Sa mundong ito ay hindi lamang tao ang mapangimbabaw na mga nilalang. Ibat-ibang lahi, ibat-ibang angking kakayahan ngunit iisa ang anyo.
Nilapitan ni Alena ang nilalang na may banyagang kasootan.
Hinawakan niya ang pulsuhan nito at pinakiramdaman ang pagpintig.
"Isa kang tao," pagkausap niya sa walang malay na lalake saka binitiwan at nag-isip kung dapat nga ba talaga niyang tulungan ito. "Ayon sa kasaysayan, ang lahi ng tao ang pinakatuso at hindi mapagkakatiwalaang mapangimbabaw. Kung hindi kita tutulungan dahil sa pagkamuhi ko sa lahi mo ay parang naging katulad niyo narin ako, hindi ko gusto yon."
Naupo si Alena sa tabi ng lalake at ipinatong sa noo at dibdib nito ang dalawang kamay.
Lumabas sa mga kamay ni Alena ang apoy na katulad sa ibong kambit, apoy na may karaniwang kulay ngunit hindi nakakasunog kung hindi nanaisin.
Unti-unting naghilom ang mga sugat at pasa na natamo ng banyagang lalake ngunit nananatili parin itong walang malay.
"Tao," tawag niya sa lalake. "Hanggang dito na lamang ang maitutulong ko sayo, kung mabubuhay ka o hindi ay nasa sayo na iyon." Dugtong niya pa at naglaho na ang apoy sa kanyang mga kamay.
Tumayo si Alena na nakaramdam ng pagkahilo at muntik pang matumba.
Ngayon lamang siya nakapanggamot sa isang Tao kaya naman ay hindi niya lubos akalaing malaki ang dulot na pinsala nito sa kanyang meda.
Akmang aalis na sana siya ng may kamay na kumapit sa kanyang paa at hindi niya nagawang makahakbang.
Nilingon niya ang banyagang nilalang na siyang may hawak sa paa niya at nakitang gising na ito. Sa liwanag na nagmumula sa ibong kampit ay malinaw niyang napagmasdan ang mga mata nito na umaasam ng pagkalinga.
"Tao, tinulungan kitang paghilumin ang iyong mga sugat at pasa, hanggang doon lamang ang gagawa kong pagtulong. Bitiwan mo ako kung hindi mo nais ang kamatayan ngayon." Matapang niyang wika dito ng may kasamang pagbabanta.
Tiningnan ng banyagang lalake ang kaboohan ni Alena. Sa ayos nito ay mukha itong lalake ngunit ang tinig naman ay hindi maitatanggi na isa itong binibine. Sa paningin ng banyaga ay masyado rin itong maganda para maging lalake.
Unti-unti ay binitawan na siya ng lalake at muling nagpatuloy na sa paghakbang.
Maayos na nakauwi si Alena sa kabahayan ng Agela.
Sa bakuran ay natanaw niya ang pinunong pangkat ng mga kawal na humabol sa kanila kanina na walang iba kundi si Guyo na ampon ng Lola niya. Kausap nito ang kapatid niyang si Mayo, lalake, at mas bata ng dalawang taon kaysa sa kanya. Si Guyo naman ay limang taong mas nakakatanda kaysa sa kanya.
Napatingin si Alena sa soot niya, tiyak na makikilala siya ni Guyo kapag nakita siya sa kasootang ito. Kaya naman ay lumihis na lamang siya ng daan.
Pagdating niya sa silangang tahanan o ang tahanan ng susunod na pinuno ng Agela na kanyang ama ay sumilip muna siya, nang masigurong walang makakakita sa kanya ay saka lamang siya pumasok.
Nakakailang hakbang pa lamang siya ng marinig ang pagtikhim mula sa kanyang likuran.
Kunwari ay wala siyang narinig kaya nagpatuloy siya sa paghakbang ngunit muli ding nahinto dahil sa pagsasalita ng tumikhim.
"Saan ka galing?" Tanong nito na walang iba kundi ang kanyang lolo. May katandaan na ito at puting puti na ang nakatali nitong mahabang buhok. Gayun pa man ay maayos parin ang tindig nito na nagpapahiwatig na sa isang kumpas lang nito ay maaaring maging abo ang sino mang kakalaban sa dito.
Paglingon ni Alena ay nakita niyang kasama nito ang kanyang ama at ang ilang may mataas na katungkulan sa Agela at sa kaharian, mga mambabatas ng mataas na kapulungan.
"Lo-pinunong pangkalahatan." Alangang tawag niya dito. "Nandito po pala kayo, magandang araw po." Hindi nagsalita ang matanda kaya nagpatuloy si Alena. "A-aalis na po ako."
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko." Nagbabantang paalala ng Lolo niya kaya muli siyang napatingin dito samantalang ang mga kasama naman nito ay nag-aabang sa ano mang maaaring mangyari.
"Ahm...ako po ay...." Nais niya sanang magsinungaling ngunit malalaman din naman ng Lolo niya ang totoo at mas lalo lang siya na papahirapan nito pagnagkataon. "Lumabas po ako ng lungsod ng hindi nagpaalam at walang kasama." Iyak niya kasabay ang pagluhod.
Ang kanyang ama naman na katabi ng Lolo niya ay mabilis na hinablot ang Latigo sa napadaang kawal at mabilis iyong hinataw sa kanya.
"Kailan ka ba magtatanda ha?" Kunwaring Galit na tanong sa kanya ng kanyang Ama habang siya naman ay walang magawa kundi ang indahin na lamang ang sakit sa kanyang likod na dinapuan ng latigo.
"Alam ko po na mali ako, patawarin niyo po ako." Iyak niya pa.
"Ama, umaamin siya sa kanyang pagkakasala at nagsisisi na." May halong pakiusap na wika naman ng kanyang Ama sa Lolo niya.
"Ano ngayon?" Walang pakialam na tanong ng kanyang Lolo sa kanyang Ama ng may kasamang masamang tingin.
"Ano nga ngayon eh paulit-ulit nalang tayo pero hindi ka parin natuto!" Muling hinataw siya ng latigo ng kanyang Ama.
Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay may katawang yumakap kay Alena na siyang sumalo sa Latigo.
"Lapastangan!" Galit na sigaw ng ama ni Alena. Muli pa sana itong hahataw ng latigo ngunit pinigilan na iyon ng Lolo ni Alena. "Ama, pinapatawad niyo na po ba si Alena?"
"Hindi mo ba nakikita na hindi naman ang anak mo ang tatamaan ng latigo?" Wika ng Lolo at itinuro pa ang nakayakap kay Alena na gula-gulanit ang kasuutan na may mantsa pa ng dugo.
"Isang tao?" Di makapaniwalang tanong ng Ama ni Alena ng napagtantong hindi ang tagabantay ni Alena ang humarang sa latigo na si Asa kundi isang dayuhan.
Ang mga makakapangyarihang Kambitan ay may kakayahang makaramdam kung isang kalahi o hindi ang mapangimbabaw na nilalang na nakikita. Samantalang ang mga kambitan naman na may kakayahang kapantay pa lamang ni Alena ay kailangan pang maramdaman ang pulso ng malaman ang ipinagkaiba nito sa kanila.
"Anong ginagawa ng isang Tao sa Kabahayan ng Agela? Alena, wag mong sabihing ikaw ang nagdala sa taong yan dito?" Sa pagkakataong ito ay totoong nagagalit na ang ama ni Alena sa kanya.