Chapter 1: Ang Golden Cage
Eliesse
Tumingin ako sa labas ng bintana. Mula sa ikalawang palapag ng mansyon, kitang-kita ko ang malawak na hardin na napapaligiran ng matataas na pader. May tatlong lalaking naka-suit na naglalakad sa paligid, may mga hawak na radyo, at seryoso ang mga mukha. Mukha silang mga rebulto na walang pakiramdam.
Isang buwan. Thirty days na ang nakakalipas mula noong araw na pumasok si Zavier Castellano sa maliit naming living room. Tatlongpu't isang araw na rin mula noong huli kong makita ang mga magulang ko.
Huminga ako nang malalim at tiningnan ang marangyang kwarto na ito kung saan ako nakatira ngayon. Malaki ang kama, king-sized, may mga mamahaling unan, at ang lambot ng mattress ay parang ulap kapag hihigaan ko. May sarili akong walk-in closet na puno ng mga bagong damit, mga bestida, casual wear, pati mga sapatos na mamahalin na kasya sa sukat ko. May napakalaking smart TV, sariling banyo na may jacuzzi, at lahat ng klase ng skincare na pwedeng gustuhin ng isang babae.
Para akong prinsesa kung titingnan mula sa labas pero ang totoo, isa lang akong preso na binigyan ng magandang kulungan.
Hindi ko pa rin makalimutan ang huling gabi ko sa bahay namin. Pagkatapos ng maikli pero direktang pakikipag-usap ni Zavier sa mga magulang ko, mabilis na nagbago ang takbo ng buhay ko. Naalala ko pa ang sinabi niya kay Papa habang nakatayo siya sa gitna ng sala namin, hawak ang isang envelope na naglalaman ng mga dokumento.
“Your daughter’s safety is compromised, Atty. Sarmiento. My son’s stupidity has put a target on her back. People in the university, the media, and even our business rivals are starting to look into her. If she stays here, your laws cannot protect her from what comes next.”
Nangako si Zavier na lilinisin niya ang kalat ni Romano. Buburahin ang video sa buong internet, tatanggalin sa unibersidad ang sinumang nagkalat nito, at bibigyan ng panibagong proteksyon ang pamilya ko pero may isang malaking kondisyon. Isang kondisyon na hindi ko inaasahan at nagpabago sa buong buhay ko.
Para tuluyang mapatahimik ang ingay sa university at maprotektahan ang pangalan ko, gumawa si Zavier ng isang marahas pero epektibong hakbang. Kinabukasan mismo pagkatapos ng gabing iyon, isang opisyal na pahayag ang inilabas ng Castellano Group of Companies sa media at sa administrasyon ng unibersidad: Anneliesse Sarmiento is the official first Mistress of Zavier Castellano.
Ang balitang iyon ay parang isang malakas na kidlat na tumama sa buong campus. Sa isang iglap, ang malisyosong iskandalo ay nabigyan ng ibang bersyon. Ang video na kumalat ay mabilis na dinelete sa lahat ng platform, at ang mga tsismis ay napalitan ng takot. Ang mga taong tumatawa at bumubulong noon sa hallway ay biglang nanahimik. Sino ba naman ang maglalakas-loob na bastusin o pag-usapan ang isang babaeng nakatakdang ikasal sa pinakamakapangyarihang lalaki sa lungsod? Dahil doon, hindi ko na kailangang mag-drop out sa pag-aaral. Nanatili akong estudyante ng university, pero sa pamamagitan ng isang espesyal na online arrangement pansamantala na hiningi ng mga Castellano para sa seguridad ko habang narito ako sa mansyon.
Kung hindi rin dahil sa ginawa niya, hindi pa dapat ako graduating ngayon. Baka kung lumipat ako o tumigil pansamantala, maaantala ang pag-abot ko sa pangarap ko. I want to be like my parents, respected lawyers, at sana makuha ko pa ang respeto na iyon sa kabila ng nangyaring eskandalo.
“Huwag mong sasaktan ang anak ko,” umiiyak na sinabi ni Mama noon habang yakap ako nang mahigpit, “Please, Mister Castellano.”
“She will be safe, Mrs. Sarmiento. You have my word,” iyon lang ang naging sagot ni Zavier bago niya ako isinama paalis. At ganoon lang, wala ng nagawa sina Mama at Papa.
At totoong ligtas ako rito. Walang Romano na nanggugulo dahil pinalipad din niya ang sariling anak sa ibang bansa bilang parusa. Parusa nga ba o iniiwas niya sa isang kaso?
Walang mga estudyanteng lumalapit. Dahil sa mansyong ito, walang ibang tao kundi ako, ang mga kasambahay, at ang mga armadong gwardya.
Si Zavier? Wala siya rito. Noong mismong linggo na dinala ako rito, umalis siya papuntang Europe para sa isang malaking business expansion ng kanilang kumpanya. Sabi ng mga tauhan niya, matatagalan siya doon. Marahil ay ilang buwan o baka isang taon pa.
Sa isang banda, nagpapasalamat ako na wala si Zavier. Ang presence niya ay sapat na para kabahan ako, kaya ang malamang na nasa ibang bansa siya ay nagbigay sa akin ng kaunting kaginhawahan para makahinga ako. Pero sa kabilang banda, ang pagkawala niya ay nagpapaalala sa akin kung gaano kabilis nagbago ang estado ko sa buhay. Mula sa pagiging biktima ng pambubully, naging fiancée ako ng isang makapangyarihang tao rito, habang narito ako sa mansyon na parang isang kagamitan na itinabi muna sa cabinet habang wala ang may-ari.
Narinig ko ang mahinang katok sa pinto.
"Ma'am Eliesse? Nakahanda na po ang tanghalian niyo sa baba," boses iyon ni Manang Celia, ang pinakamatandang kasambahay sa mansyon na naka-assign na mag-asikaso sa akin.
Magaan ang loob ko sa kanila dahil mabait sila, hindi dahil utos iyon kung hindi dahil talagang maayos ang pag-uugali nila.
"Sige po, Manang. Bababa na po ako. Salamat po," sagot ko habang inaayos ang suot kong simpleng white dress.
Naglakad ako palabas ng kwarto at tinahak ang malawak na hallway. Ang sahig ay gawa sa mamahaling marmol na kumikinang sa ilalim ng mga chandelier. Bawat sulok ng mansyong ito ay sumisigaw ng yaman, pero para sa akin, bawat sulok ay paalala ng kasunduang nagligtas sa akin mula sa kahihiyan.
Pagdating ko sa malaking dining room, nakahain na doon ang iba't ibang putahe. May sinigang na hipon, pritong isda, at mga sariwang prutas. Sobrang dami para sa isang tao lang ang kakain. Naupo ako sa dulo ng mahabang lamesa. Nalulungkot ako tuwing naaalala ko ang mga simpleng tanghalian namin ni Mama at Papa sa bahay, kung saan nag-uusap kami tungkol sa mga kaso nila o sa mga klase ko. Dito, ang tanging naririnig ko lang ay ang kalansing ng mga plato at kutsara ko.
"Manang, may balita po ba kay Zavier? Gusto ko siyang makausap tungkop sa visitation ko sa parents ko," sabi ko kay Manang Celia habang naglalagay ng kanin sa pinggan ko.
Tumingin sa mukha ko si Manang Celia na may halong awa sa mga mata. "Pasensya na, Ma'am Eliesse. Alam niyo naman po ang utos ni Sir Zavier. Bawal po kayong gumamit ng internet o cellphone na pwedeng makipag-ugnayan sa labas maliban sa ginagamit niyo para sa inyong online classes. Wala po akong balita sa kanya. Bago umalis si Sir, siniguro niyang maayos ang lagay ng mga magulang niyo. Alam kong nami-miss niyo na sila. Binabantayan din po sila ng mga tauhan natin para walang manggulo sa kanila."
Tumango na lang ako at pilit na ngumiti. Alam ko naman ang patakaran. Ang tinatawag nilang 'forced protection' ay nangangahulugan din ng kontrol sa komunikasyon ko sa labas. Para sa mga kaklase ko sa unibersidad, hindi ako naglaho dahil sa takot; narito ako sa poder ng aking makapangyarihang "fiancé" habang tinatapos ko ang aking kurso.
Matapos kumain ay naglakad-lakad ako sa garden. Ito lang ang tanging lugar kung saan nararamdaman ko ang init ng araw at ang hangin. Lumapit ako sa mga tanim na rosas at hinawakan ang isa sa mga bulaklak nito.
"Kailan kaya ito matatapos?" bulong ko sa sarili ko, “Gusto ko ng kalayaan.”
Isang buwan ko nang itinatanong iyan sa sarili ko gabi-gabi bago matulog. Hanggang kailan ako mananatili sa mansyong ito bilang isang huwad na fiancée? Ano ang plano sa akin ni Zavier kapag bumalik siya mula sa ibang bansa? Bakit kailangan niyang gamitin ang sarili niyang pangalan para lang protektahan ang isang katulad ko. Hindi ko alam na ganito siyang magbayad utang sa atraso ng kanyang anak.
Hindi ko alam ang sagot. Ang alam ko lang, sa mundong ito ng mga Castellano, walang libre. Lahat ng tulong ay may kapalit. At natatakot ako sa kung ano ang hihingin ni Zavier sa akin kapag nagkaharap na ulit kami para panindigan ang titulong ibinigay niya sa akin. Una sa lahat, kasalanan naman ng anak niyang bilib sa sarili.
Naupo ako sa isang bench sa ilalim ng puno ng mangga. Pinanood ko ang pagsasayaw ng mga dahon sa hangin. Sa kabila ng lahat, napansin ko na unti-unti nang nawawala ang hiya na naramdaman ko noong nakaraang buwan. Dahil sa announcement ni Zavier, nabura ang dungis sa pangalan ko at napalitan ito ng kapangyarihan ng kanyang apelyido pero ang galit ko kay Romano ay hindi nawawala. Kung akala niya ay tuluyan niya akong sinira, nagkakamali siya. Iba na ang Eliesse na nakatayo ngayon kumpara sa Eliesse na umiiyak sa harap ng Guidance Counselor. Ngayon, protektado ako ng mismong ama niya.
Napatigil ako sa pag-iisip nang makita ko ang pagpasok ng isang mamahaling itim na kotse sa malaking gate ng mansyon. Hindi ito ang karaniwang SUV ng mga gwardya. Mas makintab ito at may dalawang escort na motor sa unahan.
Bumilis ang t***k ng puso ko. Bigla akong nakaramdam ng kaba. May dumating ba? Si Zavier na ba ang bumalik? Sabi nila matatagalan siya sa Europe, pero bakit may ganitong klaseng pagdating ngayon?
Tumayo ako at dahan-dahang lumapit sa gilid ng mayabong na halaman, nagtatago sa likod ng mga matataas na dahon para makita kung sino ang bababa sa sasakyan. Huminto ang kotse sa tapat ng main entrance ng mansyon. Mabilis na lumapit ang isang gwardya para pagbuksan ang pinto sa likod.
Isang lalaki ang bumaba.
Kahit malayo ako, nakilala ko agad ang tindig niya. Hindi si Zavier ang bumaba kundi si Atty. Marcelo, ang personal na abogado at kanang kamay ng pamilya Castellano. Siya ang madalas mag-ayos ng mga legal na usapin ng kumpanya at ang nakasama ni Zavier noong gabing pumunta sila sa bahay namin.
Huminga ako nang maluwag nang marealize kong hindi ang matandang Castellano ang dumating. Pero bakit nandito ang abogado niya?
Nakita kong sinalubong si Atty. Marcelo ng head ng mga security dito sa mansyon. May pinag-usapan silang sandali bago sila sabay na pumasok sa loob ng bahay. Naisip ko na baka may kinalaman ito sa akin. Marahil ay may bagong utos mula sa Europe tungkol sa kasalukuyan kong set-up.
Nagmadali akong pumasok sa back door ng mansyon, dumaan sa kusina para hindi ako mapansin ng mga tauhan. Gusto kong malaman kung anong nangyayari. Naglakad ako papunta sa study room kung saan madalas tumanggap ng mga bisita ang pamilya kapag may opisyal na lakad. Ang pinto ng study room ay nakabukas nang kaunti, sapat para marinig ko ang usapan sa loob kung lalapit ako nang kaunti.
Sumandal ako sa pader malapit sa pinto, pinipigilan ang sarili ko na gumawa ng kahit anong tunog.
"Nakausap ko na si Mr. Castellano kaninang umaga," boses iyon ni Atty. Marcelo, Seryoso at pormal ang tono niya. "Gusto niyang malaman kung kamusta ang lagay ng kanyang fiancée rito sa mansyon."
"Maayos naman ang lagay ni Ma'am Eliesse," sagot ng head security na si Leo. "Tahimik siya. Madalas lang sa kwarto para sa kanyang online classes o kaya sa garden. Hindi naman siya nagpapasaway o nagtatangkang tumakas. Sinusunod niya lahat ng patakaran."
"Mabuti kung ganoon," sabi ni Atty. Marcelo. Narinig ko ang kalansing ng baso, mukhang uminom siya ng tubig, "Kailangang manatili siyang ligtas at walang kahit anong issue tungkol sa nakaraang iskandalo ang muling lalabas. Ang opisyal na anunsyo na siya ang fiancée ni Mr. Zavier ang tuluyang nagpatahimik sa unibersidad, pero ang mga kalaban sa politika ay naghahanap pa rin ng ibang anggulo. Kung malalaman nilang may iba pang kuwento sa likod ng relasyong ito, pwedeng magamit ito laban sa pamilya."
"Naiintindihan ko, Atty. Marcelo. Mahigpit ang seguridad sa buong perimeter. Walang makakalapit dito na hindi namin alam," sagot ni Leo.
"Isa pa," dagdag ng abogado, "May mga dokumento akong dala na kailangang pirmahan ni Eliesse. Ito ay tungkol sa kasunduan sa sustento ng pamilya niya at ang mga pormal na kasulatan tungkol sa bagong estado bilang fiancée ng boss. Sinisigurado ni Mr. Zavier na walang magiging problema ang mga Sarmiento habang narito siya."
Nakinig pa ako nang mabuti, pero tungkol na sa logistics at budget ng mansyon ang sumunod nilang pinag-usapan. Dahan-dahan akong umatras at bumalik sa living room, nagkunwaring kakapasok ko lang galing sa garden. Umupo ako sa sofa at tumingin sa kawalan habang pinoproseso ang narinig ko.
Fiancée. Ang salitang iyon na ginamit para iligtas ako ay unti-unti nang nagkakaroon ng mga legal na papeles.
Makalipas ang ilang minuto, lumabas si Atty. Marcelo mula sa study room kasunod si Manang Celia. Nang makita niya ako sa living room, tumigil siya sa paglalakad at bahagyang yumuko bilang paggalang sa akin.
"Magandang hapon, Ms. Sarmiento," bati niya sa akin.
"Magandang hapon din po, Atty. Marcelo," sagot ko habang tumatayo mula sa sofa.
Lumapit siya sa akin at inilapag ang isang de-kalidad na leather folder sa ibabaw ng glass table, "Naparito ako para ihatid ang ilang mahahalagang dokumento mula kay Mr. Zavier Castellano. Ang mga ito ay para sa iyong proteksyon at kapakanan habang nananatili ka rito bilang kanyang opisyal na first mistress sa mata ng publiko."
Tiningnan ko ang folder. "Ano po ang mga ‘yan?"
Binuksan niya ang folder at ipinakita ang ilang pahina na may mga legal na tatak.
"Ito ay ang mga kasulatan na pormal na nag-uugnay sa iyo sa pamilya Castellano, kasama na ang patunay na ang pamilya Sarmiento ay nakatanggap na ng tulong pinansyal para sa kanilang mga legal firm. Ito ay para masiguro na hindi maaapektuhan ang kanilang kabuhayan matapos ang naging anunsyo. Bukod dito, nandito rin ang mga alituntunin para sa iyong patuloy na online classes sa unibersidad hanggang sa graduation mo."
Tiningnan ko ang pirma sa dulo ng pahina. Malalaki at malinaw ang mga letra. Pirma iyon ni Zavier. Kahit sa papel lang, nararamdaman ko ang lakas ng kontrol niya sa sitwasyon.
"Kailangan ko po ba itong pirmahan?" tanong ko.
"Oo, Ms. Sarmiento. Ito ay patunay na sumasang-ayon ka sa mga kondisyon ng proteksyon na ibinibigay sa iyo at tinatanggap mo ang papel na ibinigay sa iyo ni Mr. Zavier. Huwag kang mag-alala, walang anumang nakalagay dito na maglalagay sa iyo sa kapahamakan. Ang tanging hiling lang ng pamilya Castellano ay ang iyong kooperasyon at pananahimik habang wala ang iyong fiancé," paliwanag ng abogado.
Kinuha ko ang sign pen na iniabot niya. Tiningnan ko ang linya kung saan dapat nakasulat ang pangalan ko. Sa loob ng isang buwan, marami akong naisip na paraan kung paano aayusin ang buhay ko, pero ang ideya na ang mismong ama ng lalaking nanakit sa akin ang siyang nagligtas ng dangal ko sa eskwelahan ang pinakamalaking twist na hinarap ko. Kung ang pagpirma rito ang magtitiyak na hindi na muling iiyak o matatakot ang pamilya ko dahil sa nakaraang issue, gagawin ko.
Pinirmahan ko ang dokumento gamit ang nanginginig kong kamay. Pagkatapos ay iniabot ko ito pabalik kay Atty. Marcelo.
"Salamat, Ms. Sarmiento. Ipapatingin ko agad ito kay Mr. Zavier. Kung may kailangan ka para sa iyong pag-aaral o anumang bagay, pwede mong sabihin kay Manang Celia at gagawan namin ng paraan. I will relay the message to him," sabi niya bago tuluyang nagpaalam at umalis ng mansyon.
Nang maiwan akong mag-isa sa sala, naramdaman ko ang biglang pagod. Umupo ako muli sa sofa at ipinatong ang ulo ko sa backrest. Isang buwan na ang nakalipas mula noong maging opisyal ang balita sa campus na fiancée ako ni Zavier Castellano. Ang scandal na sumira sa akin ay tuluyang natapos dahil sa isang pangalan. Ngayong may pirma na ako sa kasunduan, tinanggap ko na ang bagong papel na ito sa buhay ko.
Lumipas ang hapon at dumating ang gabi. Pagkatapos ng dinner na kasing tahimik ng tanghalian, umakyat na ako sa kwarto ko. Binuksan ko ang laptop ko para tingnan ang student portal ko. Walang kahit isang masamang komento sa mga forum ng paaralan. Ang lahat ng posts tungkol sa akin ay burado na. Napalitan ito ng respeto at takot dahil sa aking bagong estado. May natanggap akong invitation para sa graduation ball. Gusto kong um-attend pero natatakot ako. Isa pa, kailangan kong magpaalam muna kay Zavier. Ang tanong, papayagan niya ba ako?
Lumabas ako sa balkonahe para tingnan ang kalangitan. Ang daming bituin ngayon, pero parang napakalayo nila.
Sumandal ako sa riles ng balkonahe at hinayaan ang malamig na hangin na sumalpok sa katawan ko. Sa unang pagkakataon sa loob ng isang buwan, naramdaman ko na parang tanggap ko na ang kapalaran ko rito. Ang takot na naramdaman ko noong unang gabi ay napalitan ng isang uri ng kapayapaan, isang kapayapaan na galing sa pagkaalam na ang isyung sumira sa akin ay tuluyang pinatahimik ng kapangyarihan ng sinasabing mafia boss. Hindi ko alam kung totoo iyon pero may pakiwari ako na oo. Kahit si Romano ay hindi ako maabot sa lugar na ito dahil sa proteksyong ibinigay ng kanyang sariling ama pero alam ko rin na pansamantala lang ito. Ang totoong pagsubok ay magsisimula pa lang kapag bumalik na si Zavier mula sa ibang bansa. Siya ang taong nagmamay-ari ng mansyong ito, ng titulong hawak ko ngayon, at ng kasunduang kapirpirma ko lang. Siya ang may hawak ng susi ng aking gintong hawla.
Tumingin ako sa kadiliman ng gabi sa labas ng pader. Isang buwan na ang nakalipas mula noong gumuho ang mundo ko. Ngayon, unti-unti ko ng binubuo ang sarili ko sa loob ng marangyang kulungang ito habang pinagpapatuloy ko ang aking pag-aaral. Hindi ko alam kung kailan ako makakalabas, o kung kailan matatapos ang pagiging fiancée ko sa papel pero isang bagay ang sigurado ko, kapag dumating ang araw na magkaharap muli kami ni Zavier Castellano, hindi na ako ang mahina at takot na babaeng iniwan niya rito. Matututo akong sumayaw sa sarili niyang laro.
Huminga ako nang malalim sa huling pagkakataon bago pumasok sa loob ng kwarto, isinara ang pinto ng balkonahe, at ini-lock ito. Sa ilalim ng proteksyon ng aking makapangyarihang tagapagtanggol, natulog ako nang walang takot, naghihintay sa kung anong kinabukasan ang nag-aabang sa akin sa pagbabalik niya mula sa labas ng bansa.
May mahinang katok na bumasag sa katahimikan ng kwarto ko habang nakaupo ako. Huminga muna ako bago lumapit sa pinto. Pagkabukas ko, bumungad sa akin si Manang Celia. May banayad siyang ngiti habang nakatingin sa akin.
“May kailangan ka pa ba, iha, bago ka matulog?” malumanay niyang tanong.
Ngumiti ako at umiling, “Wala na po, Manang. Salamat po.”
Aalis na sana siya nang bigla ko siyang tawagin dahil naalala ko ang invitation sa ball.
“Manang…”
Lumingon siya.
“Pwede po bang may ipakisuyo?”
“Sige lang, iha. Ano ba iyon?”
Nag-atubili ako sandali bago nagsalita, “Pwede po bang sabihin kay Atty. Marcelo… kung pwede, iparating niya kay Zavier na gusto kong um-attend sa graduation ball namin?”
Tumango si Manang Celia, “Ipaparating ko. Iyon lang ba? Damit? Sapatos? May kailangan ka ba kung papayag si Sir?”
“Kung papayag po siya. Salamat po.”
Nginitian niya ako bago tuluyang umalis. Nang maisara ko ang pinto, napaupo ako sa gilid ng kama. Hindi ko alam kung makakarating sa kanya ang mensahe ko. Mas lalong hindi ko alam kung papayag ba siya. Wala naman kaming relasyon. Isa lang akong taong inilagay niya sa mansyon na ito, at siya ang may huling desisyon sa lahat ng gagawin ko pero graduation na namin. Pagkatapos ng gabing iyon, malamang ay magkakanya-kanya na kami ng landas. Ang mga taong nakasama ko sa loob ng ilang taon ay maaaring hindi ko na makita pang muli.
Gusto kong makasama ang mga kaklase ko. Gusto kong pumunta kasama sila, kumuha ng litrato, at gumawa ng mga alaalang babalikan namin balang araw. Kahit isang gabi lang. Kahit iyon na ang huling pagkakataon.
Hindi ko hinihiling ang imposible. Umaasa lang akong papayagan niya ako. Tahimik akong napatingin sa bintana. Sana… kahit minsan, hayaan niya akong mamuhay na parang isang normal na estudyante. Isang gabing wala akong iniisip na iba kundi ang magpaalam sa mga kaibigan kong naging bahagi ng pinakamagandang taon ng buhay ko