Pagkasarang-pagkasara ko sa pinto, sumandal ako dito at mabilis na nawala ang ngiti sa mga labi ko. Ang sakit pa rin.
Napahawak ako sa dibdib ko, ang bilis ng t***k, sobra. Kahit anong pilit kong palakasin ang loob ko, sa tuwing tinitingnan niya ako na parang hindi niya ako kilala, nawawalan ako ng lakas. Bumabalik sa isip ko 'yung sinabi ni Cash kagabi...
"Common 'yung Selective Amnesia sa mga survivor ng SCA. 'Yung Psychological sense ni James, na-detect no'n na 'yung cause ng SCA niya, e, 'yung emotional breakdown niya sa'yo. Pero instead na madiktahan ng CNS, nag-desisyon ang Subconscious niyang i-eliminate 'yung cause ng SCA niya. Sabi ko sa'yo kagabi, 'di ba? At rest 'yung ICP level ni James kaya hindi madiktahan ng CNS niya 'yung memory ni James kung ano ang dapat i-eliminate. Kaya pinili ng Subconscious niyang i-eliminate lahat ng memory niya sa'yo."
Ibig sabihin lang, sinadya ni Eric or at least subconsciously, na kalimutan ako. Ang sakit kasi pakiramdam ko, sobrang emotional stress 'yung binigay ko sa kaniya kasi nakakulong din ako sa sarili kong emotional stress. But unlike Eric, kung sakali man na mangyari sa'kin 'to, kahit anong bahagi pa siguro ng utak ko, hindi gugustuhing kalimutan siya.
Psychological Amnesia lang daw ang Selective Amnesia. Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na bumalik ang alaala niya kapag Psychologically ay napag-desisyunan na niyang gawin 'to. Pero paano kung ayaw na niya? Tipong siya mismo, ayaw na akong maalala?
Mabibigat ang mga hakbang ko palabas ng ospital. Medyo malayo pa rin ako sa opisina pero alanganin naman kung ita-taxi ko pa kaya nilakad ko na lang. Nang malapit na ako sa opisina, may thirty minutes pa ako para mag-muni-muni. Sakto naman na nag-ring 'yung phone ko.
"Hello, Fernandez? Bakit?"
"Inoue! I got in!"
"Ha?" Pumasok na ako sa building para mas marinig ko siya. "Saan?"
"Babalik akong Australia. I'll continue my studies. Magdo-doktor ako!"
Napangiti ako sa balita niya. "Congrats, Fernandez. I'm so happy for you."
"You should be. Teka, nag-inquire ako sa Law School ng SMJU. Sa Darwin ang Mastery nila. Naisip ko lang na baka interesado ka, may two months ka pa para mag-decide."
Napa-buntong hininga ako. "Kuya, gustuhin ko man, alam mo naman kung anong sitwasyon ko ngayon."
Saglit din siyang nanahimik. "Sa bagay," sabi niya. "Kumusta na siya?"
Hindi ko pa pala nasasabi sa kanila na nagka-Amnesia si Eric. At wala rin ako sa wisyo para ipaliwanag 'yon. "Ganoon pa rin," tipid na sagot ko na lang.
"Kaya mo 'yan, Inoue. Nga pala, kapag na-receive mo 'yung entrance reviewer, ignore mo na lang, ha? Excited kasi si Lance masyado, talagang nag-request din ng reviewer para sa'yo."
Si Lance 'yung long time jowa ni Fernandez. Naging classmates din sila no'n sa Solstice Mary-Johnson kaya naging kaibigan ko rin siya. Exchange student din kasi siya do'n at isang magandang balita malamang sa kanilang pareho na babalik si Fernandez sa Australia dahil mahirap nga naman ang LDR.
Pagpasok sa opisina, sinalubong ako ng napakaraming paperworks. Halos malunod na ako sa taas ng reports na naghihintay sa desk ko. Hindi naman pwedeng dalhin ko na lang basta sa opisina ni Eric 'to dahil kagagaling lang niya sa ospital, baka mabaliw na siya nang tuluyan kapag bumalik dito.
"Madam, kumusta na si boss?"
Saglit akong naantala sa pagbabasa ng isang report nang biglang sumulpot si Medusa sa station ko. "Gising na siya. Bukas siguro, makakabalik na 'yon."
Nakita kong medyo nag-aalangan din siya sa susunod niyang sasabihin.
"May kailangan ka ba?" mahinahong tanong ko.
"Wala naman. Pero... Inoue, kung kailangan mo ng tulong... Sakali lang naman, nandito lang kami, ha?"
Napatitig ako sa kaniya. Parang hindi ako makapaniwalang naririnig ko 'to mula kay Sarah 'Medusa' Medina, ang babaeng dahilan kung bakit ako natanggal sa Rep Morg, naputol ang relasyon sa demonyong Luis na 'yon, at nagtulak sa'kin para maghanap ng ibang kumpanya.
TAE. Ngayon ko lang naisip, dapat magpasalamat pa nga ako sa kaniya dahil kung hindi sa nangyaring 'yon, baka nagpapakatanga pa rin ako kay Luis ngayon. At baka hindi ko nailigtas ang buhay ni Eric.
Wala sa loob na napatayo ako at napayakap kay Medusa. "Alam mo ikaw, impaktita ka talaga. Lagi kang gumagawa ng eksena dito."
Naramdaman ko ang marahan niyang pagtawa at niyakap niya rin ako. "Bruha ka, kanina ka pa agaw-eksena sa itsura mo. Binabati ka ng mga tao pero wala kang pinapansin. Lalo kang pumapangit."
Ayoko mang aminin but I actually find comfort in her embrace. Parang simula nang ma-ospital si Eric, ngayon lang medyo gumaan ang loob ko. "Okay lang. Mas pangit ka pa rin," bulong ko habang nakasubsob ang mukha sa leeg niya.
Mga ilang minuto din kaming ganito lang. Alam kong marami na namang nakatingin sa'min pero wala na akong paki. Kumbaga desperada na ako sa comfort kaya hinayaan ko na lang ang sarili kong maging ganito.
"Pusheen!"
Pagkalas ko kay Sarah, tumingin ako sa likod niya at nakitang nakatayo ang mga empleyado do'n, mortgage employees to be exact sa pangunguna ni Cyrene, at may hawak silang balloons at mahabang banner...
"Everything will be alright."
Tuluyan na akong napaiyak. Tae naman, o. Ngayon pa talaga ako naging iyakin sa harap ng mga tao. Nakangiti sila sa'kin at sobrang na-appreciate ko 'yung effort nilang pagaanin ang loob ko.
"I... I don't know what to say," sabi ko sa pagitan ng mga hikbi. "Thank you."
"You don't have to say anything, Inoue," sabi naman ni Sarah habang yumayakap ulit sa'kin.
Napag-desisyunan kong para makapag-adjust ang lahat, kailangan kong aminin sa kanila ang totoong nangyayari. Anytime this week, pwedeng bumalik si Eric. At baka magulat ang lahat sa pagbabago ng ugali niya. Or more like sa pagbabalik niya ng dating ugali niya. 'Yung sobrang snappy, sobrang sungit. Ayoko namang masaktan niya 'tong mga 'to kaya ihahanda ko na sila.
Habang kinu-kwentuhan ko sila, walang isang nag-interrupt. Lahat sila, nakikinig habang nakaupo at nakapalibot sa station ko. Ang ibang mabababaw ang damdamin, napaluha pa. Ako naman, mas gumagaan ang pakiramdam na kahit papaano, may nakakaintindi ng lagay ko.
Hindi na ako nakapag-lunch break pero dinalhan ako ni Medusa ng Mocha Cake tapos si Pusheen naman, isang Jollibee Spaghetti. Dinalhan din ako nila Monica ng isang malaking Mogu-Mogu at isang maliit na bag ng Hershey's Kisses. Sobra-sobra na 'yung effort nila para mapagaan ang pakiramdam ko. To the point na halos buong oras na nag-uusap sila para sa team building, ako nagmumukmok sa isang kanto ng opisina habang dina-digest 'yung mga nangyayari at naiintindihan naman nilang hindi ako makapag-participate.
"Madam! Nakabalik na si boss!" humahangos na balita naman ni Twinkles na nagpatigil sa team huddle namin.
Three o'clock na ng hapon pero pumasok pa siya? Ako naman, naglakad na ako papunta sa opisina niya to see for myself na nandoon nga talaga siya. Binitbit ko 'yung mga naiwang report na siya lang ang pwedeng mag-approve.
"...kayo rin naman po nagpalabas ng NTP ng FIB."
Naririnig ko ang boses ni Pamela. Ngayon lang siya nakabalik dito kasi nasa Fuentebella Domaines siya kanina. Hindi niya narinig 'yung kwento ko.
"What's your name again?" masungit na tanong ni Eric.
"Boss?" nagtatakang tanong naman ni Pamela.
Dahil nakaawang ng konti ang pinto ng opisina ni Eric, nadidinig ng mga dumadaan ang usapan nila kaya sinesenyasan ko na lang silang i-ignore.
"Who gave you the permission to speak in vernacular?"
That's it. Hindi ako papayag na kawawain niya ang mga empleyado dito dahil lang sa wala siyang maalalang pangyayari lately.
"You did," sabi ko habang naglalakad papasok sa opisina niya, hawak ang mga report. "Pamela, give us a second. Ask Regis about what's going on, okay?"
Naluluha na tumango na lang si Pamela at nagmadaling lumabas. Ni-lock ko ang pinto at saka muling hinarap ang impaktong si Eric.
There he is. Looking like his usual bossy self, wearing black suit, navy blue shirt, black tie, and black pants. I can only assume a black leather shoes to pair with that. Parang kararating lang din niya kasi halos 'di pa nagagalaw 'yung mga folder na nasa desk na niya.
"What the hell are you doing here?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"I was about to ask you the same thing. Magaling ka na ba't pumasok ka bigla sa trabaho?"
"What the... Hanggang dito, sinusundan mo 'ko?! Sino ka ba?"
Ayan na naman 'yung masasakit niyang banat. Natahimik tuloy ako sandali bago ko nasabing... "I'm the CEO."
"Are you fvcking out of your mind?" Napasabunot siya sa sarili niya at naglakad ng mga ilang balik mula sa table niya hanggang sa salaming dingding. Nang tumingin siya sa'kin ulit, medyo composed na siya. "Don't tell me, your name is Ariel?"
Hindi ako sumagot. Nasabi na rin ni Cash na pinaliwanag na niya kay Eric 'yung tungkol sa'min. Pero hindi niya raw sinabi na ako 'yon, he left that revelation for me to say.
"No damn way! How could I even... Jesus!"
Sa totoo lang, nakakaasar na 'yung pagiging OA niya. Parang hindi niya matanggap na nagkagusto siya sa kagaya ko. Nakaupo na siya ngayon sa swivel chair niya tapos nakahawak ang dalawang kamay sa ulo na parang hindi niya maintindihan 'tong mga katotohanang 'to.
"What did I even see in you?" he asks in disbelief, staring directly into my eyes.
Again, I can't respond. Once I start opening my mouth to say something, I might lose it all. I'm not prepared to give him the satisfaction of successfully pushing me away. And this is me speaking in English. Poops.
"Get the hell out of my office," sabi niya na may kasama pang pagturo sa daan palabas na akala mo naman, ikaliligaw ko kung hindi niya gagawin.
Naglakad ako palapit sa desk niya at nilapag ang mga folder na hawak ko. At gamit ang lahat ng natitira ko pang lakas para magsalita, sabi ko, "Reports."
Normal lang ang lakad ko palabas ng opisina niya. Kinuha ko 'yung mga gamit ko. Walang sali-salita akong umalis at aware ako sa mga matang nakatingin sa'kin.
Una akong dumiretso sa unit ni Eric. Minasdan kong mabuti lahat do'n. One last look, kumbaga. Nasa living room pa rin 'yung mga bags na hinanda ko para umalis bago siya nag-sudden cardiac arrest. Walang nagbago sa unit niya.
As if trying to search for my sanctuary, pumasok ako sa kwarto niya. Namin. Niyakap ko 'yung unan, umiyak ng mga ilang sandali, bago pumasok sa banyo para maghilamos.
Hindi ko siya dapat iwan ngayon sabi ng instinct ko. Pero sabi ni Cash, hindi ko rin pwedeng pilitin si Eric ngayon na i-absorb lahat. Eric is just not the toddler type na kapag na-spoon fed, susunod na lang. Siya 'yung tipo na kailangang madapa muna nang ilang ulit sa sarili niyang sapatos bago tumanggap ng tulong. By that, I have to let him find out about everything on his own.
Pinaghanda ko siya ng gamit para bukas sakaling mawalan na siya ng oras para gawin 'yon. Alam ko namang kasali 'to sa napakaraming masasayang memories na nakalimutan niya, e. 'Yung plano niyang team building. Kaya hinanda ko na lang para kung makalimutan man niya, isang tawag na lang gagawin namin at ready to go na siya.
Tinabi ko 'yung gamit sa ilalim ng spare cabinet niya, sa bedside table. Inayos ko 'yung kama na medyo nagulo. Paglabas ko sa kwarto, nilibot ko ulit 'yung kitchen. Last na 'to. Matagal pa siguro bago ako makabalik.
Binitawan ko 'yung susi niyang kopya ko sa center table at binitbit ang mga gamit ko. Hindi ako susuko kay Eric, kasi alam kong naguguluhan lang siya ngayon. With a heavy heart, I take one last look and walk my way out of his unit. Saktong paglabas ko, nandoon na rin siya sa pinto para pumasok naman.
Napatikhim na lang ako kasi hindi ko rin alam ang sasabihin ko. Pagkatapos ng malalim na paghinga, nag-iwas ako ng tingin.
"Ingat ka dito."
Kinagat ko ng mariin 'yung lower lip ko para pigilang umiyak. Hindi ko na siya tiningnan ulit at sumakay na ako sa elevator. Sa isip ko, ayoko munang umuwi rin sa bahay ni Guya kasi parang ayoko munang mag-explain ulit kahit kanino.