Chapter 1

3054 Words
“Bianca, bumaba ka na diyan!” “Ayoko!” matigas na sagot niya sa pakiusap ni Yaya Minerva. Ilang oras na siyang nasa nakaupo sa sahig na kahoy ng treehouse at nagmumukmok. Pumunta ng Maynila ang mga magulang niya kasama ang kanyang Ate Lorrie para mamili sa gaganaping debut. Hindi man lang siya isinama ng mga ito. Walang sinuman ang makaakyat sa treehouse dahil nasa kanyang ang lubid na hagdan. Ayaw niyang may pumigil sa kanyang pagmumukmok. “Darating na ang Mommy at Daddy mo,” naiinis nang sabi nito. “Magagalit sila kapag hindi ka nadatnan sa mansion.” Bunso siya kaya spoiled. At kapag tinoyo siya sa utak, walang tatalo sa kasungitan niya. Madalas ay nabubuwisit ito sa kanyang kakulitan at katigasan ng ulo. “Ayaw! Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ako sinusundo ni Luke at hindi siya nangangakong pakakasalan ako! Siya ang prince ko.” “Bakit ka niya pakakasalan samantalang dose anyos ka pa lang? Napakabata mo pa para mag-asawa. Lalo lang akong malilintikan sa Mommy mo. Baka akala kung anu-ano ang itinuturo ko sa iyo.” Kapitbahay nila si Luke at kaedad ng ate niya. Guwapo ito at mabait. Lagi pang sinasabing maganda siya. Kaya naman crush na crush niya ito. At kahit anim na taon ang agwat ng kanilang edad, alam niyang ito ang lalaking pakakasalan niya. “Basta! Hindi ako bababa dito hangga’t hindi niya ako sinusundo!” Ipinadyak niya ang paa kahit nakaupo. Kahit na maglupasay pa siya sa sahig matiyak lang niyang susunduin siya ni Luke. “O sige, ipapatawag ko si Luke. Pero pagdating niya, bumaba ka na utang na loob. Baka ako ang malintikan sa Mommy at Daddy mo.” Pasimple siyang sumilip mula sa rehas ng treehoouse. Bumungisngis siya nang makita itong sumunod sa utos niya. Nasa dulong bahagi ng hacienda ang treehouse. Hindi kalayuan doon ay ang Lianzares Farm na pag-aari ng farm ni Luke. Kaya gustong-gusto treehouse ay dahil kitang-kita mula roon ang villa ng mga Lianzares. Napabuntong-hininga siya. Ilang sandali na lang ay mapapasakanya na si Luke. Ito ang lalaking tumutupad sa pangako. May isa itong salita. Kaya kapag napilit niya itong mangakong magpakasal sa kanya, pakakasalan siya nito. Napigil niya ang kanyang paghinga nang marinig ang ugong ng sasakyan mula sa di kalayuan. Marahil ay dumating na ang kanyang Yaya Minerva. At siyempre, hindi ito babalik nang hindi kasama si Luke. “Bianca, nandito na ang prinsipe mo,” sigaw ni Yaya Minerva. “Bumaba ka na, mahal na prinsesa,” narinig niyang sigaw ng isang lalaki. “Narito na ang iyong prinsipe na handa kang iligtas anumang oras at handa kang pakasalan kahit saan at kahit kailan.” Excited siyang dumungaw. Nakita niya ang isang lalaking nakaluhod ang isang tuhod habang nakayukod na parang isang tunay na magiting na prinsipe. Ngunit nawala ang ngiti niya sa labi nang tumingala ang lalaki at ngumiti sa kanya. Hindi ito si Luke kundi si Brant, ang nakababatang kapatid ni Luke at mortal niyang kaaway. Hindi agad niya napunang hindi ito si Luke dahil halos magkasingtangkad na ang mga ito kahit mas bata ng tatlong taon si Brant. At mula sa itaas ay lalong walang ipinagkaiba dahil magkapareho ang style ng buhok ng mga ito. Matanda ito ng tatlong taon sa kanya. Wala na itong ginawa kundi inisin siya mula noong bata pa sila. Nuknukan pa ito ng yabang. Palibhasa ay maraming babaeng nagkakagusto dito sa eskuwelahan. Marami ang nagsasabing mas guwapo ito kay Luke. Pero si Luke pa rin ang gusto niya dahil anghel ito. Si Brant naman ay demonyo. Hindi guwapo ang tingin niya dito kundi may sungay at buntot. At kapag nagkikita sila, daig pa nila ang aso’t pusa. Walang sinuman ang maaring umawat sa kanila. Kaya kapag nag-aaway sila ay pinapabayaan na lang sila dahil nagsasawa na ang mga taong awatin sila. “Yaya, anong ginagawa ng bakulaw na iyan dito?” galit niyang tanong. “Wala kasi si Luke. Kaya siya na lang ang isinama ko,” nakangiwing paliwanag ni Yaya Minerva. Alam na nito ngayon na isang malaking pagkakamali na si Brant ang isinama nito at hindi si Luke. “Saka sinabi mo na prinsipe ang kailangan mo, kaya heto ako!” nagmamalaking dagdag ni Brant. “Kaya naman siguro, pwede ka nang bumaba.” “Ayoko!” tutol niya. “Isa akong prinsesa at isang prinsipe lang ang maaring magpababa sa akin. Hindi isang bakulaw na tulad mo.” Ngumisi si Brant na parang nang-iinis. “Sino naman ang nagsabi sa iyong isa kang prinsesa? You are not a princess. Isa kang unggoy!” Nanlaki ang mata niya. “Hoy, bakulaw! Wala kang karapatang tawagin akong unggoy. Kilalanin mo na isa akong prinsesa o ipapalapa kita sa mga aso.” Napakalakas naman ang loob ng bakulaw na ito na sabihan siyang unggoy. Iyon ang pinakamataas na insultong natanggap niya. Kumpara sa mga nagiging girlfriend nito, hamak na mas maganda siya. Baligtad pala ang tingin nito. Unggoy ang tawag nito sa mga magaganda at ang kinukuha nitong nobya ay mga pangit. “Kung prinsesa ka, dapat ay nasa kastilyo ka. Nasaan ka ba ngayon? Hindi ba sa puno? Unggoy lang naman ang mahilig maglimayon sa puno. Eh, di unggoy ka nga!” Naningkit ang mga mata niya. Pakiramdam niya nag-akyatan lahat ng dugo niya sa ulo. “Sinabi mo bang unggoy ako dahil mahilig ako sa puno?” aniya sa mariin ngunit mapanganib na boses. Huminga siya nang malalim para pigilin ang galit. Ngunit wala ring nangyari sa pagtitimpi niya dahil umalpas rin ang pinipigil niyang galit dito. “Magbabayad ka!” sigaw niya. “Wala kang karapatang tawagin akong unggoy!” Inilawit niya ang lubid na hagdan at mabilis pa sa alas-kuwatro na bumaba. Ngunit pag-apak pa lang ng paa niya sa lupa ay hinarang na siya ni Yaya Minerva. “Bianca, tama na. Huwag kang makipag-away kay Brant,” awat nito at pinigilan siyang makalapit sa nakangising si Brant. Ni hindi nasindak ang binatilyo sa nakikitang galit niya. “Sumosobra na iyang bakulaw na iyan. Oras na makalapit ako sa kanya, siya ang gagawin kong mukhang unggoy. Tingnan ko lang kung may magkagusto pang babae sa mayabang na iyan!” banta niya. “Sige nga. Lapitan mo ako,” hamon ni Brant na tukso pang lumapit sa kanya. Ngunit hanggang doon lang ito sa hindi niya maaabot. “Aba’t talagang sinusubukan mo ako!” gigil niyang sabi. “Brant, umalis ka na!” pakiusap Yaya Minerva habang pigil pa rin siya. “Ako na ang bahala dito sa alaga ko. Salamat sa tulong mo.” “Yaya, bakit ka nagpapasalamat sa bakulaw na iyan?” galit niyang tanong. Nang lingunin niya si Brant ay naglalakad na ito palayo habang nakangiting kumakaway sa kanya. “Bakulaw, saan ka pupunta?” “Uuwi na ako sa amin,” sigaw nito. “Tapos na daw ang misyon ko.” Tama. Tapos na ang misyon nitong inisin siya. Lalo siyang nanggalaiti. “Bumalik ka dito! Hindi pa tayo tapos magtuos. Bakulaw!” halos mapatid ang litid niya kasisigaw. Sinagot lang siya nito ng isang flying kiss. Hanggang sa lumiit na ito nang lumiit sa kanyang paningin. Saka lang siya pinakawalan ni Yaya Minerva. “Yaya, bakit pinabayaan ninyong makaalis ang bakulaw na iyon?” nagpapapadyak niyang sabi. “At nang magpang-abot kayo at mag-away? Naku, ako naman ang mase-sermunan ng Mommy mo. Ang importante napababa ka na ni Brant. Umuwi na tayo.” “Ha?” gulat niyang bulalas at napatingin sa paang nakatapak na sa lupa. “N-Nakababa na ako?” Kanina ay ipinangako niya sa kanyang sarili na ang kanyang prinsipe lang ang makakapagpababa sa kanya. Sa halip ay si Brant na isang halimaw ang nakapagpababa sa kanya. “Hindi ito maari!” sigaw niya. Nautakan siya nito. TAHIMIK si Bianca habang kumakain ang buong pamilya. Kadarating lang ng mga ito galing Maynila at masayang nagkukwentuhan maliban sa kanya. “Bianca, why are you so quiet?” tanong ng kanyang Mommy na si Lily. “Nagtatampo ka pa rin ba dahil hindi ka namin naisama?” Umiling siya at walang buhay na sumubo. Nakalimutan na niya ang tampo sa mga ito sa sobrang inis kay Brant. “Bianca, have you seen the dress we bought for you?” sabi ng Ate Lorrie niya. Iling ang muli niyang isinagot. Wala siyang interes sa pasalubong nito. Hanggang ngayon ay iniisip niya kung mukhang unggoy nga siya gaya nang sinasabi nito. Baka hindi siya gusto ni Luke dahil hindi siya totoong maganda. “After dinner, isukat mo,” sabi ni Lorrie. “Iyon ang gusto kong isuot mo sa birthday ko para lalong lumutang ang ganda mo.” Nabuhayan siya ng loob. “M-Maganda ba talaga ako, ate?” “Oo naman,” sagot nito. “May pangit ba sa lahi natin?” Lumabi siya. “Sabi kasi ni Brant mukha daw akong unggoy,” sumbong niya. “Paano ka niyang hindi tatawaging unggoy samantalang wala ka nang ginawa kundi mag-istambay sa treehouse maghapon,” sabi ng Daddy niyang si Armando. “Daddy, akala ko ba kakampi ko po kayo?” nagtatampo niyang sabi. “Crush ka lang siguro ni Brant kaya ka iniinis,” tukso ni Armando. “Kaya ipakita mo nang dalaga ka na. Huwag ka nang mag-aakyat sa treehouse.” Napailing si Lily. “Hon, parang kailan lang ako ang iniinis mo sa punong iyon. Ngayon mga dalaga na ang anak natin.” Ngumiti ang Daddy niya at puno nang pagmamahal na tumingin sa Mommy niya. “Parang kailan lang nang I-seal natin ang pangako natin sa ilalim ng puno at nangako na magsasama habambuhay.” Nagkatinginan siya ng ate niya at pagkatapos ay sa mga magulang. “Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong niya. “Mga bata, masyadong mahiwaga ang punong iyan,” paliwanag ni Armando. “It was called ‘Tree of Love’. Gaya ng haciendang ito ay may kasaysayan rin ang punong iyan. Sabi ng lolo ninyo, may fairy daw na nagbabantay doon. Whoever kisses under that tree at kabilugan ng buwan ay siyang magkakasama habambuhay. Kapag napatunayan nilang nagmamahalan nga sila, kailangan din nilang iukit ang pangalan nila sa puno. Para mas lalong tumibay ang pag-iibigan nila.” Tumaas ang kilay ni Lorrie. “Totoo po ba iyon?” Hinawakan ni Lily ang kamay ni Armando. “It worked on us. Kita naman ninyo, hanggang ngayon ay magkasama pa rin kami ng Daddy ninyo. At ganoon din ang istorya ng lola at lolo ninyo. Pati rin ang kalola-lolahan at kalolo-lolohanan ninyo.” “Ganoon na po katagal?!” bulalas niya. Matanda na ang punong akasya ng treehouse. Century-old tree raw iyon. Ginagawa lang niya iyong playground. Iyon pala ay maraming kasaysayan ng pag-ibig ang nabuo doon. Kaya pala may nakaukit na mga pangalan na nakapaloob sa heart ang katawan ng puno. Akala niya para kung saan iyon. Parang doon niya makikita ang history ng love story ng kanilang pamilya. “Ibig sabihin kailangang halikan ko doon ang lalaking gusto ko para matiyak na kami ang magkakasama habambuhay?” kinikilig na sabi ni Lorrie. “Lorrilei!” Binayo ng nakakuyom na kamao ni Armando ang mesa. “Napakabata mo pa puro na pag-aasawa ang iniisip mo.” “Si Daddy, hindi na mabiro,” pabungisngis na sabi ni Lorrie. Lihim siyang napangiti. Ito na ang pagkakataon niya para matiyak na mapapasa-kanya si Luke. Kailangan niyang subukan ang mahika ng Tree of Love. “Nana Bertha!” tawag ni Bianca sa anak ng kawaksi ng mga Lianzares na Nana Bertha. Galing ito sa pagsisimba sa bayan at pauwi na sa farm. Kanina pa niya ito sinusundan. Hindi niya ito malapitan dahil may kasama itong mga matatandang kababaihan kanina. “Bianca, ikaw ang sumusunod-sunod sa akin kanina pa, hano?” anito. “Anong kailangan mo sa akin?” Palinga-linga siyang lumapit dito. Gusto niyang tiyaking walang tao sa paligid lalo na si Brant na walang ginawa kundi sirain ang mga plano niya. May inilabas siyang baby blue na sobre sa bulsa. “Pwede po bang ibigay ninyo kay Luke? Importante pong maibigay ninyo ito.” Nagsususpetsa nitong pinagpalipat-lipat ang tingin sa kanya at sa sobre. “Ano bang meron sa sobreng ire?” “Nana Bertha, huwag na po kayong magtanong.” Nanlaki ang mga mata niya nang mamataan ang bike mula sa di kalayuan. “Itago po ninyo. May paparating.” Lumingon habang hangos na isinuksok ang sobre sa gitna ng booklet ng novena. “Ano naman ang masama kung may makakita dito? Aba’y si Brant na pala ire.” Mariin siyang napapikit. Iyon nga ang masama. Dahil si Brant ang paparating. “Nana Bertha!” sabi ni Brant at nagmano sa matanda. “Kumusta na po ang pagno-nobena ninyo?” “Mabuti. Saan ka na naman ba nanggaling at nagbibisikleta ka sa kainitan ng araw?” anito sa tonong nanenermon. Ngumiti si Brant. “Nag-basketball lang po ako.” “Baka kamo nanligaw,” sawata niya. “Uy, may tao pala doon!” anito. “Akala ko unggoy na nakawala sa zoo.” Umingos siya. “Nana Bertha, mauna na po ako. Kasi baka masira lang ang maganda kong araw diyan sa alaga ninyong bakuaw.” Ayaw niyang masira ang mood niya dahil sa pang-iinis ni Brant. Masisira lang ang beauty niya kapag nagpadala siya sa pang-iinis nito. Ang importante ay paghandaan niya ang napakahalagang gabi sa buhay niya. IMPATIENT na hinampas ni Bianca ang mga lamok na kumakagat sa kanya. Nasa ilalim siya ng treehouse. Ilang minuto na siyang naghihintay kay Luke ngunit wala pa rin ito. Ang alam sa bahay ay nagkukulong siya sa kuwarto at nagpapahinga. Hindi alam ng mga ito na pumuslit siya patungo sa treehouse. Heto siya at hinahayaan ang sariling magpapapak sa lamok. “Kaunting tiis na lang, Bianca,” aniya sa sarili. “May magandang kapalit ang lahat ng ito.” Mula nang malaman niya ang kasaysayan ng treehouse ay pinaghandaan niya ang kabilugan ng buwan. Ilang letter of invitation din ang pinag-ensayuhan niyang gawin hanggang maipadala ang pinakamaganda kay Luke. Espesyal ang gabing ito. Dahil ang gabing ito ay ang gabi ng lahat ng gabi. Nang mapunang may maliit na ilaw sa di kalayuan ay nagtago siya sa likod ng puno. Palihim niyang sinabihan ang mga guwardiya na papasukin si Luke kapag dumating. Walang sinuman sa mga ito ang magsusumbong sa lihim nilang pagtatagpo. Malakas ang tahip ng dibdib niya habang papalapit ang mga yabag. Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob at lumabas mula sa pinagtataguan. “Mabuti naman at nakarating ka,” sabi niya sa boses na mabini at may pagkapino. Sa gabing ito ay dalaga na siya at hindi bata. Sa tulong ng liwanag ng buwan naaninag niya ang matangkad nitong pigura. Tumigil ito pagsipat sa flashlight na mukhang may diperensiya. But the flashlight is at the least of her worries now. Mas mahalaga sa kanya na maisagawa ang kanyang pakay. Dahan-dahan siyang lumapit. Kahit nakatalikod ito sa liwanag ng buwan ay alam niyang ito si Luke. Dumating ito para sa kanya. Akmang bubuka ang bibig nito nang ilagay niya ang hintuturo sa ibabaw ng labi nito. “Alam kong marami kang tanong. P-Pero isa lang ang dahilan kaya pinapunta kita dito.” Lakas-loob niyang ipinatong ang kamay sa magkabila nitong balikat kahit nanlalamig siya. “I-I want you to kiss me.” NARAMDAMAN ni Bianca ang pagtitig ni Luke sa mukha niya. Parang nagdedesisyon ito kung hahalikan siya o hindi. It seems like forever. Hindi niya alam ang gagawin oras na tinanggihan siya nito. Iyon ang pinakamalaking kahihiyang matatanggap niya. Sino nga ba naman siya para pagbigyan nito? Isa lang siyang bata. At kahit gaano pa siya kaganda, maaring hindi pa rin ito maakit sa kanya. At sino ba naman ang may gusto sa babaeng siya pa mismo ang nagyayayang humalik. Baka mamaya ay isumbong pa siya nito sa Daddy niya. Gusto na niyang bawiin ang sinabi upang iiwas ang sarili sa kahihiyan. Ngunit dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. Pinigil niya ang kanyang hininga. This is it. He’s going to kiss her. Ipinikit niya ang mga mata at hinintayin ang pagtatagpo ng kanilang labi. The moment his lips touched her, she was lost. Napadilat siya dahil hindi niya inasahan ang kanyang naramdaman. It was like magic. Akala niya ay sa pisngi lang siya nito hahalikan. At ang maikling halik na inaasahan niya ay tumagal. Katulad ng mga napapanood niya sa TV at sa pelikula. She never thought that a kiss could feel this good. It wasn’t a mere touching of lips. Naramdaman niya ang sinasabing ‘electricity’. Parang nakuryente ang buo niyang katawan. At ang sensasyon ay dumaloy sa kanyang mga ugat. Nang maghiwalay ang mga labi niya ay nakadama siya nang labis na panlalambot. Parang wala siyang buto. Ganito ba katindi ang kakayahan ng isang halik? Nakaawang ang labi niya habang nakatitig dito. Hindi niya alam ang kanyang dapat sabihin matapos silang magsalo sa halik. Nakatitig din ito sa kanya ngunit hindi niya makita kung ano ang ekspresyon nito. Wala rin itong sinasabing kahit ano. Naguluhan siya at humakbang paurong. “I-I’m….” “Huwag kang umalis!!” Hinila nito ang kamay niya at kinabig siya upang yakapin. Napapikit siya. She wasn’t expecting this. Everything was so perfect. Narito siya sa ilalim ng ‘Tree of Love’, yakap siya ng kanyang prinsipe habang nakatanglaw sa kanila ang liwanag ng buwan. “Ayokong isipin mong mababa akong babae,” lakas-loob niyang sabi. “I just did it because I love you. Iyon lang ang paraan para mapasaakin ka. May legend na kapag hinalikan ng isang lalaki ang isang babae sa ilalim ng punong ito at kabilugan ng buwan, sila na ang magkakasama habambuhay. Kaya kapag nasa tamang edad na ako, pakakasalan mo na ako.” Tiningala niya ito. “Maipapangako mo ba sa aking pakakasalan mo ako?” “What a lovely idea!” nakangiting sabi nito. “Of course I’ll marry you.” Nawala ang ningning ng pagmamahal sa mga mata niya at tinitigang mabuti ang mukha ng kayakap. Dali-dali siyang kumalas sa pagkakayakap nito. “I-Ikaw?” bulalas niya nang makilala si Brant.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD