Lauren’s POV
We basically missed having fun and spending time with family. Miss na miss ko na talaga ang kakulitan nila. Noong nagkaroon ng pagkakataon na magkasama-sama ang buong pamilya ay kaagad silang naghanap ng hotel na puwede naming puntahan. Siyempre, galang-gala na rin kami na magkakasama!
I still have Grandma’s gift, the camera. Iniingatan ko talaga iyon at marami na kaming pinagsamahan kaya ikalulungkot ko kapag nasira ko iyon. Kahit puwedeng palitan ay iba pa rin ang halaga ng mismong iniregalo sa akin ni Grandma kaya nag-aaway kami ni Kuya Angelo kapag hinihiram iyon noon kasi baka hindi niya ingatan at baka masira pa! Ako pa rin si Renren na marunong magpahalaga sa ibinibigay ng iba dahil kahit luma na iyon ay gagamitin ko pa rin hanggang kaya pa. Kagaya na lang ng iniregalo ni Daddy sa akin noon na relo. Kahit hindi na nga iyon gumagana ay ginagamit ko pa para maramdaman ang prisensiya niya. Ganoon pa rin naman akong klase ng tao.
Natutunan ko rin pagiging masinop mula kina Grandma at Grandpa. Maging ang MP3 player na ibinigay sa akin at ang mensahe nila roon ay pinakikinggan ko pa rin kaya namimiss ko na si Grandma. Hinding-hindi ko makalilimutan na naging proud sa akin si Grandma kahit na ang totoo niyan ay hindi nila ako kadugo. Hay . . . mukhang namimiss ko na naman siya.
Nag-uumapaw ang emosiyon na nararamdaman ko dahil nakikita kong magkakasama ang pamilya namin ngayon. Hindi man kami kasing yaman ng buhay na mayroon kami noon ay tanggap naman namin iyon, hindi naman palaging nasa itaas ang isang tao dahil kung minsan ay kailangang ibaba nang kaunti para maalala kung saan nagsimula. Mas mahalaga sa amin ngayon na nagtutulungan kami para sa kinabukasan ng pamilya. Ang sarap sa pakiramdam na magpasalamat sa iyo ang kapatid o magulang mo kapag may naitutulong ka sa pamilya niyo, malaki man iyon o maliit na bagay. Ang galing ’no? Kung makikita ng ibang tao ang nakikita ko sa pamilya namin ngayon ay hindi nila iisipin na minsan na itong nagkawatak-watak at nagkasakitan.
Habang nagkakagulo kami sa sasakyan ay biglang natahimik ang lahat noong nagtanong si Daddy kay Kuya Angelo kung may plano na ba itong magkaroon ng anak pagkatapos ikasal, inaabangan din namin ang isasagot niya kay Daddy. He is engaged with Ate Nica at pinagpaplanuhan na nila ang kasal nila pero abala si Daddy sa pagtatanong tungkol sa magiging apo niya. Bakit nga ba excited si Daddy na maging Lolo ngayon? Ngayon ko lang siya narinig na nagtanong tungkol sa ganoong bagay dahil madalas ay si Grandpa naman ang nagbibiro tungkol doon.
“Daddy, nasa plano naman po namin iyon ni Nica,” sagot ni Kuya Angelo na halatang nahihiya pa. Hindi namin kasama si Ate Nica dahil may lakad din siya kasama ang pamilya niya. Sigurado ako na mas mahihiya at mas mamumula ang mukha ni Kuya Angelo kung katabi niya si Ate Nica.
“Baka naman mainip na ako,” sagot naman ni Daddy. Paano naman siya maiinip samantalang nandito naman si Jace para mangulit sa aming lahat?
Sumingit ako sa usapan nila dahil masyado akong na-iintriga sa pagtatanong ni Daddy. “’Dy, gusto mo na po bang magka-apo?”
Abala siya sa pagda-drive pero nakuha pang magtanong kay Kuya Angelo. Ang saya siguro kung may isa pa kaming bata sa bahay. Napansin ko naman na tumingin sa akin ang mga katabi ko, parang may mali akong sinabi, ah? Masama na bang magtanong ngayon?
“Apo kay Angelo ang hinihingi ko at hindi sa iyo, Renren,” pagklaro pa ni Daddy. Kaya naman pala ganoon nalang nila akong tingnan! Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin sa pagtatanong! Paano naman napunta sa pagkakaroon ng apo sa akin kung wala pa nga akong asawa? At mas lalong walang akong boyfriend! Nakaloloka, ah! Nagtanong lang naman ako! Grabe, parang masama na magtanong ng kahit ano sa pamilyang ito! Biro lang, ang OA ko roon.
“Hala! Si Daddy naman! Nagtanong lang naman po ako kung tama ang pagkaka-intindi ko o kung nang-aasar ka lang kay Kuya Angelo! Bakit naman napunta sa akin? Paano naman kita bibigyan ng apo? Ang higpit kaya ni Grandpa sa Canada!” sagot ko naman. Nakarinig ako ng tawa mula kay Grandpa, siya lang ang magaling na nakakuha na biro lang ang sinabi ko. Huwag nila sabihing iniisip talaga nila na tatakas ako kay Grandpa ’no? At nangako ako kay Grandma na isusuko ang dapat isuko sa aking asawa! Well, kanya-kanya naman iyon at hindi ko naman sinasabi na masamang babae ang hindi susunod sa ganoon. Nasa responsibilidad na rin iyan ng babae at iba-iba rin naman ang dahilan kung bakit iyon nangyayari. Isang magandang halimbawa roon ay ang matalik kong kaibigan na si Kelly.
Bakit ba napunta sa ganitong ang iniisip ko?
Nabanggit ko ang Canada kaya naalala ko na naki-usap ako kay Grandpa na kung babalik pa siya ng Canada ay gusto ko ulit sumama sa kanya at sinagot naman niya ako na hindi na raw siya babalik sa Canada. Hindi ko lang alam kung seryoso siya sa isinagot sa akin. Palagi naman siyang seryoso ang itsura kahit nagbibiro na pala at kung minsan ay seryoso na siya pero mukhang nagbibiro naman.
“Speaking of Canada, nasaan na ang lalaki mo?” tanong ni Kuya Angelo. Nagtatanong lang siya pero parang naghahamon na. Walang pagbabago ang isang ito.
“Baka nasa bag ko,” pamimilosopo ko pa sa kanya tiningnan kaagad niya ako nang masama at binawi ko naman kaagad ang sagot ko. Mahirap na at baka magsungit pa sa akin. “Alam mo naman na nagbibiro lang ako, hindi ba? Nasa Canada pa si Nate!”
He smirked when he heard my answer. “I didn’t say a name but he comes to your mind, huh? Sino naman ang Nate na iyon? Akala ko pa naman ay si Kiel ang maiisip mo.” Alam naman namin na nagbibiro lang siya at madalas na hindi nakatatawa ang mga biro niya. Kumbaga ay malulugi ang comedy bar na pagta-trabahuhan niya kung siya ang comedian na nandoon.
Nagkaroon tuloy ng katahimikan dahil sa pagbanggit ni Kuya Angelo sa ipinagbabawal na pangalan. Narinig iyon ni Jace kaya siya naman ang nagtatanong sa akin. Mahirap talaga kapag nasimulan ang usapang tungkol kay Ezekiel. Sunod-sunod na naman ang mga tanong nila. Pahamak din siya Kuya Angelo!
“Is he going to visit us? Miss na miss ka na niya, Ate Wenwen! Miss na miss mo na rin po ba siya?” Hindi naman namin sinasabi kay Jace na hiwalay na kami ni Ezekiel pero kada maririnig niya ang pangalan nito ay hinahanap niya. Kapag ibang pangalan naman ng lalaki ang babanggitin ko ay hindi niya pinapansin.
“Bakit nagising ka? Matulog ka lang sa biyahe,” sagot ko naman sa kanya.
“Do you miss him too, Ate?” he asked again pero niyakap ko lang siya. Bakit na naman kaya napunta sa kanya ang usapan ng pamilyang ito? Hindi ba lilipas ang isang araw na walang magbabanggit sa kanya at iyong hindi kami magkikita? “Miss ka na po kaya niya! Palagi ka po niyang itinatanong sa akin kapag nagpupunta siya sa bahay!” dagdag pa ni Jace. Oh . . . I’m not aware that he is still visiting them.
“Dumadalaw pa rin ba siya sa bahay?” Napatanong ako bigla.
“Oo naman po. Kapag nasa Manila po siya ay madalas kaming naglalaro sa bahay. Minsan nga po ay kausap ka ni Mommy kapag nasa bahay siya kaya nga hindi mo ako makausap kasi naglalaro po kami.” Si Ezekiel pala ang karibal ko ng oras sa kapatid ko, ah?
Nilingon ko lang sila. Mukhang alam naman nila ang tungkol sa pagdalaw ni Ezekiel sa bahay pero kahit isang beses ay hindi nila iyon nabanggit sa akin. Nagtataka lang ako na parang pakiramdam ko ay itinago talaga nila iyon sa akin.
“Pero wala siya noong bumalik na kami ni Grandpa, ah? Hindi pa rin siya nagbabago.”
Nilingon naman ako ni Kuya Angelo. “Kunwari ka pa, nagkita naman kayo noong gabing iyon.” Ang bilis naman kumalat ng balita. Hindi ko iyon sinabi sa kanya, ah? Nabanggit kaya iyon ni Ezekiel sa kanya?
Si Grandpa naman ang tumingin sa akin. “Nagkita na kayo? Tingnan mo nga naman, napakagaling talaga ang tadhana.”
“Literal na pinagtagpo pero hindi itinadhana,” segunda ni Kuya Angelo sa sinabi ni Grandpa.
Ano nga ang sinasabi ko kanina? Sinabi ko na ba masaya ako? Puwede na ba iyong bawiin?
“Pero seryoso, Renren, palagi ka niyang kinukumusta sa amin at kapag hindi siya nakakukuha ng matinong sagot ay si Jace ang tinatanong niya.”
“Ano naman ngayon?”
“Busy siyang tao pero nakukuha ka pa rin niyang kumustahin.” Balimbing din itong si Kuya Angelo.
“Naku, huwag mong kampihan ang kaibigan mo. Magaling lang naman siyang magsalita ’no, wala namang napatutunayan at natutupad sa mga ipinapangako.”
He laughed. “Affected, ah? Relax ka lang, hindi naman kita inaaway. Nagtanong ka kaya sinagot ko lang naman iyon. Baka tama si Jace, baka miss mo na rin siya.”
No way!
Inirapan ko nalang siya kaya natawa na naman. “Request lang, oh? Puwede bang huwag niyo na banggitin ang pangalan niya kapag kasama niyo ako? Puwede kaya iyon?”
Hindi ako sigurado kung narinig ni Kuya Angelo ang paki-usap ko dahil tumunog ang cell phone niya kaya sinagot niya kaagad.
“Hello, Mama Mia! Huwag mo sabihing gagawin mo na rin akong model, ah? Si Kiel? Bakit, nasaan si Kiel? Pinagtataguan ka na naman ba ng alaga mo? Hayaan mo nalang muna si Kiel. Matagal naman na niya iyan ginagawa sa iyo, hindi ka pa ba nasanay? May shooting kayo at wala pa si Kiel? Nandiyan lang iyon at nag-iikot siguro. Sumusulpot naman siya kapag alam niyang may photoshoot. Saka huwag mo na ulit sa akin hahanapin si Kiel, Mama Mia. Hindi na iyon magpupunta sa bahay dahil dumating na ang kapatid ko na galing sa Canada. Opo, ex-girlfriend nga ni Kiel. Gusto mo siyang makilala? Naku, ex-girlfriend naman na siya ni Kiel. Hanap ka na lang ng ibang babae na ipakikilala sa iyo ni Kiel. Sige po, magpahinga ka na lang din po at hayaan mo na si Kiel. Malaki naman na ang isang iyon.”
Napakabait talaga ng kapatid ko. Akalain mong pagkatapos kong maki-usap na huwag na banggitin ang pangalan ni Ezekiel ay kaagad niyang binanggit ng siyam na beses! Nahiya pa! Hindi pa ginawang sampu! Ipinarinig pa sa akin ang pakikipag-usap sa kabilang linya habang sinasabi na ex-girlfriend ako ng isang iyon!
Napabuntong-hininga ako. “You’ve got to be kidding me!”
Narinig ko naman na tumawa si Kuya Angelo, pinindot ang cell phone niya at inilapit sa akin.
“What the hell are you saying, Angelo? Kaboses ko ba si Mama Mia?! Bakit pati si Lauren ay idinadamay mo? Ang lala mo, ah?”
Tumawa si Kuya Angelo. Si Ezekiel pala ang tumawag sa kanya?
“You’ve got to be kidding me, Angelo!” dagdag pa ni Ezekiel kaya lalong natawa si Kuya Angelo.
Kinausap niya nang matino si Ezekiel at noong natapos na sila ay ako naman ang kinausap niya.
“Pati ba ang mga sasabihin niyo ay magkamukha na rin? Pinagtagpo talaga kayo pero hindi itinadhana.” Bakit kaya kailangan pa niya itong ulitin? Kapag paulit-ulit na pala ay . . . sumasakit na.