Lunes ng umaga. Maaga pa lang, gising na si Francesca. Hindi siya mapakali buong gabi. Paulit-ulit niyang iniisip kung paano magiging unang araw niya sa trabaho.
Tahimik ang maliit na silid na inuupahan niya. Sa isang sulok ay nakapatong ang dalawang maleta na dala niya mula Maynila—tila paalala na wala pa siyang permanenteng bahay dito. Huminga siya nang malalim bago tumayo at nagbihis. Pinlantsa niya nang maayos ang simpleng puting blouse, itinernuhan ng itim na slacks at closed shoes na halos bago pa. Inayos niya ang buhok sa malinis na ponytail at naglagay ng kaunting lip tint at blush on—sakto lang para magmukhang presentable at propesyonal.
Habang nasa jeep papuntang IT Park, ramdam niya ang bilis ng t***k ng puso niya. Pinagmamasdan niya ang mga gusali na unti-unting lumalaki habang papalapit siya sa sentro ng Cebu. Hindi lang ito basta panibagong trabaho—ito ang simula ng bagong buhay. Pero hindi rin niya maikakaila ang kaba. Corporate world. Malaking kumpanya. Ibang-iba sa lahat ng pinasok niyang trabaho noon.
Pagdating niya sa harap ng gusali, napatigil siya. Parang humaba ang hininga niya sa nakitang tanawin.
Nuñez Holdings Corporation.
Malalaki ang salamin, modernong disenyo, marble ang sahig ng lobby na dinadaanan ng mga taong halatang bihasa sa larangan nila—lahat naka-corporate attire, pormal, at seryoso. Napakagat siya ng labi. Ito na ‘yun. Kaya ko ‘to, paulit-ulit niyang sinasabi sa isip niya.
Lumapit siya sa receptionist desk at ngumiti nang bahagya.
“Hi, good morning. I’m here for my first day. Francesca Jimenez po,” mahina niyang sabi.
“Ma’am Francesca, yes, please proceed to the 15th floor. The HR will meet you there,” magalang na sagot ng receptionist.
Sumakay siya ng elevator, ramdam ang malamig na hangin mula sa aircon. Habang umaakyat, halos marinig niya ang kabog ng dibdib niya. Pinikit niya ang mga mata at bumulong, Lord, please… tulungan Mo ako. Kaya ko ‘to.
Pagdating sa 15th floor, sinalubong siya ng HR representative na ngumingiti, at ipinakilala sa kanya ang magiging department—Corporate Communications. Ipinakita ang workstation, pinakilala sa mga team members, at nagsimula ang orientation. Pinilit niyang makinig, kahit lutang pa rin ang utak niya sa halo-halong kaba at excitement.
Ngunit bago matapos ang orientation, biglang bumukas ang double glass doors ng main office.
Isang matangkad na lalaki ang pumasok, naka-dark blue suit na perpektong nakalapat sa matipunong katawan, hawak ang cellphone at may kasamang dalawang executive assistants. Malakas ang presensya nito—yung tipong kapag pumasok siya sa isang kwarto, awtomatikong napapansin siya ng lahat.
Parang sabay-sabay na tumahimik ang buong floor. Lahat ng tao napatingin. Lahat parang naghintay ng kilos niya.
At doon niya siya nakita.
Niko.
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makagalaw. Hindi siya makahinga. Hindi niya alam kung guni-guni lang ba ito o totoo ang nakikita niya ngayon.
Parang bumagal ang oras. Bumalik sa kanya ang mga gabing magkasama sila sa dalampasigan, ang tawanan nila, ang pangakong “Hindi kita iiwan.”
At ngayon, narito siya. Hindi lang basta nandito—siya ang CEO ng kumpanyang pinapasukan niya.
Naramdaman niyang parang nawalan siya ng lakas. Napakapit siya sa gilid ng desk para hindi matumba. Hindi siya makapaniwala. Bakit dito pa? Bakit ngayon pa?
Hindi niya alam kung nakita rin siya ni Niko, pero bago ito pumasok sa glass office sa dulo ng hallway, saglit itong huminto. Dahan-dahan itong tumingin sa paligid, hanggang sa… nagtagpo ang mga mata nila.
Isang segundo. Dalawa. Tatlo.
Sapat para maramdaman niyang bumalik ang lahat ng alaala—at lahat ng sakit.
Bahagyang kumunot ang noo ni Niko. Kita sa mukha niya ang pagkabigla, pero agad din iyong napalitan ng isang ekspresyon na hindi mabasa ni Francesca. Naglakad pa ito ng ilang hakbang, pero bago tuluyang pumasok sa opisina, tumigil ulit. Bahagyang lumingon.
At doon, sa pinakatahimik na sandali, narinig niya ang pangalan niya, mahina pero malinaw:
“Francesca?”
Parang yelo ang dumaloy sa ugat niya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot, kung lalapit ba siya o tatakbo. Pero wala siyang nagawa. Nakatayo lang siya roon, habang pinapanood itong mawala sa likod ng pintuan ng opisina.
Hindi mapakali si Francesca sa kanyang mesa. Pakiramdam niya ay nananaginip siya. Siya ‘yon. Si Niko.
Pero hindi ito yung Niko na nakilala niya noon. Hindi ito yung lalaking simple lang—nakasuot ng lumang t-shirt at nakangiting nag-aalok ng fishball sa kanya pagkatapos ng basketball practice. Hindi ito yung lalaking humahabol sa kanya sa ulan habang nakatawa.
Ito na yung Niko na nakikita niya sa mga business magazine at TV. Matangkad, perpekto ang tindig, suot ang mamahaling suit na parang likha para sa kanya, at may presensyang kayang patahimikin ang buong opisina sa isang tingin.
At kanina lang, tumingin ito sa kanya. At… tinawag ang pangalan niya.
Hindi. Baka nagkamali lang ako. Baka hindi ako yung iniisip niya.
Pero bago pa siya makabuo ng desisyon, lumapit ang HR staff sa kanya.
“Ms. Jimenez, the CEO wants to see you in his office. Right now.”
Parang biglang nawala ang dugo sa mukha niya.
“Ha? Bakit po?” halos bulong niyang tanong.
“I… I don’t know. Basta punta ka na lang. Ngayon daw.”
Huminga siya nang malalim, pinipilit pigilan ang kaba. Tumayo siya, inayos ang blouse kahit pakiramdam niya wala nang ayos iyon. At mabigat ang mga hakbang niya papunta sa dulo ng floor—sa opisina na nakasarado ang glass door at blinds.
Pagbukas ng pinto, sinalubong siya ng malamig na hangin ng aircon at isang pamilyar na amoy—pabango. Yung pabango na minsang ginamit nito noong college sila. Yung pabango na kahit nakapikit siya, makikilala niya.
Nandoon si Niko. Nakaupo sa swivel chair, nakasandal, hawak ang baso ng tubig. Matamang nakatingin sa kanya, mula ulo hanggang paa. Malamig ang mukha pero sa mga mata nito, may kung anong emosyon na hindi niya mabasa.
“Close the door,” malamig nitong utos.
Halos nanginginig ang kamay niya habang isinara ang pinto. Humarap siya sa kanya, pilit pinipigilan ang sarili na hindi manghina sa presensya nito.
“Hi,” maikli at diretso ang bungad ni Niko. “How are you?”
“I’m fine,” halos pabulong na sagot ni Francesca. Hindi siya makatingin ng diretso.
Biglang may kinuha si Niko na folder mula sa desk. Binuksan niya iyon at ini-slide papunta sa harap niya. Contract.
“Actually…” tumigil ito sandali, parang sinusukat ang reaksyon niya, “your position right now is my secretary.”
Napasinghap siya.
“What?” halos pasigaw na lumabas sa bibig niya.
“Why? There’s something wrong?” may bahid ng sarcasm sa tono nito, pero kalmado ang mukha.
“A- wala naman,” sagot niya, ramdam ang kaba sa dibdib.
“Good,” maikli nitong tugon. “Just read the conditions—salary offer, benefits—and if you have no questions, sign it.”
Tahimik na umupo si Francesca at binuksan ang contract. Sinubukan niyang mag-focus sa mga letra, pero parang nagdidilim ang paligid. Secretary? Ako? Kay Niko?
Ok naman ang salary. Ok ang benefits. Pero habang binabasa niya iyon, ramdam niya ang titig ni Niko sa kanya—malamig, matalim, parang sinusuri siya. Hindi niya alam kung naiilang siya o natatakot.
Habang pumipirma na siya, hindi niya makontrol ang panginginig ng kamay niya. At napansin iyon ni Niko.
“What’s wrong?” tanong nito, hindi inaalis ang tingin sa kanya.
“Nothing,” mabilis niyang sagot, pilit pinapakalma ang sarili.
Napatagil siya sa pagsign nang marinig niya ang sumunod na sinabi ni Niko.
“Okay. I know this is unexpected to you.”
Napatitig siya sa kanya, gulong-gulo.
“What do you mean?”
Huminga nang malalim si Niko, ibinaba ang hawak na baso, at tumingin sa kanya nang diretso—yung tingin na parang hinuhubaran ang kaluluwa niya.
“Dennise asked me a favor. But I know… she didn’t know that I’d be back here in Cebu this soon. Actually, I wasn’t supposed to be your boss. But something happened, and we ended up in this situation. It’s not my plan to make you my secretary—but that’s the only position available right now. And I really need one since I just came back.”
Tumigil siya sandali, parang naghihintay ng sagot, bago muling nagsalita.
“I hope you don’t have a problem. We just need to work professionally. Okay?”
Tahimik si Francesca. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Gusto niyang tumayo at umalis. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang magtanong kung bakit parang binabalik siya ng tadhana sa isang nakaraan na pilit na niyang nililibing.
Pero wala siyang nagawa. Tumango lang siya.
“O-okay,” mahina niyang tugon, pilit ngumiti kahit nanginginig ang loob niya.