8. Starting

2291 Words
PISIKAL na lakas? Hindi! Hindi iyon ang nasaksihan ng mga nakakita sa ginawa ng binatang iyon.   Bigla na lamang nagliwanag ang asul na aura ni Freya nang susuntukin na ni Beazt si Bazil. Ang asul na aura na iyon ay dumaloy papunta sa kamao ni Beazt na naging dahilan upang magkaroon ito ng  pwersang dinagdagan ng pisikal na lakas na higit pa sa normal. Nang tumama nga ang kamaong iyon sa mukha ni Bazil, iyon na rin ang siyang tumalo rito.   Pinatulog ng kamao ni Beazt ang hindi magpapigil na si Bazil.   "Ano'ng nangyari rito!?" malakas na winika ni Leonora pagkadating niya sa lugar ng pinangyarihan. Mabilis nga rin nitong pinagmasdan isa-isa ang mga first years na binabantayan niya sa kanyang dormitoryo. Nakita rin niya ang iba pang estudyante at ilang gurong nasa paligid na rin dahil sa nangyaring iyon.   Napukaw rin ang atensyon niya kay Beazt na kasalukuyang ibinababa si Freya sa lupa. Kasunod noon ay nakita niya naman si Bazil na wala nang malay at dumurugo ang mukha.   "Leonora! Ano'ng kaguluhan ito!?"   Isang boses naman ng matanda ang biglang narinig ng lahat mula sa itaas. Doon nga ay bumaba mula sa ere ang isa pang mataas na personalidad sa Purif School.   Makikitang may pakpak ang matandang lalaking ito na nakasuot ng pormal na itim na kasuotan. Paglapag nito sa lupa ay siya ring paglalaho ng nasa likod nito. Lumapit naman agad dito si Leonora. Ang mga estudyante naman sa paligid ay napaatras nang makita ang bigotilyo ngunit wala ng buhok na taong iyon. Nakasuot din ito ng salamin sa mata.   Siya si Sir Agil Forezter, isa sa mga board of trustees ng paaralan. Kaibigan ito ni Sir Kuro at marami ang iginagalang ito sapagkat marami na itong naimbag sa mga taga-Purif.   "Sir Agil, paumanhin po. Aalamin ko pa sa mga estudyante ko ang mga nangyari rito sapagkat kakarating ko lang din dito," sagot naman ni Leonora na mabilis ngang pinuntahan ang mga first years na naroon.   Naglakad naman si Sir Agil patungo sa dalawang nakabulagtang estudyante. Si Freya ay nawalan bigla ng malay matapos ang mga nangyaring iyon lalo na nga nang napunta sa kamao ni Beazt ang aura niya.   "Freya?" sambit kaagad ni Sir Agil na mabilis na nagpatawag ng kahit sinong healer na nasa lugar. Tiningnan din niya ang isa pang estdudyanteng malapit dito na duguan naman ang mukha.   Hindi nakita ni Sir Agil ang mga nangyari kaya wala siyang ideya kung bakit nagkaganito rito. Kaya minabuti niyang hintayin ang kwento mula kay Leonora na nakita niyang papalapit na sa kanya.   "Masama ang tama ng isang ito," wika ni Sir Agil sa sarili habang pinagmamasdan si Bazil.   Doon nga ay nagsilapitan ang ilang mga Healer sa paligid at pinagaling nila ang mga nakabulagtang iyon. Dito na rin nga dumating si Leonora para sabihin ang kanyang mga nalaman.   Sumulyap muna si Sir Agil sa mga guro na nasa paligid.   "Kayong lahat, bumalik na kayo sa mga klase ninyo! Kami na ang bahala rito!" utos nito sa lahat at mabilis naman siyang sinunod ng mga nakapakinig sa kanya.   Natira na lamang sina Sir Agil, Leonora at ang mga first years. Naroon din ang dalawang healer na pinapagaling ang sugat ng dalawang walang malay sa harapan nila. Dito na nga sinabi ni Leonora ang sinabi ni Lasty. Nang marinig iyon ni Agil ay napatingin siya kay Bazil na wala pa ring malay.   Natatandaan niya ang papel ng recommendation nito. Inalam niya ang background nito at nalaman niya ang ugali nito. Nalaman niyang bayolente ito noong nasa labas ng paaralan kaya para sa kanya, hindi pwedeng pumasok sa Purif School ang kagaya ni Bazil na madalas gumagawa ng gulo sa Purif. Ngunit magkaganoon man, hindi na rin niya maaaring tanggihan ang rekomendasyon ng taong nagpasok sa lalaking ito rito.   Nagkamalay bigla si Freya at pagkakita sa mga healers na nasa kanyang ulunan ay agad siyang tumayo at pinagpagan ang kanyang kasuotan.   "Kumusta ka na Freya? Ayos ka lang ba?" tanong ni Agil dito na bahagyang mababakas sa mukha ang pag-aalala sa anak ng kanyang kaibigan. Isa rin kasi si Freya sa mga posibleng maging Hero sa hinaharap. Isa pa, nagtataglay rin ito ng asul na apoy na tanging si Kuro lang ang nagtataglay sa buong mundo.   "Okay lang po," sagot naman ni Freya na nagbigay agad ng paggalang dito. Yumuko siya nang bahagya sa harapan nito. Kilala niya si Sir Agil dahil minsan ay nakikita niya ito sa kanilang bahay kapag dumadalaw ito sa kanyang ama.   "Mga bata, pumunta na kayo sa Normal Area," wika naman ni Leonora sa mga first years.   "Maiiwan dito sina Freya at Bazil," dagdag pa ni Leonora at napatingin pa siya kay Beazt na kasalukuyang tinitingnan ang kamao. Gusto rin sana niyang huwag na rin muna itong papuntahin sa Normal Area, pero tila hindi na iyon kailangan.   "Ayaw ko nang mauulit ito! Sa oras na may maulit pang ganito... Matitikman ninyo ang parusa ko sa pagbalik ninyo sa dormitoryo!" matigas na paalala ni Leonora sa mga estudyante bago mag-alisan ang mga ito. Pagkatapos nga noon ay nagsilakad na ang mga first years para pumunta sa Normal Area.   Nasa unahan sina Speed at Beazt, at ang mga kasamahan nila... seryoso lang na nakatingin sa kasama nilang nagpabagsak kay Bazil. Hindi sila makapaniwala na ang isang walang aura na kagaya nito ang makakagawa noon.   Samantala, sandali munang nag-usap sina Leonora at Agil tungkol kay Bazil. Ito ay nagtataglay na kaagad ng Green Aura at masasabing ito ang pinakamalakas sa mga first years, pero... napabagsak pa rin ito.   "Freya, magpahinga ka muna," sabi ni Leonora sa dalaga na tahimik lamang matapos ang mga nangyari. Bumalik sa alaala niya ang muntikan na niyang pagpunta sa kamatayan. Ganoon din ang mga mata ni Bazil na halatang-halata niyang seryoso itong patayin siya.   Dahil anak ito ng pinakamalakas na Hero sa Purif, kailangan nila itong alagaan nang mabuti.   Tungkol naman kay Bazil, napagdesisyunan nila na isama ito papunta sa mga opisyal ng Purif School dahil kahit nagpakita ito ng kapangyarihan at lakas, hindi naman nila pwedeng palampasin na lang ang ginawa nito. *****   KALMADO pa rin at tila walang pakialam si Beazt sa mga estudyanteng nakatingin sa kanila pagpasok nila sa loob ng gymnasium. Makikita nga sa loob ang bilang ng mga estudyante rito. Hindi naman iyon ganoon karami pero ang lahat ng mga narito ay mga nasa matataas na taon sa paaralan.   Binubuo ang second years ng dalawampu't isang estudyante. Habang ang third years ay nasa dalawampu't siyam. Ang mga fourth years naman ay nasa labing-walo. May ilan ding special students kung tawagin dito, sila ang mga indibidwal na tumitigil sa Purif School. Mga estudyante silang nagte-training sa mga piling Hero Agencies sa city. Ngunit hindi na sila itinuturing na estudyante kahit dito pa rin sila tumitira sapagkat kasama ito sa kanilang training, ang makisama sa mga susunod na henerasyon. Karamihan din naman sa mga ito ay ilang taon lang din ang tanda sa mga normal na estudyanteng makikita rito.   Ang mga Special Students na ito ay walang unipormeng sinusuot. Makikitaan lang sila ng puti na may asul na tela sa kanilang kanang mga bisig. Madalas ang mga ito ay pumapasyal-pasyal lamang sa kung saang bahagi ng Purif School. Nagmamasid lang sila at naghihintay na kailanganin sila sa loob at ganun na rin sa buong siyudad.   Pumila na ang mga estudyante sa loob. Nasa kaliwang bahagi ang mga first years, na sinundan ng second years, third years at mga fourth years sa dulo. Sa stage, makikita roon na may walong mga upuan, ito ay ang inuupuan ng walong pinakamalakas na estudyante sa paaralan. Ang Purif 8!   May mga ilan ang nagkukwentuhan sa loob hanggang sa bigla na lang silang nagsitahimik nang mapansin nilang may mga umakyat na sa stage. Si Sir Kuro iyon at nasa likuran nito si Sir Ethain at may isa ring babaeng guro kung titingnan ay nasa edad na kuwarenta na.   Pagkaakyat nila ay siya na ring pag-akyat ng apat na estudyante. Ang ilan nga sa mga lower years ay nagbulungan nang makita ang mga iyon.   Pinangunahan iyon ni Liahm Frost, ang number 3. Sinundan ito ni Siri Garnalion, ang number 5, na makikitang dala ang espada nito. Ang mga kalalakihan nga ay pasimpleng pinagmasdan ang dalaga habang umaakyat ito sa stage.   Ang sunod na umakyat ay ang number 8 at semi-kalbo na si Rui Kraizer. Bumati pa nga ito sa mga estudyante na sinundan nga kaagad ng "booh!" mula sa karamihan, lalo na sa mga babae.   "Bastos iyang si Rui! Wala kang karapatan sa Purif 8!" sigaw ng ilan na tinawanan lamang ni Rui na pumunta na sa kanyang upuan.   "Good morning Binibining Siri," bati pa nito sa dalagang malapit sa kanya.   Hindi ito pinansin ni Siri, isa rin siya sa naiinis dito dahil minsan na rin siyang sinubukang silipan nito habang siya ay naliligo sa kanilang dormitoryo.   Ang huli ngang umakyat ay ang sinasabing pinakamalakas na estudyante sa paaralan. Madalas na makikita ito sa Normal Area, hindi tulad ng iba niyang mga kasama na madalas ay nasa kanilang dormitoryo lamang kapag natatapos ang klase.   Si Hellio Manchester, ang number 1 sa Purif 8. Makikita rito ang puting buhok nito na kagaya ng kulay ng apoy na taglay nito. Kalmado rin ang mukha nito at hindi kaagad mabasa ng ilan kung ito ba ay seryoso o hindi. Ugali na nga nito ang ngumiti nang hindi inaasahan at maging seryoso na walang dahilan.   Ang ability niya ay ang apoy kagaya ng kanyang amang si Sir Kuro ngunit hindi nito namana ang kulay noon. Nagtataglay lamang si Hellio ng White Fire, ang ikalawa sa pinakamalakas na uri ng apoy. Pero kahit na ganoon, hindi matatawaran ang lakas nito at sa edad niya, nagtataglay na kaagad siya ng Red Aura.   Lumapit muna si Hellio sa kanyang ama at binati ito sandali. Pagkatapos noon ay umupo na ito sa upuan nito. Sinulyapan lang niya ang kanyang mga kasama roon at pagkatapos ay seryoso na itong tumingin sa malayo. Ngumiti na nga lang ito bigla sa hindi malamang dahilan.   Kagaya ng madalas mangyari tuwing may pagdiriwang sa Purif School, ang Purif 8 ay hindi na naman kompleto.   Naglakad na si Sir Kuro sa gitna. Naroon ang isang mataas na mesang may mikropono sa ibabaw. Makikita rin sa harapan nito ang simbolo ng paaralan. Pinagmasdan niya muna sandali ang lahat at pagkatapos ay napatigil siya ng tingin sa mga first years. Alam na niya ang nangyari at nalaman niyang may ginawa na naman ang binatang walang aura. Pinatulog lang naman nito ang isang Green Aura user. Nais nga niyang pasalamatan si Beazt pagkatapos nito.   "Magandang umaga sa inyong lahat!" malakas na bati ni Sir Kuro na sinagot din ng malakas na pagbati ng lahat.   "May mga nangyari man ngayong umagang hindi natin inaasahan, pero tuloy pa rin ang pagbubukas ng panibagong taon dito sa Purif School!" wika nito na pinagmasdan muli ang lahat. Pagkatapos noon ay nagsalita pa siya tungkol sa mga ilang bagay at sa mga dapat gawin sa loob ng paaralan.   "Magpalakas kayo at maging Hero na kayang ipagtanggol ang mga nangangailangan!"   Ito ang huling sinabi ni Sir Kuro sa lahat bago niya tapusin ang kaunting seremonyang iyon.   Ang karamihan nga ay lumabas na ng gymnasium upang pumunta na sa kani-kanilang mga klase. Paalis na rin ang mga first year nang biglang may tumawag sa isa sa mga ito.   "Beazt!"   Napahinto nga si Beazt maging si Speed na kasama nito. Ang ilan nga sa mga kasamahan nila ay sandali ring sumulyap sa pinagmulan ng boses.   "S-sir Kuro..." sambit kaagad ni Speed na lumabas na naman ang pagiging isang fan. Hindi na naman ito mapakali dahil kaharap niya ang Fire Man.   "Beazt, maraming salamat sa ginawa mo kay Freya," ani sir Kuro habang nakangiti sa binata.   Tiningnan lang naman ito ni Beazt at hindi man lang nagsalita. Tumalikod na ito at doon pa lamang ito nagsalita.   "Si Speed ang dapat ninyong pasalamatan sapagkat nakita niya ang mangyayari," seryosong sinabi ni Beazt na naglakad na nga palayo.   Inisip ni Sir Kuro na tila ito talaga ang ugali ng binatang walang aura, kaya hindi na niya ito tinawag pang muli. Napatingin naman siya sa estudyanteng si Speed na napansin niyang parang nangangatog ang tuhod sa harapan niya.   "Salamat sa iyo, Speed," wika ni Sir Kuro na naging dahilan para ngumiti nang malaki ang binata. Pinasalamatan siya ng kanyang idol.   "W-wala po iyon... Si-sir K-kuroo..." ani Speed na nakuha pang yukuan ang kaharap at pagkatapos noon ay nagpaalam na siya rito. Kumaripas ito ng takbo upang mahabol si Beazt na nasa may labasan na ng lugar. Makikita sa mukha nito ang labis na saya dahil doon.   Para naman kay Beazt, wala lang ang ginawa niyang iyon. Ang tanging nasa isip lang nga niya ay kung paano niya nagawang matalo si Bazil na sa tingin niya ay mas malakas sa kanya.   Ngunit kahit na para sa kanya ay wala lang iyon, ang ilan naman sa mga nasa Purif School ay napukaw na ang atensyon sa lalaking nagngangalang Beazt.   Ang binatang walang taglay na aura.   "Kailangang isali natin ang lalaking iyan sa ating samahan," wika ng isang estudyanteng mula sa hindi kalayuan. Nasa likod nito ang dalawa niyang miyembro. Lahat sila ay may nakataling itim na panyo sa kanang braso.   "Maganda siyang mapabilang sa ating lihim na samahan..." wika muli ng lalaking iyon.   "Oo nga Master. Pwede siya sa ating Demons Organization..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD