Chapter 4 Si Lola Ang Bida

3980 Words
“Ah, wala iyon, Sir! Sige po kumain lang po kayo…” sabi ko at agad umiwas ng tingin. Simula ngayon ay mag-iingat na nga ako. Mahirap na at baka forever na akong maging pulutan ng lalaking ito. Demonyong manok kasi iyon, napakamahal pala! Paano ko mababayaran iyon ngayon? Naging instant yaya pa nga! Pagkatapos kumain ay nagpaalam na ako para umuwi sa amin at tuloy magpaalam rin sa lola ko. Ngunit naroroon pa lang ako sa may dulo ng kanto papasok sa kalsada papunta sa bahay namin ay nagsigawan na ang mga kapitbahay namin. Nanlaki ang mga mata ko kasi parang gulat na gulat sila nang makita ako. Nagtakbuhan sila at lumapit sa akin kaya agad akong naguluhan. “Sephie, huwag kang matakot! Ipagtapat mo sa amin ang lahat!” madramang pahayag ni Aling Linda. Tumango naman agad ang ibang mga kapitnbahay namin. “Tama, Sephie! Kung sino mang nangwalanghiya sa iyo, isumbong mo sa amin!” sabi pa ng isang kapitbahay namin. “Tama, tama!” “Kami ang bahala sa iyo, Josephine!” “Ang kamao ko ang tatapos sa kung sinumang umapi sa iyo, Sepyang!” Lalong lumalim ang kunot ng noo ko sa mga pinagsasabi nila. “Teka nga, ho… ano po bang meron at nagkukumpu-kumpulan kayo ngayon? May nanalo ba sa ‘weteng? O mayroon bang bagong kapitbahay na nabuntis?” Pambihira, present lahat ang mga tsismosa ngayon, oh. Pati mga sunog-baga ay perfect attendance din! Pero iisa ang nakikita ko sa mga mukha ng lahat ng mga nakapaligid sa akin ngayon – pag-aalala. “Naku, Josephine, isinugod sa ospital ang lola mo kagabi!” pagbabalita naman ng kaibigan kong si Yena. Doon kumabog nag dibdib ko at nanlaki ang mga mata ko. “Ha? Bakit naman?” gulantang kong tanong. “Eh, kasi naman itong si Aling Linda, nuknukan ng pagka-OA! Sabihin ba namang kaya ka nawawala ay na-kidnap, na-rape at chinap-chop na raw ang katawan mo saka ‘nilagay sa sako at itinapon sa ilog!” diretsong pagbabalita ni Yena. Napakamot naman si Aling Linda. Siya talaga ang lider ng mga chismosa dito sa lugar namin. Maraming mga mag-asawa, magkapitbahay, magjowa at magkaibigan ang nag-aaway dahil sa kaniya at sa mga mosang friends niya. “Aling Linda naman, eh!” reklamo ko agad sa kaniya. Bigla naman itong tila nahiya at napakamot ng ulo. “Sorry na… eh, paano, hinahanap ka ng buong barangay! Saan ka ba nanggaling?” “Naku, mamaya na natin pag-usapan ‘yan! Pupuntahan ko muna si lola!” tumalikod na ako sa kanila. Pero hinabol nila ako. “Josephine, clue naman diyan kung ano talaga’ng nangyari sa iyo? Sinuyod na namin pati ang mga kalapit na barangay, wala ka naman! Saan ka nga ba nanggaling?” giit na tanong ni Aling Linda. “Saka na po ako magpapaliwanag, hay!” itinuloy ko na ang paglakad papunta sa paradahan ng mga tricycle. Tila natataranta namang lumabas sa sidecar niya si Gian, iyong binatang tricycle driver na may crush sa akin. Nauntog pa nga siya sa kamamadaling makalapit sa akin. “Josephine, saan ka pupunta? ‘Hatid na kita?” alok niya na nagpapa-cute pa nga. “Sa ospital! Kailangan kong puntahan si lola,” sagot ko naman agad. Lumiwanag naman ang mukha niya. “O, tara na, at–” “Hoy, Gian, hindi pa ikaw ang nakapila! Ako muna! Ako na ang maghahatid kay Josephine!” kontra naman agad ni Aldrin na isa ring may crush sa akin. Itong dalawang ito ang pinakamasugid kong mga manliligaw dito sa barangay namin, eh. “Ako ang unang nakikita kay Josephine kaya–” “May pila nga tayo, ugok!” saad agad ni Aldrin. “Josephine, halika na!” tawag naman nito ulit sa akin. Kaya kahit naaburido na ako ay naglakad na lamang ako sa tricycle na naroroon sa unahan. Ganito naman talaga rito, pila-pila ang tricycle. Pagdating sa maliit na ospital sa bayan ay saka ko lang naalalang wala akong bag o anumang dala kaya wala rin akong pera. Lintek na buhay ito, oh! “Aldrin, utang muna, ah? Nagmamadali kasi ako kaya wala akong dalang pera, eh…” hinging paumanhin at pakiusap ko. “Basta ikaw, Josephine, kahit huwag mo nang bayaran! Kain naman tayo sa labas minsan…” biglang segway nito. Pinigilan ko ang sarili na huwag umikot ang mga mata. Nagpautang lang ng pamasahe may paganiyan agad. “Busy ako! Sige na, salamat!” tinalikuran ko na siya at agad nang pumasok sa compound ng ospital. May mga pahabol pa siyang sinasabi pero hindi ko na siya pinansin pa. “Teka-teka, Miss! Saan ka pupunta?” pigil sa akin ng guard nang akmang papasok na ako sa maliit na gate. “Ah, pupuntahan ko po ang lola ko sa loob, naka-confine po siya,” nakangiting tugon ko. Medyo matangkad itong guard at butas-butas ang mukha. Malaki ang ilong at maging ang mga butas nito, at napakaitim rin niya. Tapos iyong mga mata niya, ang sungit tumingin, akala mo ipinaglihi sa sama ng loob. “Dumaan ka muna sa triage. Saka dapat may facemask kang papasok dito!” seryosong sagot nito… hindi seryoso kung hindi masungit iyong pagkakasabi niya. “Wala naman ng CoVid, Kuya, bakit kailangan pa ng mask?” katuwiran ko naman. “Iyan ang patakaran dito! Sige, gumilid ka na roon at nakaharang ka riyan sa daan!” taboy niya sa akin na para bang isa akong aso. Kaya naman namaywnag ako sa harapan niya. “Hoy, kuya, grabe ka naman! Puwede mo namang sabihin nang maayos, ano!” angil ko sa kaniya. “Panget na nga, panget pa ang ugali…” bubulong-bulong na tumabi ako at tinungo ang triage na sinasabi niya. Ngunit muntik na akong mapamura nang makita kong napakahaba ng pila. Kinamot ko ang ulo ko kahit hindi naman makati. Hanggang sa mapalingon ako nang makakita ng isang buntis at isang matandang pinauna nila sa pila. Napangiti ako at parang may kumislap na bituin sa mga mata ko nang may maisip na idea. Humingi ako ng isang supot sa tindahan saka humanap ng malagong puno. Pinuno ko iyon ng dahon pagkatapos ay itinali kong mabuti ang supot. Inilagay ko iyon sa tiyan ko, at kunwari ay iika-ikang bumalik sa pila. “Ay, may buntis…. Dumiretso ka na sa harap, ineng!” sabi naman ng isang nakapila na nasa harapan ko. Tumango ako at nagkunwaring nahihiya at pagod na pagod. “Salamat, Ate. Kaso narinig ko na kailangan daw ng facemask sa loob. Wala po akong dala kasi nagmamadali akong nagtungo rito,” madramang saad ko at pinagmukhang kawawa ang mukha ko. “Ah, gano’n ba?” binuksan niya ang bag niya at may inilabas doon. “Ito, oh. Mabuti na lang at isang pack ang binili ko kanina.” Iniabot niya sa akin ang isang puting face mask. Agad ko namang ikinabit iyon saka nagpasalamat sa kaniya. “Sige, Ate… punta ana ako sa harap,” paalam ko pa. Tumango lamang ito at ngumiti. Walang kahirap-hirap na dumaan ako sa harap ng guard. Tapos noong hindi na ito nakatingin, iniwan ko sa gilid ng guardhouse iyong isang supot na dahon. Bahala siyang magtapon no’n mamaya. Kasunod niyon ay halos patakbong pumasok na ako sa lobby. “Walanghiyang guwardiya kasi iyon! Nabuntis tuloy ako nang wala sa oras!” hinihingal na saad ko. Pagkatapos ay lumapit ako sa information desk para tanungin kung nasaan ang ward ni lola. Hindi naman ako nahirapang hanapin iyon, At ganoon na lamang ang pagpalahaw ni Lola nang makita ako. Nagulat tuloy pati iyong ibang kasama niya sa kuwarto. “’La, ang ingay mo naman! Nakakaistorbo sa mga kasama mo rito!” saway ko sa kaniya. “Pasaway na bata ka! Saan ka ba nanggaling at pinagnerbiyos mo ako?” may pag-aalala ngunit natutuwang tanong niya. Halatang masaya siya na wala namang masamang nangyari sa akin, kaya naantig lalo ang puso ko. Ramdam ko na kahit lagi akong pinapagalitan ni Lola ay mahal naman niya ako. “Nalasing po kasi ako, Lola… tapos hindi ko alam na napunta pala ako doon sa malaking bahay ng kapitbahay. Nagsuka daw ako nang nagsuka saka nakatulog. Ito nga ho, oh, pinahiram pa ako ng damit ng may-ari kasi puno ng suka iyong suot ko!” pagkukuwento ko. Siyempre hindi ko sinabi iyong kainan portion. Alangan naman. Sigurado, kakalbuhin ako ni Lola ‘pag nalaman niya. “Gano’n ba? Aba, eh, mabuti naman at mabait pala ang may-ari ng bahay na iyon,” tila gumaan naman ang loob na sambit niya. “Mukhang mabait naman, Lola. Binigyan pa nga po ako ng trabaho. Katulong daw po doon sa bahay na iyon. Tinanggap ko na, Lola, tutal libre lahat!” pagbibigay-alam ko sa kaniya. “Hay, mabuti na lang talaga at hindi ka naging chop-chop lady, apo…” niyakap ako ni Lola at para pa siyang naiiyak. Napayakap na rin ako sa kaniya at kahit papaano ay parang may mainit na kamay ang humaplos sa puso ko. “Eh, kayo po, kumusta?” natanong ko naman nang kumalas kami sa pagkakayakap sa isa’t isa. “Okay na ako sabi ng doktor na tumingin sa akin kanina. Baka raw masyado lang akong na-stress kaya ako nag-collapse. Pero normal naman daw lahat sa akin,” banayad na paliwanag ni Lola. Huminga ako nang malalim at tumango. “Kung gano’n puwede na po ba tayong umuwi, Lola?” “Ayusin mo na ang paglabas natin kung gano’n…” nakangiting saad niya. Napakamot naman ako ng ulo. Nahihiya pa naman ako sa mga ganiyang bagay. Sana talaga nag-aral na lang akong mabuti noong high school. Pag-aaral pala ang pinagbubuti at hindi iyong pagsayaw-sayaw ng TekTuk. “Lola, samahan mo po ako…” anyaya ko sa kaniya. Naningkit naman ang mga mata niya sa akin kaya napalunok ako. “Kaya mo na iyan! Bilisan mo na at nang makauwi na tayo!” maawtoridad nang saad niya. “Eh, lola… nakakahiya po, eh!” reklamo ko. "Ay, naku! Parang walang utak. Ang dami mong inaral sa eskwela pero wala kang alam sa totoong buhay. Iha, punta ka lang sa Nurse’s station, magtanong ka, at huwag kang tumunganga!" sermon ni Lola kaya para akong sinampal ng realidad. Wala akong choice. Ako ang apo. Siya ang boss at kailangan ko siyang asikasuhin. Isa pa, ako rin naman ang dahilan kaya siya naririto. Naglakad ako papunta sa Nurse’s Station, habang parang naririnig ko ang boses ni Lola sa utak ko na paulit-ulit na nagsasabing “Huwag kang tatanga-tanga, Sephie!” Pagdating ko sa nurse’s station ay ngumiti naman agad ang nurse sa akin kaya kahit paano ay nabawasan ang kaba ko. "Hi! Ano pong kailangan niyo?" tanong niya. Huminga ako nang malalim at sinubukang magpaka-formal. Kaya mo 'to, Sephie. Fake it 'til you make it. O, English iyon, ah! "Uh... Hi, po. Sabi po kasi ng lola ko... uh, uuwi na raw kami. Puwede na po bang makalabas na siya?" ang sagot ko, pero halatang wala akong alam sa pinagsasabi ko. Biglang naningkit ang mga mata ng nurse tapos ngumiti nang parang alam niyang first time ko itong gawin. "Okay. May clearance na po ba kayo galing sa doktor? Napirmahan na po ba ang billing forms? Nakuha niyo na rin po ba ang PhilHealth form?" tanong niya, parang nire-recite ang buong requirements ng thesis defense. Naalala ko tuloy iyong pabida naming kaklase dati. PhilHealth?! Forms?! Billing?! Para akong sinusunog nang buhay sa dami ng mga sinabi niya. "Uh... Puwede pong isa-isahin natin? Baguhan po kasi ako..." sagot ko na may halo nang awa sa sarili. Tumawa ang nurse, at ramdam kong naaawa na rin siya sa akin. Pagbalik ko kay Lola, minemorize ko talaga iyong mga sinabi ng nurse. "Lola... sabi po nila, kailangan daw po ng clearance, forms, at PhilHealth. Kailangan din daw pong magbayad," pagbibigay alam ko sa kaniya, sabay yuko ng ulo. "Kailangang magbayad? At bakit kailangang magbayad, eh, wala naman silang ginawa sa akin dito?!" sigaw ni Lola habang tumayo mula sa kama na parang superhero. Pagkarinig ni Lola na sinabi kong may babayaran kami, agad siyang tumayo mula sa kama na parang walang sakit. Walang kiyeme, diretso siyang lumakad papunta sa Nurse’s Station, dala ang bag niya na parang may giyera siyang pupuntahan. "Excuse me, hija, ikaw ba ang nagsabi na may babayaran kami?" tanong ni Lola sa nurse, diretsong-diretso at nakataas pa ang kilay. "Ah, opo, Lola. Kailangan po kasing i-check ang billing forms niyo bago kayo ma-discharge," paliwanag ng nurse na halatang kinabahan sa awra ni Lola. "Aba, hija, nasa public hospital tayo, hindi ba? At ang apo ko, estudyanteng walang pera, kaya paano kami magbabayad? Hindi ba’t may PhilHealth ang mga tulad kong senior citizen?!" Napatingin iyong nurse sa akin. Ako naman ay nagkunwaring busy sa pagtingin ng mga brochure sa tabi. Bahala si Lola diyan. "Opo, Lola, sakop naman po kayo ng PhilHealth," magalang na sabi ng nurse, "pero baka po may mga gamot o procedures na hindi sakop, kaya kailangan pong ma-finalize." "Aba, bakit hindi niyo sinabi agad na libre ang karamihan? Pinaiikot niyo pa ang apo ko! Ang PhilHealth ang bahala diyan, hindi ba? At kung may babayaran, bakit hindi niyo tanungin kung pasok sa zero-balance billing?!" napa-wow naman ako kay Lola, parang biglang naging abogado sa dami ng alam. Napakamot ng ulo ang nurse. "Opo, Lola. Pasensya na po. Iche-check ko po ulit. Mukhang pasok naman po kayo sa ZBB." "Ayan naman pala!" sagot ni Lola, sabay lingon sa akin. "Sephie, apo, iyan ang sinasabi ko sa'yo! Huwag kang matatakot magtanong. At tandaan mo, ang ospital na 'to ay para sa mga tao, hindi para magpasikip ng bulsa natin!” Tumango-tango na lang ako habang iniisip kung paano kaya naging walking encyclopedia si Lola tungkol sa public hospital system. Napatingin ang nurse sa akin na parang sinasabing, “Buti buhay ka pa, hija, sa ganiyang klase ng Lola.” At sa huli, nalaman kong hindi pala namin kailangang magbayad. Libre pala lahat dahil covered si Lola ng PhilHealth at zero-balance billing. Pero syempre, si Lola ang bida, ako ang dakilang assistant niya. Bakit ng aba hindi ko namana ang katalinuhan ni Lola? “Ang galing mo, Lola! Kaso wala po akong dalang kahit ano. Paano po tayo uuwi?” nag-aalalangang tanong ko noong palabas na kami ng ospital. “Doon na natin bayaran sa bahay ang pamasahe. Sabihin mo sa akin lahat ng nangyari sa iyo. Pesteng yawang bata ka, binulabog mo ang buong barangay. Pati si Kapitan ay hindi rin nakatulog nang dahil sa iyo!” sermon na naman niya sa akin kaya napalunok ako. “Lola, huwag na po kayong magalit. At least ligtas ako. Gusto ni’yo po ba nagkatotoo iyong mga sinabi ni Aling Linda?” pananakot ko naman sa kaniya. Alam ko kasi na kahit mataray itong si Lola ay hindi niya ako matitiis. “Naku, ewan ko sa iyo! Bilisan mo na nga lang at sa bahay na tayo mag-usap!” binilisan na niya ang lakad na animo ay hindi talaga nanggaling sa ospital. Napapailing na naman ako. Huwag lang sana niya akong paluin noong mahabang stick niya. Pagdating namin sa bahay ay nagulat kami ni Lola nang makitang may pingakakaguluhan ang mga kapitbahay namin sa harap mismo ng bahay namin. “Lola, bakit na naman kaya nagkakagulo iyang mga kapitbahay natin? Ano’ng ginagawa nila sa harap ng bahay natin?” gulat kong tanong. At dahil nakatutok ang mga mata ko sa mga kapitbahay ay hindi ko napansin ang basang bahagi ng kalsada na bababaan ko. Natapilok ako at bumagsak sa lubak na lupa. “Anak ng pitong hunghang na tipaklong naman, Josephine! First time mo ba rito sa lugar natin at hindi mo nakita ang lubak diyan sa binabaan mo?” namamaywang na sermon ni Lola nang makababa na siya ng tricycle. Umirap naman ako at bumangon. Ngayon ay may gasgas tuloy ang tuhod ko at putik-putik pa ang damit ko. Napakamalas namang araw na ito! “Lola, naman, eh! Nadisgrasya na nga ang tao, pinapagalitan ni’yo pa. Hindi ba puwede–” “Ay nandito na sila!” tili ng isa sa mga kapitbahay namin kaya natigil ako sa pagsasalita. “Aling Josefa! Aling Josefa, naku, may bisita kayo!” Nagkatinginan naman kami ni Lola at parehong kumunot ang mga noo. “Sinong bisita iyan? Baka maniningil ng utang. Aba’y sabihin mong nanghihingalo ako sa ospital!” pautos na tugon agad ni lola. “Naku, Aling Novita, mukhang madatung itong bisita ninyo! At ang pogi!” kinikilig na saad naman ni Aling Linda na nakalapit na pala sa puwesto namin. Lalong nagsalubong ang mga kilay ko at napatingin ako sa nagkukumpulang mga tao. Napansin ko ang mga kadalagahan at pati mga kabadingan dito sa barangay na tila nagpapa-cute sa kung sinomang naroroon. “Teka nga… matingnan nga kung sino iyan at ginugulo ang buong Barangay Bukangkang,” sabi ko at ipinunas ang kamay kong may putik sa gilid ng damit ko. Bigla tuloy akong nagmukhang taong grasa ngayon. Mabuti na lang talaga at maputi ako, eh! Sumunod naman agad sa akin si Aling Linda at ang kasama niya. Nahawi ang mga nagkukumpulang mga ka-barangayan namin nang makitang papalapit na ako. Ngunit napahinto ako sa paglalakad nang sa wakas ay bumungad sa paningin ko kung sino ang nakaupo sa harap ng maliit na bahay namin. “Hello, Sephie!” bati sa akin ni Markie na nakangiti at kumaway pa. Nagtiliian tuloy ang mga babae, bakla at pati mga matatandang kababaihan sa ginawa niya. Ako naman ay nagulantang sa reaksyon nila. “Sir Markie? Ano po ang ginagawa ni’yo rito?” gulat na gulat na tanong ko. Ngunit hindi siya agad nakasagot dahil nakalapit na rin pala si Lola sa puwesto namin. “Hala, sino ba itong bisita namin? Tingnan ko nga?” Napahinto rin si Lola sa paglalakad nang masilayan na si Markie. Nanlaki ang mga mata ni Lola, pagkatapos ay nasundan ng makahulugan at kinikilig na ngiti saka bumaling sa akin. “Hello, hijo… sino ba ang kailangan mo? Naparito ka ba para lumigaw dito sa apo ko?” nakangiting tanong niya. “Huy, Lola, assumera ka, nakakahiya!” mahinang saway ko sa Lola ko. “Gaga, huwag ka ngang tatanga-tanga, apo… pagkakataon na natin itong magparami ng magandang lahi. Aba, eh, mukhang madatung itong binata,” pabulong na tugon naman sa akin ni Lola at pinandilatan pa ako ng mga mata. Ngunit nagbago ang ekspresyon sa mukha niya nang muli siyang tumingin kay Markie. “Magandang hapon, Lola Novie… puwede ko po ba kayong makausap?” maginoong tanong ni Markie nang tumayo mula sa kinauupuan at inilahad ang kamay kay Lola. Kitang-kita ko ang matinding inggit sa mga mata ng mga kapitbahay namin nang tanggapin ni Lola iyon. “Aba, sige, hijo! Tuloy ka rito sa maliit naming dampa…” alok naman ni Lola at lumapit na sa may pintuan at binuksan iyon. “Salamat po… hindi lang pala kayo maganda, Lola Novie, napakabait ni’yo rin pala.” papuri pa ni Markie kay Lola. Ang matanda naman, akala mo ay kumekerengkeng na inahing manok kung makapaghawi ng buhok papunta sa likod ng tenga niya habang malapad ang mga ngiti. “Naku, napakalambing at napakasimpatikong bata naman nito. Halika na nga!” kunwa’y nahihiyang tugon pa ni Lola. Sumunod naman si Markie. “Hoy, magsi-uwi na kayo! Kami lang ang kailangan nitong si Mr. Pogi!” taboy ni Lola sa mga kapitbahay. Umangal naman agad ang mga ito. “Aling Josefa naman, eh. Hiritan mo lang nang kahit kaunti, pang-inom lang sana namin!” hirit ng isang sunog-bagang kapitbahay namin. “Hoy, Kuya Arnel, nakakahiya naman kayo! Hindi ni’yo naman kilala iyong tao, hihingian ni’yo ng pera!” saway naman ng isang kapitbahay naming si Aling Nena. “Eh, bakit ka ba nakikialam? Sa iyo ba kami humihingi, ha?” palag naman agad ni Mang Arnel. “Hep! Huwag po kayo dito mag-away. Sige po, umuwi na po kayo!” saway ko naman sa kanilang lahat. Pagkatapos ay pumasok na ako sa bahay at isinara ang kahoy na pintuan namin. Nadinig ko pa ang pagrereklamo nila ngunit hindi ko na sila pinansin pa at pinuntahan na agad sina Lola at Markie. Muntik na akong matawa kasi parang hindi bagay si Markie doon sa sofa naming walang kutson at gawa lang sa kawayan. “Hoy, Josephine, ipaghanda mo ng miryenda itong si Markie!” utos ni Lola. “Sephie po, Lola!” maktol ko. Nakakahiya kung makatawag ng Jospehine itong si Lola. Feeling ko magkaedad lang kami. Ewan ko ba kasi kung bakit Josephine ang ipinangalan nila sa akin? Puwede namang Scarlette, Cassandra o kaya Bella, para naman sosyal pakinggan! Josephine? Parang panahon lang ni Gat Jose Rizal, ah. My gulay! “Sige na… at maglinis ka na ng sarili mo, nakakahiya ka!” patuloy na panenermon pa sa akin ni Lola na parang walang ibang tao rito. Nang masulyapan ko si Markie ay tila aliw na aliw naman itong pinapanood na sinesermonan ako ni Lola. Handaan ko kaya ito ng miryenda tapos ang palaman ng sandwich ay siling labuyo? Pero sa huli ay sumunod din ako. Naglinis ako ng katawan at naghilamos, saka mabilis na nagbihis bago tinungo ang maliit na kusina namin. Wala naman kaming ibang miryenda roon maliban sa isang supot na monay at itong peanut butter na gawa ni Aling Sonia. Kaya iyon na lamang ang inihanda ko saka ako bumili ng isang boteng coke. “Thanks, Yaya Sephie!” nakangising saad ni Markie nang ilapag ko na sa harap niya ang miryenda. “O, naipaliwanag na sa akin nitong si Markie ang magiging trabaho mo sa kaniya. Aba’y gagalingan mo, Sephie! Huwag na huwag mo akong ipapahiya, ha. Lalo at malaki naman pala ang susuwelduhin mo!” seryosong pahayag ni Lola. “Sobra pa nga sa dapat iyong trabaho ko, eh!” sagot ko. “I will take you now to my house so you can start working…” sabi ni Markie. Medyo napangiwi ako. Bakit ang bilis naman ng pagsaslita niya ng English, iyong ‘my house’ lang na-gets ko nang malinaw. “O, bakit nakatanga ka lang diyan? Isasama ka na raw niya ngayon. Sige, ayusin mo na ang mga gamit mo!” untag naman sa akin ni Lola. “Ah, iyon pala ang sinabi… sa susunod, Sir, eh, tagalugin ni’yo na lang!” napapakamot sa ulong sagot ko. “Why? Simpleng English lang iyon. Ang sabi naman sa akin ni Lola Josefa ay naka-graduate ka naman daw ng Senior High School.” Tumaas pa ang kilay ni Markie nang sabihin iyon kaya napalunok ako. “Naku, hijo! Iyan ang pinakapasaway sa eskwelahan. Lagi akong napapatawag sa opisina ng prinsipal dahil sa dami ng kalokohan niyan!” napapailing na sumbong ni Lola kaya napamaang tuloy ako. “Grabe ka naman sa akin, Lola! Hindi naman totoo iyan. Kasalanan ko bang hindi ko ma-gets iyong mga ‘tinuturo ng mga teacher? Saka bakit kasi kailangan pang mag-english, eh, nasa Pilipinas naman tayo, di ba? Iyon ang pinaka-hate kong subject, eh!” inis kong sagot. Dito pa talaga ako sisiraan ni Lola. Ngunit sa huli ay wala rin naman akong nagawa kung hindi ilagay sa nag-iisang malaking bag ang mga gamit ko para sumama kay Markie. “Lola, mag-ingat po kayo rito, ha? Huwag po kayong magpapakagutom. Mahal na mahal ko kayo, Lola…” madramang saad ko at paiyak na sana ako nang bigla akong batukan ni Lola. “Bakit po ba kayo nambabatok, Lola? Nagpapaaalam na nga ako nang maayos, eh! Hindi ni’yo ba ako mami-miss?” sumbat ko pa sa kaniya. “Lintek ka talagang bata ka! Eh, diyan ka lang naman sa kabilang bahay pupunta, ah. Akala mo naman ay mangingibang bansa ka na!” Singhal sa akin ni Lola. “Oo nga naman! Ito namang si Lola, hindi na mabiro, masyadong seryoso sa buhay, eh!” bulong ko na lang sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD