Yngrid
PALIHIM NAMAN AKONG NAPALUNOK ng marinig ko ang baritonong boses niya. Saglit ko lang ulit siyang tinapunan ng tingin at napalingon kay Señorito ng marinig ko ang boses niya.
Bakit ba napapalibutan ako ng mga gwapo ngayon? Itong isa may asawa at anak na, 'yung isa naman ay Amo ko. Nakakainis na.
Lord, talaga po bang sinusubukan mo po ako kung gaano po katatag ang pagiging marupok ko?
"Yngrid, dalhin mo muna sa kusina 'yang dala mo. Mag-uusap lang kami ni Sebastian sa opisina. Kapag may kailangan ka, puntahan mo lang ako doon." Habilin niya kaya tumango na lamang ako at unang umalis sa sala.
Pagdating ko sa kusina ay nakita ko si Manang na nagkakape. Nang makita niya ako ay biglang nagliwanag ang mukha niya. At tinulungan ako sa mga dala ko.
"Kumusta naman ang lakad niyong dalawa ni Señorito, Yngrid?" Pang-uusisa ni Manang kaya umupo muna ako bago sumagot.
"Ayos lang naman po, Manang. Palangiti at mabait naman po pala ang Señorito. Akala ko po kasi ay forever na siyang masungit." Pagbibiro ko kaya natawa siya at inilapag ang kapeng iniinom.
"Alam mo ngayon ko lang napansin na bagay kayo ng Señorito," saad niya at nasamid na lamang ako sa sariling laway. Si Manang naman ay ngumisi na lamang samantalang ako ay halos mamatay na sa narinig.
Nang tingnan ko ang paligid ay nakahinga naman ako ng maluwag dahil wala ang ibang kasamahan ko dito. Siguro kapag narinig nila ang sinabi ni Manang ay makakatikim na naman ako ng masamang titig at nangunguna doon si Aubrey.
"Manang, tumigil ka nga po! Baka mamaya ay marinig ng Señorito at iba ang maisip. At saka Manang…" Tumigil ako sa pagsasalita at nilapit ang bibig ko sa tainga niya para ipagpatuloy ang sasabihin ko.
"Amo ko siya, maid po ako. Hindi kami bagay na dalawa kahit ganito po ako kaganda." Dugtong ko pa at mabilis akong napaiwas ng akmang kukurutin niya ako sa braso.
Eh sa totoo naman ang sinasabi ko. Hindi talaga kami bagay ng Señorito.
"Pagdating sa ganiyan, Yngrid. Walang esta-estado. Kapag mahal mo ay mahal mo. Malay mo naman balang araw, kayong dalawa pala ni Señorito kaya ka napadpad dito sa amin." Pangungulit niya pa kaya hindi ko na maiwasang mapairap.
Akmang magsasalita na sana ako pero sabay kaming napatingin ni Manang sa isang babaeng pumasok at bigla na lamang nagsalita.
"Good morning, Manang. Si Kuya nasaan? Gawa po kasi ng mga pinasuyo ko po." Nakangiting saad niya at mabilis naman akong itinulak ni Manang kaya sa akin naman bumaling ang atensyon ng babae.
Ang ganda niya! Para siyang dyosa na bumaba sa lupa para ipaglandakan kung gaano siya kaganda. Pero kumunot na lamang ang noo ko ng maalala ko kung sino siya.
Ito ba ang kapatid ng Señorito? Si Iris Montecillo?
"Ah, nasa taas siya, Iris. Tatawagin lang siya ni Yngrid para bumaba." Saad ni Manang at sinenyasan niya ako na umakyat na. Hindi pa man ako nakakahakbang ay muli na naman siyang nagtanong. At sa pagkakataong ito ay sa akin na siya nakatitig.
"May bisita ba si Kuya? May isa pa kasing kotse ang nasa labas. Kanino po 'yon?" Pagtatanong pa niyang muli at nakita ko naman ang pamumutla ni Manang kaya ako na ang sumagot.
"Hindi ko po napansin kung sino. Kaya ako na lang po ang aakyat para tawagin po ang Señorito." Pagdadahilan ko pa at halos mawala ako sa sarili ko ng ngumiti siya sa akin at mabilisang umiling.
"Sasama ako sa'yo. May kailangan din kasi akong sabihin kay Kuya. Nasa opisina ba siya?" Pagtatanong niyang muli at pareho kaming nataranta ni Manang ng nauna ng pumasok si Ms Iris sa elevator.
"Sundan mo si Iris, hindi sila pwedeng magkita ngayon ng asawa niya. Bilisan mo! Sumunod ka na sa kanya, Yngrid." Kinakabahang saad ni Manang at tuluyan na akong itinulak.
Kaya wala na akong magawa kung hindi ang sumunod at patakbo ng pumasok sa elevator. Nagpapasalamat na lamang ako ng hindi pa ito tuluyang nagsara. Tahimik lamang kaming dalawa sa elevator, ramdam ko ang nakakatakot ngunit kakaibang presensya niya. Mukha naman siyang mabait.
"Girlfriend ka ba ni Kuya?" Nagulat na lamang ako sa tinanong niya kaya mabilis akong umiling at pekeng tumawa.
"Hindi po. Bagong katulong lang po ako dito. Sinamahan ko lang po ang Señorito na bumili po ng gatas at diaper po. Kaya hindi po halatang katulong po ako dito." Nakangiti kong paliwanag kaya tinignan niya muna ako ng matagal bago tumango.
"Ah, ganoon ba? Hindi halatang katulong ka. Ang ganda mo para maging katulong. Gusto mo itaboy kita sa isa kong pinsang babae na model rin? Mas bagay sa'yo 'yon." Suhestiyon niya kaya nanlaki naman ang mata ko.
Pero bigla na lang akong nalungkot dahil wala pa akong sapat na pera para matupad ang pangarap ko sa ngayon. Siguro, balang araw makakamit ko rin siya, hindi pa siguro oras para makamit ko ito.
Kaya kahit medyo mabigat sa dibdib at gusto kong pumayag ay umiling na lang muna ako. Wala pa akong sapat na pera at hindi ko pa kaya sa ngayon. Kailangan ko munang makapag-tapos ng pag-aaral bago ko tuparin ang pangarap ko.
"Ahm… sa susunod na lang po, Ma'am Iris. May panahon pa naman po para diyan. Thank you po muna sa pagbibigay po ng suggestions."
Saktong pagtatapos ng salita ko ay bumukas ang elevator. Inunahan ko na agad si Iris sa pagbubukas ng opisina ng Señorito. Kaya iniharang ko muna ang sarili ko at kumunot naman ang noo niya sa ginawa ko.
"Ako na po ang magbubukas para sa inyo." Pagdadahilan ko para matawa siya at napailing. Nagulat na lang ako ng mabilis niyang tinanggal ang kamay ko at siya na ang nagbukas ng pinto ng opisina ni Señorito.
Dahil sa ginawa niyang 'yon ay gulat na tumayo ang Señorito at kitang-kita ko ang pamumutla ng mukha niya. Nang tingnan ko naman si Mr Sebastian ay natulos ito sa kinauupuan niya at nakatalikod sa gawi namin ng marinig niya ang boses ng asawa niya.
"May bisita ka nga. Akala ko kasi ay si Yngrid ang bisita mo. Bagong pasok pala dito." Aniya at tuluyan ng pumasok sa opisina ng Señorito.
Nakita ko namang nataranta ito at mabilis na hinarangan si Mr Sebastian para hindi ito tuluyang makita ni Ms Iris. Mabuti na lamang ay may sumbrerong suot ang lalaki para hindi ito tuluyang makita ng asawa niya.
"Sa labas na tayo mag-usap. Nakakahiya sa bisita ko." Pamimilit ni Señorito at hinawakan pa si Ms Iris sa braso at marahang kinaladkad palabas. Nakita ko pang muling tumitig si Ms Iris kay Mr Sebastian at narinig ko pa itong nagsalita.
"Gusto ko lang makita ang bisita mo? Sino ba 'yon? Tagong-tago ang mukha, ha." Iyon na lamang ang huli kong narinig bago sila mawala sa paningin namin.
"She's my wife. Ang ganda niya, 'no? She's the most beautiful woman that I have seen in my entire life. Pero hindi muna ako pwedeng magpakita sa kanila ng anak ko. Kailangan ko munang ayusin ang buhay ko. By the way…" Tumigil siya sa pagsasalita niya at tumingin sa akin.
"Thank you for bringing her here to the office. At least narinig ko ulit ang boses ng asawa ko. Hindi pa rin siya nagbabago, lalong gumanda ngayon." Dugtong niya pa at sa kauna-unahang pagkakataon ay kitang-kita ko ang pagtulo ng luha sa mga mata niya.
Umiiyak siya.
Ako naman ay malungkot dahil ramdam ko ang bigat ng nararamdaman niya. Pakiramdam ko ay matagal na niya itong tinatago. Pero iisa lang ang katanungan sa isip ko ngayon.
Bakit hindi sila pwedeng magkita ng asawa niya? May nangyari bang hindi maganda?
…
Kinabukasan ay iyon pa rin ang iniisip ko. Ang muntik na pagkikita ng mag-asawa. Ang natataranta at namumutlang mukha ng Señorito ng muntikan ng makita ni Ms Iris si Mr Sebastian at kung ano ang nangyari sa mag-asawang 'yon.
Kahit gusto kong magtanong ay baka kung ano pa ang isipin sa akin ni Señorito. Hindi naman ako miyembro ng pamilya nila para alamin ang mga problema nila. At saka bagong-bago ako dito manghihimasok agad ako sa mga problema nila.
Mas mabuting problema ko na lamang muna ang isipin ko sa ngayon. Kung paano ako makakapagtapos ng pag-aaral at kung paano ko matutupad ang pangarap ko.
Saka ko na lang iisipin ang problema ng iba kapag nabigyang solusyon ko na ang sarili kong problema. Sarili ko muna ang iisipin ko ngayon bago ang iba.
Ayoko ng madagdagan pa ang stress ko sa buhay.
"Ay, te. Baka naman mahulog ka dyan sa pool dahil sa lalim ng iniisip mo." Gulat naman akong napatingin kay Gelene ng bigla itong magsalita sa tabi ko.
"Ah, sorry. Masyadong marami lang akong iniisip ngayon." Pagdadahilan ko kaya nakita ko namang ngumisi siya at pabiro akong tinulak.
"Kasama ba si Señorito sa mga iniisip mo?" Pagbibiro niya kaya napangiwi naman ako at marahas na ipinilig ang ulo.
"Hoy, hindi Gelene. Amo ko 'yon, bakit nasama si Señorito dito." Sagot ko pa at natawa naman siya. Habang ako naman ay ipinagpatuloy ang ginagawa kong paglilinis sa pool.
"By the way, nagpunta pala dito si Ma'am Iris at Sir Sebastian. Ibig sabihin nagkita na ang mag-asawa?" Pang-uusiyosyo niya kaya mabilis ko naman siyang nilingon.
Paano niya nalaman?
"Paano mo nalaman?"
"Narinig ko lang si Manang at si Señorito na nag-uusap kagabi. Hindi ko naman sinasadyang marinig, napadaan lang ako para uminom ng tubig." Paliwanag pa niya kaya napatango na lamang ako at nagpatuloy naman siya.
"Ang alam ko kaya bawal pang magkita ang dalawa dahil hindi alam ni Ma'am Iris na nakulong ang asawa niya. Ang alam ko kasi ay tinulungan ni Señorito si Mr Sebastian para makalabas ng kulungan." Dugtong niya pa kaya halos mabitawan ko ang net na hawak ko at hindi makapaniwalang tumitig sa kaniya.
Hindi ko aakalaing magaling din pa lang sumagap ng balita si Gelene. Maging reporter na lang kaya siya? Tutal alam niya kung ano ang nangyayari sa paligid niya.
Kaya pala kahapon ay umiiyak si Mr Sebastian dahil ngayon niya lang ulit nakita ang asawa niya tapos hindi pa siya nakilala. Siguro kung ako 'yon ay masasaktan din ako. Pero hanga rin ako kay Mr Sebastian talagang nagtiis siya at handa na niya ulit ayusin ang buhay niya bago bumalik sa asawa niya.
Akmang magsasalita na sana ako pero halos matumba ako sa damuhan ng naramdaman kong may humigit ng buhok ko mula sa likuran at ng lingunin ko ito ay nanlilinsik na mga mata ni Aubrey ang nakita ko.
"Aubrey, ano bang problema mo? Bakit mo ginawa sa akin 'yon?" Pagtataka kong tanong pero malakas naman niya akong itinulak. Mabuti na lamang ay mabilis akong inalalayan ni Gelene kung hindi ay tuluyan na akong mahuhulog sa pool.
Sobrang lalim pa naman nito. Pero mas malalim ang problema ko. Hindi ako magpapatalo.
"Ikaw. Ikaw ang problema ko. Bago ka pa lang dito pero mas napapansin ka pa ng Señorito. Ano bang meron sa'yo, Yngrid? Kalandian? Nilalandi mo siguro ang Señorito, 'no? Para lumaki ang sahod mo!" Sigaw niya kaya hindi ko nagustuhan ang sinabi niya sa akin.
Dahil doon ay hindi na ako nakapagtimpi at marahas na binawi ko sa kanya ang braso ko at tinulak na rin siya.
"Alam mo, wala kang karapatan sabihan ako ng ganyan dahil marangal akong nagtatrabaho dito. Kung nilalandi ko ang Señorito edi sana unang pagpasok ko pa lamang ay ginawa ko na sa kanya 'yon. At panghuli, tinatanong mo kung ano ang meron sa akin? Ganda ang meron sa akin na wala sa'yo." Ganti ko kaya naman namula ang mukha niya sa galit at nagulat na lang ako ng sabunutan niya ako.
Mas malaki pa naman siya sa akin kaya hindi agad ako nakapag-handa sa atake niya. Dahil sa bigat ng katawan niya ay talagang nadadala ako. Naririnig ko na rin ang boses ni Gelene na pinapatigil na kami sa ginagawa dahil baka may maaksidente ang isa sa amin at mahulog sa swimming pool.
"Napaka-hangin mo talagang babae ka! Porket ganan ka na kaganda ay mabilis ka ng makakalapit kay Señorito. Tandaan mo maid ka lang dito." Gigil niyang sigaw kaya sinamaan ko siya ng tingin at sumagot.
"Inggit ka lang sa akin kaya ka ganiyan."
Dahil sa sinabi kong 'yon ay malakas niya akong naitulak at hindi ko napansin na swimming pool pa lang ang babagsakan ko. Pinilit kong kumapit sa kaniya pero tuluyan ng lumaglag ang katawan ko sa malamig na tubig.
Shit. Hindi ako marunong lumangoy.
Naramdaman ko ang taranta at takot na lumulukob ngayon sa pagkatao ko dahilan para nahihirapan akong huminga at naiinom ko na ang tubig nito.
Habang pinipilit kong lumangoy o umahon ay tuluyan na talagang lumulubog ang katawan ko. Dahil doon ay nagbalik sa akin ang ala-alang ilang taon ko ng pilit kinakalimutan.
Ang pagyakap ni Papa bago kami tumalon sa ilog. Ang huling salitang binanggit niya bago siya mawala sa akin at ang dugo naming dalawa na humalo sa tubig dahil sa mga daplis ng bala ng baril.
Dahil sa kawalan ng hangin at pagod na akong lumaban ay hinayaan ko na lamang ang sarili kong tuluyan ng lumubog. Pero bago ko tuluyang ipikit ang mga mata ko ay nakita ko ang taong lumalangoy papunta sa akin at hinila ang katawan ko para yakapin ako.
Naramdaman ko na lamang ang labi niyang dumapo sa labi ko para bigyan ako ng hangin sa katawan. Dahil sa ginawa niyang 'yon ay tuluyan ko ng nakita ang kabuuan niya.
Si Señorito Devron.