PART 2

1119 Words
"Ano 'yang dala mo? Miryenda natin?" Agad sanang papapakan ni Gerlie ang dala niya na cake. "Hep!" Pero natigilan ito nang paluin niya ang kamay nito. "Huwag mong gagalawin 'yan. Hindi 'yan para sa 'yo." Sumimangot agad si Gerlie sabay halukipkip. "At para kanino? Kay Aron na naman?" Ngumiti siya ng pagkatamis-tamis at nagbiro. "Ba't mo alam? Manghuhula ka na?" "Ay gaga!" "Hayaan mo na." Nagtatawa siya. "Naisip ko kasi na baka ayaw niya ng palamig. Hindi ba may kaya naman kasi sila sa buhay, baka hindi talaga siya umiinom ng pangmahirap na inumin, kaya cake na lang ang ibibigay ko sa kanya ngayon." "Ewan ko sa 'yo, Diane Mae Varilla! Bahala ka sa buhay mo! Geh, ipahiya mo buong angkan mo!" angil na ni Gerlie sa kanya. Iniisip na naman siguro nitong nababaliw siya. Binalewala niya ang kaibigan. Ayaw niyang masira ang kanyang plano. Hindi pa rin maalis-alis ang ngiti sa kanyang mga labi. Panay ang ayos niya sa cake habang tinutulungan si Gerlie sa pagbebenta ng palamig nila. Mamayamaya pa kasi dadaan ulit ang mga magbabarkadang Aron. "Kainin na lang kaya natin 'yan? Gutom na ako, eh," pangungulit ulit ni Gerlie sa kanya na panaka-naka ay napapatingin din sa cake. Natatakam talaga ang gaga. "Ayoko. Bumili ka na lang doon ng fishball. Bilhan mo na rin ako." Inismiran niya ang kaibigan. Inilayo niya pa na parang bata ang cake. "Grabe ka naman. Ako ang kaibigan mo tapos fishball lang ang ang ibibigay mo sa akin? Sino bang kasama mo sa hirap at ginhawa, hindi ba ako?" "Huwag ka ngang maarte, hindi bagay sa iyo. Para sabihin ko sa iyo 'yang pinambili ko ng cake na 'yan ay hiningi ko pa kay Tatay kaya huwag kang magreklamo riyan. Humingi ka na lang din sa Tatay mo ng pambili." "Ah, gano'n? Ganito na tayo ngayon? Kanya-kanya na?" "Intindihin mo na lang ako at suportahan kasi para kapag nagmahal ka rin ay ako naman ang susuporta sa 'yo." "No thanks!" Umasim ang mukha ni Gerlie. "At huwag kang mag-alala dahil kapag ako ang nagmahal ay hindi ka mamomoblema sa 'kin. Alam mo kung bakit? Kasi sisiguraduhin ko na ang magugustohan ko ay 'yung lalaking magugustohan din ako. Hindi tulad mo, umaasa sa wala. Nagmumukha nang tanga." Hindi na niya pinatulan ang kaibigan. Inirapan niya lang ito ng masamang-masama. Palibhasa hindi pa nagkaka-crush kasi si Gerlie kaya hindi siya naiintindihan nito. Siya na lang ang uunawa sa kaibigan. Hindi na sila nag-imikang dalawa. Hanggang sa natanawan na nga niya ang magbabarkadang inaabangan niya. Agad niyang inayos ang sarili, madaliang nagpulbo at nag-lipstick siya konti. Pagkuwa'y kinuha na niya ang cake at sumalubong sa mga ito. Ngiting-ngiti siya. Ang masaklap, nawala agad ang ngiti niyang iyon nang makita niyang kasama pala ngayon ni Aron ang girlfriend nito. Naghaharutan pa ang dalawa. Ang sweet nila habang naglalakad. Unti-unti ang kanyang pagsimangot. Selos siya agad-agad. Parang may kung anong sumibat sa puso niya. Ouch na ouch! Ang sakit! Buti na lang at na-control pa niya ang sarili. Parang babagsak ang katawan niya. 'Yung cake muntik na niyang mabitawan. Oo, alam niya na may girlfriend na si Aron at tanggap naman niya iyon kahit masakit, pero doble doble doble doble pala ang sakit ngayong nakita na niya ito ng personal. Ang ganda-ganda niya pala kasi. Parang artista. Bagay na bagay sila ni Aron. Kaiyak! Gustong tumulo ang luha niya pero pinigilan niya dahil palapit na sa kinatatayuan niya ang magbabarkada. "Diane, sa amin ba 'yan?" biro sa kanya ng isa. Umiling siya habang nakatingin kay Aron. Si Aron na ni isang sulyap sa kanya ay wala dahil busy na busy sa girlfriend nito. Mga madapa sana! Tawanan ang mga magbabarkada na nilampasan siya. Noon lang tumulo ang kanyang mga luha. Nang tingnan niya si Gerlie ay nagkibit-balikat ito. Sinasabi na, "Ano?! Ayaw mo kasing makinig?!" Marahas na pinunas niya ang kanyang mga luha. Gayunman ay wala siyang balak na titigil. Naniniwala pa rin siya na mapapasakanya si Aron. Masama na kung masama pero ipagdadasal niya talaga na maghiwalay sila ng babaeng iyon. "Neng, akin na 'yan." Nagbalik lang siya sa katinuan nang kinalabit siya ni Tatang. "Po?" "Hindi ka na naman pinansin, 'di ba? Kaya ibig sabihin sa akin mo na naman 'yan ibibigay, akin na." Nginuso ng matanda ang hawak niyang cake. Napangiwi siya. Parang ayaw niyang ibigay sa matanda kasi mahal ang bili niya ng cake, kaso hindi rin naman niya makakain 'yon dahil sa sobrang sama ng loob. "Ah, opo. Sige sa inyo na po 'to, Tatang." Malungkot nga niyang binigay iyon sa matanda. Agad namanf pinapak ng matanda ang cake. Kaya naman inggit na inggit si Gerlie. Nang tingnan niya ito ay panay ang senyas nito na dapat dito raw niya ibinigay ang cake. Dedma na lang siya sa kaibigan. Malungkot na tinabihan niya ng upo sa gilid ng kalsada si Tatang. Pumangalumbaba. Animo'y pasan niya ang lahat ng problema sa mundo. "Gusto mo ba talagang magkagusto sa 'yo ang lalaking 'yon?" Ang hindi niya inaasahang itatanong sa kanya ng matanda kahit puno ang cake ng bunganga. Sandamukal ang kanyang mukha na napatingin dito. "Oo naman po, Tatang." "Eh, bakit hindi mo gayumahin?" sabi ng matanda. "Noong kapanahunan namin gano'n ang ginagawa namin kung ayaw sa amin ang iniirog namin." "Kung ganoon ginayuma mo ang asawa mo, Tatang?" Nagkainteresado siya sa usapan. "Hindi ako. Baliktad, dahil siya ang nang-gayuma sa 'kin," mayabang na sagot ng matanda. "Weh?" Hindi siya naniwala. "Aba'y kahit tanungin mo pa siya." "Buhay pa asawa mo?" Gulat siya dahil akala niya ay ulila na ang matanda dahil lagi naman kasi rito sa kalsada at ang dungis pa. "Oo naman. Doon nga kami nakatira." Sunod-tingin siya sa itinurong banda ng matanda at napatango-tango. Hindi pa rin siya naniniwala pero hindi na siya nakipagtalo. "Puwede kitang turuan ng gayuma kung gusto mo. Sabihin mo lang sa akin." "Marunong po kayo?" "Hindi, pero laging sinasabi sa akin ng asawa ko kung ano ang ginawa niya na panggagayuma sa akin noon. Kung gusto mo, eh, ituturo ko sa iyo. Madali lang naman ang mga sangkap." Napangiwi siya. Gustohin man niya dahil desperada na siya kay Aron ay hindi naman kasi siya naniniwala sa mga ganooon. Kalokohan lang ang gayuma. "Ano? Gusto mo ba?" Tumayo na siya. Hindi na siya interesado. Mas naniniwala siya na magkakagusto sa kanya si Aron kasi maganda rin siya at mabait pa. "Salamat pero huwag na lang po, Tatang," aniya. "Sige, pero pag-isipan mo." "Opo." Bumalik na siya sa tindahan nila ng kaibigan. Keysa pag-isipan ang bagay na 'yon ay nagtinda na lang siya ng palamig para may pera siya bukas at makabili ulit ng cake na ibibigay niya ulit kay Aron. Hindi siya susuko! Walang susuko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD