Hindi lahat ng bahay, tahanan. Minsan, kulungan lang ito na may bubong.
Sa amin, literal na kahoy ang mga dingding. Luma na, may mga anay, at kapag malakas ang hangin parang may sariling boses yung bahay ito ay umuungol, sumisipol, nagrereklamo. Kapag umuulan, kailangan naming maglagay ng mga planggana sa sahig kasi tumutulo mula sa butas-butas na yero. Sa tag-init naman, para kaming tinapay na isinalang sa pugon. Pero sanay na ako.
Ang hindi ko masanayan ay ‘yung lamig. Hindi ‘yung galing sa panahon, kundi ‘yung galing sa loob ng bahay.
“Cyrelle Jane! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na maghugas ka ng plato pagdating mo galing school!”
Boses ni Papa Leon yan. Leon Perare. Papa ko. Lagi na lang galit Parang Leon. Lagi na lang mataas ang boses. Minsan iniisip ko, kung hindi ba ako nagsasalita, baka sakaling hindi niya ako mapansin. Pero kahit anino ko yata, ayaw niya.
“Puro na lang pag-aaral inaatupag mo,” sigaw niya minsan nung nakita niyang nagbabasa ako sa ilalim ng gasera. “Ano’ng mapapala mo diyan? Yayaman ka ba?” Kinabukasan, nung bumagsak ‘yung grade ko sa Math kasi tinulungan ko si Jade mag-sulat, ako pa rin ang mali. “Wala ka talagang kwentang bata ka!”
Si Mama Jessica naman... mabait siya. Siya ‘yung naglalagay ng extra kanin sa plato ko kapag tulog na si Papa. Siya ‘yung tahimik na gumagamot ng sugat ko kapag nadadapa ako. Niyayakap niya ako minsan, kapag walang nakakakita. Pero ‘pag nagsisimula nang sumigaw si Papa, natutunaw bigla ‘yung tapang niya.
“Wag mo na lang sagutin ang Papa mo, anak,” bulong niya, hawak ang braso ko habang nanginginig. “Pag napagod ‘yon, tatahimik din. Para matapos na.”
Para matapos na. Pero kailan? 15 years na akong nabubuhay, at parang wala namang katapusan ‘yung galit niya sa akin.
Si Ate Jullianne, 18 na, may bagong phone. Si Jackson, 11, may bagong sapatos na umiilaw pa. Si Jade, 6, bunso, prinsesa ng bahay. Lahat ng gusto, nakukuha. Ako? ‘Yung uniform ko, pinaglumaan ni Ate. ‘Yung bag ko, may tahi na. ‘Yung sapatos, butas na ‘yung swelas kaya nilalagyan ko ng karton sa loob.
Minsan tinanong ko si Mama, “Ma, bakit po sila lang?” Ngumiti siya, malungkot. “Hayaan mo na, Jane. Mas kailangan nila. Matalino ka naman, kaya mo na ‘yan.”
Matalino daw ako. Pero bakit parang parusa ‘yon?
Sa school, mas malala. Holy Angel Academy ang pangalan, pero wala namang anghel do’n. Doon ako tinawag na “basahan girl” ni Bianca Nicole Vergara. Siya ‘yung lider ng mga mean girls, kasama niya si Sabrina at si Chloe. Trip nila na itapon ‘yung lunch box ko. Kanin at toyo lang naman laman nun, pero pinagtatawanan nila na parang ‘yon na ‘yung pinaka-nakakadiri sa mundo. Minsan, binuhusan pa nila ng juice ‘yung upuan ko bago ako umupo.
Buti na lang nandiyan si Cassie. Cassandra Elise Reyes. Best friend ko. Best friend lang. Siya ‘yung nagpahiram sa akin ng panyo nung unang beses akong umiyak sa CR. Simula nun, hindi na niya ako iniwan.
“Jane, kain tayo,” sabay abot niya ng kalahati ng tinapay niya tuwing recess. “Si Mama nagluto ng adobo, dinalhan kita.” Hindi ko na tinanong kung bakit. Basta iniiyakan ko na lang siya sa loob-loob ko.
“Hayaan mo sila,” sabi niya habang inaayos ‘yung buhok kong ginulo ni Chloe. “Inggit lang mga ‘yan. Kasi kahit mahirap tayo, may dignidad tayo. At ikaw, Jane, sobrang bait mo. Mas maganda ka pa sa kanilang lahat kapag ngumingiti ka.”
Hindi naman mahirap si Cassie. Mabait lang talaga siya. Anak siya ng pastor. Maka-diyos malamang.
Ngumingiti lang ako kapag kasama siya. Sa bahay, hindi.
Gabi-gabi, nakahiga ako sa banig namin, nakatingin sa mga bitak ng kisame. Binibilang ko ‘yung mga patak ng tubig na tumutulo kapag umuulan. Isa, dalawa, tatlo... Sa bawat patak, may tanong ako: Ma, Pa, bakit ako lang laging mali? Bakit parang hindi niyo ako anak? Bakit si Jade, kahit magkalat, natatawa pa kayo? Ako, kahit anong gawin ko, kulang pa rin?
Pero siyempre, hindi ko sinasabi ‘yon nang malakas. Kasi anak nila ako. Dugo nila ako. ‘Yon ‘yung sinabi sa akin mula pagkabata. Perare ako. Cyrelle Jane Perare.
Sa ngayon, ang alam ko lang: 15 years old ako, nakatira sa bahay na kahoy, may Papa na hindi ako mahal, may Mama na takot magmahal, at may isang Cassie na nag-iisang rason kung bakit bumabangon pa ako sa umaga.
Pagod na ako. Pero kakayanin ko pa. Siguro.
---