Dahil nga na-late si Alliyah sa pagdala ng tanghalian ko, sinamahan at tinulungan niya na akong magtinda sa tiyanggian.
Pambawi niya raw sa akin para hindi na ako magtampo.
Inuna ba namang lumandi kaysa dalhan na agad ng pagkain ang kapatid niyang nagugutom.
Pasalamat siya't mahal ko siya kahit na kireng-keng siya. Hmp!
Tapos makapagsalita pa ng creepy sa ibang tao, eh siya rin naman. Biruin mo, tinitigan ba naman ng halos mahigit isang oras yung crush niya!
Pambihira...
Kaya bilib din ako sa mga kagagahan nitong kapatid ko eh.
Nang pumatak ang ala singko, nagsarado na kami at umuwi.
***
Nang huminto sa tapat ng bahay namin ang tricycle na sinasakyan namin, bumaba na kaming magkapatid.
Habang hinihintay kong matapos magbayad ang kapatid ko sa tricycle driver, doon ko lang napansin na bukas pala ang pintuan namin.
Kinabahan ako bigla at nagmamadaling tumakbo papasok at naisip na baka napasok na ng magnanakaw ang bahay namin.
Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib ng makita kong nakaupo si Lola Bering sa sofa habang nanonood ng TV.
Gulat siyang napatingin sa akin.
"O napano ka Ana at mukhang hingal na hingal ka," nakahawak sa dibdib na tanong ni Lola.
Huminga muna ako ng malalim bago nagsalita.
"Akala ko po kasi pinasok na ng mga magnanakaw itong bahay natin," hinihingal kong sagot.
"Anong magnanakaw ka dyan Ate?! Wala namang mananakaw sa bahay natin," singit ng kapatid kong bida-bida.
Inirapan ko lang si Alliyah at lumapit na kay Lola para mag-mano. Sumunod naman ang kapatid ko.
"Ang aga niyo po yatang nakauwi La?" nagtataka kong tanong.
"Ah, maaga na kaming umuwi at tapos naman na kaming magluto. Bahala na ang mga serbidora ni Kapitana sa mga bisita doon. Kinuha lang namin yung bayad sa'min at nagpaalam ng uuwi. Pumayag naman si Kapitana," mahabang paliwanag ni Lola.
"O sya, magpalit na kayo ng damit at magpahinga na. Maya-maya lang ay kakain na tayo ng hapunan. Hintayin lang nating makauwi ang tatay nyo,"
"Nasaan po si Nanay La?" tanong ng kapatid ko.
"Ah, bumili ng mantika sa tindahan," sagot ni Lola.
"Sige po La, pasok na po kaming kwarto," paalam ko at sabay na kaming pumunta ni Alliyah sa kwarto namin.