THIRD PERSON:
“I’m sorry, hijo,” malumanay na wika ni Señora Miriam habang nakaupo sa tapat ni Silas, hawak-hawak ang tasa ng tsaa. “Medyo nagkaroon lang ng kaunting hindi pagkakaunawaan ang mag-ama, kaya siguro naisipan niyang lumabas kasama ang mga kaibigan niya.”
Bahagyang tumango si Silas, ngunit hindi nawala ang matalim na titig sa kanyang mga mata. “Kung gano’n, Señora… dapat mas maging maingat na kayo. Hindi puwedeng lagi siyang nakakalusot. Isang beses lang akong napikon, at muntik ko nang hindi mapigilan ang sarili ko.”
Sandaling natahimik ang ginang, saka napangiti ng payak—ngiting parang may kasamang plano. “Hijo, kaya nga nandito ka. Ikaw lang ang tanging makakapigil sa pagiging suwail ng anak ko. Ikaw lang ang makakapagpatino sa kanya.”
Tahimik lamang si Althea, nakaupo sa sulok habang mahigpit na nakayakap sa sarili. Pilit niyang iniwas ang tingin, ngunit bawat salita ng kanyang ina at ni Silas ay malinaw na pumapasok sa kanyang pandinig. Para siyang ikinulong sa isang silid kung saan wala siyang boses, wala siyang laban.
Umangat ang sulok ng labi ni Silas, malamig at mapanganib ang ngiti. “Kung gano’n… hayaan ninyo ako. Ako mismo ang gagawa ng paraan para hindi na siya makalayo sa akin.”
Pagkasabi nito, marahan siyang lumingon kay Althea. Isang simpleng sulyap lamang, ngunit ramdam ng dalaga ang bigat ng titig niya—parang matalim na mga patalim na gusto siyang gawing bihag. Pinandilatan siya ni Althea, pilit na ipinapakita ang tapang kahit nanginginig ang dibdib.
Napangisi lang si Silas, tila natutuwa pa sa paglaban ng dalaga. At bago pa man makapagsalita si Althea, napansin niya ang ngiti ng kanyang ina—ngiting puno ng kumpiyansa, na para bang natutuwa pa ito sa titig at ngiti ni Silas.
Sa halip na ipagtanggol siya, mas lalo pang pinagtibay ng ina ang pader na unti-unting nagkukulong sa kanya.
*****
Pagdating nila sa mansyon, halos sumabog ang galit ni Señora Miriam. Malakas ang tunog ng takong nito sa marmol na sahig habang kasunod lamang si Althea, nakayuko, walang imik.
Pagkasara ng malaking pinto, agad bumaling ang ina sa kanya.
“Ikaw talagang bata ka! Wala ka na talaga sa katinuan mo, no?!” sigaw ni Señora Miriam, nanginginig ang boses sa inis.
Nanatiling tahimik si Althea, nakatitig lang sa sahig. Ramdam niya ang matalim na titig ng ina, ngunit wala siyang lakas para sumagot.
“Simula ngayon, hinding-hindi ka na sasama diyan sa mga kaibigan mo, naiintindihan mo ba?!” muling sigaw ng ina, halos dumadagundong sa loob ng bahay ang tinig nito.
Doon na napatingala si Althea, naglakas ng loob na magsalita. Namumuo ang luha sa kanyang mga mata, ngunit ang boses niya’y matalim.
“Bakit? Natatakot po ba kayo na hindi na ako virgin kapag kinasal ako sa hayop na iyon?”
Pak!
Isang malakas na hampas sa balikat ang agad niyang natanggap mula sa ina. Napaatras siya, napahawak sa balikat at halos mamilipit sa sakit.
“Umayos ka nga sa pananalita mo!” mariing wika ni Señora Miriam, halos nanginginig sa galit. “Hindi mo ba alam kung gaano kabigat ang sitwasyon ng pamilya natin? Kung gaano kalaki ang nakataya?! At ikaw—ikaw, Althea—wala kang ibang iniisip kundi ang sarili mong damdamin!”
Humigpit ang hawak ni Althea sa kanyang balikat. Ang mga luha, tuluyan nang pumatak, ngunit pinilit niyang itaas ang ulo.
“Damdamin ko? Wala na nga akong sarili kong buhay, Mama. Lahat, kayo ang nagdedesisyon. Ni hindi ko alam kung may karapatan pa akong maging masaya.”
Sandaling natahimik si Señora Miriam, ngunit hindi nagtagal, lalo pa itong nagngitngit. Lumapit siya, halos magkadikit ang kanilang mukha.
“Makinig ka sa akin, Althea,” mariing sabi nito. “Si Governor Silas Montenegro ang magiging asawa mo, gusto mo man o hindi. At kung iniisip mong makakatakas ka pa, nagkakamali ka. Wala kang choice!”
Nanlamig ang buong katawan ni Althea. Ramdam niya ang pader na unti-unting bumabalot sa kanya. Ang sariling ina—na dapat sana’y nagpoprotekta sa kanya—ngayon mismo ang nagtutulak sa kanya sa bangungot.
Hindi na siya sumagot. Tahimik siyang tumalikod, mabilis na pumanhik sa hagdan, at binagsakan ng pinto ang kanyang silid.
Sa labas ng kwarto, naiwan si Señora Miriam, galit na galit, ngunit may kakaibang ngiti sa labi. Isang ngiti na nagsasabing mas lalo siyang determinado na ipilit ang kasunduan—anumang mangyari.
Pagkasara ng pinto, mabilis na napaupo si Althea sa gilid ng kama. Sunod-sunod ang pagtulo ng luha niya, parang wala nang tigil.
“Bakit ganito…” mahina niyang bulong, halos hindi na niya makilala ang boses niya dahil sa paghikbi. “Bakit ako ang kailangang magsakripisyo?”
Hinila niya ang kumot at niyakap iyon, pilit hinahanap ang kahit kaunting ginhawa. Ngunit imbes na aliw, lalo lamang bumigat ang dibdib niya nang sumagi sa isip ang nangyari sa hotel.
Muling bumalik sa alaala niya ang mainit na hawak ni Silas sa kanyang mga kamay, ang matalim nitong titig na parang binabasa ang kaluluwa niya.
Nanginginig siya, naaalala kung paano ito yumuko, halos lumapat ang mukha sa kanya.
At ang boses nitong malamig ngunit mariin:
“Mas lalo kitang hindi pakakawalan.”
Napapikit si Althea, pilit itinaboy ang alaala, pero lalo lang itong lumilinaw sa isip niya. Parang kahit saan siya lumingon, nandoon ang mga mata ni Silas, hindi siya tinatantanan.
“Hayop ka…” bulong niya, halos wala nang lakas. “Hayop ka, Silas Montenegro…”
Humiga siya, tinakpan ng unan ang kanyang mukha, ngunit hindi nito natakpan ang sakit at takot sa puso niya. Sa isip niya, malinaw ang katotohanan—hindi lang ang kanyang mga magulang ang kulungan niya.
Si Silas mismo ang bangungot na hindi na niya matatakasan.
At sa gabing iyon, sa kabila ng tahimik na mansyon, mag-isa siyang umiiyak—tila bagaon sa isang mundo na kontrolado ng lahat maliban sa kanya.
*****
Kanina pa siya nakatitig sa kama—doon mismo kung saan nahiga si Althea. Dahan-dahan niyang hinaplos ang kumot, para bang may naiwan pang init ng katawan nito. Mariin siyang pumikit, at sa imahinasyon niya, malinaw ang anyo ng dalaga: payapang natutulog, nakapikit, marahang humihinga… para bang nasa tabi lang niya.
‘Althea…’ mahina niyang bulong, halos pabulong sa dilim. ‘Hindi mo alam kung gaano mo ako pinapasabik. Sa bawat titig ko sa’yo, lalo lang akong hinihila palapit. At kahit ilang ulit mo pa akong itaboy… hinding-hindi kita bibitawan.
Napapikit siya sandali, sabay mariing huminga—may kung anong init ang unti-unting umaakyat sa kanyang dibdib, parang apoy na gustong kumawala.
“Kung alam mo lang, Althea…” bulong niya sa hangin.
“Kung alam mo lang kung gaano kita gustong pagmasdan ng ganito, gabi-gabi.”
Huminga siya nang malalim, pilit pinapakalma ang sarili. Ngunit sa bawat segundo, lalo lamang lumalakas ang tukso. Sa kanyang imahinasyon, nakatalukbong sila ng iisang kumot, ramdam niya ang init ng katawan ni Althea na nakadikit sa kanya.
At para bang mas lalo siyang nababaliw nang maisip niyang iyon ang unang pagkakataon na makakatulog siya nang mahimbing—kung nasa tabi niya ang dalaga.
Pinikit niyang muli ang kanyang mga mata, hinayaan ang sariling lamunin ng imahinasyon.
Isang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.
“Hindi magtatagal, Althea… hindi na kita kailangan pang imahinasyon lang.”
At sa gabing iyon, hindi niya alam kung mas nanaig ang katahimikan o ang apoy na unti-unting nilalamon ang buong pagkatao niya.