DAHLIA POINT OF VIEW
Nagkuwentuhan muna kami ni Nanay tungkol sa kung anu-ano mga simpleng bagay lang sa bahay, sa kapitbahay, at sa mga plano ko sa eskwela. Kahit pagod pa ang katawan ko mula sa trabaho kagabi, masarap pa ring makipag-usap sa kanya sa umaga. Para bang sa sandaling iyon ay normal lang ang lahat, na para bang wala akong lihim na tinatago sa kanila.
Habang nag-uusap kami, narinig ko ang pagbukas ng pinto ng kwarto sa kabilang bahagi ng bahay.
Sumunod ang bahagyang pag-ubo at pag-inat.
Boses iyon ni Tatay.
Kakagising lang niya.
Agad namang tumayo si Nanay at naglakad papunta sa kusina upang timplahan siya ng kape, gaya ng ginagawa niya tuwing umaga.
Ilang sandali lang ay lumabas na si Tatay mula sa kwarto, medyo gusot pa ang buhok at halatang bagong gising pa lamang.
“Good morning, Tay,” bati ko habang nakaupo pa rin sa mesa.
“Oh, Dahlia,” sagot niya habang nagkakamot sa ulo. “Maaga ka ata ah. May pasok ka ba kay Mang Nestor?” tanong niya.
Umiling ako. “Wala po, Tay. Day off ko po ngayon.”
“Ganun ba?” sabi niya habang nauupo sa upuan sa tabi ko. “Eh di sana nagpapahinga ka pa. Mamaya pa naman pala pasok mo sa paaralan”
Ngumiti lang ako nang bahagya. “Nasanay na po siguro ang katawan ko na maagang nagigising.”
Bumuntong-hininga si Tatay bago hinigop ang mainit na kape na iniabot sa kanya ni Nanay.
Tahimik lang kaming tatlo sandali. Tanging ang mahinang paghigop ni Tatay sa kape at ang kalansing ng kutsara sa plato ang maririnig sa kusina.
Bigla akong nakaramdam ng kaunting kaba nang tumingin siya sa akin.
“Nga pala,” sabi niya habang nakatitig sa akin, “anong oras ka ba umuwi kagabi?”
Napahinto ako.
Para bang biglang bumigat ang hangin sa paligid.
Saglit akong napatingin kay Nanay, na abala naman sa pag-aayos ng mga plato sa lababo.
Hindi ko alam kung anong eksaktong oras ang sasabihin ko.
Ayokong magduda sila.
Ayokong malaman nila kung saan talaga ako nanggaling kagabi.
Huminga ako nang malalim bago sumagot.
“Mga… bandang alas-diyes po, Tay,” sabi ko, pilit na pinapanatiling normal ang boses ko.
Tumingin siya sa akin nang ilang segundo bago tumango.
“Mabuti naman,” sabi niya. “Ayoko kasing gabi na gabi ka nang umuuwi. Delikado para sa isang babae.”
Napababa ang tingin ko sa mesa.
Kung alam lang niya…
Na gabi-gabi ay nasa lugar ako kung saan maraming lalaki ang umiinom at naglalasing.
Pero para sa kanila…
Mas mabuting manatiling lihim ang lahat.
Napababa na lang ako ng tingin sa mesa habang iniisip ang sinabi ni Tatay. Kung alam lang niya kung saan talaga ako nagtatrabaho tuwing gabi, siguradong hindi niya ako papayagang lumabas ng bahay.
Tahimik kaming kumakain ng almusal nang biglang magsalita si Tatay.
“Naghahanap na ulit ako ng trabaho kahapon,” sabi niya habang nakatingin sa tasa ng kape na hawak niya.
Napatingin ako sa kanya. Halata sa boses niya ang pagod at pagkadismaya.
“Talaga po, Tay? May nahanap po ba kayo?” tanong ko.
Umiling siya. “Wala pa rin. Marami na rin akong pinuntahan pero karamihan ay may mga tao na o kaya naman ay naghahanap ng mas bata sa akin.”
Sandaling natahimik ang buong kusina.
Alam kong nahihirapan si Tatay. Dati siyang masipag na nagtatrabaho sa construction, pero nang magsara ang pinapasukan niya ay nahirapan na siyang makahanap ng bagong trabaho.
Biglang nagsalita si Nanay habang nag-aayos ng mga plato.
“Ah… nga pala,” sabi niya habang lumalapit sa amin. “May sinabi pala si Aling Berta kahapon.”
Napatingin kaming dalawa ni Tatay sa kanya.
“Ano ‘yon?” tanong ni Tatay.
“Kung gusto ko raw, pwede akong maglaba sa kanila bukas,” sagot ni Nanay. “May mga bisita raw kasi sila at marami silang labahin.”
Bahagyang napakunot ang noo ni Tatay.
“Hindi ka ba mapapagod doon?” tanong niya. “Malayo pa naman ang bahay nila.”
Ngumiti lang si Nanay. “Ayos lang iyon. Kahit papaano may dagdag din na pera para sa gastusin dito sa bahay.”
Naramdaman ko ang bahagyang kirot sa dibdib ko.
Hindi ko gustong nakikitang nahihirapan ang mga magulang ko.
“Tay, Nay,” sabi ko habang tumingin sa kanilang dalawa. “Huwag na po kayong masyadong mag-alala. Tutulong naman po ako sa gastusin dito sa bahay.”
Napatingin sa akin si Tatay.
“Anak, hindi naman namin gustong ikaw ang magdala ng lahat ng responsibilidad,” sabi niya. “Nag-aaral ka pa. Dapat ang iniisip mo ay ang kinabukasan mo.”
Ngumiti ako kahit na alam kong marami akong itinatagong katotohanan sa kanila.
“Kasama po kayo sa kinabukasan ko,” sagot ko. “Kaya gusto ko ring tumulong.”
Tahimik na tumango si Tatay habang si Nanay naman ay napangiti nang bahagya.
Sa sandaling iyon, mas lalo kong pinangako sa sarili ko na kahit gaano kahirap ang trabaho ko sa gabi
Kakayanin ko.
Para sa kanila.
Matapos naming kumain ay tumayo na si Nanay upang magligpit ng mga pinagkainan. Tinulungan ko naman siyang ilagay ang mga plato sa lababo. Ilang sandali lang ay lumabas na rin si Tatay dala ang maliit na pala upang maglinis sa bakuran. Nakasanayan na niyang magbunot ng damo sa paligid ng bahay tuwing umaga upang kahit papaano ay maging maayos tingnan ang aming maliit na bakuran.
Samantala si Nanay naman ay kumuha ng walis tambo at nagsimulang magwalis sa harap ng bahay. Maririnig ko ang tunog ng walis na sumasayad sa lupa habang tinatangay nito ang mga tuyong dahon sa harap ng aming maliit na bahay.
Habang nagliligpit ako sa mesa ay bigla kong narinig ang mahinang pag-iyak mula sa kwarto sa loob.
Agad akong napalingon.
Alam ko kung sino iyon.
Ang nakakabata kong kapatid na si Anton, dalawang taong gulang pa lamang.
Lumabas siya mula sa kwarto habang hawak ang maliit niyang kumot. Magulo ang buhok niya at kusot-kusot pa ang kanyang mga mata habang naglalakad papunta sa akin. Halatang kakagising lang niya.
“Ate… ate…” mahina niyang tawag habang nakaangat ang mga kamay sa akin.
Napangiti agad ako at nilapitan siya. Binuhat ko siya at kinarga sa aking braso.
“Good morning, baby Anton,” sabi ko habang hinahalikan ang pisngi niya.
Ngumiti naman siya kahit na medyo inaantok pa.
“Ate… kain,” sabi niya habang itinuturo ang mesa.
Bahagya akong natawa sa kanya.
“Oo na, kakain ka na,” sabi ko habang inihahanda ang pagkain niya.
Umupo ako sa upuan habang nakaupo naman siya sa kandungan ko. Kumuha ako ng maliit na mangkok at nilagyan iyon ng kanin na may sabaw upang mas madali niyang kainin.
Dahan-dahan ko siyang sinusubuan habang kumakain siya nang maayos. Paminsan-minsan ay napapangiti siya o kaya ay nagsasalita ng kung anu-anong salitang hindi ko masyadong maintindihan.
Habang sinusubuan ko siya ay napatingin ako sa labas ng bintana.
Nakita ko si Tatay na abala pa rin sa pagbubunot ng damo sa bakuran habang si Nanay naman ay patuloy sa pagwawalis sa harap ng bahay.
Sa simpleng tanawin na iyon, pakiramdam ko ay kumpleto na ang lahat.
Kahit hindi kami mayaman…
Kahit marami kaming problema…
Masaya pa rin ako dahil sama-sama kami.