Chapter 17 - Grad Ball

2306 Words
"Mark. Bakit nandito ka pa?" tanong sa akin ni Miss V "Miss V naman. Shift ko po ngayon." "Pero diba ngayon ang graduation ball ninyo?" "Po? Paano niyo na .... ah! Huwag na po, Miss V. Sayang ang pera, eh." saad ko. Nakalimutan kong nasabi ko pala ito ni Miss V. Sinubukan kong ipaalam sa kaniya nu'ng gabi na nagtampo sa akin si James dahil hindi ako pumayag na sumama sa kaniya sa ball. "Pwede ka namang magchange day-off nalang. Sayang, Mark. Alam mo ba ... hindi dapat sasayangin ang mga ganitong pagkakataon kasi pagsisisihan mong hindi ka dadalo kapag nakapagtrabaho ka na. Wala ka ng panahon sa mga kasiyahan na tulad nito." "Boring naman du'n, Miss V. Magkukwentuhan lang naman kami tsaka ..." natahimik ako bigla. "Tsaka ano?" aniya at binigyan lang niya  ako ng alam-ko-na-ang-problema na mukha. "Bakit po, Miss V?"  napangiti nalang ako dahil kanina pa nakangiti si Miss V. "Dalawa lang iyon. Wala kang date o wala kang damit na isusuot. Iyon ba ang problema?" "Miss V." natatawang saad ko. "Hindi naman kailangang may date eh. Tsaka, sasayangin ko lang ang pera ko sa mga ganu'ng bagay." "Hay naku! Sige na. Ako na bahala." "Po?" "Ipapahiram ko sa'yo ang tuxedo ng kapatid ko. Magkasingkatawan naman kayo eh." "Miss V, huwag na po. Nakakahiya po. Ayos lang po talaga ako rito." "Huwag ka nang mahiya. Para na kitang kapatid, Mark. Hintayin mo ako rito ha? Babalik ako agad." aniya at dali-dali na itong tumayo at kinuha ang kaniyang mga gamit. "Miss V." saad ko para subukan siyang pigilan sa balak niya pero nabigo ako. "Mauna na ako at baka ma-late ka pa." aniya at nilagpasan na ako pero napansin ko ang biglaang pagtigil niya. "Pero wala akong maibibigay na date sa'yo ha?" natatawang saad nito tsaka tuluyang lumabas na ng opisina. Napabuntong hininga nalang ako at napangiti nalang bigla habang iniisip ang mga ginawa ni Miss V para sa akin. Minsan, hindi ko rin talaga alam ang dahilan kung bakit napakaswerte ko sa mga tao. May Miss V. ako na handang tumulong sa akin at mayroon din akong ... James na hinding-hindi ako iniiwan. Hinding-hindi ako iniiwan? Iniling-iling ko ang aking ulo para mawala siya sa isipan ko. Bakit ko ba siya naisip bigla? Alam ko namang masaya na iyon sa piling ng ex niyang iyon. "Inamin ni Rex ang nararamdaman niya sa akin at ... napakasaya ko kasi sa wakas, may isang taong tumanggap sa akin kung sino at ano talaga ako. Ako na yata ang pinakamasayang tao sa araw na ito. Yahooo!!!" Bigla naman sumagi sa isip ko ang nabasa ko sa diary ni James. "Eh di siya na ang masaya. Ako na ang mag-isa." inis na sabi ko sa aking sarili. Parang gusto ko na yatang tawagan si Miss V na hindi na ako pupunta pero alam ko namang hindi iyon papayag eh. Ano naman kasi ang gagawin ko sa ball? Panigurado akong may kaniya-kaniyang date ang mga iyon tsaka si James ... alam ko namang si Rex ang kasama niya sa ball. Guguluhin ko pa ba sila? Pero ... hindi naman ako makakapayag na iba ang makaka-date niya. "Hay!" Napabuga nalang ako ng hangin sa kawalan dahil naguguluhan na ang aking isipan. "Bakit ba kasi napakatigas ng ulo ng ..." lalaking iyon. Natahimik ako bigla nang may nasagi ang aking mga mata na isang bagay sa mesa ni Miss V. Biglang may kumurba sa aking bibig dahil alam ko na ang aking gagawin. Ilang minuto ng aking paghihintay ay dumating na si Miss V na bitbit ang isang black and white suit na may plastik pang nakatakip. Halatang iningatan ito. "Mark, magbihis ka na." "Miss V. Parang bago pa ito ha." "Sige na. Huwag mo nang isipin iyon. Magbihis ka na." aniya at tinanggap ko naman ang inabot niyang damit. Agad akong pumasok sa stockroom at hinubad ang suut-suot kong damit. Isa-isa ko nang isinuot ang longsleeve na puting polo, itim na coat, itim na slacks at itim na sapatos. Lumabas ako ng stockroom at humarap sa mahabang salamin sa gilid ng mesa ni Miss V. "Woaaah! Mark. Ikaw ba iyan?" ani Miss V na may pagkamangha pa sa kaniyang mukha. "Akin na iyan." Kinuha ni Miss V ang bowtie na hawak ko at tinulungan akong ilagay iyon. "Bagay ba, Miss V?" tanong ko sa kaniya habang nakaharap at nakatitig sa aking repleksyon sa salamin. Napangiti nalang ako dahil parang ito yata ang pinakaunang pagkakataon na nakasuot ako ng ganito. Napaka-pormal at kung iisipin ay parang ibang-iba ito sa kung ano ako. "Napakagwapo mo ngayon. Sigurado akong magugustuhan ito ng girlfriend mo." "Talaga po?" nakangiting saad ko. "P-Po?" nagulat nalang ako sa naging reaksiyon ko nang makabalik na ako sa aking wisyo. Bakit ba ako nakangiti? Girlfriend? Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabi ni Miss V. "Ang ibig kong sabihin ... ng magiging girlfriend mo " natatawang saad niya. "Ito na ang maskara mo." aniya sabay abot sa akin ang isang pula na maskara na may mga palamuti pa sa gilid nito. Isinuot ko ito at tinulungan ako ni Miss V na itali ang laso nito sa likod. Huminga ako nang malalim nang matapos na akong magbihis tsaka humarap sa aking repleksiyon sa salamin. Ito na. Muli na namang magtatagpo ang aming mga landas ni James at sisiguraduhin kong mababawi ko siya ngayong gabi. "Ihahatid na kita." aniya "Miss V. Huwag na po. Kaya ko na po." "Huwag mong sabihing magji-jeep kang naka-tuxedo? Sige na. Mauna ka na sa kotse at susunod ako pagkatapos kong magretouch." "Salamat Miss V. Salamat nang marami." magalang na tugon ko. "Walang anuman. Sige na at mali-late ka na." aniya at napatingin agad ako sa suot kong relo at alas 7:30 na pala ng gabi. Alas otso kasi magsisimula ang ball. Lumabas na ako ng opisina ni Miss V at nagtungo sa kotse niya. Hinintay ko siya sa labas hanggang sa makita ko na siyang paparating. "Wow Miss V. Napakaganda niyo po." saad ko. "Naku! Huwag mo na akong bolahin pa. Pumasok ka na sa loob." aniya at agad naman akong pumasok sa loob nang nakapasok na siya. Gaya ng pinangako ni Miss V, hinatid niya ako sa Maxine's Hotel kung saan gaganapin ang aming graduation ball. "Oh, Mark. Hanggang dito nalang ako sa entrance. Mag-enjoy ka ha?" tugon niya nang makarating na kami. "Miss V. Maraming maraming maraming salamat po talaga." "Osya. Sige na. Pumunta ka na du'n." aniya at ngumiti ako sa kaniya bago tuluyang lumabas ng kotse. Pinagmasdan ko muna ang pag-alis ni Miss V at napabuntong hininga nalang ako sa pagkamangha nang makita ko ang napakataas at napakagandang hotel na ito. Ma, pa. Ito na iyon. Malapit na ako sa pangarap ko pero ngayong gabi, gusto ko sanang tuparin ang isang pangarap ko at sana ... sana tulungan niyo po ako at gabayan para maitama ko ang mga maling nagawa ko sa kaniya. Napansin kong may mga tao nang nakamaskara at sigurado akong may mga kaklase ako rito. Hindi ko lang mawari kung alin sa kanila kasi lahat sila ay may takip ang mga mukha. Nasa'n na kaya si James? Inikot ko ang aking mga tingin sa paligid sa pagbabakasakaling mahagip siya ng aking mga mata hanggang sa napansin ko ang isang napaka-pamilyar na kotse. "Kotse iyon ni James ha?" bulong ko sa aking sarili. Pinagmasdan kong bumaba ang driver nito at kahit paman nakamaskara pa siya ay alam na alam kong si James itong tinitignan ko. Apat na taon kaming magkasama at nakita ko pa ang kahubaran nito kaya kabisadong-kabisado ko ang bawat parte ng katawan niya. Teka! Wala si Rex? Nakaramdam ako ng saya at pagkasabik pero pinigilan ko ang aking sarili. Tinignan ko sa huling pagkakataon bagay na hawak-hawak  ko at napabuntong hininga. Sana magawa ko ito nang maayos ngayong gabi. Sinundan ko lang nang palihim si James sa malayo hanggang sa nakisali na ito sa paglinya ng mga kalalakihan na kasama ang kanilang mga girlfriends papasok sa loob. Ilang minuto ang aming paghihintay at sinimulan na ang programa. Napansin kong isa-isa nang pumapasok sa loob ang mga kalalakihan kasama ang mga date nila. Hindi ko mapigilang hindi makaramdam ng kaba habang iniisip ang mangyayari ngayong gabi. Hindi ako mapakali habang hinihintay ang pagkakataon ni James na siya naman ang papasok sa loob. "Excuse me." saad ko sa mga kasamahan ko sa unahan nang mapansin kong si James na ang papasok. Binilisan ko ang aking paglalakad at agad kong kinuha ang kaniyang kamay at pinahawak ko siya sa aking braso. "Hindi mo man lang hinintay ang date mo." "M-Mark?" bulong niya sa akin na may pagkagulat sabay tanggal ng kaniyang kamay sa aking braso. "Anong ginagawa mo?" "Anong ginagawa mo?" saad ko tsaka kinuha ulit ang kaniyang kamay at pinahawakan ko sa kaniya ulit ang aking braso. "Hindi mo dapat inaalis kamay mo sa braso ng ka-date mo." "Tigilan mo nga ito. Pinagtitinginan tayo ng mga kaklase natin." reklamo niya. Oo nga. Napansin kong pinagtitinginan na kami ng mga tao simula pa nu'ng unang hakbang palang namin papasok sa loob. Alam ko naman kasi kung anong mga iniisip ng mga taong ito dahil kami lang yata sa loob ang pares na parehong lalaki pero wala akong pakialam. "Hayaan mo na. Hindi naman nila tayo makikilala eh." sabi ko at huminto kami sa isang bakanteng mesa. "Dito tayo." dagdag ko sabay hila ng isang upuan para dito siya maupo pero iba ang inupuan niya. Nananadya rin talaga ito. "Gwapo ba ako ngayon?" tanong ko nang makaupo na ako. "Mark. Nag-usap na tayo. Layuan mo na ako." "Bagay sa'yo suot mo ngayon." "Akala ko ba hindi ka pupunta ngayon?' "Nagbago isip ko eh. Nag-aalala ako baka kung sinu-sino nalang ang dalhin mo ngayong gabi bilang date mo at ... masaya ako na wala kang kasama." "May nilalakad lang si Rex kaya hindi siya nakapunta ngayon." "James. Patawa ..." "Mark. Nandito ako ngayon para mag-enjoy. Hindi ako nandito para makipag-usap sa'yo sa kung anu-anong walang kwentang mga bagay. Kaya pwede ba? Huwag na huwag mo na akong sundan." seryosong tugon nito sabay tayo mula sa kinauupuan niya. Sakit! Pero ayos lang. Hindi naman ako nandito para lang sa wala eh. Sisiguraduhin kong babalikan niya ang napakagwapong si Mark Vasquez. Napabuntong hininga nalang ako at sinundan siya nang tingin para malaman ko kung saan siya umupo at masaya na akong makita siya kahit sa malayo ... sa ngayon. Nagsidatingan na rin ang mga kasama ko sa mesa at nakakailang pala sa pakiramdam na lahat ng mga kasama mo sa mesa ay may mga ka-date, ako wala. Hindi ko na sila pinansin. Hindi naman kasi sila ang aking pinunta rito eh. Nasa kabilang mesa na tinititigan ko ngayon ang aking ka-date. "Good evening ladies and gentlemen!!!" napuno ng hiyawan ang buong kwarto nang may emcee na lumabas at bumati sa aming lahat. "Alam ko namang gutom na kayo so before we officially start our program, please proceed to your respective table per course for your meal. Enjoy your meal. Good evening!" tugon ng emcee at napansin kong kaniya-kaniya nang nagtungo ang mga tao para kumuha ng kani-kanilang mga pagkain. Per course naman ang catering table kaya agad akong nagtungo sa aming mesa at napansin ko si James. Binilisan ko ang aking paglalakad para makasunod sa kaniya. "James." bulong ko sa kaniya mula sa likod pero hindi ako pinansin. Hindi ko na siya kinulit o kinausap pa at baka uuwi ito dahil sa inis. Tahimik lang akong nakasunod sa kaniya. Pasulyap-sulyap ako sa kaniya habang kumukuha ako ng pagkain. Pagkatapos namin ay sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa makaupo na ito sa kaniyang upuan at nagtungo na ako sa aking pwesto. Nagsimula na akong kumain at habang kumakain kami ay may napansin akong mga taong may bitbit na mga bilog na bagay at may pinamimigay na papel sa mga tao. "While you are eating, please write the name of your chosen King for this year's ball and the King will choose himself ... his queen." sabi ng emcee at agad naman napuno ng usap-usapan ang buong kwarto sa kung sino ang gusto nilang magiging hari at reyna sa gabing ito. Paano ako magiging hari nito kung nasa kabilang mesa ang reyna ko? May inabot sa akin na isang papel ang babae at tumingin-tingin ako sa paligid ng maaaring maging hari sa gabing ito. Tama! Nakita ko ang kaibigan ko sa kabilang mesa. Si Josh nalang. May reyna naman siya at mukhang ang sweet naman nila. Isinulat ko na ang gusto kong maging hari sa gabing ito. Nirolyo ko ito at nilagay sa loob ng bilog na lalagyanan. Abala ang lahat sa pagkain at pagpipili ng hari hanggang matapos na kaming lahat. "Are you all ready for this year's ball?!" "YES WE ARE!!" sigaw ng mga kalalakihan sa tanong ng emcee at sinimulan na nang opisyal ang programa sa gabing ito. Gaya ng inaasahan ko, may mga grupong sumasayaw, nagkakantahan, mga raffles at mga palaro. Habang abala sila sa panonood ng mga presentasyon ay abala naman akong pinapanood si James. Habang tinitigan ko siya ay hindi ko maiwasang isipin ang mga bagay na nangyari sa amin. Iyong mga gabing pinagsaluhan namin ang aming pagmamahalan. Iyong mga panahon na masaya kaming kumakain at nag-uusap. Pero hindi ko rin maiwasang hindi maisip ang mga hindi naming pagkakaintindihan, mga away at ang mga luha na aming iniyak. Habang iniisip ko ang mga iyon ay hindi ko mapigilan ang aking sariling hindi makaramdam ng kirot at lungkot dahil umabot kami sa ganito ... ang iiwasan namin ang isa't-isa. Nagpatuloy ang mga presentasyon hanggang sa kinuha na naman ng emcee ang aming atensyon. "Okay. Attention please. We will be announcing our King for tonight. Are you all ready?!" "WOAAAAAH!!!" sabay-sabay na hiyawan at sigawan ng mga tao sa loob. Pati ako ay hindi na rin maiwasang hindi masabik dahil sa kanilang mga reaksiyon. "And our King for tonight IS ...." Sino kaya ang maswerteng lalaking maging hari ngayong gabi? Habang ang lahat ay nakatingin sa stage pati si James ay hindi ko naman matanggal ang aking mga mata sa kaniya. Siya at siya lang ang gusto kong tignan sa gabing ito. "And our King for tonight is no other than ... Mr. Mark Vasquez of BSMT!" Halos malaglag ang aking mga mata at panga dahil sa aking narinig. K-King ... sino? A-Ako? Naptingin ulit ako kay James at nag-abot ang aming  mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD