Chapter 22

1556 Words
Akala ni Robert titigilan na siya ni Ex Mayor Valdez. Ngunit pagdating niya sa bahay nakaabang na ito sa may terasa. Babalik sana siya sa pinanggalingan pero alam niyang nakita na siya nito kaya nagtuloy-tuloy na lamang siya at inignora ang presensiya nito. "Robert," tawag nito sa kanya na nagpakulo sa kanyang dugo. Hanggang ngayon, ganoon pa rin ang epekto sa kanya ng matandang ex mayor. "Umalis na kayo, kung makikiusap kayong pakisamahan ko ang unica hija niyo..." tumawa siya ng pagak. "Mabuti pang ilayo ninyo siya sa akin. Gagamitin ko lang siya para makahiganti sa inyo!" Maawtoridad na sambit niya. Nanatili siyang nakatalikod sa matanda. "Anak..." "Huwag na huwag niyo akong matawag-tawag na anak!" sigaw niya sa matanda habang nanlilisik ang kanyang mga mata. Nag-igting ang panga niyang humarap dito. "Wala akong ibang magulang kundi ang aking ina! Non-existent ka sa akin kaya huwag na huwag mo akong tatawaging anak!" Galit na galit na sigaw niya sa matanda. Nanginginig ang kanyang mga labi sa galit. Malamlam lang ang mga mata ni ex Mayor Valdez na nakatingin sa sariling anak. Anak na hanggang ngayon itinatakwil pa rin siya at hindi kinikilala. Hindi niya masisisi si Robert. Sinaktan niya at ginamit ang ina nito. Pagkatapos ay parang basurang iniwanan lang basta-basta. "Robert..." "Tumigil na kayo!" Naghihimutok ang butse ni Robert. Nanginginig na siya dahil sa galit. "Umalis na ka na!" Tinalikuran niya ito at akma nang bubuksan ang pinto. "Anak, pakinggan mo ako please!" Napapikit si Robert sa matinding init ng ulo. Tila lahat ng dugo niya ay umakyat sa kanyang utak. "Pinakinggan mo ba ang aking ina noong nangangailangan siya? Hindi 'di ba?" Hinarap niya ang matanda. Mabalasik ang mga mata niyang humarap dito. Namumula rin ang mga matang nakatitig sa matanda. Tila ba mangangain ng tao dahil sa galit na pinapakita niya. Sakay ng tricycle nagtungo silang mang-ina sa hospital kung saan nakaratay ang kanyang lola Basya. Naatake ito ng high blood at ngayon ay nag-aagaw buhay na. Walang humpay ang iyak ni Mrs Belen. Ang tanging makakasalba sa buhay ng kanyang lola ay ang operasyon nito sa ulo para tanggalin ang namuong dugo. Dahil sa highblood nagkaroon ito ng aneurysm. Nakiusap ang kanyang ina sa doctor na operahan na ito. Isusunod ang perang ibabayad. Pero gaya ng ibang hospital, pera muna bago operahan ang isang pasyente. "Mga mukhang pera!" sambit niya. Sampong taong gulang lamang siya pero naiintindihan na niya ang lahat! Nasa labas siya ng opisina ng doctor nang dumaan ang noon ay Mayor na si Eduardo Valdez. Kasama nito ang pamilya. Ang asawa nito at ang isang siyam na taong gulang na babae. Naglilibot ang mga ito sa hospital bilang pangangampanya, buwan iyon ng Abril, huling buwan bago ang eleksiyon. Nagkatinginan sila ng batang babae. Bumitiw ito sa pagkakahawak sa ama at kinawayan siya. Malawak ang ngiti sa labi. Hindi siya kumaway pabalik. Tinanguhan niya lamang ito. Nagawi ang tingin ng Mayor sa kanya. Nagtaka siya dahil gulat ang rumehistro sa mukha nito. Ipinagkibit balikat niya ang reaksiyon ng Mayor. Naisip niyang dahil siguro hindi naman niya nakakasalamuha ito kaya ganoon na lamang ang gulat na makita siya. Isa pa, two years ago lang sila napadpad ng kanyang ina sa San Agustin. Noong humina ang katawan ng kanyang lola Basya, nagpasya si Mrs Belen na umuwi na sa kinalakhang lugar. Ngunit laking pagtataka na niya noong mapatingin din ang asawa nito at nag-iba ang hilatsa ng mukha. Ang nakangiti kanina ay nakaismid na. Siya namang paglabas ng kanyang ina mula sa opisina ng doctor. Inilayo niya ang tingin sa pamilya Valdez at tiningala ang inang  ngayo'y mugto ang mata. Tila kagagaling lang sa matinding pag-iyak. "Ma?" tawag niya sa ina. Nag-aalala siya dito. Lumuhod ang kanyang ina sa harap niya para pumantay sila. "Gagawa ako ng paraan anak," ngumiti ang ginang pero halata niyang pilit iyon. Nang mapadako ang mga mata nito sa kanyang paa. "Naku, wala ka pa palang tsinelas, kailangan makabili tayo." sambit nitong nagpahid ng luha sa mata. Tumayo ang kanyang ina. Tumayo na rin siya mula sa pagkakaupo. Pumihit at nagsimula na silang maglakad nang matigilan ang kanyang ina. Parating kasi ang pamilya ni Mayor Valdez sa direksiyon nila. Nilagpasan sila na hindi pinapansin. Tiningala niya ang inang nagdilim ang mukha. Nararamdaman niya ang mabigat na presensiya sa paligid nila. Hinawakan niya sa kamay si Mrs Belen at pinisil ito. Nilingon siya nito at mapait na ngumiti. "Para ito sa Lola mo, Rob," wika nito. Binitawan ang kanyang kamay at hinabol ang pamilya Valdez. Nakita niya kung paano itrato ng pamilya ang kanyang ina. Nagtagis ang kanyang bagang dahil sa pamamaraan ng pagtingin ng babaeng Valdez. Tila nandidiri ito at bakas ang disgusto sa kanyang ina. Napabuga siya ng hangin habang pinagmamasdan ang inang nakikipag-usap sa Mayor. Nagkasalubong ang kanyang kilay dahil sa kakaiba  na nararamdaman niya sa pakikitungo ng mga ito sa kanyang ina. Sumakay ang mag-inang Valdez sa sasakyan ng mga ito. Ang kanyang ina at ang Mayor ay nagtungo sa isang pribadong silid para mag-usap. Siya ay naiwan para bantayan ang kanyang lola. Makaraan lang ng tatlumpo't minuto ay nagkaroon ng emergency. Bigla na lamang nagflat line ang kanyang lola. Ang mga doctor at nurse ay naging abala sa loob ng icu. Napatakbo siya sa gawi kung nasaan ang kanyang ina at ang Mayor. Hindi niya naman sinasadyang mapakinggan o kaya ay makita ang eksena sa loob. Pero dahil nga natataranta na siya, pumasok siyang walang sabi-sabi. Hindi man lang kumatok. "Eduardo, pakiusap alang-alang na lang sa anak mo. Tulungan mo kami," napatda siya at itinulos na lang sa kinatatayuan. Nagulat siya sa narinig. Anak? Sinong anak? Siya ba? Ipinilig niya ang ulo at iwinaksi ang narinig. Mas pinagtuunan niya ng pansin ang inang ngayon ay nakaluhod. Hawak hawak ang kamay ng Mayor at nagmamakaawa. Biglang bumangon ang matinding kaba sa kanyang dibdib. Hindi siya napansin ng mga ito kaya malaya niyang narinig ng malinaw ang bawat kataga ng nag-uusap. "Tutulong ako, pero sana hindi lalabas na may anak ako sa iyo. Hindi pwedeng malaman ng iba lalo na ng mga kalaban ko sa pulitika. Baka gamitin nila ito para matalo ako," walang emosyong saad ng Mayor. Ang kaninang kaba ay napalitan ng galit. Okay lang sa kanya na itanggi pero ang hayaan ang kanyang ina na nakaluhod at magmakaawa! "Ma," malakas na tawag niya sa ina na natatarantang tumayo. Nagpunas ng luha sa mata at dinaluhan siya. "Anak, kanina ka pa ba diyan?" Nanginginig ang mga kamay nitong hinawakan siya at pilit iginigiya paalis sa silid na iyon. Nagmatigas siya at hindi tuminag. Matalim ang tingin niya sa Mayor. Halos hindi naman makatitig sa kanya si Mayor Eduardo. Tila napapaso ito sa titig ng sinasabing anak niya. Ang nag-iisang dugo't laman niya. Hindi niya maikakailang sa kanya nga ito. Ang hugis ng mukha nito ay sa kanya. Napapailing siya dahil kahit pala ilihim niyang sa kanya ang binatilyo, malalaman pa rin ng mga tao dahil para silang pinagbiyak na bunga. "Huwag kayong magmakaawa sa kanya, Mama. Hindi siya karapat-dapat sa mga luha mo! At higit sa lahat, hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal mo. Hindi gugustuhin ni lola na ibaba mo ang sarili mo para sa kanya," umiiyak sa galit na saad ni Robert sa ina. Kay Mayor Eduardo pa rin ang matalim na titig niya. Tila nawalan naman ng kulay ang mukha ni Mayor Eduardo sa nakikitang galit ng kanyang anak. Samantalang hindi nakahuma si Mrs Belen. Napakaresponsableng bata ni Robert. At ang makita niya itong mature na nakaharap sa sariling ama, hindi niya alam kung matutuwa ba siya. Nakikita niya ang matinding galit nito. Alam ni Mrs Belen na alam na ni Robert ang lahat. "Tara na kay Lola, Ma. Tayo ang kailangan niya sa panahong ito." at nagpatiuna na ito sa paglalakad. Hinila ang kamay ng ina. Napabuga ng hangin si Mayor Valdez habang sinusundan ng tingin ang papalayong mag ina. Napakunot noo siya noong mapansin na naka-paa lamang si Robert. "Alam kong hindi mo ako mapapatawad Robert, pero sana naman, isaalang-alang mo ang bata sa sinapupunan ni Elaine. Kailangan ka ng mag-ina mo." Napatawa ng malamya si Robert. Tawang walang buhay. "Ang galing ninyong magsalita, samantalang inabandona mo kaming mag-ina!" "May asawa na ako noon Robert! Isang pagkakamali ang relasyon ko sa ina mo, kay Aurora. Hindi ko alam na nabuntis ko siya dahil umalis siya rito sa atin," mahabang paliwanag nito na ayaw tanggapin ng isip niya. Tama ito, hindi siya dito lumaki. Walong taong gulang siya noong lumipat sila ng kanyang ina sa San Agustin. Upang samahan ang noon ay nanghihina nang matanda. Pero kahit na, kahit na... Pilit niyang iwinawaksi sa isip ang katotohanang inilihim siya ng ina sa kanyang tunay na ama. Kung may dapat sisihin doon ay ang lalaking nasa harap niya ngayon. Ito ang puno't dulo ng lahat. "Anak, kailangan ka ni Elaine at ng anak ninyo." Tinapik siya nito sa balikat. Nagmatigas siya at hindi niya ito nilingon. " Elaine is in the hospital," may takot na rumehistro sa kanyang mga mata na napabaling sa matanda. "Pilit ka niyang hinabol kanina. Nawalan siya ng malay habang hinahanap ka." Napalunok siya at hindi alam kung anong gagawin. Nakita niya ang maluha-luhang mata ng matanda. "Huwag mo akong tularan anak, kung kaya mong panindigan ang magiging anak niyo ni Elaine, please do so."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD