CHAPTER SIX

1194 Words
THIRD PERSON: Tahimik ang loob ng opisina ng gobernador. Nakasalansan ang mga dokumento sa mesa habang si Silas ay seryosong nakayuko, abala sa pagbabasa at pagpirma. Tanging tik-tak ng orasan ang umaalingawngaw, kasabay ng bigat ng kanyang presensya. Biglang bumukas ang pinto. “Governor…” maingat na tawag ni Lucas, ang personal assistant. Kita ang kaba sa kanyang mukha habang hawak ang cellphone. Hindi inalis ni Silas ang tingin sa papeles na kanyang pinipirmahan. “Ano iyon?” malamig na tanong niya. “Mas mabuting kayo na po ang makakita, Gov.” Dahan-dahang iniabot ni Lucas ang cellphone. Kinuha ito ni Silas, bahagyang nagtaas ng kilay. At nang makita ang laman ng screen—tumigil siya sa paghinga ng ilang segundo. Larawan niya iyon—siya mismo, buhat-buhat si Althea sa kanyang mga bisig. Isang kuha na parang eksena sa nobela: siya, ang makapangyarihang gobernador; at si Althea, ang dalagang wari’y isang prinsesang mahigpit niyang inaalagaan. Bahagyang kumunot ang noo ni Silas habang pinagmamasdan ang litrato sa screen, ngunit isang malamig na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. Imbes na ikahiya, tila ba ikinatuwa pa niya ang pagkakahuli ng sandaling iyon. “Mas mapapadali nito ang lahat,” mahina niyang bulong, na para bang may planong unti-unting nabubuo sa kanyang isipan. Sa ilalim ng litrato, sunod-sunod ang mga komentaryo: “Bagay na bagay sila! Power couple!” “Finally, may love life na rin si Governor Montenegro.” “Royalty vibes. Sila na talaga.” Puno ng kumpiyansa—ang gumuhit sa kanyang labi. “Hmm…” mahina niyang sambit, nakasandal sa upuan. “Minsan, Lucas, maganda rin pala ang tsismis.” Nagulat si Lucas, hindi inaasahan ang reaksyon ng gobernador. “Gov.?” “Hindi ko na kailangang magpaliwanag,” malamig ngunit tiyak na wika ni Silas, habang nakapako ang tingin sa litrato. “Ang publiko na mismo ang nagsasabi kung sino ang para sa akin. Kung mahirap kumbinsihin si Althea… dahil dito, wala na siyang magagawa.” Saglit siyang tumigil. Mas lalong tumalim ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang larawan nilang dalawa. Mabigat ang katahimikan sa opisina, tila ba ang mismong dingding ay nakikinig. “…Ngayon, wala nang atrasan,” madiin niyang sambit, kasabay ng mabagal ngunit matatag na ngiti na sumilay sa kanyang labi—ngiting nagbabadya ng kapalarang hindi na matatakasan ni Althea. Hindi naiwasang mapalunok ni Lucas na kanina pa nakatayo sa gilid ng pinto, mahigpit na hawak ang mga dokumentong dala. “G-Governor…” maingat niyang sambit, ngunit agad na sumilay sa kanyang mukha ang takot nang magtama ang kanilang mga mata. Tumikhim si Silas, saka dahan-dahang isinara ang folder sa harap niya. “Lucas,” malamig ang tinig na bumaon sa hangin. “Sabihin mo sa pamilya Cruz… Sabihin mong oras na para plantsahin ang kasal.” Halos matigilan ang PA, nag-aalinlangan. “Governor, baka po hindi pa—” Naputol siya ng malamig na tingin ni Silas. “Hindi ako nagtatanong, Lucas. Gusto ko itong matapos agad. Habang mainit ang usapan, habang buo ang suporta ng publiko. Hindi ko hahayaang mawala ang momentum na ito.” Tumango na lamang si Lucas at mabilis na umalis ng opisina. Naiwan si Silas, nakapikit sandali habang hawak muli ang cellphone. Pinagmasdan niyang mabuti ang mukha ni Althea sa larawan—ang takot at pagkabigla na hindi napansin ng karamihan, natabunan ng ilusyon ng isang “perfect couple.” Ngumiti siya, mas malalim at mas mapanganib. “Sa ayaw at sa gusto mo, Althea… wala ka nang takas. Ang buong mundo na ang nagsasabi na akin ka.” ***** Tumunog ang cellphone ni Althea, paulit-ulit na vibration na para bang nagmamadaling sumabog sa kanyang kamay. Naka-flash sa screen ang pangalan ni Caroline na kaibigan niyang baklang si Carlo. Agad niya itong sinagot. “Bakla bakit?” mahina ang tanong, halata ang pagod sa tinig. “NAKITA MO NA BA, ALTHEA?!” halos pasigaw ang boses ng kaibigan sa kabilang linya. Napakunot ang noo ni Althea. “Ang alin?” takang sagot niya. “Gaga ka! VIRAL NA VIRAL KAYO NI GOV. SILAS!!” sigaw ni Carlo, halos hindi makapaniwala. Nanlamig ang buong katawan ni Althea. Mabilis siyang napaupo sa gilid ng kama, nanginginig ang mga daliri. “Ano…?” mahina niyang bulong. “Buksan mo na lang ang social media!” utos nito sa kanya. “Nasa lahat ng feed—ikaw, si Governor… buhat-buhat ka niya parang prinsesa!” Dahan-dahan binuksan ni Althea ang cellphone, nanginginig ang kamay. At doon, huminto ang mundo niya sandali. Nasa harap niya ang litrato—siya, nakayakap kay Silas, at ang mga mata nitong nakatutok sa kanya na parang tanging siya lang ang nasa paligid. Sunod-sunod ang mga headline at komento: “Perfect couple! Bagay na bagay si Gov. Silas at ang dalaga!” “Power couple of the year, walang makakatalo!” “Royalty vibes. Sana kasal na agad!” Nanlaki ang mga mata ni Althea, halos malaglag ang cellphone sa kanyang kamay. Tumigil ang oras; sa loob ng silid, tanging malakas na t***k ng puso niya ang maririnig. “Hindi… hindi ito pwede…” mahina niyang bulong, nanginginig ang labi habang pinagmamasdan ang litrato. “Althea… mukhang wala ka nang kawala. Ginawa na kayong love story ng buong mundo,” sabi nito nang may lungkot sa boses. Biglang dumami ang notipikasyon sa screen—mga puso, likes, at komento. Hindi na alam ni Althea kung alin ang mas nakakatakot: ang libong boto ng opinyon ng tao, o ang titig ni Silas mula sa larawan. “Maghanda ka,” ang paalala pa nito. “Siguradong gagalaw na ang pamilya mo.” Bago pa siya makasagot, kumalas ang pinto ng silid—pwersado, mabilis. “ALTHEA!” dagundong ng boses ni Don Ricardo. Nanigas ang buong katawan ni Althea. Hawak pa rin niya ang cellphone, nanginginig ang mga kamay. Nakatayo sa pintuan ang ama, galit na umiigting ang mukha. “Ayan! TINGNAN MO!” sumisigaw si Don Ricardo, itinuro ang teleponong hawak ni Althea. “Dahil sa kasuwailan mo—MAPAPAHIYA PA ANG PAMILYANG MONTENEGRO SA’YO!!” Isang malakas na pak! ang dumapo sa pisngi ni Althea. Napaatras siya, halos mabuwal sa gilid ng kama. Agad niyang nahaplos ang namumulang pisngi habang dumadaloy ang luha sa kanyang mga mata. Pinilit niyang pigilan ang hikbi, ngunit ramdam niya ang bigat ng sakit at panghihina. Halos wala na siyang makitang daan upang magsalita—tanging mahinang pag-iling at hikbi ang lumabas. “Simula ngayong gabi, wala ka nang karapatang pumili!” bulyaw ni Don Ricardo, nangingig ang boses sa galit. “Tatawagan tayo ng mga Montenegro—at doon, tatatakan ang kasal mo kay Silas. Tandaan mo ito, Althea: kahit ayaw mo, kahit lumuhod ka pa, wala ka nang ligtas. Mas mabuti pang mawala ka sa mundong ito kaysa sirain mo ang pangalan natin!” Dahan-dahang iniwan siya ng ama at marahang isinara ang pinto. Naiwan si Althea, nanginginig at humahawak sa namumulang pisngi. Ang cellphone ay nakabagsak sa sahig, patuloy na nagliliwanag ng mga notipikasyon—mga taong bumubuti sa isang pag-iisa na hindi naman niya pinili. Sa dibdib niya, unti-unting lumalamon ang pakiramdam na wala na siyang boses… wala na siyang laban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD