitingnan kapag nagkakasalubong tayo. Do you even realize that?” Tahimik si Joshua. Nakayuko. “Jenny…” “Sabihin mo na lang,” tuloy niya, halos pabulong. “May iba ka na ba?” Matagal bago siya sinagot. Tila gustong magsinungaling ni Joshua, pero hindi na niya nagawa. Umiling ito, mahina, at bumuntong-hininga. “Hindi ko sinadya. Si Lianne—” “Stop.” Halos hindi marinig ang boses ni Jenny pero may bigat. “Huwag mo na lang sabihin pa. Naiintindihan ko na.” “Jenny, hindi ganun ‘yung iniisip mo—” “Talaga?” ngumiti siya kunwari pero pilit na kalmado. “Hindi mo sinasadya, pero ikaw ‘yung pinili kong sundan sa siyudad. Ikaw ‘yung rason kung bakit ako nandito. Pero ngayon, parang ako pa ‘yung mali na umasa.” Tahimik si Joshua at hindi makatingin. “Akala ko okay tayo,” sabi pa ni Jenny. “Akala ko mahal mo rin ako tulad ng dati.” “Ginusto kong maging totoo sa’yo,” sagot ni Joshua, mahina. “Pero habang tumatagal, hindi ko na alam kung kaya ko pang maging gaya sa dati. Ang dami kong iniisip, Jen. Career, studies, pressure sa team…” “Lahat na lang, Joshua,” bulong ni Jenny. “Lahat, kaya mong unahin maliban sa akin.” May luha nang bumagsak sa pisngi niya, pero hindi siya umiyak nang malakas. Tumingin siya sa binata nang diretso. “Hindi ko alam kung kailan mo ako naiwan. Pero kung gusto mo na siyang piliin, hindi kita pipigilan. Ang gusto ko lang, sana sinabi mo nang maaga.” Tumayo siya at hawak ang bag. “Salamat, Joshua. At least ngayon, malinaw na.” Tinangkang pigilan siya ni Joshua. “Jenny, wait—” “Hindi ko kailangan ng paliwanag. Hindi mo rin kailangang magpaliwanag,” sagot niya, marahan pero buo ang boses. “Mahal kita, Joshua. Pero ayokong ipaglaban ‘yung isang laban na ako na lang ‘yung kumakapit.” At bago pa man niya marinig ang sagot ay lumakad siya palabas ng library. ⸻ Hindi niya alam kung saan pupunta. Lumakad lang siya nang lumakad hanggang sa marating ang isang sulok ng library na madalas niyang pinupuntahan kapag kailangan niyang magpahinga. Umupo siya sa bench at doon, tuluyan nang bumigay ang mga luha. Tahimik lang siyang umiiyak, pinipigilan ang bawat hikbi. Ayaw niyang maging sagabal sa katahimikan ng lugar, pero ramdam ng puso niyang parang gumuho ang lahat. Ilang minuto pa lang ay may naramdaman siyang presensiya sa tabi niya. Nang tumingin siya, nakita niya si Jace Rosaventi, may hawak na libro at panyo sa kamay. Hindi ito nagsalita. Tahimik lang na iniabot ang panyo. “Salamat,” mahinang sabi ni Jenny, pilit na ngumingiti. “Nakakahiya, nakita mo pa akong ganito.” Umiling si Jace. “Walang nakakahiya sa pag-iyak.” Napangiti siya, kahit mapait. “Ang gulo ko, ‘no?” “Hindi,” sagot ni Jace, diretso ang tingin pero mahinahon ang tono. “Totoo ka lang.” Napayuko si Jenny, tinatakpan ng panyo ang mata. “Minsan iniisip ko kung bakit ganito kahirap magmahal. Bakit kailangang masaktan muna bago matutong bumitaw.” Tahimik sandali si Jace bago sumagot. “Siguro kasi doon lang natin natututunang mahalin din ‘yung sarili natin.” Tumango si Jenny, bahagyang ngumiti. “Ang dami mong alam, kuya ‘no?” “Hindi,” sagot ni Jace, bahagyang natawa. “Marami lang akong nabasa.” “Ang lalim mo rin minsan,” biro ni Jenny, pero halatang may pagod sa tinig. “Hindi naman,” sagot ni Jace. “Marami lang akong natutunang obserbahan. Lalo na sa mga taong… pilit pa ring ngumingiti kahit halatang pagod na.” Napatingin si Jenny sa kanya. Hindi niya alam kung anong meron sa tono ni Jace, pero may kung anong tahimik na lambing doon, hindi awa, hindi rin pity. Parang respeto. “Thank you, Kuya Jace,” sabi niya. “For not asking too much.” Tumango lang si Jace. “Minsan kasi, mas kailangan mo lang ng kasama, hindi ng tanong.” Tahimik silang dalawa. Wala nang salita, pero sapat na ang katahimikan. Sa labas ng bintana, umuulan nang mahina na parang nakikisimpatya sa bigat ng gabi. Habang pinagmamasdan ni Jenny ang mga patak ng ulan ay napagtanto niyang hindi lahat ng pagwawakas ay kailangang masakit. Minsan, kailangan mo lang tanggapin na tapos na, para makapagsimula ulit. Kahit papaano, hindi siya mag-isa ngayon. Ganoon pa man, sobra siyang nahihiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD