PART 5

1849 Words
"Ano ba ang iniisip mo?" tanong ni Gerlie sa kanya dahil kanina pa siya tulala at nakapangalumbaba lang sa lamesa imbes na tumulong siya sa paghahanda ng kanilang ipapanindang palamig sa araw na iyon. Tumingin si Diane sa kaibigan. "Gerlie, naniniwala ka ba sa gayuma?" Napaismid si Gerlie. Napatigil sa paglalagay ng yelo sa inumin. "At kailan pa naging totoo ang gayuma para paniwalaan ko?" "Sabi kasi ni Tatang, eh, totoo 'yon. Ginayuma raw kasi siya ng asawa niya noon." "Suss, maniwala ka d'on. Umayos ka nga, Diane. Alam kong tanga ka na nga'y gullible ka pa pero sana utang na loob huwag kang nagpapani-paniwala sa mga ganoong bagay. Ngumuso-nguso siya. Sabagay hindi naman siya naniniwala, kaya lang ang tagal niya kasing pinag-isipan iyon kagabi at sumisiksik sa isip niya na hindi naman masama kung susubukan niya. Wala namang mawawala. Isa pa'y hindi naman siguro mamamatay si Aron kung gagayumahin nga niya. "Tara na. Okay na ang mga ito," pagkuwa'y sabi na ni Gerlie nang matapos na nitong timplahan ang mga palamig. Tatlong klase ng palamig lang ang ginawa nila ngayon dahil kahapon ay hindi naman naubos ang mga ginawa nila. Maraming natira dahil wala masyadong tao sa plaza. Siguro ay dahil bakasyon at kapag bakasyon madami ang nagpupunta sa probinsya kaya konti lang ang tao ngayon sa lugar nila. Pero pasalamat pa rin nila dahil kahit matumal ay kumikita pa rin naman silang magkaibigan. Tiwala pa rin silang makakaipon pa rin sila ng pan-enroll nila hanggang sumapit ang pasukan. Bitbit na nga ang mga palamig na pinagtulungan nilang dalhin at sumakay na sila sa tricycle na lagi nilang inaarkila papuntang plaza. "Hay, ang bigat," sambit ni Gerlie na inilapag ang dala nitong palamig sa stall nila. Inayos naman agad ni Diane ang mga gamit nila. Agad niyang nakita si Tatang na pulubi sa dati nitong puwesto pero hindi niya muna ito nilapitan. Pag-iisipan niya muna hanggang hapon ang offer nitong gayuma. Ang sabi rin kasi ni Tatang kahapon ay matagal bago mawala ang bisa ng gayuma or puwedeng hindi na matanggal. Kailangan niya raw munang kapain sa puso niya kung talagang si Aron na nga ba ang gusto niyang makasama habambuhay, dahil wala nang bawiin oras na mainom ni Aron ang gayuma. "Oy, Diane! May tao!" kalabit ni Gerlie sa kanya dahil natulala na naman siya kakaisip sa gayuma. "Ay sorry sorry," sabi niya. "Ano po 'yon?" tanong niya sa ginang na bibili ng palamig. "Bigyan mo ako nito," sabi ng ginang na tinuro ang pineapple flavor. "Sige po." Mabait at nakangiting inasikaso na nga niya ang buwenamano nila. Napapailing lang naman si Gerlie habang nakatingin kay Diane. Sa isip-isip niya'y, inlababo talaga ang kaibigan kaya nawawala na sa sarili. Kung kaya lang sana niyang burahin ang pagkainlababo nito kay Aron ay ginawa na niya. Naaawa na kasi talaga siya kay Diane. Nagmumukha na talagang tanga dahil sa labis na pagtingin kay Aron. Buti na lang at marami silang naging customer sa araw na iyon. Sunod-sunod kung kaya nawawala si Diane sa pagkatulala. "Sana ganito lagi ang bentahan natin, no? Tiyak na makakaipon talaga tayo bago ang pasukan," saad ni Gerlie habang binibilang ang mga pinagbentahan nila. Tubong-lugaw na sila kaya masaya na sila ngayong araw. Kuta na sila. Bawi na nila ang puhunan nila at may tubo na rin kaya 'yung mga palamig na nasa mga lagayan pa ay tubo na rin nila ang mga iyon. Masaya na silang nagkukwentuhan nang may dalawang lalaki na umagaw sa atensyon nilang magkaibigan. "Pabili," at si Aron ang isa. Tinginan tuloy sa isa't isa sina Gerlie at Diane. Kapwa hindi makapaniwala. Himala pa sa himala na nakangiti sa kanila ang Aron Montevista. "Ano 'yon?" takang tanong ni Gerlie sa guwapong binata dahil natulala na naman si Diane. Nalulon na yata ang dila. "Pabili kami ng palamig, Miss." Iyong isang lalaki kasama ni Aron ang sumagot kay Gerlie. Lalong nagtaka si Gerlie dahil hindi nito kilala ang lalaki. "Ah, tito ko siya. Si Tito Rj," sagot ni Aron kahit hindi pa nagtatanong si Gerlie. Ngumiti si Rj kay Gerlie tapos ay tumingin ito kay Diane—kay Diane na nakatulala naman kay Aron. Napansin iyon ni Rj kaya nawala unti-unti ang ngiti nito sa mga labi. Sa tanda na niyang iyon ay agad siyang nakaunawa. Malinaw sa titig ni Diane sa kanyang pamangkin na ito ang gusto nito. Napakamot-ulo na lang si Rj. Wala pa man ay mukhang mabibigo na siya. "Diane, may gustong makipagkilala sa 'yo," sabi ni Aron kay Diane. "Huh? Sino?" natauhan nang tanong ni Diane. Ang lagkit ng ngiti niya. Kumikinang ang mga mata niya sa tuwa. Grabe na talaga 'to, pinapansin na talaga siya ng kanyang crush. "I want you to meet my Tito – " pakilala dapat ni Aron sa tiyuhin kaso ay hindi nito naituloy dahil inapakan ito sa paa ni Rj. "Aww!" "Pabili lang kami ng tig-isang palamig. Itong apple flavor," mabilis na sabi ni Rj bago pa makapagreklamo sa kanya ang pamangkin. Pasimpleng sumenyas pagkatapos na huwag na lang itulpy ang pagpapakilala sa kanila ni Diane. "Wala po kaming apple flavor," sabi ni Gerlie. "Ah, sige strawberry flavor na lang," sahi ni Rj. "Wala rin po kaming strawberry flavor?" sabi ni Gerlie. "Ah, sige mocha flavor na lang," sabi ni Rj. Napasimangot na si Gerlie. Binulungan si Diane. "Ikaw na makipag-usap sa dalawang ito at baka maupakan ko. Mga nagti-trip lang yata." Napangiwi naman si Diane. "Itong buko pandan na lang," sabi ni Aron sa kanya. "Pasensya na kayo sa Tito ko." "Bakit? Wala ba silang flavor na—ugh." Napaigik ang inosenteng si Rj nang sikuin siya ni Aron sa tiyan. "Sorry, Tito." Nabahala naman si Aron. "Nakalimutan mo yatang tito mo ako," uubo-ubo na sabi ni Rj habang hawak ang tiyan. Kamot-ulo na lang si Aron. "Sige." Nagtataka man sa dalawang magtiyuhin na abnormal ay kinikilig pa rin naman si Diane na nagtakal ng palamig. "Ito na ang palamig niyo," dikawasa'y ngiting-ngiti na abot sa magtiyuhin. Kay Aron niya iyon inaabot dahil sa tuwina na kaharap niya ang binata o kausap ay para siyang walang nakikita na ibang tao. Pakiramdam niya ay sila lang ang tao sa paligid kaya hindi man lang niya nakilala ang lalaking humingi ng tulong sa kanya kahapon. "Salamat. Magkano?" "Naku, libre na lang 'yan." "Sure?" "Oo. Malakas ka sa 'kin, eh," wika niya sabay ipit ang buhok sa tainga. Sa kaartehan niya ay pasimple siyang kinurot ni Gerlie sa tagiliran, pero umiwas lang siya. Gawa ng kilig ay hindi na rin yata siya nakakaramdam ng sakit at ng kurot. Sa halip nakangiti pa rin talaga siya. "Tara na," anyaya na ni Rj kay Aron dahil sumama na ang timpla niya. 'Yung balak niyang makipagkilala ay huwag na lang dahil ano naman ang panama niya sa pamangkin nito. "Pero, Tito, hindi ba gusto mo silang makilala?" Nagtaka na talaga sa kanya si Aron. "Sige, girls, alis na kami," kaway ni Rj sa dalawang dalaga saka hinila na niya si Aron palayo. "Eiiihhhhh!" tili naman ni Diane na pagkatinis-tinis nang nasa malayo na ang magtiyuhin sa tindahan nilang magkaibigan. "Ang labi," pero batok ni Gerlie sa kanya. "Aray naman! Ba't ka nambabatok?" angal niya na napahawak sa ulo niya. "Sayang na naman 'yung twenty pesos! Libre ka nang libre at sa mayayaman pa?" "Ikaw naman 'yon lang, eh. Sa crush ko naman, eh." "Gaga ka talaga, noh?" "Bakit na naman?" "Yung Tito ni Aron hindi mo man lang kasi pinansin. Puros ka na lang Aron." Napalabi siya. "Sinong tito? May tito si Arob?" "Juskolord!" Natampal ni Gerlie ang sariling noo at tinalikuran na siya. "Mababaliw ako sa 'yong babae ka! Makaalis na nga muna!" "Oy, aaan ka pupunta?" "Maghihilamos dahil napapraning na ako sa iyo," pabalang na sagot ni Gerlie. Walang lingon-lingon. Naiwan siya na napahawak sa kanyang labi. May kasama ba kanina si Aron? Parang wala naman siyang napansin, eh? Sabagay kapag si Aron naman ang nakikita niya ay wala na talaga siyang ibang nakikita pa. Kinilig ulit siya pero agid ding nawala ang kilig niyang iyon nang mapaisip siya. So, hanggang ganito na lang ba sila ni Aron? Paano kung pasukan na at hindi na sila makakapagtinda ng palamig ni Gerlie rito sa plaza? Eh, di hindi na naman niya makikita lagi ang binata? "Ayoko! 'Di ko kaya," sabi niya sa sarili. Natitiyak niyang mami-miss niya si Aron kapag pasukan na. Kailangan na talahanh mahulog ang loob sa kanya ni Aron bago magpasukan para makikita pa rin niya ito lagi. "Hindi mo ba ako bibigyan niyan?" boses ni Tatang. Natitig siya sa matandang pulubi at pagkuwa'y napangisi siya. Tama! 'Yon na lang talaga ang tanging paraan dahil kung hindi ay puti na ang uwak ay malabo pa ring maiin love sa kanya si Aron. "Tatang, bibigyan kita ulit ng palamig pero sa isang kondisyon," aniya sa matanda. "Ano naman 'yon?" "Turuan mo ako sa sinasabi mong gayuma, Tatang." Natawa ang matanda. "Payag ka na?" "Opo. Gayuma or never." "O, siye, sige bigyan mo na ako ng palamig tapos kumuha ka ng papel at ballpen. Sasabihin ko sa iyo kung paano gumawa ng gayuma. "Aanhin mo ang ballpen at papel, Tatang?" "Syempre doon mo isusulat ang mga sasabihin ko sa 'yo." "Aahhh... nga naman." Nagkukumahog na kumuha na nga siya ng papel at ballpen. Pero bago ang lahat binigyan niya muna ang matanda ng palamig, dinamihan na niya para makuntento ang matanda at hindi magbago ang isip. "Ito ang gagawin mo," panimula ng matanda habang iniinom paunti-unti ang palamig. "Kumuha ka ng dahon ng oregano. 'Yung katas niya ang kailangan mo." Tumango-tango siya na isinulat iyon. "Ano pa po?" "Tapos balat ng butiki. Tustahin mo sa apoy." Napangiwi siya. Butiki talaga? Pero hindi na siya umangal. Sinulat na lang niya iyon sa papel. "Tapos ano pa po?" "Tapos buntot ng malaking tuko." Doon na umangal siya. "Tatang, naman! Saan naman ako kukuha ng tuko?" "Gusto mong ma-in love sa 'yo ang lalaking iyon, hindi ba? Puwes, paghirapan mo ang mga sangkap. Walang bagay na sa madali makukuha. Itong palamig mo nga ay may kapalit, eh. Kaya ang ibig sabihin, ang kapalit ng wagas na pag-ibig mo ay ang paghihirap mo," paliwanag ng matanda. Napangiwi siya. Sabagay may punto naman si Tatang kaya sinulat niya ulit iyon kahit imposible yatang makakakuha siya ng tuko sa panahon ngayon. "Ano pa po?" "Tapos ay apdo ng isang ahas. Kahit na anong ahas." "Tatang, naman. Ahas talaga?!" Doon na talaga siya umangal. Naitulak niya palayo sa harap niya ang ballpen at papel. Takot nga siya sa ipis sa ahas pa kaya? Waahh! "Eh, sa iyon talaga. Isulat mo dahil kapag kulang ang mga sangkap ay hindi gagana ang gayuma." "Pero, Tatang!" "Huwag ka nang umangal. At least, may forever ka na na kasama ng lalaking iyon kapag nagawa mong paghalu-haluin ang mga sangkap saka mo ipainom sa kanya. At saka pabango rin pala, kahit na anong pabango ng isang lalaki." "Ihahalo ko rin ang pabango?" "Hindi, uregalo mo sa kanya," nakangising sabi ng matanda sabay mabilis ang alis. Kamot-ulo na lang siya. Ewan! Ay ewan kung magagawa niya ang gayuma!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD