IKADALAWAMPU'T ISA

2200 Words
Muling nagsalita si Pahimakas. "Sa ating dalawang magiting na guwardiya, naubos man ang kanilang suwerte, nawa'y kapiling na sila ng Panginoon ngayon. Para naman sa ating dalawang kalahok, Drago, at Santiago, para sa inyong pagsangkot, pangingialam, at malapitang pagkakita sa mukha ng dalawang guwardiya, tanggapin ninyo ang kaampatang parusa," sabi nito. Kasunod ng sinabing iyon ni Pahimakas, nagsimulang mangisay si Santiago. Napahawak ang lalaki sa leeg nito na tila ba roon nanggagaling ang kuryente. Ganoon din ang nangyari kay Drago. Nagsimulang makuryente ang dalawa mula sa leeg ng mga ito. Doon naalala ni Faizal ang sinabi ni Santiago na markado ito at may mahabang chip sa loob ng leeg nito. "Santiago!" Nag-aalalang sigaw ni Zita, ngunithindi naman makalapit sa lalaki. Lahat ng mga Game Repeater ay markado na ng Siklo. Iyon ay upang mabantayan ang mga ito at maiwasan ang pagkalat ng mahahalagang impormasyon kung paano tumatakbo ang Grandiosong Palaro. Nagsimulang magdugo ang bibig at ilong ni Drago. Napaluhod na ito sa sahig dahil sa sakit na nararamdaman. Samantala, magkabilang tenga naman ni Santiago ang nagdurugo, at tulad ni Drago, napaluhod na rin ito. Pilit ininda ng dalawa ang boltahe ng kuryente. Pagkatapos ng isang minuto ay natapos din ang pangunguryente. Bumagsak ang katawan ni Santiago sa maruming sahig, samantala si Drago ay nanatiling nakaluhod. Halos umusok ang katawan ng mga ito. Ngunit kahit kinuryente na at hindi na makatayo ay isang malakas na pagtawa ang ginawa ni Santiago. Tumawa ito nang tumawa. "T*ng-ina!" Sigaw nito habang patuloy sa pagtawa. Unti-unti itong tumayo mula sa sahig hawak ang parte ng leeg nito na may nakabaon na chip sa loob. "Ganito pala kayo mangiliti." Nagawa pa nitong magbiro sa kabila ng pinagdaanan. "Santiago!" Tinulungan ni Zita na makatayo ang lalaki. "Zita, dapat maranasan mo rin ang makiliti." Iyon ang tatawa-tawang turan ni Santiago. Ikinatang nito ang isang braso sa balikat ng dalaga. Pinilit nitong itayo ang namamanhid at umuusok pa rin na katawan. "Hindi na. Ikaw na lang." Kahit gaano pa kasungit o kasakit ang mga salita ni Zita, hindi pa rin maikakaila ang malasakit nito para sa lalaking nagsisilbi na nitong ama. "Hindi ako baliw na katulad mo," dugtong pa ng dalaga, bago inalalayan si Santiago patungo sa sulok. "Nawa'y magbigay-aral sa inyo ang pangyayaring ito." Muling sabi ni Pahimakas. "Mahalaga ang pagsunod sa bawat patakaran ng larong ito. Mula pa nang sumakay kayo sa Tren ni Charon patungo sa bulwagang ito, dapat nalalaman na ninyo ang bagay na iyon. Maaaring iligtas ng pagsunod sa patakaran ang mga buhay ninyo." "Sana masaya ka na. Pwe." Galit na nilagpasan ni Drago si Mayta nang makatayo ito. Idinura nito ang dugo na nasa bibig. Wala namang imik ang babae. Hindi rin mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. Lumapit si Drago kay Kapalaran at pinunasan ang nagdudugo nitong ilong gamit ang malaki nitong mga daliri. Tila kasinglaki lamang ng kamay ni Drago ang maliit na mukha ng batang babae. "Tumingala ka para matigil ang pagdurugo," sabi nito sa bata nang may kasamang mabait na ngiti. Nakita ni Faizal na sumunod naman si Kapalaran sa sinabi ni Drago. Tumingala ito, at sa pagtingala nito ay binitawan na rin nito ang mga putol na daliri na para bang mga laruan na pinagsawaan. Nang makalapit si Drago sa puwesto niya ay tinapik-tapik nito ang kaniyang balikat. "Matapang ka, kapatid," anito bago siya nilagpasan. Nasundan na lamang niya ng tingin ang papalayo nitong bulto. Para bang hindi nito iniinda ang umuusok na katawan. Nakita niyang umupo na lamang din ito sa maruming sahig sa hindi kalayuan. Puno ng ironya, nadudugo rin naman ang ilong ni Drago ngunit hindi na nag-abala ang lalaki na punasan pa iyon. Bagkus, mas pinaalalahanan pa nito si Kapalaran tungkol sa nagdurugo rin nitong ilong. Nang mawala si Pahimakas sa napakalaking screen ay pinalitan naman ito ng kakambal nitong si Tadhana. "Mga mahal naming manlalaro, ipaaalala ko lamang na mayroon na lamang kayong natitirang bente minutos upang tapusin ang kasalukuyan ninyong laro." Napatingin si Faizal sa oras sa ibabang kanang bahagi ng screen. Tama si Tadhana, halos wala na ngang bente minutos ang natitira sa kanilang oras upang tapusin ang Tumbang Preso. Hindi, labinsiyam na minuto at apatnapu't apat na segundo na lamang talaga iyon. Lagpas sampung minuto ang naubos nila sa pagtatalo. Solidong sampung minuto ang napunta lamang sa wala. Napamura siya sa kaloob-looban niya. Nasayang lamang ang sampung minutong iyon. "Isa pang paalala. Ang Tumbang Preso ay isang team play. Kaya naman hindi pinapayagan ang pagtayo lamang at gawing pain ang inyong kakampi hanggang sa matapos ang laro. Isa iyong uri ng pandaraya na hindi pinahihintulutan ng Grandiosong Tagapaghatol." "Grandiosong Tagapaghatol?" Mahinang tanong niya sa sarili. Ngayon lamang niya nalaman ang tungkol doon. Narinig pala iyon ni Kapalaran. Tumingin sa kaniya ang bata kahit na nakatingala pa rin ito. "Nanonood siya mula ginto niyang trono. Hinahatulan ang mga mandaraya," anito. Sa ilang sandali ay natigilan siya nang marinig ang boses ni Kapalaran. Nakakabigla marinig ang boses nito. Nakapapagsalita pala ito, gayong buong akala niya ay pipi ang bata. Pinunasan nito ang natitirang dugo sa ilong gamit ang braso nito. Lumikha iyon ng guhit sa pisngi ng bata. Lumapit siya rito at pinunasan ang guhit na dugo gamit ang dulo ng kaniyang damit. "Siya ba ang nagpapatakbo ng Grandiosong Palaro?" tanong niya. Umiling-iling ang bata. "Si Pahimakas? O baka naman si Tadhana?" Muling umiling-iling si Kapalaran. "Mga tauhan lamang sila para mabigyan ng magandang palabas ang mga manonood." "Kung ganoon, sino? Sino ang may pakana ng lahat ng ito?" Dahil kung sinuman ang tao na nasa likod ng Grandiosong Palaro, malamang, halang na ang kaluluwa, at ang nag-iisang tao na kailangang mapabagsak upang matigil na rin ang mga kabaliwang nangyayari sa loob ng Grandiosong Bulwagan. Hindi na sumagot sa tanong niya si Kapalaran. Bagkus, itinuro nito ang gilid ng leeg nito, ang kaparehong parte kung saan nakuryente sina Drago at Santiago kanina. Tanda na markado rin ang bata. Sumenyas si Kapalaran upang lumuhod siya sa tapat nito, na siya namang kaniyang ginawa. Kinuha ng batang babae ang isang kamay niya at inilagay iyon sa gilid ng leeg nito. "Pakiramdaman mo..." bulong nito. At nakiramdaman nga siya. Kumunot ang kaniyang noo nang maramdaman na tila may panginginig sa leeg ni Kapalaran. Dama niya iyon sa dulo ng kaniyang mga daliri. Nagba-vibrate ang chip sa loob niyon na para bang isang bomba na anumang sandali ay maaaring sumabog. "Isang sagot ko pa sa tanong mo patungkol sa laro, pasasabugin na nila ang ulo ko..." anito sa mahinang boses. Inilayo niya ang daliri mula sa leeg nito. Nawala sa isip niya na maaari niyang ipahamak ang bata dahil sa kuryosidad niya. Gusto niya ng mga kasagutan, kailangan niyang hanapin iyon ng sarili niya. Kaya naman kaysa mapahamak pa si Kapalaran ay iniba na lamang niya ang tanong. "Masakit ba ang katawan mo?" tanong niya. Sinagot naman iyon ng bata ng magkakasunod na mga iling. "May mas malala pa akong naranasan kaysa rito." Walang emosyon na sabi ng bata bago paika-ikang lumakad palayo sa kaniya. Muling nagsalita si Tadhana. Nasa malaking screen na muli ang atensyon ng lahat ng mga manlalaro. "Bilang pamalit sa nasayang namin na oras ninyo, may mumunting pagbabago sa ating mga patakaran. Mga mahal naming manlalaro, hindi maramot ang Siyudad ng Siklo kaya naman handog sa inyo ng mapagkumbabang siyudad na ito ang dalawang suwerte. Para sa una ninyong swerte, pinawawalang-bisa na ang patakarang kada-linya ang pagsalba ng mga preso. Bagkus, kahit sino sa mga preso na nasa puting linya ay maaari nang isalba kahit ano pa man ang pwesto nila." "Ano bang himala ang naririnig ng mga tainga ko?" tanong ni Tatang sa sarili. "Sa ilang taon ng pagsali ko sa madugong palaro na ito, una, ngayon ko lamang nakitang may binaril na guwardiya, at ngayon naman, nagpapakumbaba ang Siklo at namimigay ng suwerte? Totoo ba ito?" Kahit malayo ay napatingin siya sa direksyon ni Elizeo. Nakatingin ito sa malaking screen at puno ng pag-asa ang mukha. "Para sa ikalawa ninyong suwerte, ang timer ninyo ay panandalian naming ititigil sa loob ng tatlong minuto. Iyon ay upang bigyan kayo ng kaunting palugit upang manumbalik ang inyong atensiyon sa laro matapos ang nangyaring komosyon. Kapag muling gumalaw ang orasan, ibig sabihin ay natapos na ang tatlong minutong palugit na ibinigay namin sa inyo, at kailangan na ninyong tapusin ang laro. At magsisimula na iyon... ngayon." Tumigil ang timer nila tulad ng sabi ni Tadhana sa marka na labing-walong minuto. "Sa mga handog na suwerte ng Siklo, nawa'y gumanda na ang takbo ng kapalaran sa inyong mga kamay." Nawala na sa screen si Tadhana. Ilang segundo ng katahimikan ang nanaig sa buong bulwagan. Ito na naman. Nagsasayang na naman sila ng oras. Bawat segundo ay mahalaga. Binigyan na nga sila ng kakaunting palugit, pero heto at pare-pareho silang nakatunganga. "Ano na ang gagawin natin?" anang isang babae. "Hindi ko alam," sagot naman ng isa. "Kapag hindi pa tayo kumilos ay pare-pareho tayong mamamatay dito," sabi ng isa pa. Nagsimulang magbulungan ang iba pang mga kalahok. May pag-aalala at katanungan sa mukha ng mga ito. Sa ekspresyon pa lamang ay malalaman na kaagad na hindi alam ng mga ito ang nararapat gawin. "Faizal." Napatingin siya kay Mayta nang makalapit ito sa puwesto niya. Mahinahon na ito hindi tulad kanina, at kita niyang handa na itong makinig ngayon. "Ano ang gagawin natin?" "Puwede nating subukan ang plano ni Kapalaran. Pero kung may iba pa kayong naiisip na mas magandang ideya, puwede niyo namang sabihin upang mapag-usapan natin." Tumingin siya sa iba pang manlalaro. Kapansin-pansin na ang pangangaunti nila. Iilan na lamang ang kaya pang tumakbo at tumulong, at mas marami ang sugatan at wala nang magagawa kundi ang tumulong nang hindi lumalabas sa Manuhan. "Ipaliwanag mo sa amin ang plano." Pumalakpak si Mayta upang agawin ang atensyon ng lahat ng mga manlalaro. Napatingin naman ang lahat sa direksyon nila. "Ang mga kalahok na kaya pang tumakbo at magbuhat, mangagsilapit kayo rito para sa plano. Ang mga matatanda naman at mga kalahok na may natamong malalang sugat ay magtungo na lamang sa tabi ng kapatid kong si Malena. Magtulong-tulong kayo at gamitin ninyo kung anuman ang maaari pa ninyong magamit na makakapagbigay ng paunang lunas sa mga sugat ninyo. Ang mga dumudugong parte ng katawan, inyong talian upang maampat ang pagdurugo." Nagsimulang mahati ang kanilang grupo tulad ng sinabi ni Mayta. Ang mga kaya pang tumakbo ay nagtungo sa direksyon nila at ang mga sugatan ay nagtungo naman sa sulok kung nasaan ang naghihingalong katawan ni Malena. Naupo sa harap nila ang iba pang kalahok at naghihintay ng mga susunod na mangyayari. Nang makaupo ang lahat ay siya na lamang ang naiwang nakatayo. "Makinig kayong lahat, mga kasama!" Nilakasan ni Faizal ang kaniyang boses upang marinig siya hanggang sa likuran. "Dahil sa ibinigay sa ating suwerte, maaari na nating iligtas kahit sino sa mga preso. Pauusugin natin sila malapit sa puting linya para mas mabilis natin silang makuha. Ibig sabihin, iiksi na rin ang distansya na kailangan nating takbuhin. Ngayon ang problema na lamang natin ay kung paano patutumbahin ang bagay na iyon." Itinuro niya ang lata. "Mas mahirap nang patumbahin ang lata dahil mas malakas na ang puwersa sa ilalim nito. Bukod pa roon, marami na ring bangkay ang nakapalibot doon, kaya kahit tumumba ang lata, hindi na iyon gugulong sa malayo. Ang kailangan nating gawin ay mapatalsik sa malayo ang lata. Malayong-malayo mula sa pulang bilog." "Paano natin gagawin iyon?" sabi iyon ng isang lalaki na nabaril ang isang kamay. Ang benda niyon ay mula punit na mga tela ng damit ng mga namatay. "Si Malena lang ang may kaya niyon, pero hindi na siya..." Hindi na nito naituloy ang sinasabi. Dahil napagtatanto na ng lahat ng mga kalahok ang kanilang disposyon, malamang ay alam na rin ng bawat isa sa kanila ang susunod pa sanang sasabihin ng lalaki. "Isa pa, sinong kalahok ang magiging alay? Sino ang lalabas sa Manuhan para patumbahin ang lata. Siya ang pinakananganganib ang buhay. Kapag lumabas siya mula sa itim na linya pero hindi niya napatumba ang lata, malamang... tatapusin ng Taya ang buhay niya." Si Tatang ang nagsabi niyon. "Huwag kayong mag-alala. Oo, mahirap patumbahin ang lata pero hindi imposible na magawa natin 'yon," sabi ni Mayta. "Kailangan lang ng malakas na malakas na pwersa. Iyong mas malakas pa sa hatak ng magneto sa ilalim ng lata." "Tama si Mayta," segunda ni Faizal. "At iyon namang tinatanong mo Tatang, walang kailangang maging alay. Wala nang magsasakripisyo ng buhay sa pagpapatumba ng latang iyan." Itinuro niya ang tambak ng mga bangkay na pinagpatung-patong ni Drago kanina. "Maaari nating ipambato ang mga bangkay na iyon. Sa ganoong paraan, mababawasan na ang numero ng maaaring masawi." "Pero kayo na ang may sabi na masyado nang maraming bangkay sa paligid ng lata," sabi ng isang babae. "Kapag ginamit natin ang mga bangkay, madadagdagan pa ang mga harang sa lata." Isang seryosong tingin ang ibinigay ni Faizal sa lahat. "Kaya mayroon lamang tayong isang beses para mapatumba ang lata. Isang beses. Itatak niyo sa utak niyo. Hindi pwedeng magkamali. Walang lugar dito ang pagkakamali. Kundi..." Napatingin siya sa mga preso sa kabilang linya, pagkatapos ay sa mga sugatang manlalaro. "...pare-pareho tayong malilintikan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD