Gumising akong masakit ang ulo. Dahil yata ito sa mga alak na ininom ko kagabi. Kinuha ko ang phone sa gilid ko at nakita kong alas 7 na pala nang umaga. Naalala ko rin bigla na ngayon ko pala pupuntahan si Miss Velasquez ng admin.
Papatayo na sana ako nang du'n lang tuluyang sumagi sa akin na may mga text at tawag pala si James. Baka siguro, pilit ko lang itong iniiwasan kaya hindi ko na namalayan.
Napabuntong hininga nalang ako at hindi na binasa. Nagtungo ako ng banyo para maligo at agad akong nagpunta sa university at dumiretso na sa admin office para kausapin si Miss Velasquez.
Nagbuntong hininga muna ako bago kumatok ng tatlong beses tsaka binuksan ang pintuan.
"Hi, Miss Velasquez. Good morning." magalang na bati ko sa kaniya.
"Hi. Have a seat." nakangiting bati sa akin ni Miss Velasquez sabay turo sa upuan na nasa harap niya. Tumugon naman ako sa alok niya at umupo. Halos hindi ako mapakali at masyado akong kinakabahan.
Paano kung hindi niya ako payagan? Hindi na ako makakamartsa pa sa graduation.
Huminga muna ako nang malalim habang nakakuyom ang mga palad at humarap sa kaniya.
"Miss Velasquez. Gusto ko po sanang makiusap tungkol sa semi exam ko. May outstanding balance pa ako pero sana payagan niyo akong magbayad muna ng dalawang libo sa ngayon." sabi ko. Agad naman siyang tumingin sa computer niya.
Hindi na niya hiningi ang pangalan ko kasi suki naman ako rito eh.
"Hi Mark. Bayad ka na pala eh. Huwag ka nang mag-alala, ayos na ang lahat." nakangiting tugon nito.
"Po?" Halos nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig.
"Your tuition fee has been fully paid already. You're clear now." sabi niya.
"Teka po, Miss. Hindi pa po ako nakabayad eh kaya ako nandito. Ngayon pa lang ako magbabayad po at makikiusap na payagan niyo po sana akong maka-take ng exam kahit may balance pa ako. Baka nagkamali lang po kayo ng pangalan, Miss." sabi ko.
Pinaulit ko sa kaniya at bakang ibang Mark ang tinignan niya.
"Here. Look." saad niya sabay abot sa akin ng isang papel. Inabot ko naman iyon at agad tinignan ang nakasulat sa assessment form.
Mark Vasquez
Balance: 0
Totoo nga. Wala na akong balance. Pero ... paano nangyari ito?
"That's your official receipt. Lahat bayad na under your name."
"Miss, may idea ba kayo kung sinong nagbayad?"
"James? Yes. James. Your friend. Siya ang signatory sa check na inissue niya sa school."
Halos mabitawan ko ang hawak-hawak ko na papel sa aking nalaman. Si James na naman?
Nag-usap na kami tungkol dito. Hindi ko mapigilang hindi magtiim ng aking mga ngipin dahil sa sobrang galit at inis.
Napabuntong-hininga nalang ako bago humarap kay Miss Velasquez ulit.
"Sige po, Miss. Maraming salamat po." magalang na bati ko sa kaniya at tsaka tumayo.
Tiniklop ko ang papel at ipinasok sa bulsa ko.
Bumalik na naman sa akin ang nangyari kagabi sa amin ni James. Sobra na itong ginawa niya sa akin. Malaking pera na ang pinag-uusapan namin ngayon. Hindi niya pwedeng gawin iyon!
Agad akong nagtungo palabas ng gate. Hindi ko mapigilang hindi mainis dahil pinangungunahan ako palagi ni James sa mga desisyon ko sa buhay.
Ilang beses ko nang sinabi sa kaniya na ako na ang gagawa ng paraan sa mga personal kong problema. Hindi naman siya nakakaintindi!
Mabigat ang loob ko habang nagtungo papunta sa condo unit niya. Ayaw kong magalit sana pero hindi ko mapigilan. Hndi naman sa takot ako na magkaroon ng utang na loob pero ayaw ko lang talagang ituon nalang niya sa akin lahat-lahat. Lalo na alam ko na ang nararamdaman niya para sa akin. Hindi ako makakapayag na basta-basta nalang siya gagawa ng anu-anong bagay para sa akin.
Agad akong naglakad nang mabilis papunta sa kwarto niya nang bumukas na ang elevator at dali-dali kong binuksan ang pintuan.
"James! Ano na naman i ...."
"HAPPY BIRTHDAY!!!" masayang bati niya habang bitbit ang isang cake na may nakasinding kandila sa gitna nito at naka-party hat.
Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko na nasa pintuan pa.
Nilakbay ko ang aking mga mata sa loob ng kwarto at napansin ko ang mga pagkain sa mesa na halata namang inorder lang niya dahil may plastic pa sa mesa. May mga balloons din sa kama na may iba't-ibang mga kulay at may Happy Birthday na sign na nakadikit sa dingding sa ibabaw ng kama. Meron ding mga larawan namin na nakadikit sa mga dingding na napapalibutan ng mga LED lights.
Naalala ko bigla na ngayon pala ang birthday ko. Hindi naman kasi ako nagsi-celebrate. Kung magcelebrate man, kakain lang tapos ayos na.
Pero ano itong ginagawa niya? Apat na taon na ngayon na kasama ko siya sa pagsi-celebrate ng birthday ko pero hindi pa niya ito ginawa.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya habang nagsipang-abot ang aming mga mata.
"Ano ito?"
"Please. Alam ko naman na hindi pa natin naaayos ang sa ating dalawa kagabi pero birthday mo ngayon. Nagbabasakali akong pupunta ka rito para magcelebrate kasama ako."
"James. Tigilan mo na ang lahat ng ito."
"Ginawa ko lang ito bilang kaibigan mo. Pangako." nakangiting saad niya at napangisi nalang ako.
Gusto ko sanang maniwala pero ang hirap sa sitwasyon namin ngayon kaya hindi ako makapagsalita at napatameme nalang habang nagkatitigan kami.
"Okay. Alam kong galit ka pa sa akin pero pwede bang ..."
"Bakit mo iyon ginawa?" mahinang sabi ko na may halong inis.
Pinilit kong hindi mainis sa mga pinaggagawa niya para sa akin pero ang hirap. Oo. Alam kong kaibigan ko siya pero sa ngayon ay hindi ko na alam kung saan du'n sa mga ginawa niya para sa akin ang dahil sa kaibigan niya ako o dahil sa may gusto siya sa akin.
Hindi ito sumagot. Parang biglang bumigat ang kaniyang mga balikat. Pinagmasdan ko lang siyang nagtungo papuntang mesa at nilapag ang cake.
"Di ba sabi ko naman sa iyo na ako na ang bahala sa personal kong problema? Bakit kailangan mong gawin iyon? Bakit kailangan mong gawin lahat ng ito?"
Humarap siya sa akin at tinitigan ako.
"Tungkol ba ito sa pagbayad ko sa tuition fee mo?"
"Malaking pera nu'n. Ano bang pumasok sa isip mo at ginawa mo iyon?"
"Kailangan pa bang may rason para gawin ko ang isang bagay? Ginawa ko iyon dahil iyon ang sa tingin kong makakabuti sa iyo."
"Pero pinapangunahan mo na ako, James! Lahat ng bagay naa-appreciate ko naman pero sana naman huwag mong gawin ang mga bagay na hindi ko naman hiniling. Huwag mong gawin ang mga bagay na ito dahil lang ... dahil lang sa may nararamdaman ka para sa akin! Pakiramdam ko ginagamit kita."
"Sabi ko naman sa'yo, diba? Hindi ko iyon ginawa dahil mahal kita. Ginawa ko iyon dahil iyon ang sa tingin kong makakabuti para sa iyo."
Nararamdaman ko na ang mas lalong pagtaas ng tension na namamagitan sa aming dalawa dahil sa aming mga seryoso at mainit na mga argumento.
"Tsaka ..." Pinagmasdan ko lang siya hanggang sa nilagpasan niya ako at umupo siya sa kama nang nakayuko. "Hindi mo naman kailangang bayaran iyon." tugon niya at natawa nalang ako.
Napansin ko siyang tumingin sa akin pagtawa ko at agad akong lumapit sa kaniya.
"Bakit? Anong gusto mong kapalit?" Yumuko ako at hinawakan ang kamay niya at pinahawak ko sa kaniya ang alaga ko. "Ito ba? Ito ba ang gusto mong kapalit?" dagdag ko.
Imbis na makarinig ako sa kaniya ng sagot ay tinanggal niya ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak ko.
Napaatras ako ng ilang hakbang at napabuga ng hangin sa kawalan para pigilan ang sariling tuluyang sumabog.
"Wala ka na bang respeto sa sarili mo? Kailangan mo pa ba talagang gumawa ng mga ganitong bagay para lang makuha ang gusto mo? Katawan ko ba ang habol mo? Kaya ba hindi ka nilulubayan ng Rex na iyon dahil ginawa mo sa kaniya ang mga ginagawa mo sa akin?" walang prenong sermon ko sa kaniya.
Hindi ko na inisip kung ano ang sasabihin ko. Kusa nalang silang naglalabasan sa mga bibig ko. Nag-init na ang ulo ko ngayon. Pakiramdam ko kasi mali ang lahat ng ito.
"Lahat ba ng ito James ginawa mo dahil sa wala ka talagang inaasahan na kapalit o ginawa mo ito para magkautang na loob ako sa iyo at gawin ko lahat ng gusto mo?" dagdag ko pero hanggang sa matapos na ako sa aking pagsasalita ay nakayuko pa rin siya at walang imik.
Napatingala nalang ako sa kisame habang nakapameywang at nakasabunot sa aking mga buhok at nagbuntong hininga para kumalma ang aking isipan.
Napansin ko nalang na dahan-dahan siyang tumatayo at nagkatitigan kami. Nagsimula na namang mamuo ang kaniyang mga luha.
"Pwede ba? Huwag kang umiyak?" sita ko
"Tapos ka na?" tanging tugon niya. "Ganu'n ba talaga kababa ang tingin mo sa akin, Mark?"
"Hindi ko alam." saad ko habang kinakagat ang aking pang-ibabang labi para pigilan ang pamumuo ng aking mga luha. "Pero ang liit liit na ng tingin ko sa sarili ko. Ngayon ay pinapatunayan mo lang sa Rex na iyon na pera lang ang habol ko sa'yo!" galit na sabi ko sabay turo sa likuran ko kahit wala namang tao.
"Ginawa ko iyon hindi dahil sa nanghihingi ako ng kapalit at lalung-lalo nang hindi dahil sa gusto kitang kawawain. Ginawa ko iyon dahil kaibigan kita! Dahil kapatid kita!" sigaw niya sa akin. Kasabay ng pagsabog niya ay ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.
Pinagmasdan ko lang siya habang dahan-dahan na umupo sa sahig at isinubsob ang mukha sa mga kamay nito. Naririnig ko na ang kaniyang paghikbi.
"Tangina naman James! Magpakatotoo ka naman sa sarili mo! Aminin mong ginagawa mo lahat ng ito dahil gusto mo akong maging kabayaran sa'yo. Hinalikan mo nga ako kagabi diba? Kulang nalang kailangan kong ibigay sa iyo itong katawan ko! Tama a ..."
Hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang bigla nalang may kamao na tumama sa pisngi ko. Hindi ko siya napansin sa kaniyang pagtayo at pagsuntok sa akin dahil masyadong mabilis ang pangyayari.
Napabuntong-hininga nalang ako pagkatapos kong mabalik sa wisyo ko. Inayos ko ang aking sarili at humarap sa kaniya.
Tumingin ako sa kaniya.
"Oo! Kung gusto mong ipamukha sa akin na bakla ako at tanging pagkalalaki mo lang ang habol ko, siguro nga tama ka. Pero kahit gustong gustong gusto kita, hindi ko iyon gagawin dahil malaki ang respeto ko sa iyo. Dahil mahal kita kahit hindi mo kayang suklian iyon." aniya habang patuloy sa pag-iyak.
Hindi ko magawang maibuka ang aking mga bibig sa sinabi niyang iyon. Bakas ko sa kaniyang mukha ang sakit na kaniyang nararamdaman habang patuloy sa pagbuhos ang kaniyang mga luha.
"Hindi ko akalain na ganu'n lang kababa ang tingin mo sa akin." sabi niya sabay punas sa kaniyang mga luha. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. "Kungsabagay, baka tama ka nga. Baka wala nga sigurong tatanggap at magmamahal sa isang katulad ko kung hindi ako maglalabas ng pera. Pero alam mo kung anong masakit? Ang malaman ko na ang kaisa-isang tao bukod sa ama ko na inaasahan kong tatanggap sa akin nang buong-buo at walang panghuhusga ay wala na. Pare-pareho lang kayong lahat ng iniisip."
Halos hindi ko na mapigilan ang aking mga luha sa pagbagsak kaya mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkuyom ng aking mga palad.
"Magiging tapat na ako. Oo. May mga pagkakataon na gusto kong makuha kita pero habang tumatagal ang ating pagsasama, mas lalo kong pinapahalagahan ang ating pagiging magkaibigan." aniya sabay lagpas sa akin at pinagmasdan ko lang siyang nagtungo sa mesa at umupo. Tinititigan niya ang cake na may kandila pa ring nakasindi.
Hindi pa rin ako makapagsalita. Parang kinakain ako ng lupa.
"Binayaran ko ang tuition fee mo dahil alam kong nangangailangan ka. Nu'ng sinabi kong hindi kita pababayaan, totoo iyon. Kung inaakala mong ginawa ko lang iyon nang hindi pinag-iisipan, tinawagan ko si daddy tungkol dito at pumayag siya. Kaya hindi ko ginawa iyon para ibigay mo sa akin ang katawan mo." saad nito at dahan-dahan siyang humarap sa akin at tumingin nang diretso sa aking mga mata. May mga luha pa ring bumabagsak sa kaniyang mga mata pero mas kalmado na ang mukha nito.
"Alam mo kung anong kabayaran ang gusto ko, Mark? Iyon ay ang makita kang magma-martsa kasama ko sa graduation natin at tatanggap ng diploma, ang sabay tayong sasakay ng barko dahil sa wakas, pareho na tayong mga marino." nakangiting saad nito.
"Ang makita kang masaya at matupad ang mga pangarap mo para sa sarili mo ay sapat na sa aking kabayaran na tinutukoy mo. Alam mo ba kung bakit ko ginawa iyon? Oo. Aaminin kong kailangan ko pang pilitin si daddy pero sinabi ko sa kaniya na deserve mo iyon dahil kilala kita, dahil kaibigan kita at alam kong hindi ka basta-basta susuko sa mga pangarap sa buhay mo. Pero inaasahan ko rin sana na kilala mo pa rin ako kahit umamin ako sa'yo dahil kaibigan mo ako pero para yatang nagkamali ako." aniya at nagsimula na namang nagsipagbuhos ang kaniyang mga luha.
Hindi ko na rin napigilan ang sarili kong hindi maiyak sa mga sinabing iyon ni James at tumagos ito nang malalim sa aking puso. Nararamdaman ko ang kirot sa bawat salitang lumabas sa kaniyang mga bibig.
Alam kong nasaktan ko siya sa sinabi ko at hinusgahan ko siya sa intensiyon niya at ang kaniyang buong pagkatao.
"AAAAAAH!!!" Biglang bumigat ang aking pakiramdam at halos hindi ako makahinga kaya sumabog na ako at pinagsusuntok ko ang dingding sa kwarto niya. "Aaaaaaah!!" Mas lalo pang bumuhos ang mga luha sa aking mga mata.
"Happy Birthday, Mark." mahinang sambit nito at nagtungo ito sa banyo.
Napasapo nalang ako sa aking noo at napasabunot sa aking mga buhok habang iniisip ang mga sinabi ko kanina at mga narinig ko mula sa kaniya.
Ano ba itong nagawa ko? Masyado ko yata siyang nasaktan.
Habang nakatingala ako ay napansin ko ulit ang happy birthday signage at mga larawan namin sa dingding. Dahan-dahan akong tumayo kahit medyo nanghihina pa ang mga tuhod ko.
Pinagmasdan ko ang mga larawan naming dalawa na magkasama palagi.
Mas lalo akong nakaramdam ng sakit at kirot sa aking puso habang pinagmamasdan ang mga masasayang ngiti naming dalawa. Bumalik rin sa aking isipan lahat ng mga masasayang pinagsamahan namin na punu ng tawanan at kulitan.
Hindi ko ba talaga napansin si James o sadyang bulag lang ako para hindi mapansin iyon?
Habang iniisip ko ang kasagutan sa tanong iyon ay napalingon ako sa banyo kung nasaan si James.