"Aah!" mahinang ungol ko nang humikab ako at nag-inat ng aking mga braso.
Kinuha ko ang aking cellphone sa gilid at tinignan ang oras ... alas syete na pala nang umaga.
Dito muna ako natulog sa carwash shop. Wala na kasi akong mapuntahan eh.
Wala pa rin akong natanggap na text o tawag mula kay James simula kagabi. Oo. Aaminin kong nalungkot ako sa nangyari sa amin. Kung kailan, alam ko na sa sarili ko na mahal ko na siya, ito pa ang nangyari.
"James. Ano bang nangyari sa ating dalawa? Bakit kailangan pa tayong umabot sa ganito?" bulong ko sa aking sarili.
Nagbuntong hininga muna ako tsaka bumangon at nagtungo sa banyo para maligo. May klase pa ako sa alas 8:30.
Nang sumagi ito sa aking isipan ay hindi ko maiwasang hindi mapangiti. Magkikita kami ngayon ni James.
Nagmamadali akong naligo. Nag-ahit na rin ako ng balbas at ilang beses na rin akong nagsipilyo.
"Kailangang gwapo ako sa muling pagkikita namin." sabi ko sa lalaking nakangiti sa repleksyon ng salamin.
Pagkatapos kong maligo ay nagtungo na ako sa AMA.
Kahit pa man na hindi maganda ang nangyari sa amin kagabi ay nasasabik pa rin ako na makita siya ngayong araw na ito. Na-miss ko na tuloy ang lalaking iyon.
Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Nasasabik na kinakabahan pero abot tainga ang ngiti ko.
Hindi pa man ako nakaabot sa gate ay may humintong maitim na sasakyan sa tapat nito at napakasaya ko nang makita ko si James na bumaba sa kotse pero ... hindi naman niya ito kotse ha? Tsaka, bakit nakaupo siya sa front seat at hindi sa driver's seat? Gusto kong lumapit sana sa kaniya at tanungin siya pero laking gulat ko nalang sa taong bumaba mula sa driver's seat. Ang gulat na iyon ay biglang napalitan ng galit nang mapagtanto ko ang mukha ni Rex.
Nag-init ag ulo ko agad kaya sumugod ako sa kanila.
"James!" sigaw ko habang mas lalo ko pang binilisan ang paglalakad papunta sa kaniya. Hinawakan ko siya sa kaniyang braso at pinilit na pinaharap sa akin. "Anong ginagawa mo sa kotse ng lalaking ito?"
"Pare. Huwag mong saktan si James. Huwag dito." pag-aangal ni Rex
"Saktan? Eh ikaw kaya ang saktan ko? Bakit kayo magkasama? Ha?" tanong ko. Napatingin ulit ako kay James pero hindi man lang ako matignan sa mga mata ko.
"Rex. Salamat sa paghatid. Mauna na ako." nakangiting paalam nito kay Rex tsaka nakipagbeso.
Aba! Susuntukin ko na sana si Rex pero nagpipigil lang ako. Tsaka, nilagpasan lang ako ni James nang hindi man lang ako nagawang pansinin.
Napabuga nalang ako ng hangin sa inasta ni James na pag-iwas sa akin na kahit isang salita man lang ay wala akong narinig mula sa kaniya.
Habang nakakuyom ang aking mga palad at nagtiim ang aking mga ngipin ay humarap ako kay Rex.
"Anong ginagawa mo, ha? Hindi ba sabi mo uuwi ka na ng Cebu? Bakit ka pa nandito?" galit na sabi ko sa kaniya habang tinititigan siya nang matalim sa kaniyang mga mata.
"Parang hindi ko pa yata kayang iwan si James. Kailangan niya ng proteksyon at kasama ngayon eh."
"Anong ibig mong sabihin?" pagtataka ko
"Mark, sabihin mo nga sa akin. Mahal mo ba talaga si James?" seryosong tanong niya pero ewan! Alam ko naman ang sagot eh ... mahal ko siya. Mahal ko si James pero hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang sagutin ang tanong niya. Pakiramdam ko kasi, may binabalak si Rex.
Ngumiti ito sa akin.
"Naiintindihan kita pero sana maintindihan mo rin na importante kay James ngayon na may isang taong kaya siyang protektahan at ipagmalaki sa lahat hindi bilang isang kaibigan kung hindi bilang isang taong mahal niya. Hangga't hindi ka pa talaga sigurado sa nararamdaman mo para sa kaniya, ako na muna bahala sa kaniya. Mauna na ako, pare." aniya.
Mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkuyom ko sa aking mga palad pero hindi ko magawang gumalaw. Mangiyak-ngiyak na ako sa galit dahil bakit hindi ko magawang sagutin siya? Sigurado na ako sa nararamdaman ko kay James pero tama si Rex. Wala pa akong lakas ng loob na ipakilala si James sa lahat.
Napansin ko nalang ang kotse ni Rex na lumagpas na sa akin. Para akong biglang naging estatwa. Hindi ko maigalaw ang aking mga paa.
Teka!
Sumagi ulit sa aking isipan ang sinabi ni Rex kanina lang.
"Naiintindihan kita pero sana maintindihan mo rin na importante kay James ngayon na may isang taong kaya siyang protektahan at ipagmalaki sa lahat hindi bilang isang kaibigan kung hindi bilang isang taong mahal niya."
Ito ba ang dahilan kung bakit nilayuan ako ni James? Dahil hindi ko kayang ipagsigawan sa buong mundo ang aming pagmamahalan?
Napabuntong hininga muna ako at pumasok sa loob ng paaralan.
Nagtungo na ako sa classroom namin pero hindi ko nakita si James sa upuan niya. Nilibot ko pa ang aking mga tingin sa loob at napansin ko siya sa likuran. Lumipat ito ng pwesto. Talagang ayaw na niya akong makatabi.
Hinayaan ko na lang siya hanggang sa matapos na ang buong klase namin sa araw na ito. Nang matapos na ang klase namin ay hinintay ko siyang tumayo sa kinauupuan nito kaya nang naglalakad na siya palabas ay agad ko siyang sinalubong at hinawakan ang kaniyang kamay.
"James. Kausapin mo naman ako." pagmamakaawa ko sa kaniya
"Ano ba? Bitawan mo ako." bulong niya sa akin habang pilit na inaalis ang aking pagkakahawak sa kaniya pero mas lalo ko pang hinigpitan para hindi siya makawala.
Gamit ang buong lakas ko ay hinila ko siya at dinala sa isang bakanteng classroom. Binitawan ko siya pagkarating namin sa loob.
"Ano ba? Nababaliw ka na ba?" naiinis na tanong nito sa akin.
Tumingin ako nang diretso sa kaniyang mga mata pero iniiwasan niya ang mga ito.
"Tumingin ka sa akin." sabi ko pero hindi niya ako pinakinggan kaya dahil sa init ng ulo ko ay hinawakan ko siya sa braso niya nang sobrang higpit. "Tumingin ka sa akin." mahinang sabi ko pero alam kong napansin niya sa boses ko ang galit na aking nararamdaman ngayon kaya tumugon ito sa nais ko.
Nagkatitigan na kami ngayon kaya binitawan ko na siya.
"Siya ba? Si Rex ba ang dahilan kung bakit bigla ka nalang nagbago?"
"Wala akong dapat ipaliwanag sa iyo, Mark."
"Puta naman James! Inamin ko naman sa iyo ang nararamdaman ko sa iyo ha? Hindi pa ba sapat iyon?" tanong ko pero iniwas niya ang tingin sa akin. "Iyong ginawa nating pagmamahalan kagabi, wala lang ba iyon? Iyong mga araw at gabing magkasama tayo, wala lang ba sa iyo iyon?"
"Wala. Walang halaga iyon sa akin lahat, Mark. Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa'yo na katawan mo lang ang habol ko at ngayong nagsawa na ako sa'yo, ayoko na. Okay na? Mauna na ako. May lakad pa kami ni Rex." sagot niya at nilagpasan lang ako pero bigla akong lumingon at hinawakan ko nang mahigpit ang kaniyang kamay at buong lakas ko siyang hinila palapit sa akin hanggang sa mayakap ko siya.
"Please. Mahal kita. Mahal na mahal. Hindi ko kayang mawala ka, James. Please. Bumalik ka na sa akin."
"Tama na, Mark. Tama na." aniya tsaka pilit na kumawala sa akin pero mas lalo ko pang hinigpitan ang aking pagkakayakap sa kaniya.
"Kung gusto mong ... kung gusto mong magpunta ng ball, handa na ako. Sasamahan kita bilang date mo."
"Wala akong planong pumunta at kung pupunta man ako, may tao na akong gustong makasama kaya please, bitawan mo na ako at layuan."
Masyadong masakit ang sinabi niya. Napakatigas na niya ngayon. Kahit masakit, dahan-dahan kong binitawan siya.
"Masasaktan lang tayo pareho kung ipagpatuloy lang natin ang walang kwenta at walang patutunguhang relasyong ito, Mark. Kaya itigil na natin ang kalokohan at kalibugang ito." aniya.
Biglang uminit ang aking ulo nang marinig ko ang sinabing iyon ni James at parang may anong matalim na bagay na tumusok sa aking puso.
"Anong sabi mo? Walang kwenta? James ... naririnig mo ba ang sinasabi mo?" mangiyak ngiyak na tanong ko
"Oo. Walang patutunguhan ang lahat ng ito. Alam kong alam mo iyon. Akala ko mahal kita pero kalaunan, napaisip-isip ko, libog lang pala talaga ang lahat. Baka naguguluhan nga lang siguro ako. Oo. Aaminin kong napapaligaya mo ako sa bawat araw o gabing may nangyayari sa atin pero hanggang du'n lang ang lahat. Nawala na ang pagmamahal na akala ko na nararamdaman ko para sa'yo." aniya
Namimihasa na si James sa pananakit sa aking damdamin ngayon.
"Si Rex ba? Mahal mo pa siya?" tanong ko pero hindi niya ako sinagot kaya hinawakan ko ang magkabilang braso niya dahil sa sobrang galit na umaapaw sa akin ngayon at inalog-alog siya para bumalik sa wisyo niya at sabihin sa akin lahat ng katotohanan. "Sagutin mo ako, James. Please. Sabihin mo sa akin ang totoo. Tignan mo ako sa aking mga mata. Siya ba ang bago mo? Ganu'n lang ba kadali para sa'yo na kalimutan ang lahat?"
Nanahimik siya ng ilang segundo at tumingin siya nang diretso sa aking mga mata.
"Oo. At magkaiba kayo ni Rex dahil siya minahal ko nang totoo samantalang ikaw ay binayaran ko lang para gawing parausan."
Gusto ng sumabog ng ulo ko ngayon dahil sa sobrang galit.
"Ganu'n ka ba talaga kalandi? Ha?" Hindi ko na napigilan ang bibig ko pero natauhan nalang ako at nabalik sa aking wisyo nang biglang may dumampi sa akin na kamao dahilan para mapaatras ako nang bahagya.
"Oo. Malandi ako at hanggang du'n lang ang kaya ko. Huwag na huwag ka nang lumapit sa akin, Mark kung hindi ..."
"Iyong pagpapatira mo sa akin sa condo. Ang pagbayad mo ng tuition fee ko. Lahat ba iyon ginawa mo para ...."
"Para matikman ka at hindi naman ako nagsisisi. Kaya ngayong sawa na ako sa'yo, lumayo ka na sa buhay ko." saad niya at para akong naging bato sa kaniyang mga binitawang mga salita. "Huwag na huwag ka nang lumapit kay Rex at baka ako ang makakalaban mo." dagdag niya.
Napakabilis at napakainit ng aming mga argumento.
Tuluyan na akong tinalikuran ni James samantalang ako ay nanatili sa kinatatayuan ko. Pagkaalis ni James ay biglang nanghina ang aking mga tuhod kaya hindi ko na namalayan ang pagkabagsak ko sa sahig at kasabay nu'n ay ang pagbagsak ng aking mga luha.
Bumabalik sa akin ngayon lahat-lahat ng mga sinabi niya sa akin.
"Magagalit ka ba kung sasabihin mong ginawa ko lahat ng iyon dahil mahal kita?"
"Hindi naman tayo kailangang umabot sa ganito, Mark. Kakalimutan ko lahat ... huwag ka lang umalis."
"Ginawa ko iyon hindi dahil sa nanghihingi ako ng kapalit at lalung-lalo nang hindi dahil sa gusto kitang kawawain. Ginawa ko iyon dahil kaibigan kita! Dahil kapatid kita!"
"Ito. Ito ang gusto kong kabayaran, Mark."
Mali ba ako? Akala ko ... akala ko mahal niya ako pero ... katawan ko lang pala habol niya.
Kahit nanghihina pa ang mga tuhod ko ay pinilit kong dahan-dahang tumayo. Nang makatayo na ako ay hindi ko namalayang nahulog ko ang aking bag.
"Bwesit." inis na saad ko
Dinampot ko ang aking bag at napansin ko ang isang notebook na bahagyang nakalabas ang dulo nito. Ito iyong notebook na binigay sa akin ni Rex na ipapabigay niya sana kay James.
Ano kayang nilalalaman nito?
Gusto kong malaman kung anong nilalaman ng notebook na ito dahil baka makatulong ito sa amin kaya agad kong tinanggal ang laso nito. Alam kong mali ang basahin ko ito dahil hindi naman sa akin ito pero hindi ko na mapigilan ang pagkakuryuso ko.
Pagkatanggal ko ng laso ay dahan-dahan kong binuklat ang notebook.
Property of James.
July 15, 2012.
May isang lalaking lumapit sa akin. Hindi ko kilala pero napakagaan niyang kausap. Napakasaya ko nang nag-usap kami at ipinakilala niya ang kaniyang sarili. Rex ang pangalan niya.
Ito yata iyong sinabi ni Rex sa akin na unang pagkikita nila na nahihiwagaan siya kay James kaya kinilala niya.
August 30, 2012
Inamin ni Rex ang nararamdaman niya sa akin at ... napakasaya ko kasi sa wakas, may isang taong tumanggap sa akin kung sino at ano talaga ako. Ako na yata ang pinakamasayang tao sa araw na ito. Yahooo!!!
Parang dinurog ang puso ko sa mga pagpuri niya kay Rex.
Binuklat ko pa nang binuklat ang laman ng notebook hanggang sa may nabasa akong ikinagulat ko at hindi ko namamalayang dahan-dahang bumabagsak ang aking mga luha.
February 18, 2013
Iniwan ako ni Rex na wala man lang kahit paalam o isang salita. Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi na siya sumasagot hanggang sa nalaman ko nalang na nagtungo na sila sa US. Ang sakit! Siguro nga ito na ang kapalaran ko - ang palaging maiwan. Hindi ba ako kamahal-mahal? Palaging sinasabi sa akin ni Rex noon na mahal niya ako pero bakit ganu'n? Diba kapag mahal mo ang isang tao, kaya mong ipagsigawan sa lahat ang pagmamahalan niyong dalawa? Hindi iniiwan. Pero baka isa lang sa dalawang ito ang dahilan - (1) bata pa kami para seryosohin ang ganitong bagay o (2) wala talagang pagmamahalan simula nu'ng una pa lang.
Nakakatakot naman pala magmahal. Parang ayoko na yatang magmahal at baka iiwan rin ako ulit. Ang hirap maging ganito. Ang hirap pala maging bakla, nuh? Sakit!
Itiniklop ko na ang diary ni James. Hindi ko na yata kayang basahin pa ang mga kasunod.
Ito ba ang dahilan kung bakit siya lumayo sa akin nu'ng inamin kong mahal ko na siya? Dahil takot siyang iwan ko rin siya gaya ng ginawa ni Rex sa kaniya noon?