KATATAPOS ko lang maligo. Hindi ko maalis ang kaba sa aking dibdib, para bang hindi pa rin ito nakakabawi dahil sa presensya ni Eionn. Ilang beses akong huminga nang malalim habang nagbibihis sa banyo. Dahil gabi na rin naman ay minabuti kong magsuot na ng pantulog. Isang t-shirt na maluwag at pajama iyon. Nagsuklay ako ng buhok at ilang beses tiningnan ang repleksyon ko sa salamin. Maayos naman ang itsura ko ngunit ewan ko ba, para akong batang hindi mapakali sa pag-iisip na naghihintay sa akin si Eionn habang nakaupo sa aking kama. Lumunok ako at pilit na kinalma ang naghuhuramentado kong puso. Hindi pa rin ako nakakabawi sa naging halikan namin at sa bawat segundong pag-iisip no’n ay nararamdaman ko ang pag-iinit ng mukha ko. Umiling ako at hinagilap ang aking ulirat.

