Chapter 10

2956 Words
“INANG, ‘di yata’y nagtagal kayo sa bayan.” “Magbalot ka na ng mga damit mo, Corazon at bukas ay patutungo tayo ng El Camino,” anito, nagtanggal ng balabal at tumuloy sa kanilang silid. Sinundan niya ito roon. Kulang ang sabihing nagulat siya sa sinabi nito. “El Camino? Ano’ng gagawin natin doon, Inang?” Hindi agad ito tumugon sa tanong niya. Naging abalang-abala ito sa paglalabas ng mga maleta sa ilalim ng katre nila. Nang mahila nito ang dalawang luma ngunit maayos-ayos pang maleta ay binuksan nito iyon at inilagak ang mga damit nila roon. Mukhang napili na rin nito ang mga dadalhin nila sapagkat nakapatas na iyon ng maayos. Nilinga siya nito nang mapuno nito ang isang maleta. “Magbabakasyon lamang tayo roon. Matagal na rin nang huli akong mabisita sa lugar namin. At isa pa’y gusto ka ring makita ng aking kaibigan.” Muli nitong binalingan ang ginagawa at ipinagpatuloy iyon. “Bakit parang biglaan naman yata ang pag-alis natin, Inang? Hindi na ba makapaghihintay ang kaibigan mo at bukas na bukas din ay kailangan nating pumaroon?” Naguguluminahan pa rin siya sa agarang desisyon na iyon. “Halos dalawang dekada rin akong nawala sa amin, Corazon. Ngayon lang ako magbabalik doon kaya kahit ako ay may pananabik na makabiyahe tayo sa lalong madaling panahon,” tugon nitong hindi lumilingon sa kanya. “Pero paano si… Cariño? Mamanhikan na sila sa susunod na linggo. Nakausap naman na ninyo ang mga magulang niya. Hindi nila batid na aalis tayo at pupunta sa malayo. Baka masorpresa sila kung wala silang aabutan dito sa atin.” Muli siya nitong nilingon at binitiwan ang hawak na damit. Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang palad niya. “Hindi tayo magtatagal doon. Isa pa’y kung totoong mahal ka niya’y makapaghihintay siya sa pagbabalik mo,” diretso ang tinging saad nito sa kanya. “Paano naman po ang pag-aaral ko sa kolehiyo? May natitira pa kaming isang buwan bago matapos ang semestre,” maagap na dagdag dahilan niya, sinalubong ang mga mata nito. “Nakausap ko na ang mga maestro’t maestra mo. Naunawaan nilang kailangan nating magbakasyon. Pagbibigyan kanilang maihabol ang ilang proyekto at pagsusulit na hindi mo magagawa.” Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng ina. Kailan pa ito nagtungo sa kolehiyo nila? At totoo kayang pumayag ang mga profesor niya na lumiban siya sa klase? “Huwag ka nang mag-alala, Corazon. Ang mabuti pa’y tulungan mo ako sa pagliligpit ng mga dadalhin natin upang hindi na tayo maantala pa bukas.” “Pupuntahan ko lang si Cariño para makapag-paalam ako ng personal sa kanya. Babalik din ako agad para tulungan kayo sa pag-iimis ng mga gamit natin.” “Delikado na ang gabi. Huwag ka nang magtungo pa sa bayan. Mag-iwan ka na lamang ng liham para sa nobyo mo at ipapakisuyo ko kay Aling Sitas bago tayo umalis.” Bumitaw ito sa kanya at ipinagpatuloy ang pagliligpit. Wala na siyang masabi pa upang mapigil ang pag-alis nila o makita man lang si Cariño bago sila umalis. Napilitan siyang makitulong na sa ina sa pag-aayos. Nang maihanda ang lahat ng dadalhin nila ay kumuha siya ng pluma at papel. Naupo siya sa gilid ng bintana at nagsimulang magsulat ng liham para sa nobyo. Hawak-hawak niya ang liham hanggang sa paghiga. Biling-baliktad siya sa kanyang higaan, hindi siya dinadalaw ng antok. May kung anong kaba sa dibdib niya na hindi niya maunawaan. Pakiramdam niya ay may masamang mangyayari sa pag-alis nila. Inabot na siya ng hating-gabi sa pag-iisip subalit maaga pa rin siyang nagising dulot ng ligalig. Bumangon siya at nang tingnan ang orasan ay mag-uumaga pa lang. Nag-ayos siya ng sarili at umalis ng bahay. Tangan-tangan niya ang liham na ginawa kagabi. Sumakay siya ng traysikel at nagpahatid sa adres nila Cariño. Naabutan niyang bukas ang ilaw ng kabahayan. Umibis siya ng sasakyan at mabilis na kumatok sa tarangkahan. Pinagbuksan naman agad siya ng isang katiwala. “Ikaw pala ‘yan, Corazon.” Si Minda nang mamukaan siya. Nakilala na rin niya ito noong una siyang ipakilala ng nobyo sa mga magulang. “Nahuli ka ng dating. Nakaalis na sila Manang at Manong. Sumama sa kanila si Cariño.” “Bakit ho sila umalis? May ibinilin po ba?” “Ay, wala naman. Babalik din ang mga iyon mamaya. May aasikasuhin lang ang mga iyon sa negosyo.” “Ganoon po ba. May ipagbibilin po sana ako. Aalis po kami ng aking ina. Medyo magtatagal po kami sa pupuntahan namin. Pakisuyo po sana ako ng sulat ko para kay Cariño.” “Aba’y walang problema. Sayang lang at hindi kayo nagpang-abot pero huwag kang mag-alala siguradong makararating kay Cariño ang liham mo.” Inabot niya rito ang itinuping papel at mabigat ang loob na umalis. Nag-abang siya ng masasakyan at nagpahatid pabalik sa kanila. Mahimbing pa rin ang tulog ng kanyang ina samantalang siya ay hindi mapalagay. Naghanda na lamang siya ng agahan nila. Nang matapos siyang makapagluto ay ginising na niya ang ina. Nagsalo sila nito sa almusal at gumayak pagkatapos niyon. Tig-isa silang hila ng maleta ng ina pero maliban doon ay may nakasukbit pang ‘di gaanong kalakihang bag sa balikat nito. Siya naman ay handbag lang ang dagdag na dala. Sumakay sila ng traysikel at nagpahatid sa terminal. Hindi bus ang sinakyan nila kundi isang kulay abo na Toyota van. May iba silang kasama roon, mga pawang pasahero rin. Maliban sa bus ay isa iyon sa karaniwang transportasyon ng mga tao sa bayan nila pero kadalasang may kaya ang sumasakay roon. Mukhang pinagplanuhan at pinag-ipunan din talaga ng kaniyang ina ang pagbabakasyon na iyon. Kahit paano’y nakaramdam siya ng pagkapahiya na parang sarili lang niya ang iniisip. Nakalimutan niyang isalang-alang ang kasiyahan ng ina na nais ding makasama ang kaibigan nito. Pilit niyang ipinalagay ang loob at kahit paano ay nakatulog siya sa biyahe. Ginising lamang siya ng ina nang makarating sila sa aero puerto. Sa unang pagkakataon ay makakasakay siya ng eroplano. Sa unang pagkakataon rin simula nang umalis sila ay nagkaroon ng pananabik sa dibdib niya. Dumiretso na sila sa departure area at nag-abang ng anunsiyo mula sa tagapagsalita. Nang marinig nila ang pagtawag para sa flight nila ay tumuloy na sila. Namangha siya nang lumipad na ang eroplano at makita ang mga ulap sa langit. Hindi matapos-tapos ang pagkamangha niya. Para siyang musmos na giliw na giliw sa nakikita. Ngunit kalaunan ay napagod rin siya at nabagot. Muli siyang nakatulog at gumising para mag-merienda. Inalok niya ang ina pero tumanggi ito. Uminom lamang ito ng tubig. Mukha itong tensyunado, kung dahil sa unang pagsakay rin nito sa eroplano o kung ano pa man ay hindi na niya napagkaabalahang itanong sapagkat nag-anunsyo na ang kapitan na palapag na sila. Nang makababa sila sa paliparan ay tumuloy agad sila sa labasan at nag-abang sila ng masasakyan. Isang taxi ang pinara ng kanyang inang at nagpahatid ito sa pamilihang bayan. Nang makarating sila roon ay nanatili sila sa cobertizo de espera. Doon na raw nila hihintayin ang susundo sa kanila patungong El Camino. Nagpaalam siya sa inang bibili lang ng maiinom nang isang lalaki ang lumapit sa kanya at hinablot ang hawak niyang handbag. Matulin itong tumakbo palayo. Naiwan siyang sumisigaw at humihingi ng tulong. Naagaw niya ang atensyon ng mga tao pero walang naglakas-loob na habulin ang umiiskapong kawatan. Susundan sana niya ang magnanakaw ngunit pinigil siya ng ina. Bago pa man mawala nang tuluyan sa paningin niya ang lalaking nanghablot ng handbag niya ay nakita niya itong tumumba sa kalsada. Hindi na siya nag-aksaya ng oras at tinakbo ang direksyong tinahak nito. Narinig niya ang babala ng ina subalit hindi niya iyon pinansin. Papalapit na siya sa lalaki nang makitang pinipilit nitong makaahon mula sa pagkakasadlak. Isa pang lalaki ang nakatunghay lamang sa harap nito. Nakita siya ng nakatayong lalaki at gumuhit ang takot sa kanyang damdamin. Napahinto siya sa pagtakbo. Akmang susugurin ito nang papatayong magnanakaw nang mabilis nitong bigwasan ng tadyak ang mukha nito na muling nagpasadlak dito sa sementadong daan. Nabitiwan nito ang handbag niya at tumilapon iyon ng ilang talampakan mula rito. Tila naging alerto naman ito at nagpagulong para muling makuha ang handbag niya. Nang bahagya itong makalayo mula sa isa pang lalaki ay nagawa nitong makatayo nang tuluyan. Napasinghap siya nang maglabas ito ng patalim. Isang punyal. Nangamba siya para sa isa pang lalaki na hindi niya matiyak kung tinutulungan ba siya o may atraso lamang dito ang magnanakaw. Binalikan niya ito ng tingin at hindi niya ito kinakitaan ng takot. Sa katunayan ay tila mas ginanahan ang anyo nito. Napigil niya ang hininga nang magsimulang lumusob ang magnanakaw at undayan nito ng patalim ang kalaban. Mabilis namang nakakailag ang lalaki at nang muling sugurin ng magnanakaw ay nahawakan nito ang pulupulsuhang nitong may hawak ng punyal. Napahiyaw ang magnanakaw at nabitiwan iyon. Sa mabilis na sandali ay nakita niyang nasalo iyon ng lalaki at sinuntok ng kamao nito ang mukha ng magnanakaw. Muling itong bumagsak at sa pagkakataong iyon ay hindi na tinangkang kumilos pa. Dinampot ng lalaki ang handbag niya at pinagpag ang alikabok na kumapit doon. Marahang lumapit ito sa kanya at iniabot sa kanya ang handbag. Tinanggap naman niya iyon. “Maraming salamat, ginoo.” Hindi niya napigilang pagmasdan ang kabuuan ng lalaki. Napakatangkad nito. Mas matangkad pa yata kay Cariño. Sa estima niya ay lagpas ito ng anim na talampakan. Ang katawan nito ay siksik sa masel kung kaya’t hindi na nakapagtatakang napabagsak nito ang magnanakaw sa isang suntok lang. At ang mukha nito, wala siyang ibang maisip na deskripsyon kundi guwapo ito sa salitang guwapo. Pero ang mga mata nito ay nagbabadya ng mga bagay na hindi niya nanaising malaman. Napakaitim niyon at tila nanunuot sa kabuuan niya ang mga tingin nito. “Walang anuman, mag-iingat ka sa susunod lalo na kung isa kang dayo,” sagot nito na hindi pa rin humihiwalay sa kanya ang mga mata. Gusto man niyang umiwas ng tingin dito ay hindi niya rin magawa sa kung anong dahilan. Hindi niya alam kung saan nagmumula ang takot. O baka sadyang nababato-balani lang siya ng mga titig nito? “Corazon, ano’ng nangyari? Ayos ka lang ba?” anang kanyang ina na pumutol sa daloy ng mga damdamin niya. Hila-hila nito ang dalawang maleta nila at humihingal nang tuluyang makalapit sa kinatatayuan nila ng lalaki. “Inang, nabawi ko naman ang handbag ko sa tulong ni…” Muli niyang nilingon ang lalaki. “Marxis…” dugtong nito sa sinasabi niya. “Ikaw na ba ‘yan, Makoy?” Bumukas ang pagkilala sa mukha ng ina nang maiging mabistahan ang lalaking kaharap nila. Iniwan nito ang mga maleta at sinalubong ng yakap ang lalaki. Yumakap din naman dito ang nagpakilalang Marxis… o Makoy. “Napakalaki mo na at kahawig na kahawig mo ang iyong ina.” Sa sapantaha niya ay ito ang sundo nila na siyang maghahatid sa kanila sa El Camino. Kung gayon ay anak ito ng kaibigan ng kanyang ina. Mabuti na lamang at nataong naroroon na rin ito nang mahablot ang handbag niya. Muling sumulyap ang lalaki sa kanya at ngumiti sa pagkakataong iyon. Humiwalay ito sa kanyang ina at humakbang palapit sa kanya. Naramdaman niya ang panginginig ng mga tuhod sa papalakas na presensiya nito habang mas nagkakalapit sila. Ngunit sa isang iglap ay parang bulang naglaho iyon nang lagpasan siya nito at tunguhin ang mga maleta nila. KANINA pa naiilang si Corazon sa lalaking sumundo sa kanila. Bagaman maginoo naman ang ipinakitang kilos nito simula kanina ay hindi niya maiwasan makaramdam ng pagkailang sa presensiya nito. Mas ang nararamdaman niya ngayon dahil magkatabi sila sa unahan ng minamaneho nitong owner-type jeep. Sa likod naupo ang kanyang ina kasama ang mga dala nilang bagahe. Maya’t-maya ang sulyap niya sa rear view mirror ng sasakyan upang makilatis pa lalo ang lalaki. Baka sakaling pumanatag na ang loob niya kung masasanay na rito. Habang tumatagal ay mas lalong nagiging malinaw ang kastilaing hitsura nito. Nangingibabaw sa mukha nito ang matangos na ilong. Ang mga labi nito ay manipis sa ibabaw at may kakapalan sa ibaba. May mga mumunting buhok din ito sa patilya hanggang sa baba at palibot ng bibig. At ang kulay ng mga mata nito ay napakaitim. Parang kalangitan sa gitna ng gabi kung saan walang mga bituing kumukutitap. Ni hindi pumupusyaw ang pagkakaitim niyon kahit tinatamaan ng sinag ng araw. Nang tumikhim ito ay hindi sinasadyang nasalubong niya ang tingin nito sa salamin. Ngumisi ito sa kanya. Nanayo ang balahibo niya sa batok. “Baka matunaw na ako niyan sa ginagawa mo.” Napipilan siya at napahiya. Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi at kitang-kita niya sa salamin ang pamumula niyon. “Sa tingin ko naman ay hindi ka basta-basta matutunaw sa kakapalan ng mukha mo,” aniyang hindi nag-iisip, idinaan sa galit ang pagkapahiya para maitago iyon. Nginisian lamang siya nitong muli. “Ako naman ay nagpapaalala lang. Saka matagal pa tayong magkakasama kaya marami ka pang panahon para titigan ako.” “Yabang,” asik niya at ibinaling sa labas ang tingin. Mahinang tawa lang ang narinig niya mula rito. Kahit ang tawa nito ay nakakapanindig ng balahibo niya. Hindi dahil sa takot kundi ibang pakiramdam na hindi niya mabigyang pangalan. Wala na siyang ibang narinig mula sa lalaki. Hindi na rin siya kumibo at pinanood na lang ang mga nadadaanan nilang lugar. Hanggang sa makarating sila sa isang malaking arko na may nakasulat na Rancho de Altafuente. Doon tumuloy ang sasakyan nila. Kusang umangat ang harang sa dadaanan nila nang makalapit sila roon. Nakita niyang sumaludo ang lalaking nagbabantay roon. Nang lingunin niya ang katabi ay sumaludo rin ito pabalik at nagpatuloy sa pagmamaneho. “Nasa rancho na tayo pero malayo-layo pa rito ang villa,” imporma nito. Hindi siya tumugon dahil mukhang hindi naman ito naghihintay ng sagot mula sa kanya. Itinuloy na lamang niya ang pagmamasid sa mga nadadaanan nila. Halos walang ipinagkaiba ang lugar sa bayan nila sa Sta. Monica. Mas marami lang sigurong sementadong daan dito sa El Camino at halos lahat ng bahay ay sementado. Sa isang sulok ng kalsadang pinasok nila ay may malalaking letrang nakatayo roon. Pueblo Ranchero. Sa direksyong tinatahak nila ngayon ay mas maraming kabahayan ang nakatayo. At halos magkakatulad ang mga iyon ng estruktura maliban sa ilang kaibahan sa harapan ng mga bahay. “Sino’ng mga nakatira rito?” usisa niya dala ng kuryusidad. “Mga ranchero at pamilya nila. Proyekto ito ng rancho para sa lahat ng manggagawa.” Nakakabilib na malaman iyon. Maganda kung gayon ang palakad sa rancho. “Jefe!” Isang matandang lalaki ang tumatakbo sa direksyon nila. Binagalan ni Marxis ang pagpapatakbo sa sasakyan at hinayaang makahabol sa kanila ang tumatawag rito. “¡Hola, Señor Clavio! Ano’ng sa ‘tin?” “Magandang tanghali, Jefe! Balita ko’y sinundo mo raw si Consuelo?” Sumilip ang matanda sa loob ng sasakyan. Nang mahagip siya nito ay ngumiti siya at bumati. Parang nabigla naman ito nang mabistahan siya ngunit agad din nitong binura iyon. “Claverio? Ikaw ba ‘yan?” anang ina niyang sumilip mula sa loob ng sasakyan. “Aba’y ikaw nga. Tingan mo nga naman, kumusta ka na?” “Ayos naman. Mas maunlad na rito sa El Camino kaysa noon. Mabuti at naisipan mong bumisita rito. Kaytagal na panahon na, ano.” “Siyang tunay, napakatagal na nga.” Nagpatuloy sa kamustahan ang dalawa hanggang sa magpaalam na rin ang matandang lalaki nang maalalang may papanganakin pa itong mga baka. “Sige ho, Señor Clavio. Mauuna na po kami sa inyo,” Si Marxis na muling pinaingay ang sasakyan. “Oo, siya’t kanina pa rin naghihintay roon ang tiyahin mo.” Nagpaalam na rin ito sa kanyang ina at tumakbo pabalik sa pinanggalingan nito. Bumilis muli ang takbo nila hanggang sa makarating sila sa isang napakalaking tarangkahan. Mukha na iyong pader sa lapad at taas. Sa gitna niyon ay may malaking letrang A ang nakaukit. Nakaisang busina lang si Marxis at bumukas na iyon. Sinalubong sila ng grandiyosong villa. Mukhang luma na iyon pero hindi nagmamaliw ang gandang taglay. Humimpil sila harap niyon at mabilis na sinalubong ng dalawang kasambahay base sa suot ng mga iyong uniporme. Bumaba sila ng sasakyan at agad na kinuha ng mga ito ang mga dala nilang bagahe. Sumunod sila sa mga ito sa pagpasok sa antigong pinto ng villa. Isang babae ang nakatayo roon na mukhang kanina pa sila inaabangan. Nakasuot ito ng kulay asul na blusa na may mahahabang manggas. Ang saya nito ay mahaba rin na halos tinatakpan na ang sapin sa mga paa. Nakangiti ito pero hindi iyon umaabot sa mga mata. “¿Como estas, Consuelo? Ha sido un largo tiempo.” Lumapit ito sa kanyang ina at humalik sa magkabilang pisngi nito. “Maayos naman ang naging lagay ko sa nakalipas na mga taon, Soling.” Bahaw na tumawa ang babae. “No, ya no soy Soling. Es Mira.” “Mira?” Tila hindi pinansin ng babae ang pagtataka ng ina at binalingan siya. “¿Ella es tu hija?” Siya naman ang nilapitan nito at sinapo ang magkabilang pisngi niya ng mga palad nito. “Eres muy hermosa. Amo tus ojos. Pero pareces una tipica campesina.” Hindi niya nagustuhan ang naging tabas ng dila nito. Malinaw na kinukutya siya nito kahit pa wala namang masama sa pagiging magsasaka. “Pagpahingahin na muna natin ang mga bisita, Tia. Mahaba ang naging biyahe nila at mukhang hindi maganda ang gising mo,” gagad ni Marxis. Matalim ang ipinukol nitong tingin sa tiyahin. “Lo siento mucho. Descansar un poco y luego almorzar,” anito at iniwan sila. Nakasunod lamang ng tingin dito ang kanyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD