CHAPTER 10

1371 Words
Chapter 10: Pananabik DAHIL sa nalaman kong hindi pala siya mananatili rito sa isla kasama ko ay nawalan ako ng ganang kumain at bigla rin akong nalungkot. Ewan ko ba kung ano ang nangyayari sa akin. Akala ko kasi ay mananatili rin dito si Leon pero nang malaman kong aalis din pala siya at maiiwan lang ako rito ay higit akong nakaramdam nang kaba. Pagkatapos kong kumain ng agahan ay nagpaalam akong lalabas muna upang magpahangin. Hanggang sa maisipan kong umupo sa buhangin at nasa tabing dagat na ako. Tanging puting t-shirt na lamang ang suot ko dahil hinubad ko na kanina ang dyaket ni Leon. Pinagmamasdan ko ang paraan nang paghampas ng alon at hindi diretso ang tingin ko sa malaasul na kalangitan. Napabuntong-hininga ako at napapaisip kung bakit sa ’kin nangyari ang ganitong sitwasyon. Lumaki ako na walang kinikilalang mga magulang pero hindi ko naramdaman ang inggit sa iba dahil kompleto ang pamilya nila. Dahil ito kay Mamu. Nang makakita naman ako ng isang bato ay pinagdiskitahan ko ang magsulat sa buhangin. Pero nang mabasa ko kung ano ang nakasulat doon ay mabilis ko itong binura. “Nandiyan ka lang pala.” Parang lumabas ang puso ko mula sa aking dibdib nang marinig ko ang boses ni Leon. Binalingan ko siya at nakatayo lamang siya sa gilid ko pero may kalayuan naman siya. Nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa bulsa ng kaniyang pantalon at sumasayaw ang damit niya buhat ng malakas na paghangin. Kahit nga ang buhok ay nakatakas na sa pagkakatali ko. “Malayo ba ang Manila mula rito?” tanong ko sa kaniya at napatingin siya sa akin. “Oo. Ilang oras ka sa biyahe bago ka makarating sa Manila. Bakit mo naman naitanong?” tanong niya na may kuryusidad. “Hindi ba ako puwedeng sumama sa ’yo, Leon?” pakikiusap ko. Ibinaling naman niya sa ibang direksyon ang paningin niya at bumuntong-hininga. “Mas mabuti ang manatili ka rito, Dainara. Magulo ang buhay sa Manila at hindi kita mababantayan dahil magiging abala ako sa trabaho ko,” mahinahon na sagot niya at napayakap ako sa tuhod ko na nakapatong na ang aking baba. “Eh, puwede ka bang dalawin doon?” tanong ko pa at nagsalubong na ang kilay niya. “Bakit? Dadalawin mo ba ako roon?” balik na tanong niya at tumango ako bilang sagot. Nakita ko pa ang multong ngiti niya. “Ako na lang ang bibisita sa ’yo rito para hindi na ikaw pa ang bibiyahe pa,” sambit niya. “Maganda ba sa Manila?” pangungulit ko at higit na lumalim ang gatla sa noo niya. Hindi ko napigilan ang mapangiti dahil natatawa ako sa reaksyon niya. Ilang beses pa siyang napakurap at nag-iwas nang tingin. “Kasasabi ko lang sa iyo na magulo ang buhay sa Manila. Walang maganda roon. Dito mayroon,” sabi niya at nagtama ang paningin naming dalawa. “Pero gusto ko pa ring makita,” giit ko. Napapisil naman siya sa tungki ng ilong niya. “Para saan pa?” may bahid na inis na tanong niya pero hindi ako masyadong nakaramdam ng kung ano dahil halatang ayaw niya akong makapunta sa Manila. “Titingnan ko lamang ang naging buhay mo roon,” sagot ko at natigilan na naman siya. “Bakit ba palaging ako na lang?” tanong niya na may kuryusidad. “Dahil ba. . .ako lang ang pinagkakatiwalaan mo?” Tumango ako. Tumayo ako at naglahad ng kamay sa kaniya. Naguluhan pa siya noong una at tiningnan niya lang ang nakalahad kong kamay. “Ako si Dainara Ortega, dalawampu’t tatlong taong gulang na ako. Hindi ako nakapagtapos sa pag-aaral. Subalit nakatunton naman ako ng senior high school,” pagpapakilala ko sa sarili ko. “Nais kong makipagkaibigan sa ’yo,” dugtong ko pa. Tumikhim siya at tinanggap niya ang pakikipagkamay sa ’kin. Nang maramdaman ko na naman ang boltahe ng kuryente at tila napapaso ako ay hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa malaking palad niya. “Leon Shadrik B. Corteza, I was born on November 15. 27 years old. I’m a police officer. Yeah, let’s be friends,” aniya at lumapad ang ngiti ko. “Pero hindi ganito magkamayan ang isang lalaki at babae,” sabi pa niya at napataas ang kilay ko hanggang sa ikutin niya ang kamay ko. Bumaba ang mukha niya roon at bumilis ang pintig ng puso ko sa naramdaman kong mainit na labi niyang dumampi sa likod ng palad ko. Nag-init ang magkabilang pisngi ko dahil iyon ang kauna-unahang beses na may humalik sa kamay ko. *** HINATID namin sila sa may boardwalk at speedboat ang kanilang sasakyan. Diretso na raw sila sa Manila. Nakapagpalit na rin ako ng puting bestida at ang suot kong sapatos ay ang binili ni Leon. Mga gamit ko ang laman ng backpack niya. “See you when I see you, Miss Dainara!” ani Cerco. “Magkita uli tayo,” sabi naman ni Drake na tanging pagngiti na lamang ang naisagot ko at tiningnan ko si Leon. “Mag-iingat kayo, ha?” sabi ko at marahan ang pagtango ni Leon. “Inang Yanel, kayo na ho ang bahala sa kaniya,” habilin niya sa matanda. “Hay naku, hijo. Ilang beses mo na akong sinabihan ’yan. Huwag kang mag-alala. Aalagaan ko si Dainara at para hindi siya mainip sa isla ay tuturuan ko rin siyang magtrabaho rito,” nakangiting sabi ni Inang Yanel at tipid na ngiti lang din ang gumuhit sa mga labi ko. “Tara na, boss! Gagabihin na naman tayo!” Akala ko ay sasakay na si Leon dahil nandoon na ang mga kasambahay niya pero naglakad pa siya palapit sa akin at hinawakan niya ang kamay ko, saka niya ito ibinuka. May bagay nga akong nahawakan pero hindi ko iyon makita dahil sa kamay niya. “Hindi ko alam kung bakit ibinibigay ko ito sa ’yo. Mahalaga para sa akin ang bagay na ito dahil bigay pa ito ng namayapa kong ama pero ikaw na muna ang mangalaga rito,” seryosong saad niya bago niya binitawan ang aking kamay at sumakay na rin siya sa speedboat. Tahimik lamang akong nanonood sa kaniya hanggang sa paandarin na ang sasakyan nilang pandagat. Nakatalikod siya mula sa akin kung kaya’t hindi ko na makikita pa ang mukha niya. “Tara na, hija,” pag-aaya ni Inang Yanel ngunit hindi ko pinutol ang tingin ko sa papalayo nilang sasakyan. Bumaba ang tingin ko sa kamay ko at sa pagbuka nito ay nakita ko ang kuwintas na ibinigay niya. Hindi ko mawari ang hugis nito, tatsulok yata at mayroon pangalan ang nakalagay rito. “Leon C,” basa ko sa nakaguhit na salita sa kuwintas ni Leon. Pinagmasdan ko pa ito nang mabuti at sa huli ay napangiti na lamang ako. Mahirap ang buhay na hindi ko nakasanayan pero sa kagustuhan ko ring maging maayos ang buhay ko ay pinipili ko ang masanay at matutuhan ang ibang mga turo sa akin ni Inang Yanel. Nakapagtrabaho ako sa resort. Naglilinis ng mga kuwarto. Nakapapagod naman pero ayos lang. Nagagawa kong kalimutan pansamantala ang masalimuot na nangyari sa buhay ko. Ang mahiwalay ako sa mahahalagang tao sa buhay ko, kasama na roon si Mamu, na tunay kong ina. Tatlong buwan na ang nakararaan at hanggang ngayon ay hindi pa nakababalik si Leon. Mukha ngang naging abala na siya sa trabaho niya dahil hindi naman madali ang trabaho niya bilang alagad ng batas. Na minsan ay alam kong delikado rin. Hindi ko maiwasan ang mag-alala at bago nga ako matulog sa gabi ay siya pa ang inaalala ko. Madalas nga ay siya na ang laman ng isip ko. Palagi rin akong nakatanaw sa kalangitan at madalas ay nasa tabing dagat ako para lang maghintay sa kaniya kahit wala namang kasiguraduhan. “Leon, kailan ka ba talaga ulit bibisita rito? Tatlong buwan na ang nakalilipas. Nakaiinis lang dahil hinihintay pa kitang makabalik kahit alam kong abala ka pa rin hanggang ngayon,” malungkot na sabi ko at dinig na rinig ko ang paghampas ng alon. “Dainara, hija! Halika na rito!” tawag sa akin ni Inang Yanel. Tumayo na ako at pinagpag ko ang buhangin na dumikit sa bestida ko. Saka ako naglakad palapit sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD