First Person POV Nang matapos na ako ay lumabas na kaagad ako ng kwarto, katulad noong umalis ako ay hindi ko dinatnan si Kyo sa sala kaya nagtuloy ako sa kusina, kung saan doon ko ito nakitang nagtungo bago ako maligo. Hindi naman ako nabigo dahil nakita ko itong tahimik na nakaupo sa harap ng mesa habang hawak ang isang baso na nakalapag, seryosong nakatitig lamang ito roon. Parang kay lalim ng iniisip. Kung sa ibang pagkakataon ay baka napagtawanan ko na ito, lalo pa at naiisip ko kung kanina pa ba ganito ang ayos nito at kung gaano na ba ito katagal na nakagano'n. Pero hindi pwede, dahil alam kong lalo lamang itong mayayamot sa akin. Hindi ito lumingon man lang kahit na alam kong ramdam nito na nando'n na ako, dahil sinadya ko talagang gawing maingay ang tunog ng paglalakad ko.

