Chapter 5 Hatid

2112 Words
Carel Rain “AYOS KA LANG?” Nakahinga ako nang maluwag nang makita si Ryder. Siya lang naman ang pumasok. “A-ayos lang ako,” nautal ko pang sagot. Ang bilis pa rin kasi ng t***k ng puso ko. “Sigurado ka? Para kang takot na takot, e. Iniisip mo ba ‘yong mga lalaki kanina? Huwag ka mag-alala, ban na mga ‘yon at hindi na makakapasok dito. Gusto mo ihatid kita mamaya para sigurado na hindi ka nila inaabangan sa labas,” bakas ang pag-aalala sa mukha ni Ryder pero ‘yon huling sinabi niya ay parang nagpabilis na naman ng t***k ng puso ko. Paano kung inaabangan nga ako ng mga lalaki na ‘yon kanina? ‘Wag naman Sana! “Huwag mo naman ako takutin.” Nahampas ko pa siya sa braso para lang pakalmahin ang sarili pero kabado bente na ako. Paano kung nakaabang nga sila sa akin? Oh my gosh! “Ihahatid kita mamaya para sigurado. May kailangan ka ba dito? Baka kailangan ka na sa labas? Ako magyosi break lang.” Napatango na lang ako nang lagpasan na niya ako. Ayoko pa sana lumabas kaso baka hinahanap na ako. Baka nagmamalikmata lang talaga ako kanina. Huminga ako nang malalim nang ilang beses. “Go, Rain! Kaya mo ‘yan. Kung sakali siya man ‘yon, magpanggap ka na hindi mo siya kilala. Yes. Tama. Ang galing ko talaga.“ Dahil sa naisip ko ay nagkalakas na ako ng loob para lumabas ulit at ituloy ang natitirang oras pa ng aking duty. Pasimple kong sinulyapan ang lamesa sa may dulo kung saan ko nakita ang pamilyar na lalaki. Gano’n na lang ang pasasalamat ko nang wala nang makita roon. Mali lang talaga ako. Baka gutom lang, hindi kasi ako nakakain nang maayos kanina gawa noong mga manyakis na ‘yon. Pinagpatuloy ko ang pag-serve sa mga customer, unti-unti na rin nababawasan ang mga tao sa loob. At mukhang may kanya-kanya na rin milagro ginagawa ang mga nanatili sa loob. “Nakakainis talaga. Pera na naging bato pa. Takot pala sa misis tapos pupunta pa rito,” rinig kong reklamo ni Lovely na pumasok sa kusina. Naghatid kasi ako ng mga niligpit kong kalat. “Nabomba ka ba?” Mapang-asar na wika ni Triad. Kasalukuyan itong umiinom ng tubig at sana hindi ito masamid dahil kulang na lang ay tumawa nang malakas. Isang irap lang ang ginawa ni Lovely at nagdadabog nang lumabas. Nagkatinginan kami ni Triad saka sabay na natawa. Lumabas na rin ako para magligpit pa at gusto ko nang umuwi. “Pero ang gwapo talaga nila kaso alak lang talaga ang ipinunta rito. Gusto kong isipin na iba type nila kaso wala sa itsura, e.” Nahinto ako sa paglabas nang marinig ang sinabi ni Joy. Isa siya sa mga mabentang GROs dahil sa angking ganda at masayahin pa. “For your information, madalas sa mga berde ang dugo ay mga gwapo, makisig at talaga ideal man. Kaya ‘wag ka, baka naman iba ang hanap.” Nag-apir pa sina Joy at Angel sa tinuran ng huli. Habang ako ay natatawa na nagpatuloy na sa pagliligpit. Sanay na ako sa mga iba’t-ibang kwento mula sa kanila. Minsan matatawa ka na lang kapag ang kwento nila ay ang tungkol sa karanasan nila sa mga lalaking nakakatalik nila. Virgin nga siguro ako pero hindi ako tânga sa usaping s3x lalo pa’t nagtatrabaho ako sa mundo na isa ito sa kailangan gawin. Nilagpasan ko na sila at itinuloy ang pagliligpit ng kalat. Hanggang sa tuluyan na magsara ang club. “Ihahatid ka raw ni Ryder, ah?” Salubong na tanong ni Ashley sa akin pagkapasok ko sa kusina para sa huling mga hugasin. Nagulat ako sa tanong niya. “Narinig ko lang kanina kasi naman nakikisabay si Paulo,” bahagya siyang tumawa, “tapos sinabi nga ni Ryder na ihahatid ka niya at baka raw abangan ka noong mga lalaki kanina nambastos sa ‘yo. Tama lang ‘yan kung may isa kang taong pagkakatiwalaan dito ay si Ryder ‘yon. Mabait na gwapo pa.” Napangiti ako sa huling sinabi niya dahil para pa siyang kinikilig. “Tapusin mo na nga ‘yan at nang makauwi na tayo. Tulungan na kita.” Alok ko sa kanya na hindi naman niya tinanggihan. Nakasanayan ko na rin kasi lagi siyang tulungan kaya mas napalapit ako sa kanya. Siguro isa si Ashley sa mga kasamahan ko na maituturing kong kaibigan at hindi lang basta katrabaho. Nang matapos na kaming lahat at malinis na ang buong club ay kanya-kanya na kaming uwi. Magkasabay kaming palabas ni Ashley nang mapahinto kami dahil naabutan namin si Ryder na nakaabang habang nakasandal sa motor niya habang nakatingin sa cellphone niya. Naramdaman ko ang pagsiko ni Ashley sa akin sakto naman umangat ang tingin ni Ryder diretso sa amin saka siya umayos ng tayo. “Halika na, girl.” Wala na akong nagawa nang hilahin ako ni Ashley palapit dito. “Hi, Ryder. Ang gwapo natin, ah,” wika ni Ashley. Gusto ko ng isipin na may gusto itong babae na ‘to sa kaharap namin. “Salamat, Ash. Gusto mo ba sumabay na rin sa amin?” tanong ni Ryder at sabay kami natawa nang impit na tumili si Ashley. Parang tânga lang kasi. “Ay, hindi na. Sa sunod na kanto lang ako nakatira. Itong si Rain na lang ang ihatid mo at baka nasa paligid lang ang mga lalaking ‘yon.” Napangiti ako sa tinuran ni Ashley. Ramdan ko kasi ang concern niya. “Sige na mauna na ako at may pasok pa ako bukas. Bye. Ingat kayo.” Nasundan ko na lang siya ng tingin hanggang sa nawala siya sa paningin ko. “Tayo na.” Napalingon ako Kay Ryder saka dumako ang tingin ko sa hawak niyang helmet. “Isuot mo ito,” sabi niya sabay abot sa akin ng helmet. “Huwag kang mag-alala, diretso kita iuuwi.” Bigla akong nakaramdam ng hiya saka mabilis na inabot ang inaabot niya. “Pasensiya na.” “Ayos lang, naintindihan ko. Bago ka pa lang at hindi pa naman tayo talagang magkakilala. Kung hindi ka naman komportable, pwede kang sumakay sa jeep at susundan ko na lang ‘yon hanggang sa makauwi ka.” Natigilan ako sa sinabi niya. Siya na nga ‘yong nagmamagandang loob tapos aakto pa akong maarte. Makakatipid na nga ako sa pamasahe. “Hindi na, nakakahiya naman sa ‘yo. Saka, don't worry kapag ‘di ako nakauwi, ikaw unang suspect,” biro ko sa kanya saka ko isinuot ang helmet. Narinig ko pa ang pagtawa niya na ikinangiti ko na rin. Madalas ko naman marinig sa ibang mga kasamahan ko na isa nga raw si Ryder sa matinong lalaki sa Venus. “Tulungan na kita.” Naramdaman ko ang pag-alalay niya sa helmet at pagyuko niya para ayusin ang strap. Hindi ko alam kung ano magiging reaksyon ko sa ginawa niya pero shít ‘di na yata ako humihinga. “Tapos na, tara na.” Napapikit-pikit ako at doon ko lang napansin na nakalayo na pala siya sa akin. Inayos ko ang sarili ko saka pasimpleng lumingon sa aming paligid. Nakita ko si Bubbles na may nanunudyong ngiti pero wala naman siyang sinabi at nagpatuloy sa paglalakad. Mukhang may nakalimutan lang siya, mabuti na lang at kami ang huling lumabas ni Ashley kaya wala masyado mga marites at baka ano pa ang isipin nila. Ibinalik ko ang tingin kay Ryder na ngayon ay nakasakay na sa kanyang motor. Humakbang na ako palapit at tulad nang inaasahan ko ay tinulungan niya ako makasampa sa likuran niya. “Salamat,” sambit ko kahit hindi ako sigurado kung narinig niya ba o hindi. Humawak ako sa magkabilang balikat niya nang magsimula siyang paandarin ang kanyang motor. Hindi naman ito ang unang beses na nakaangkas ako ng motor. Pero ito ang una na lalaki ang driver. First time ko kasi nakasakay ay kay Nyll, oo, may motor ang babaita na ‘yon at halos isumpa ko siya nang unang beses akong sumakay sa kanya. Para kasing gusto ng kumawala ng kaluluwa ko sa aking katawan sa bilis niya magpaandar. Mabuti pa si Ryder, maingat kahit wala naman halos sasakyan dahil madaling araw pa lang at sobrang linis pa ng daan. Pinikit ko ang aking mga mata upang damhin ang malamig na haplos ng hangin sa aking mukha. Nakataas naman kasi ang harang sa mukha ko. Ngunit bigla rin ako napamulat nang may lumitaw na mukha. Ilang linggo na ang lumipas bakit naman ngayon pa siya nagpaparamdam. Kinakain na ba ako ng guilt dahil sa ginawa ko? Pero wala akong panahon ma-guilty lalo na kailangan ko talaga gawin ‘yon. Mali pa rin ‘yon! Natigilan ako sa munting tinig na ‘yon at napabuntong-hininga. Oo na, mali na kung mali. Hihingi na lang ako ng sorry kapag nagkita kami. Pero sana hindi na. Nailing na lang ako dahil sa pakikipag-usap ko sa aking sarili na hindi ko na nga namalayan ang paghinto ng motor. “Saan tayo liliko? Calle Uno na ito,” tanong ni Ryder ang nagpabalik sa aking nawawalang ulirat. Napakurap pa ako bago tumingin sa paligid. Nasa kanto na pala kami at kita ko ang karinderya ni Nanay Lorna. “Pasok ka diyan, tapos ‘yong unang apartment,” sagot ko at baka nainip na siya dahil hindi ko alam kung kanina pa ba kami nakahinto. Pahamak kasi ang lalaki na ‘yon. Muling pinaandar ni Ryder ang motor at huminto sakto sa gate ng apartment. Mabilis akong bumaba at inalis ang aking helmet. Ginalaw ko pa ang ulo ko para ayusin ang buhok ko pero parang mas gumulo. “Heto,” sabay abot ko sa kanya ng helmet, “maraming salamat talaga, Ryder, ah. Ililibre na lang kita sa unang sahod ko,” nakangiti kong wika sa kanya. “Ayos lang. Pumasok ka na,” tugon niya naman habang may ngiti sa labi. Smiling face talaga siya kaya hindi ako magtataka kung bakit marami ang nagkakagusto rito. Tumango ako saka tinalikuran na siya at kinuha ang susi sa bag ko para buksan ang gate. Nang makapasok ako ay kumaway pa ako kay Ryder bago tuluyan isinara ang gate saka ko narinig ang pag-andar ng motor niya at tuluyan na ‘yon nawala. Humakbang na ako patungo sa pinto ng aking inuupahan. Tatlo ang upahan na naroon at ang dulo sa kanan ang akin okupado. Mabait naman ang mga neighbors ko, ay English ‘yon, ah. Halos single lang kami na narito at puro babae. Isa lang kasi ang kwarto pero may banyo sarili. “Ay tinapang bakla!” tili ko sabay takip sa aking bibig at baka magising ang kapitbahay. Pinaningkitan ko ng mata si Nyll na ngayon ay hawak-hawak ang tiyan at pigil na pigil na tumawa ng malakas. “Kabagin ka sana,” inis kong sabi saka isinara ang pinto at tuloy-tuloy ako naglakad paakyat sa taas, naramdaman ko naman ang pagsunod niya sa akin. Binuksan ko ang pinto ng kwarto saka isinabit ang dala kong bag sa likod ng pinto. “Sorry na. Masyado ka naman kasi magugulanti.” “So, kasalanan ko pa ngayon? Ano na naman kasi ginagawa mo rito?” Kumuha ako ng damit pamalit. “Kinuha ko lang itong jacket, naiwan ko kanina tapos ngayon ko lang naalala. Sasamahan ko kasi si Nanay mamalengke, ang lamig kaya.” Niyakap pa niya ang sarili na parang lamig na lamig talaga. “Pero… sino ‘yon? Kailan ka pa may tagahatid? Hindi mo man lang nakwento sa akin? Nakakatampo ka naman.” Hinarap ko na siya matapos ko makakuha ng damit na pamalit. Naiiling na lang ako, akala mo talaga nagtatampo. “Ako tigilan mo sa paganyan-ganyan mo, ah. Saka, ngayon lang niya ako hinatid. Nabastos kasi ako kanina tapos nag-alok siya na ihatid ako at baka raw inaabangan ako kaya pumayag na rin ako, nakatipid pa ako sa pamasahe,” paliwanag ko. “Ano? Sino nambastos sa ‘yo? Nasaan? Uupakan ko.” Ikinuyom niya pa ang kanyang mga kamao at itinaas sa ere na para bang may magagawa talaga siya. “Umalis ka na nga at gusto ko na magpahinga. Baka hinihintay ka na ni Nanay,” pagtataboy ko sa kanya at humakbang na ako pababa para magtungo sa banyo. “Mukhang gwapo naman ‘yang naghatid sa ‘yo, ah. Mukha rin mabait kasi concern Pero siyempre ‘di rin tayo sure. Type mo ba? Pwede mo naman i-try para magka-boyfriend ka na.” Napahinto ako sa paghakbang sa sinabi niya saka ko siya hinarap. “Hindi ko pinangarap na mag-asawa ng mahirap din.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD