Chapter 24

1058 Words
"Pero dalawa tayong nag-apply rito, Glai," naiiyak na wika niya rito. "Oo nga kaso ay ganoon talaga. Baka hindi pa para sa akin ang araw na ito." Hindi na siya nakapagsalita pa. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. "Paano ba niyan? Mauuna na akong umuwi sa'yo. Baka kasi gabihin ako sa daan. Good luck sa medical exam mo ha. Susunod na niyan. Pagkatapos ay training niyo na. Pagbutihin mo lamang sa training para tuloy-tuloy ka na ha." Tinapik siya nito sa balikat at nginitian bago tumalikod at naglakad na palabas. Nalulungkot talaga siya at hindi niya ito kasama hanggang sa huli. Kinailangan na niyang bumalik sa loob nang tawagin na siya ng mga kasama na pumasa na tulad niya. Isa-isa na silang binigyan ng referral sa medical exam nila. Magtutungo na sila sa isang ospital kung saan ay mame-medical na sila. Lumabas na sila ng gusali at sabay-sabay na sumakay sa paradahan ng jeep. Mabilis lamang natapos ang medical nila. Kaya nga lamang ay ginabi na sila. Hindi niya alam kung mayroon pa siyang masasakyan na jeep pauwi. Sa malas ay wala siyang kalugar sa mga pumasa. Ibang part ng Tarlac ang way ng mga kasamahan niya. Wala siyang nakikitang mga dumadaan na jeep na papunta sa kanilang lugar kung saan sila nagpa-medical. Napilitan siyang maglakad sa mas madalas na daanan ng mga dumadaan na jeep. Malayo nga lamang talaga. Mga kinse minutos din siyang naglakad bago niya narating ang terminal. Doon pa lamang siya nakasakay ng jeep. Last trip na pala ang sinakyan niya. Pasado alas otso na kasi. Ibig sabihin ay kailangan niyang agad na makarating palagi roon upang hindi siya maiwanan ng jeep. Bukas pa naman ng umaga ay magsisimula na ang training nila. Dalawang linggo ang magiging training. Ibig sabihin ay kung magkano ang nagastos niya ngayon ay imu-multiply niya ito sa dalawang linggo. Malaki-laki rin ang kakailanganin niyang pera. Medyo nangangailangan talaga siya ng malaking pera. Saan kaya siya manghihiram muli? Medyo nahihiya na rin kasi siya sa kanyang Tiya. Masyado ng maraming gastos sa kanila ito. Pagdating niya sa sakayan ng traysikel ay naghintay siya ng makakasabay upang makatipid. Hindi na bale kung maghintay siya ng ilang minuto. Sayang din kasi. Kalahati rin ang matitiipd niya. Gumaan na nang bahagya ang coin purse niya. Marami na kasing baryang nabawas. Mga sampung minuto lamang naman siyang naghintay at dumating na ang makakasama niya sa traysikel. Ang isa ay sumakay sa likuran ng driver. "Maya, ikaw pala iyan! Saan ka galing at ginabi ka yata?" Si Aling Celia ang nakatabi niya sa loob ng sidecar. Mabait din naman ito. Hindi nga lamang ito palaging lumalabas ng tahanan nito. Hindi ito tulad nila Aling Sonya na halos araw-araw na lamang ay nasa labas ng tahanan at may ka-meeting na mga kapit-bahay. Hindi niya alam kung may ibig ba itong sabihin sa sinabi nito pero sinagot na lamang niya ito. "Ahmm.. Opo, Aling Celia. Nag-apply po kasi ako ng trabaho sa Tarlac. Inabot po kami ng gabi sa medical exam kaya heto po at ginabi ako," paliwanag na lamang niya rito. "Ganoon ba? Na-medical ka na? Ibig sabihin ay tanggap ka na sa trabaho niyan." Mukhang masaya naman ito sa ibinalita niya rito. "Hindi pa po ako sigurado. Kailangan po kasi na maipasa muna namin ang training…" "Ano ka ba?! Tanggap ka na roon. Imposibleng hindi ka pa nila tuluyan na tanggapin. Ginastusan na nga nila ang medical mo hindi ba?" Alanganin na tumango siya kay Aling Celia. Ayaw muna niya sanang sabihin na tanggap na talaga siya. Baka kasi mamaya ay hindi siya makapasa sa training. "Alam mo, maniwala ka dapat sa sarili mo na kaya mo. Paano kang tatagal sa papasukan mo kung ngayon pa lamang ay mahina na ang loob mo hindi ba?" wika nito sa kanya. At tama nga ito kung tutuusin. "Kaya mo iyan." Tinapik siya nito sa kanyang balikat. "Salamat po, Aling Celia." Hindi na nila namalayan na nasa baryo na sila. Nauna ng bumaba ang isang pasahero na nag-backride sa likod ng driver. Nang nasa tapat na sila ng tahanan ni Aling Celia ay pumara na ito sa traysikel driver. Masaya itong nagpaalam sa kanya. Siya na lamang ang natira sa loob. Bumaba siya sa tapat ng tindahan ng kanyang Tiya Iska. Iniwan kasi niya ang dalawang kapatid sa pangangalaga nito. Nang bumaba siya ay siya naman na pagbukas ng bahay ng kanyang Tiya. Siguro ay kanina pa ito nag-aalala sa kanya. Nine-thirty na rin kasi ng gabi. "Maya, ano'ng balita sa lakad mo? Bakit ngayon ka lamang? Lumalalim na ang gabi ha." "Oo nga po, Tiya. Nagdire-diretso po kasi ako hanggang sa medical exam." "T-teka, a-ano'ng ibig mong sabihin? Tanggap ka na?!" namimilog ang mata na tanong sa kanya ng kanyang Tiya. Hinawakan pa siya nito sa magkabilang balikat niya. "K-kung makakapasa po ako sa training, Tiya. Diretso na po akong magtatrabaho." "Talaga?!" Nagtatalon ang kanyang Tiya. "Tanggap na ang Ate niyo!" Maging ang kanyang dalawang kapatid ay labis ang kasiyahan. "Pasado na'ko!" sambit na lamang niya sa kanyang sarili. Kailangan niyang makapasa sa training! Inaasahan na ng lahat na tanggap na siya. Sa training na lang naman ang hihintayin niya. Siguro naman ay maipapasa na niya iyon dahil pag-aaralan naman ang lahat ng gagawin nila roon. Sinabi na niya sa kanyang Tiya na mangangailangan lamang siya ng perang magagastos at ito na ang nagprisinta na maghahanap ng magagamit niya. Nangako naman siya na mababayaran naman niya ang hihiramin sa sandaling nakuha na niya ang kabuuan niyang bayad sa training. Ang iniisip na lamang niya ay kung magre-resign na ba siya sa Fast Burger. Sabi ng kanyang Tiya ay kahit huwag na raw. Wala naman daw siyang hahabulin doon. Masaya silang umuwi ng tahanan nilang magkakapatid nang gabing iyon. Kinabukasan nga ay maaga na naman siyang nagising tulad ng ginawa niya kahapon. Nagtungo ang kanyang Tiya sa bahay nila at inihatid ang niluto nitong baon para sa kanya. Para mas makatipid daw sila. Madilim pa nang umalis siya ng bahay. Tulad ng dati lamang ang sinakyan niya. Maaga pa lamang ay naroon na siya sa kompanya. Dinatnan na niya si Orlando roon. Kasunod niyang dumating si Loida. Habang hinihintay nila ang iba pa ay hindi nila naiwasan na mapag-usapan si Glaiza. Pare-pareho silang nasasayangan at hindi ito nakapasa. Mas masaya sana sila kung kasama nila ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD