EPILOGUE

2457 Words
"Nakalimutan kong ibigay sa'yo ito." sabi ko kay James sabay abot sa kaniya ng kaniyang diary ni binigay sa akin ni Rex. Nandito na kami sa condo niya, wala siyang nagawa. Gaya ng dati, nakasandal kami sa gilid ng kama habang nakaupo sa sahig at umiinom ng beer. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat nang makita niya ito. "Paano ..." "Binigay sa akin iyan ni Rex. Tama ka. Mahal ka nu'n at alam kong minahal mo rin siya." "Si Rex? Paano eh ... diba hindi kayo magkasundo?" "Pinuntahan niya ako sa carwash shop at nakiusap sa akin na ibigay sa'yo ito bago siya umalis papuntang Cebu." sabi ko sabay inom ng alak. "Pasensiya ka na at binasa ko ang laman niyan." "Ano?!" Halos mabingi ako sa kaniyang pagsigaw. "James naman. Magkatabi lang tayo. Kailangan mo ba talagang sumigaw?" "Privacy ko ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng permiso na buksan ito at basahin?" Napatikhim ako. Bakas na sa kaniyang mukha ang pagkainis sa aking ginawa. Tama naman siya. Private property naman talaga ang diary kaya hindi ko dapat binasa iyon. "Ano kasi ..." Kainis! Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. "Ano?" "Nagbabasakali lang ako na baka nasa diary mo ang makakatulong sa akin para mabawi kita ulit." "Mark naman. Hindi naman iyon dahilan para gawin mo iyon." "Oo na. Mali na ang nagawa ko. Huwag ka ng magalit please." saad ko sabay inat ng aking braso para akbayan siya. "Huwag na tayong mag-away. Hindi ko kaya." "Nabasa mo ba lahat?" "Hindi. Nagbuklat-buklat lang ako at ..." "At ano?" "Tumingin ka sa akin." saad ko. Inalis ko ang aking pagkaka-akbay sa kaniya at iginiya ang kaniyang mukha na humarap sa akin. Tumugon naman siya. "Gusto kong sagutin mo ako ng totoo ... kahit masakit." "Ano iyon?" Napbuntong hininga muna ako bago ako magtanong. Hindi ko alam kung kakayanin ko ba ang magiging sagot niya. "Tungkol kay Rex ..." Napansin ko ang pagkagulat niya pero iniwas rin niya ang kaniyang tingin sa akin. "Anong tungkol sa kaniya?" tanong niya "Sinabi mo na hindi mo pa siya nakakalimutan. Alam kong matagal na panahon na iyon nang isulat mo ang diary pero ngayon, gusto kong sabihin mo sa akin kung tuluyan mo na ba talaga siyang nakalimutan." saad ko Tumingin siya ulit sa akin. "Anong klaseng tanong iyan?" "Basta ... sagutin mo nalang ang tanong ko. May nararamdaman ka pa ba sa kaniya?" "Iyong totoo?" tanong niya tsaka tumango lang ako at napabuntong hininga. "Mabait siyang tao. Iyan ang mahalaga pero wala na kami. Matagal na kaming tapos, Mark." "Pero bakit ... bakit mo ako iniwan at sumama sa kaniya?" "Dahil si Rex ... si Rex ang nagligtas sa akin nu'ng gabing iyon. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya." "Anong ibig mong sabihin?" pagtataka ko "Isang gabi, pagkauwi ko galing paaralan, may mga grupo ng lasing na tambay na mga lalaki at muntikan na akong mabugbog at masaksak. Mabuti nalang may isang taong dumating at dahil sa takot ko, tumakbo ako palayo kaya hindi ko na siya nakilala. Hanggang kinabukasan, nalaman ko nalang na naospital na si Rex. Hindi ko alam kung ano ang tunay na nangyari nu'ng una. Nalaman ko nalang sa aming mga kaibigan na nandu'n din pala siya sa parehong lugar kung nasaan nangyari ang insidente. Sinubukan kong dumalaw sa kaniya pero sabi ng mga kasambahay nila, nagpunta daw sila ng America." "Kaya ka ba nagpunta dito sa Manila?" "Dahil pakiramdam ko, iniwan ako ng taong mahal ko. Masakit kaya gusto kong makalimot. Gusto kong mabuhay ulit kaya nakipagsapalaran ako rito." aniya at napapansin ko ang pamumuo ng mga luha sa kaniyang mga mata. Uminom ako ng alak at umusog palapit sa kaniya hanggang sa magkadikit na ang aming mga siko. "Ahmm ..." napatikhim ako. "Patawarin mo ako kung nahusgahan kita at si Rex. Hindi ko dapat ginawa iyon." "Nu'ng nagkita kami ulit, du'n ko na nakompirma na ako ang dahilan kung bakit niya kailangang pumunta ng US kahit hindi naman niya gusto. Kasalanan ko lahat." napansin ko ang pamumuo ng kaniyang mga luha. "Kaya ayokong lumapit sa kaniya o lumapit siya sa akin dahil baka ako na naman ulit ang sisira sa buhay niya. Sinira ko ang buhay niya. Marami siyang gustong gawin dito sa Pilipinas pero hindi niya nagawa." "Kaya pala kahit anong sama ng mga sinabi ko tungkol sa kaniya, pinagtatanggol mo pa rin ang mokong na iyon." saad ko at hinampas niya ako sa braso. Dahil siguro sa pagtawag ko kay Rex na mokong. Napabuntong hininga ako. "Wala kang kasalanan. Hindi mo kasalanan iyon. Kasalanan iyon ng mga hayop na lalaking iyon. Kahit sino namang tao na nandiyan sa oras na iyon, gagawin ang ginawa ni Rex kaya huwag mo ng sisihin ang sarili mo." saad ko tsaka siya inakbayan at niyakap. "Dapat inalam ko na rin ang lugar ko diyan sa puso mo. Dapat tinanggap ko nalang na hanggang magkapatid lang tayo, magkaibigan at hindi ko na sana pinilit pa ang aking nararamdaman para sa'yo. Ayokong maging dahilan ng pagkasira ng buhay mo, Mark. Hindi ko kakayanin iyon." "Pero totoong mahal kita." saad ko pero hindi ito sumagot. "Gusto kong malaman mo na totoong minahal kita. Huli ko nga lang nalaman pero sana, kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, hayaan mo akong ipaglaban ka bilang kaibigan at bilang lalaking mahal ko." dagdag ko at lumingon siya sa akin. Nag-abot ang aming mga mata at hindi na niya napigilan ang mga luha na patuloy sa pagbagsak. "Ayan ka na naman eh. Napakaiyakin mo talaga." natatawang saad ko sabay punas ng kaniyang mga luha at natawa naman siya na siyang ikinasaya ko. "Salamat at hindi mo ako iniwan kahit pinagtabuyan pa kita." saad niya. Hinalikan ko siya sa kaniyang noo tsaka hinawakan ang kaniyang mga pisngi at tumingin sa kaniyang mga mata. "Hindi mo kailangang magpasalamat. Gagawin at gagawin ko iyon dahil iyon ang dapat ... dahil iyon ang tama. Hindi ko maaalis sa iyo ang takot dahil ako mismo, natatakot din na baka mangyari ulit ang nangyari sa atin pero ipangako natin sa isa't isa ... na sabay nating haharapin ang takot na iyon. Sabay nating harapin ang mundo at ipagsigawan sa lahat kung gaano natin kamahal ang isa't isa." "Pero ... pero paano na tayo ngayong alam na ng buong campus ang tungkol sa ating dalawa." "Walang magbabago." "Hindi ka natatakot na baka husgahan ka rin nila? Hindi ka nahihiya na baka layuan ka na ng iba dahil alam mo naman kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa mga taong katulad natin." Napakabigat ng mga tanong ni James at hindi ko alam kung ano ang mga tamang salita ang kailangan kong banggitin. Niyakap ko nalang siya nang napakahigpit. "Huwag na natin silang isipin. May gawin man tayo o wala, mayroon at mayroon talaga silang masasabi. Hindi sila ang magdidikta sa ating mga puso. Wala silang pwedeng gawin na ikakaisira ng ating pagmamahalan. Ang mahalaga ... mahal natin ang isa't isa at tanggap tayo ni Tito." "Teka." aniya at dahan-dahan akong humiwalay sa pagkakayakap ko sa kaniya. "Bakit?" pagtataka ko. pero biglang nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko ang sitwasyon. "Hindi pa alam ni Tito ang tungkol sa atin? Huwag kang mag-alala. Ako na ang magpapaliwanag sa kaniya. Ako ang lalaki kaya hayaan mo akong magpakalalaki sa iyo." seryosong saad ko pero ngumiti lang ito sa akin. "Bakit? May nakakatawa ba sa sinabi ko?" "Wala." patuloy pa rin siya sa pagtawa. "Huy. Ang daya mo naman." "Wala. Ang seryoso mo masyado." "Saang parte? Sa pagpapakilala ko kay Tito? Seryoso naman talaga ako dahil seryosong bagay na itong pinasukan natin." "Alam na ni daddy ang tungkol sa atin." "Ha? Kailan ... paano?" "Simula nu'ng inamin ko sa'yo na mahal kita. Baka nakakalimutan mong close kami ni daddy masyado dahil ako nalang ang nag-iisang pamilya niya." Oo nga naman. Tsaka, tanggap naman siya ni Tito gaya ng sabi niya sa akin basta di lang siya gagawa ng ikakasira ng buhay niya. "Tapos anong sabi ni Tito?" "Na ...." "James naman. Nagpapa-suspense ka pa. Kinabahan na nga ako dito." seryosong saad ko at hinawakan lang niya ako sa aking magkabilang pisngi. "Aprobado siya sa'yo." nakangiting sabi niya "Hindi nga? Baka nagsisinungaling ka lang eh." "Sige. Ayaw mong maniwala? Alamin mo mismo sa sarili mo ngayong graduation natin." "Teka. Pupunta siya dito?" gulat na tanong ko at tumango lang siya sa akin. "Paghahandaan ko ang araw na iyon." seryosong saad ko pero tinawanan niya lang ulit ako. "Ayan ka na naman sa katatawa mo. Kung hindi ka titigil, hahalikan kita." Natigilan siya sa sinabi kong iyon. Ang natatawa niyang mukha ay bigla nalang naging seryoso pero ilang segundo ng aming pagtitinginan ay bigla nalang kaming natawa sa isa't isa kaya hindi na ako nagdadalawang isip na halikan siya. "Sinasadya mo lang yata na tumawa para mahalikan kita eh." saad ko at tumawa na naman siya kaya hinalikan ko na naman siya ulit. Akmang hihiwalay na sana ako sa paghalik ko sa kaniya nang nilibot niya ang kaniyang kamay sa aking batok at hinila ako palapit sa kaniya. Hinalikan niya ako at mas diniinan niya pa lalo. Nag-init ako kaya napatugon na rin ako sa kaniyang mga halik. Nakisali na rin ang aming mga dila sa labanan pero bigla nalang siyang tumigil. "Bakit? May problema ba?" "May isang bagay pa na nakapagpabagabag sa akin kanina pa." "Ha? Ano iyon?" pagtataka ko "Paano mo pala ginawa iyon?" "Ang alin?" "Ang maging King?" "Wala. Kagwapuhan ko lang ang aking puhunan." sabi ko tsaka ngumiti sa kaniya na parang isang batang nagpapa-cute "Tumigil ka nga. Hindi bagay sa'yo." natatawang sabi niya. Napabuntong hininga nalang ako at nilapag ko ang aking ulo sa kaniyang balikat. Ang totoo nu'n, iyong bagay na nakita ko sa mesa ni Miss V bago pa ang ball ay mga blankong papel. Tinupi-tupi ko ang mga iyon. Alam ko naman na magkakaroon ng King and Queen dahil tradisyon na iyon pero hindi ko alam na gagana pala ang plano kong ipagpalit ang mga papel na sinulatan ko ng pangalan ko sa sinulatan ng mga kasamahan namin sa AMA. Sinundan ko ang taong may hawak ng bowl kanina at nakita ko du'n ang mga bowl na nilagyan ng mga pangalan. Siyempre, kunting pagka-vigilante lang. Tingin dito, tingin du'n at nang masigurado kong walang nakatingin na mga tao dahil abala sa pagkain at panonood ng presentations, kinuha ko ang laman nito at pinalitan. Natatawa nalang talaga ako sa tuwing iniisip ko ang mga bagay na ginawa ko kanina. "Mahal kita. Mahal na mahal." aniya "Mahal na mahal din kita, James." sabi ko habang nakaunan parin sa balikat niya. Ito na yata ang pinakamasayang gabi para sa akin at ang balikat na yata niya ang pinakamagandang unan sa lahat ng nahigaan ko. Nalaman ko na rin na si Rex ang nagprisentang tulungan si James na pagselusin ako, hindi para makuha ulit siya kung hindi ... para malaman ko kung ano ang sinayang ko at ang nawala sa akin. Ang totoo, hindi naman si Rex ang kontrabida dito eh. Ang rason ng pagpunta niya rito ay ang para ipaliwanag ang biglaang pagkawala niya sa buhay ni James. Tanggap niya naman kami at masaya siya sa amin. Ako iyong hindi makatanggap sa aking nararamdaman. Oo. Aaminin ko nu'ng una, habang hinahanap ko ang mga kasagutan sa aking mga tanong ay pinagbibigyan ko lang siya dahil sa libog pero kalaunan, hindi ko namamalayan ang aking sarili na nahuhulog na rin pala ako sa kaniya. Lumipas ang mga araw, naging masaya na kami ni James. Nakatira na ulit ako sa condo niya at namumuhay ulit kami na parang magkaibigan at isang magkasintahan. Umuwi na rin si Rex sa Cebu . Tanggap naman kami ng daddy ni James at kami na yata ang pinakapinagpalang nilalang sa buong kalawakan dahil napakaraming taong nagmamahal sa amin. Gayunpaman, hindi pa rin namin maiiwasan na may mga taong hindi tanggap ang tungkol sa amin ni James. Dahil lalaki lahat ang populasyon ng AMA, may mga lalaki pa rin talagang mapanghusga pero sa tuwing umiinit ang ulo ko, nandiyan si James para pakalmahin ako at ipaalala sa akin na hindi na namin sila pagtuunan pa ng pansin. Totoong hindi ko iyon maaalis sa kanila ...ang husgahan kami. Karapatan nila iyon dahil buhay nila iyon. Ang mahalaga naman ay wala kaming inaapakang tao at wala kaming sinisirang buhay. Dumating na ang araw na pinakahihintay namin ni James ... ang aming graduation. "Mr. James Cortes. BSMT." Sinamahan siya ni Tito Jason sa pagmartsa papuntang stage para tanggapin ang diploma at hindi ko napigilan ang sarili kong tumayo habang nagpalakpakan dahil napakasaya ko. Nagpatuloy sa pagtawag ang emcee ng mga pangalan hanggang sa tinawag na rin ako. "Mr. Mark Vasquez. BSMT." Tumayo na ako at dahil wala naman akong mga magulang na sasama sa akin ay walang pag-aalinlangan na akong naglakad papunta sa stage hanggang sa naramdaman ko nalang na may kamay na biglang humawak sa aking kamay. Napatingin ako sa kamay at nilakbay ko ang aking tingin paitaas hanggang sa bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni James. "Ang bilis mo namang maglakad." nakangiting saad niya at sobrang saya ng aking nararamdaman ngayon. Napatingin ako sa direksyon ni Tito Jason at nagthumbs-up lang siya sa akin at ngumiti. Tama nga si James. Tanggap kami ni Tito. Sabay kaming nagmartsa ni James at sabay kaming kumuha ng diploma habang magkahawak kami ng kamay. Lakas maka-romantic couple nito. Nang nakababa na kami ng stage at nasa gilid kami ay tumigil muna kami at agad kong hinarap si James. "Mahal. Napakasaya ko ngayong araw na ito." saad ko at hahalikan ko na sana siya nang biglang may tumikhim sa likod namin. Napalingon kami at may naghihintay pala. Nakasagabal yata kami sa kaniyang pagbalik sa upuan. Nagtawanan nalang kami ni James at bumalik na sa aming mga upuan. Kahit magkahiwalay kami ng upuan ay gumawa pa rin ako ng paraan na makatingin sa kaniyang mga mata. Hanggang sa natapos na ang graduation rites at lumapit na ako kina Tito Jason at James. "Mahal, ito na ang simula ng mga pangarap natin." sabi ni James tsaka niyakap niya ako. "Oo, mahal. Simula ngayon, sabay nating abutin ang ating mga pangarap. Mahal na mahal na mahal na mahal na mahal kita." saad ko habang niyayakap siya nang mas mahigpit pa na parang nanggigigil sa isang bata. "Uy uy uy! Itigil niyo na iyan. Magseselos na ako." sabi ni Tito Jason at natawa nalang kami sa sinabi niya. Naghiwalay kami sa aming pagyayakapan at sabay naming niyakap si Tito Jason. "Tito. Maraming salamat sa lahat." sabi ko "Mark. Salamat at nandiyan ka palagi para sa anak ko." "Tito. Ako nga dapat magpasalamat sa kaniya eh dahil siya iyong hindi sumuko sa akin. Siya iyong nandiyan palagi sa akin." sabi ko "Ahmmm ..." napatikhim si James. "Kumain na kaya tayo. Nagsialisan na mga kaklase natin oh. Tayo nalang ang nandito pa sa venue." sabi ni James at sabay-sabay na kaming nagtatawanan. Dalawang taong iisa ang pangarap. Dalawang taong pinagbuklod ng tadhana. Hindi pa namin tukoy kung anong mangyayari sa amin sa hinaharap pero handa na kaming harapin iyon nang magkasama. Hindi bilang isang magkaibigan lang kung hindi bilang mga taong nagmamahalan dahil alam namin na kahit ano mang pagsubok ng buhay ang aming kakaharapin, alam namin na mahal namin ang isa't isa at sapat na iyon na dahilan para malagpasan namin lahat nang magkasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD