4. Lhavars Volcano

2546 Words
NAPANGISI si Freya sa narinig niya mula sa isang lalaking kasama niya sa loob ng gymnasium ng paaralan. Gusto siya nitong makalaban. Malakas ba ito na magbibigay sa kanya ng satispaksyon? Kanina pa kasi siyang kating-kati na lumaban sa isang indibidwal na kaya siyang sabayan.   "Hindi kaya nabibigla ka lang? Wala kang aura... Kaya paano mo matatalo ang kapangyarihan ko?" nakangising winika ni Freya at pinagliyab niya ang kanyang kanang palad.   Isang asul na apoy ang lumabas doon. Nagliwanag ang loob ng lugar dahil dito. Ang ilang mga estudyante ng Purif ay nabigla naman sa nasaksihang iyon. Ang asul na apoy ang sinasabing pinakamainit sa lahat ng kulay nito. At ang apoy na iyon ay tinataglay rin ng anak ni Sir Kuro.   "Beazt! Tama na iyan... baka palabasin tayo rito," wika ni Speed sa kaibigang si Beazt na hindi man lang nakaramdam ng kaba sa ipinakita ni Freya.   "Kung ganoon, labanan mo ako!" seryosong sinabi ni Beazt na ikinairita ni Freya. Pinakiramdaman pa niya ang pwesto ng kanyang ama. Gusto niyang turuan ng leksyon ang isang ito sa pagiging mapangahas na hamunin siya sa isang labang malinaw namang siya ang mananalo.   "Ama! Bigyan mo ako ng pahintulot na suntukin ang mapangahas na ito. Dito na rin natin masusukat kung karapat-dapat ba ang isang itong makapasok sa Purif!" seryosong sinabi ni Freya. Ang mga nasa paligid naman nila ay bahagyang lumayo. Tila kinabahan sila sa mga posibleng mangyari. Samantala, ang mga Blue Aura users naman ay nakaabang lang sa nangyayari.   Sa itaas naman, sa lugar na may mangilan-ngilang estudyante ang nanonood sa mga nagaganap sa ibaba ay kanya-kanya naman ng tingin sa mga pwedeng mangyari sa baba.   "Mukhang may hindi magandang nangyayari sa baba ah..." sabi ni Liahm Frost.   Seryoso iyong tiningnan ni Siri at inalala kung sino ang lalaking humarang sa anak ni Sir Kuro.   "Ang lalaking walang aura," sabi nito na ikinabigla ni Liahm. Hindi kasi nito naabutan ang naging laban nina Beazt.   "L-lalaking walang aura?" tanong ni Liahm na biglang napahawak sa kanyang kaunting balbas sa may baba niya.   "Tinalo ng isang iyan gamit ang pisikal na lakas ang dalawang kinalaban nila kanina... Wala siyang kapangyarihang ginamit at walang kahirap-hirap nitong pinabagsak ang dalawang may Indigo Aura."   Tila naging interesado si Liahm nang marinig iyon mula kay Siri at pagkatapos ay tiningnan nila ang lalaking pinag-uusapan nila.   Mula sa kabilang parte ng gymnasium ay may ilang estudyante rin ang naroon at nanonood.   "Iyan pala si Freya," seryosong winika ng isang estudyanteng may katangkaran. Medyo fitted ang uniporme nito dahilan upang makita ang magandang tikas ng katawan nito. Gupit ang buhok nito at semi-kalbo iyon. Kasalukuyan din siyang ngumunguya ang bubble gum nang mga sandaling iyon.   Si Rui Kraizer! Isa rin sa Purif 8, siya ang nasa ikawalong pwesto. Ang kanyang aura ay Orange at ang kanyang kapangyarihan ay ang Invisibility. Marami ring mga babae ang galit sa kanya, pero wala siyang pakialam sa mga ito.   "Interesado ako sa iyo Freya..." mahinang sambit nito na sinundan niya ng isang makahulugang ngiti.   *****   TUMIKHIM na lang si Sir Kuro nang makita ang munting komosyon sa anak niya at ng binatang walang aura. Hindi niya pwedeng hayaang magdesisyon ang anak sa mga gusto nito. Isa pa, gusto niyang maging patas sa lahat. Gaya nga ng kanyang inaasahan, walang magiging ka-partner ang kanyang anak.   Sa mga anak niya, si Freya ang tanging walang kaibigan. Madalas ay nakikipaglaban ito sa kung sino-sino sa training grounds na kanilang pagmamay-ari. Walang nasa isip ito kundi ang makipagtagisan ng lakas sa bawat makikitang malakas doon.   "Itigil mo iyan Freya! At ikaw rin Beazt!" saway ni Sir Kuro. Nalaman niya ang pangalan ng lalaki dahil malakas ang boses ng kasama nitong si Speed.   Napabuntong-hininga na lang si Freya at naglakad na palayo mula sa dalawa. Ni hindi naman talaga siya interesado sa mga iyon. Ni hindi nga rin siya nagulat sa nagawa ng lalaking nagngangalang Beazt kanina. Kahit raw siya ay kayang magpatumba ng kalaban nang hindi gumagamit ng kapangyarihan.   Sina Beazt at Speed naman ay bumalik na rin sa pwesto nila.   "Huwag kang magmadali Beazt. Kapag nakapasok tayo rito... Doon mo labanan ang mga gusto mong labanan. Lahat ng mga estudyante rito ay malalakas. Sinisiguro ko sa iyo iyan," paliwanag ni Speed sa kaibigan.   Tiningnan lang siya ni Beazt at parang wala lang ang sinabi niyang iyon kung titingnan ito.   Muli ngang nagsalita si Sir Kuro sa mga natira sa loob. Sa totoo lang, hindi talaga iyon ang dapat na unang mangyari sa pagsasala. Gusto lang niyang makita kung may magiging ka-partner ang kanyang anak na si Freya. Gusto niyang sa paaralang ito makahanap ito ng kaibigan. Dahil para sa kanya ang pagiging Hero ay hindi lamang sa lakas o abilidad nasusukat.   Isama pa nga ang sinabi kanina ng isang nakapasa na hindi batayan ang Aura para maging isang Hero.   Pinalapit nga ni Sir Kuro si Ethain at doon ay may itinanong siya.   "Nasaan na si Luther?" tanong nito.   Si Luther ay isa ring guro sa paaralan.   Si Luther Gothaim ay isang Red Aura kagaya ni Sir Kuro. Isa rin itong Hero ng Purif.   "Padating na raw po siya," mahinang sabi ni Ethain hanggang sa may isang bilog na liwanag ang biglang lumitaw sa tabi nilang dalawa.   Natigilan ang mga partisipante sa nakita. Mula sa bilog ay may isang makisig na lalaking nasa edad 30 pataas ang lumabas. May hikaw ang kanang tainga nito at may ilang pilat sa mukha.   Nang makita nila kung sino ito ay nakaramdam sila ng galak at pagkatuwa dahil kilala nila ito! Isa itong Hero ng Purif!   "Si Sir Luther! Ang Vanisher!" sambit ng isa na halatang fan nito.   Kinawayan ni Luther ang mga partisipante. Pagkatapos noon ay nagkatinginan sila ni Ethain.   "P-pasensya ka na sir Ethain. Sir Kuro! Sorry!" sabi ni Luther na agad yumuko nang paulit-ulit sa dalawa.   "Bilisan mo na! Dalhin mo na kami sa paanan ng Bulkang Lhavars," seryosong sinabi ni Sir Kuro.   Nang marinig naman ng ilan ang pangalan ng bulkan nabanggit ni sir Kuro ay nakaramdam ng kaba ang ilan. Isa iyong aktibong bulkan sa dulong-timog ng Purif. Walang sinuman ang pumupunta roon dahil napakadelikado dito. Isa pa, kilala ang bulkang iyon na pugad ng mga Lavanac. Ito ay ang malalaking ibong may apoy at lava na mga pakpak at balat.   "Alam naman siguro ninyo kung ano'ng meron sa Lhavars? Pwede pa kayong umatras kung gugustuhin ninyo?" nakangiting sinabi ni Luther sa mga partisipante. Tila isang babala iyon para sa mga ito.   Ang ilan ay napalunok ng laway. Ayaw man nilang gawin iyon ay pinangunahan agad sila ng takot. May isang katangian din kasi ang bulkang iyon na kinatatakutan ng mga baguhan.   Naglaho ang nasa sampu na lang na mga partisipante matapos gumamit si Luther ng Teleportation kasama sina Sir Kuro at Ethain. Ang mga ito ang naglakas ng loob na sumama sa susunod na destinasyon.   *****   "ANG Bulkan ng Lhavars, kapag nasa mababang kulay ang aura mo ay lalamunin ka ng bigat ng pressure sa lugar na iyon hanggang sa hindi ka na makagalaw," seryosong winika ni Siri kay Liahm habang inaayos ang maganda nitong buhok na paminsan-minsan ay nakikita ang kintab dahil sa liwanag ng paligid. Sigurado silang dalawa na lima lang ang makakapasok sa mga partisipante.   Ang limang may Blue Aura lamang.   "Sumama pa rin ang lalaking walang aura?" sambit naman ng isang estudyanteng lalaki na nahahati ang kulay ng buhok sa itim at puti. Tila nagkainteres siya sa magiging resulta ng pagsasala.   *****   LUMITAW ang lahat sa paanan ng hindi kataasang bulkan sa dulo ng Purif. Sa paglitaw ng mga ito rito ay siyang pagpapalabas ng aura ng bawat isa.   Ang aura nila ang magsisilbing panangga nila sa mabigat ng pressure at init sa paligid.   Napakainit sa paligid at nakikita nila ang pagtalsik ng mainit na magma sa itaas ng bulkan. Naroon din ang mapulang lava na dumadaloy mula sa bunganga nito. Kumukulo ito, isang senyales na hindi basta-basta ang temperaturang taglay nito.   Napansin din nila ang mga nagliliwanag na ibong lumilipad sa itaas. Lumilipad iyon nang paikot sa palibot ng bunganga ng bulkan. Malalaki iyon at siguradong kayang pisain ng mga paa nito ang sinumang madadagit nito.   Pinagmasdan ni Sir Kuro na kasalukuyang nababalutan ng Red Aura ang katawan ang mga partisipante sa harapan niya. Nangingibabaw ang liwanag ng Blue Aura ng lima na nanatili ang tikas sa kabila ng pressure at init sa paligid.   Ang tatlo ay may Indigo Aura ngunit makikitang nahihirapan ang mga ito na panatilihin iyon. Lalo na nga ang nag-iisang may Violet Aura na si Speed na napaluhod na lang dahil sa bigat ng nararamdaman sa katawan.   Napatingin din siya kay Beazt. Nanatiling walang aura na makikita rito at pawisang-pawisan na ang katawan. Halatang nilalabanan nito gamit ang sariling lakas ang tensyon na kumakalat sa paligid nang mga sadaling iyon.   "Sir Kuro? Bakit walang aura ang isang iyon?" tanong ni Luther na nagliliwanag ang Red Aura na pumapalibot sa paligid ng kanyang katawan.   "Iyon din ang hindi ko alam. Siguro dapat ko nang sabihin ang gagawin nila dahil mukhang bibigay na ang lima sa kanila," seryosong sagot naman ni Sir Kuro rito. Doon na nga niya sinabi ang dapat gawin ng mga natitirang partisipante.   "Ang sinumang makakarating sa bunganga ng bulkan sa loob ng limang minuto ay awtomatikong estudyante na ng Purif!" Pagkasabi noon ni Sir Kuro ay siya ring paglalaho ng tatlo. Wala ng iba pang sinabi ang mga ito, dahil sapat na ang mga lumabas sa bibig ng matandang gumagamit ng apoy. Hihintayin na nila ang mga makakapasa sa bunganga ng bulkan.   Kasunod din noon ay nagsitakbuhan agad ang limang may Blue Aura. Naiwanan ang natitirang lima, kabilang rito sina Beazt at Speed na nahihirapang kumilos sa kinatatayuan nila.   "Mga mahihina," nasambit ni Freya habang pasimpleng pinagmasdan ang limang mga naiwan. Hindi rin siya nagpatalo sa apat niyang kasabay na kapwa may Blue Aura. Mabilis nilang tinakbo ang hindi kataasang bunganga ng bulkan habang ang aura nila ay nagliliwanag.   "S-sorry Beazt... G-ganito pala r-rito..." sabi ni Speed na nakadapa na sa lupa na hindi na talaga makagalaw. Kahit na ganoon, gustong-gusto niya pa ring maging Hero. Pero ito yata ang katotohanang dapat niyang tanggapin. Ang aura niya ay ang pinakamahina, at ang pagpasok sa Purif School ay mahirap para sa tulad niya.   Napakuyom si Speed ng kamao na sinusubukan pa ring labanan ang bigat ng pressure kahit tila imposible na. Naiisip niya ang negatibong epekto ng kanyang aura, ngunit hindi iyon nangangahulugan sa kanya na siya ay basta na lang susuko.   Samantala, ang dalawang lalaki at isang babae namang may Indigo Aura ay napadapa na rin dahil sa hirap. Ito pala ang pakiramdam sa paanan ng Bulkan ng Lhavars. Gusto nilang maging Hero para kilalanin sila ng iba kahit mahinang kulay ang kanilang aura. Ngunit ito ang reyalidad! Na mahirap para sa kanila ang makapasok sa Purif School.   Si Beazt, biglang napatingala sa itaas nila. Naramdaman nilang may kung anong paparating sa kanila. Isang dambuhalang Lavanac!   Kilala rin ang mga Lavanac sa pagkain ng mga taong may mahihinang aura.   Napakuyom ng kamao si Beazt.   "Ano ba ang isang Hero?" tanong ni Beazt kay Speed dati.   "Ang Hero, ito iyong mga nagliligtas sa mga nangangailangan. Sila iyong biglang darating kapag kailangan mo ng tulong. Hindi sila nagdadalawang-isip na ibuwis ang buhay nila para magligtas!" paliwanag ni Speed sa kanya bago siya pilitin nito na subukang pumasok sa Purif School.   "Ayaw ko ng ganoon. Ayaw kong maging Hero," seryosong sinabi ni Beazt na ang nasa isip ay makahanap ng malalakas na makakalaban. Naisip nga niya na baka pwedeng mga Heroes ang labanan niya.   "Wala akong katangian ng pagiging Hero," dagdag pa nito na ikinangisi ng kaibigang si Speed.   Mahigpit nang ikinuyom ni Beazt ang kanyang kamao. Nilabanan niya gamit ang pisikal na lakas ang bigat na nararamdaman. Bumibigay na ang kanyang mga binti pero sinusubukan pa rin niyang huwag mapaluhod.   Bumulusok na nga ang umaapoy na bibig ng Lavanac dahil tila gusto na nitong kainin silang lima nang mabilisan. Isa pa, may ilan pa sa itaas ang tila susunod rito at mukhang pagpipyestahan sila ng mga ito kapag nagkataon.   Wala ng pagpipilian si Beazt. Ang lakas lang niya ang magiging kasangga niya.   "Gusto ko pa ring maging Hero!" sigaw naman ni Speed sa kanyang isipan. Doon na nga mas nagliwanag ang kanyang Violet Aura. Hindi iyon malakas pero nananatili pa rin iyon. Nawawalan na siya bahagya ng pag-asa kanina, pero napansin niya si Beazt na nakatayo pa rin. Alam niyang maiiligtas sila nito dahil naniniwala siya sa kanyang kaibigan ito!   Dito na nga pinagana ni Speed ang kanyang abilidad.   "T-tumalon ka p-pakaliwa... S-sun...tu...kin m-mo s-siya... sa katawan dahil l-lalampas ang ulo niya sa har...apan mo..." pilit na sinabi ni Speed na pinipilit pa ring makagalaw kahit imposible na.   Tumalon nga si Beazt pakaliwa at nagmintis ang gagawin sana nitong paglapa sa kanya. Hindi nga ito nag-alinlangang sundin si Speed. Pero nakaramdam siya kaagad ng sobrang init nang maging malapit siya sa umaapoy na katawan ng Lavanac. Pero nilabanan niya iyon. Kahit na malalapnos ang kanyang balat sa tindi noon ay hindi niya itinigil ang balak niyang gawin.   Isang napakalakas na kanang suntok ang ginawa niya sa bukas na katawan ng Lavanac na umatake sa kanya. Napangiwi na lang si Beazt dahil sa init na tila susunog sa kanya. Pero tila walang epekto iyon dahil dumikit lang ang kamao niya sa nagliliyab nitong balat.   Subalit habang inaakala niyang wala iyong epekto, biglang napahinto sa paggalaw ang dambuhalang ibon. Isang malakas na hangin ang kumawala mula sa kamao ni Beazt na ikinagulat niya. May kung anong pwersa ang bumaon sa katawan ng Lavanac na nagmula sa kanyang kamao.   Nayanig ang buong paligid sa pagbagsak ng dambuhalang Lavanac.   Napatingin si Beazt sa kanyang kamao. Nababalutan iyon ng Indigo at Violet na aura at nagmumula iyon sa apat na kasama niya roon.   Mabilis na nilapitan ni Beazt ang bumagsak na Lavanac. Pinipilit pa rin niyang labanan ang init at bigat ng pressure sa paligid pero kaunti na lang at bibigay na talaga siya.   Nasa harapan na niya ang ulo ng dambuhalang ibon at kalmado niya itong hinawakan sa ulo. Hinaplos niya iyon, katulad ng ginawa niya noon sa mga mababangis na hayop na tinalo niya sa gubat.   Nakatingin na ang Lavanac sa mga mata ni Beazt na tila nagkakaintindihan. Doon nga ay unti-unting bumangon ang dambuhalang ibon.   Si Beazt, kahit nahihirapan ay isa-isang isinakay sa ulo ng Lavanac ang apat na kasamahan niya. Iyon ang parteng walang apoy sa katawan nito. Pagkatapos noon ay lumipad ito patungo sa bunganga ng bulkan.   Si Speed, kahit na nahihirapan ay pinilit na ngumiti.   "Hindi mo man gustuhin Beazt na maging Hero... May katangian ka ng pagiging isa nito... Simula pa lang nang tinulungan mo ako noon... Isa ka ng Hero para sa akin..." sabi ni Speed sa sarili na ipinikit na ang mga mata dahil sa hindi na niya kaya ang bigat ng pressure sa buong lugar.   "Kaya sasamahan kita Beazt hanggang sa pareho tayong maging mga bayani sa mundong ito..."   Sa paglitaw ng dambuhalang Lavanac sa bunganga ng bulkan ay siya namang pagkaalerto nina Sir Kuro sa pag-aakalang aatakehin sila nito. Pero nabigla sila nang makitang sakay sa ulo nito ang binatang si Beazt na kasama ang apat na partisipante.   Buong-lakas na binuhat ni Beazt ang apat at bumaba palapit sa harapan ng tatlong guro ng Purif School.   "I-iligtas n-ninyo sila..." Ito ang huling sinabi ni Beazt sa mga ito bago tuluyang bumigay ang kanyang katawan. Inisip niyang Hero ang tatlong ito kaya alam niyang tutulungan ng mga ito ang apat na mga kasama niya.   Ilang mga sandali pa, doon na nga rin dumating ang limang may Blue Aura na nabigla nang makitang may isang dambuhalang Lavanac na nakaupo sa tabi ng tatlong guro ng paaralan. Wala na roon sina Beazt dahil mabilis itong ibinalik ni Luther sa Purif School.   "Binabati ko kayo! Nakapasa kayong sampu!" winika ng nakangiting si Sir Kuro na ikinagulat ng mga huling nagsidatingan sa lugar na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD