Chapter 7 - I Love You

1983 Words
"Ito ang gusto kong kabayaran. Gusto kita. Gustong-gusto kita, Mark." Paulit-ulit itong tumatakbo sa isipan ko. Hindi ko inaasahan ang kaniyang pag-amin sa akin at ang kaniyang ginawang paghalik. Tumingin ako sa kaniya habang hawak ang aking mga labi at nag-abot ang aming mga mata. Napansin ko ang pamumuo ng mga luha sa kaniyang mga mata at may parte sa akin na alam kong sinsero at seryoso siya sa sinasabi nito bilang isang lalaki sa kapwa niya lalaki. Pero hindi ko mapigilang hindi kilabutan kapag sumagi na naman sa aking isipan ang nangyari. Paano niya naaatim na halikan ako eh magkaibigan kami? Uminom ako ng alak hanggang sa maubos ko ito. Tumayo ako at muntikan na akong mawalan ng balanse , mabuti nalang at nakatukod ako sa kama. "Ayos ka lang?" tanong niya pero hindi ko lang siya pinansin. Tinalikuran ko lang siya at nagtungo sa ref para kumuha pa ng isang bote ng alak. Binuksan ko ito at ininom hanggang sa maubos ko ulit. Kumuha na naman ako ng isa pa pero bago pa man ako tuluyang makapagbukas nito, bigla nalang niya akong niyakap mula sa likuran ko. Natigilan ako. Hindi ako makagalaw. Biglang naging estatwa ang aking buong katawan pero gayunpaman, hinawakan ko ang kaniyang mga kamay at pilit kumawala sa kaniya.  Humarap ako sa kaniya at patuloy ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. "James." mahinang tugon ko. Napatiim nalang ako sa aking mga ngipin at panga para pigilan ang sarili na makasabi ng kung anu-ano. "Alam kong marami kang tanong. Patawad ... patawad kung hindi ko agad sinabi." paliwanag niya habang nakayuko pero ramdam ko ang bawat paghikbi niya at aaminin kong nakaramdam ako ng awa. Ininom ko ang alak na binuksan ko kanina at umupo't sumandal sa gilid ng kama. "Tumabi ka rito." tugon ko sa kaniya at pinagmasdan ko lang siyang dahan-dahan na lumapit sa akin na tila ba'y nahihiya o naiilang dahil hindi nito magawang iangat ang kaniyang noo. Napabuntong hininga ako. "Tigilan mo na ang pag-iyak mo." tugon ko. "Paano?" dagdag ko at  narinig ko ang pagtikhim niya sa kaniyang lalamunan. "2nd  year. Noong namatay ang mga magulang mo." Napalingon ako sa kaniya nang marinig ko ang sinabi niya. Nag-abot ang aming mga tingin. Napansin ko na rin ang pagtigil sa pagbagsak ng kaniyang mga luha. "Akala ko nu'ng una ... wala lang. Na pagiging kaibigan lang itong nararamdaman ko para sa'yo pero habang tumatagal, unti-unti nalang nagbago ang nararamdaman ko para sa'yo. Gusto ko nang samahan ka palagi. Ayaw kong mawala sa tabi mo para kung sakaling kailangan mo ako, gusto kong ako ang unang tutulong at nandiyan para sa iyo." seryosong saad nito. Napapansin ko na ang pamumuo ulit ng kaniyang mga luha sa kaniyang mga mata pero hindi ko pa rin magawang yakapin siya o damayan. Patuloy ang pagtitinginan naming dalawa. "Gusto kong damayan ka na sa lahat at pasayahin ka." "Hindi ba iyan naman talaga ang ginagawa  ng magkakaibigan?" seryosong saad ko at tanging pagtango lang ang kaniyang naging tugon. "Pero hindi ka na maalis sa isipan ko. Nagseselos na ako kapag nakikita kang masaya sa iba. Hinahanap -hanap na kita sa tuwing hindi kita mahagilap. Gusto ko na kung nasaan ka ay nandu'n din ako. Gusto kitang  makita palagi. Gusto kitang makasama palagi. Nahuhulog na ang loob ko sa'yo." mahinang sabi  niya at hindi na niya napigilan ang luha nito sa pagbagsak. Pero hinahayaan ko lang siya. "Pero bakit mo ito tinago?!" mahinang saad ko pero bakas sa boses ko ang medyo galit. "Apat na  taon na tayong  magkasama pero sa apat na  taong  iyon, hindi ka man lang makahanap ng isang araw du'n para sabihin sa akin ang lahat? Pakiramdam ko tuloy ... ang tanga ko. Ang tanga tanga ko." "Mark. Patawad. Patawarin mo ako." "Bakit nga, James? Hindi ko maintindihan eh. Bakit hindi mo sinabi sa akin? Ano ba ako sa'yo?" "Mark." "Sabihin mo sa akin, James! Sabihin mo! Bakit?!" Hindi ko na napigilan ang sarili kong magtaas ng boses. "Kasi natakot ako!" saad nito sabay hikbi. "Natakot ako na baka kapag nalaman mong may nararamdaman ako sa'yo, mag-iiba ka ... na mag-iiba ang tingin mo sa akin. Na baka hindi mo na ako ... ituring na kaibigan at tuluyan mo na akong layuan. Hindi ko kaya iyon." dagdag niya sabay yuko at napansin ko ang pagbagsak ng kaniyang mga luha sa kaniyang boxer shorts na basang-basa na dahil sa mga ito. "Hindi ko kayang magbago ang tingin mo sa akin dahil lamang sa gusto kita, Mark. Hindi ko kaya." Napansin ko ang pagkabasag ng kaniyang boses. Nakaramdam ako ng awa pero  napakagulo ng isipan  ko  ngayon. Hindi pa ako tapos sa mga personal kong problema. Ngayon naman, may isang rebelasyon ang kaibigan ko. "Apat na taon mong nilihim sa akin ang tunay mong pagkatao at ngayon, malalaman ko nalang na gusto mo ako? Alam mo ba kung gaano ito kahirap para sa akin? Kaibigan kita at pakiramdam ko, tinraydor mo ako nang patalikod eh. Sakit. Sobrang sakit, James. Sana kahit masakit o mahirap ... sinabi mo pa rin sa akin. Karapatan ko naman sigurong malaman iyon, di ba? Dahil kaibigan mo ako. Ngayon, wala na akong mukhang ihaharap kay Rex dahil pakiramdam ko ... pakiramdam ko tama siya. Ginagamit lang kita at pineperahan." mangiyak-ngiyak na saad ko pero kinagat ko lang ang aking pang-ibabang labi para pigilan ang pagbagsak ng mga luha. Uminom ulit ako ng alak pero bigla ko nalang napansin ang kamay niyang nakahawak sa bote. Tumingin ako sa kaniya at dahan-dahan akong tumugon sa pagkuha nito mula sa kamay ko. Pinagmasdan ko lang siyang nilapag ito sa gilid niya at humarap sa akin. "Kahit kailanman, hindi mo ako pinagsamantalahan o ang aking kahinaan. Tinuring mo ako bilang isang kaibigan o kapatid at ramdam ko ang sinseridad mo. Kaya please ... please huwag mong isipin,  Mark na ginagamit mo ako dahil alam nating pareho na hindi totoo iyon. Kasalanan ko na hindi ko sinabi ang totoo sa'yo kaya huwag mong sisihin ang sarili mo." "Ang sakit pala. Pakiramdam ko tuloy wala akong kwentang kaibigan dahil hindi ko napansin na ... na iba na pala ang nararamdaman mo." Hindi ko na napigilan ang akingmga luha sa pagbagsak. "Mark." Napansin ko rin ang paghikbi at patuloy niyang pag-iyak. "Maiintindihan ko kung magagalit ka sa akin dahil mali naman talaga ang nagawa kong paglihim sa'yo pero sana ... sana malaman mong hindi ko intensyon na saktan ka. Hindi ko intensyong pagsamantalahan at gamitin ang ating pagkakaibigan." "Ang lahat ba ng mga ginagawa mo para sa akin James ... ginawa mo dahil gusto mo lang akong tulungan bilang isang kaibigan o dahil sa ... dahil sa may iba ka nang nararamdaman sa akin?" saad ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman at sabihin para pakalmahin ang sarili ko mula sa mga kung anu-anong bagay nalang na tumatakbo sa isipan ko. May parte sa akin na gustong magalit, sumigaw at murahin siya dahil sa mga inamin niya ngayon pero pinilit ko ang aking sarili na pakinggan siya para maging patas para sa aming dalawa. Bigla niyang hinawakan ang mga kamay ko pero iniwas ko rin ito mula sa kaniya. Umiwas rin ako ng tingin. "Magagalit ka ba kung sasabihin mong ginawa ko lahat ng iyon dahil mahal kita?" Pagkarinig ko sa sinabi niya ay agad akong napatiim ng aking mga ngipin at panga. Napakuyom na rin ako sa aking mga palad. "Ang liit liit ng tingin ko sa sarili ko ngayon, James. Alam mo ba iyon?!" galit na saad ko at tumingin ako sa kaniya. "Pakiramdam ko ginamit kita at pinagsamantalahan! Aaaaaaah!" Hindi ko na napigilan ang sarili ko at nasuntok ko ang dingding dahil sa galit. "Mark. Mark " naramdaman ko ang mga kamay niya sa aking braso para  pigilan ako sa aking pagsusuntok. "Patawarin mo ako. Patawarin mo ako, Mark" saad niya at narinig ko ang pagsinghot at paghikbi niya. Patuloy rin ako sa pag-iyak dahil sobrang nasasaktan ako. Huminga ako nang malalim at humarap sa kaniya. Pinahid ko ang aking  mga luha at hinawakan ko ang kaniyang baba. Iginiya  ko ito paharap sa akin pero hindi siya tumutugon. "Tumingin ka sa akin bago pa ako tuluyang magalit." seryosong saad ko sa kaniya habang iginiya ang baba nito paharap sa akin at tumugon na siya sa pagkakataong ito. Pinilit ko ang aking sarili na makipagtitigan sa kaniya at habang ginagawa namin ito ay nakita ko sa kaniya ang sinseridad at pagiging tapat. Mas nangingibabaw sa akin ngayon ang apat na masayang taong pinagsamahan naming dalawa. Pinahid ko ang kaniyang mga luha at iniwas na naman niya ang kaniyang mga tingin sa akin. Ramdam ko ang pagkailang niya. "Huwag mong iiwas ang mga tingin mo sa akin." saad ko at napapansin ko ang dahan-dahan na pag-angat ng kaniyang ulo at tumingin sa aking mga mata. Maluha-luha pa rin ito. "Salamat. Salamat sa pagpapakatotoo mo sa akin. Aaminin kong hindi ito madali para sa akin na tanggapin ang lahat ng sinabi tungkol sa akin at sa pagkatao mo pero alam ko na mas hindi rin ito naging madali para sa'yo na aminin ang lahat." saad ko at mas lalong lumakas ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. Hinila ko siya at binigyan ng isang mahigpit na yakap. Hinahaplos-haplos ko ang kaniyang likuran para tumahan. "Mark." "Sssssh. Tahan na." "Hindi ka na galit? Hindi mo ako isusumpa? Hindi ka nandidiri sa akin?" mahinang bulong niya sa akin. "Hindi." tanging tugon ko. Inihiwalay ko ang aking pagkakayakap sa kaniya at tinignan siya nang diretso sa kaniyang mga  mata habang hawak-hawak ang kaniyang magkabilang pisngi. "Tanggap kita kung ano ka dahil tinanggap mo rin ako kung ano ako. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng isang kapatid at kaibigan na katulad mo. Mabait ka at wala kang inisip kung hindi ang nakakabuti sa akin. Ikaw iyong palaging  nandiyan sa mga panahon na kailangan ko ng pamilya o kapatid. Ni minsan ay hindi mo ako pinabayaan at tinupad mo ang pangako mo sa akin na aalagaan mo ako at hinding-hindi pababayaan." saad ko. "Pero ..." "Pero ano?" "Pero hanggang kapatid lang ang kaya kong ibigay sa'yo, James. Iyon lang. Patawad." mahinang tugon ko habang direktang nakatingin pa rin sa kaniyang maga mata para maramdaman niya na sinsero ako sa mga sinabi ko. Pero napansin ko ang biglaang pagngisi niya. "Ayos lang. Ayos lang." bulong niya sa akin nang nakangiti. Pero bakit ganu'n? Tumatawa siya pero patuloy sa pagbagsak ang kaniyang mula at paghikbi. Bilang kaibigan, ramdam ko ang sakit na kaniyang nararamdaman ngayon. Hindi naman ito iiyak sa harap ko nang ganito kung hindi ito nasasaktan eh. Inalis ko ang aking mga palad sa kaniyang mukha at dahan-dahang tumalikod sa kaniya. Dahan-dahan na rin akong tumayo at muntikan pa akong mawalan ng balanse pero mabuti nalang at naalalayan ako ni James. "Ayos lang ako." sabi ko sabay sinubukang tumayo nang maayos. "Kailangan ko lang muna mag-isip isip kaya hindi muna ako uuwi rito." dagdag ko at pahakbang na sana ako ng mga paa ko nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. "Hindi naman tayo kailangang umabot sa ganito, Mark. Kakalimutan ko lahat ... huwag ka lang umalis." pagmamakaawa niya pero napabuntong hininga lang ako bago tuluyang inalis ang kaniyang pagkakahawak sa akin. Nagsimula na akong maglakad palabas ng kwarto nang bigla nalang ako nakaramdam na may yumakap sa akin mula sa likuran. "Please. Please." saad nito. Naramdaman ko ang luha niyang bumabagsak sa tshirt ko. Isinubsob niya ang kaniyang mukha sa aking balikat. "James. Please. Huwag na nating pahirapan ang ating mga sarili." Hinawakan ko ang kaniyang mga kamay at inalis ito mula sa pagkakayakap sa akin pero nagmatigas siya. Gamit ang buong lakas ko, nagawa ko namang kumawala sa kaniya. Agad akong lumabas  ng kwarto at dahan-dahan itong isinara. Pero nang nakalabas na ako ay nakaramdam ako ng kirot. Ang sakit pala kapag kaibigan o kapatid mo ang kailangan mong layuan. Kahit masakit pa sa loob ko ay nagtungo ako sa bar at nagtrabaho na parang walang nangyari. Gustuhin ko mang magpahinga pero wala na akong oras para du'n. Pagkatapos ng shift ko ay du'n muna ako natulog sa carwash shop ni Miss V at dahil siguro sa pagod ko ay hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD