11. SPEED!

2995 Words
ANG DATING number 1 Hero ng mundo na si Xavier Banguard ay nagtataglay ng pinakamahinang aura. Ito ang bagay na isiniwalat ni sir Shin sa kanyang mga estudyante. Ang bagay na ito ay hindi alam ng karamihan, pero ang mga taong nakilala nang lubusan ang Hero ng Purif na ito... alam nila iyon.   "Si Xavier Banguard ay may ability na kung tawagin ay Color Changing. Kaya niyang baguhin ang kulay ng anumang makikita sa paligid," wika ni Shin habang nakatingin sa mga estudyanteng nasa kanyang harapan.   "Kung iisipin ninyo, nasa kanya ang pinakamahinang aura at ang kanyang kapangyarihan... Ano ang magagawa noon sa tunay na laban?" ani ng guro na nagkunwaring napatawa.   "Iyon ang bagay na gusto kong matutunan ninyo. Kung paanong sa kabila ng pagiging Violet Aura ni Xavier Banguard ay nagawa nitong maging pinakamalakas na Hero sa buong mundo!" winika ni Shin habang pinagmamasdan ang bawat isa.   Si Speed, nabigla sa narinig. Nakikita niya ang mga estatwa sa Purif ng Hero na iyon, pero hindi niya akalaing magkatulad lang sila ng aura. Nanginig nga bigla ang kanyang labi at napatingin sa kanilang guro. Napangiti siya.   "Speed! Ikaw! Gusto mo bang maging bayani ng mundong ito?" malakas na tanong ni Shin sa binata.   Napakuyom ng kamao si Speed. Nagkamali siya kanina sa pag-aakalang ang guro nilang ito ay kagaya ng mga nakikita niyang indibidwal sa labas. Akala niya ay huhusgahan sila nito dahil sa pagkakaroon nila ng mababang uri ng aura. Na mararanasan nila ang deskriminasyon sa guro na ito sa klase nito... pero nagkamali siya.   "Sir! Magiging Hero ako! Ako ang magiging pinakamalakas na Hero ng Purif!" seryosong sinabi ni Speed na ikinabigla ng mga nakarinig dito.   Si Beazt, napaseryoso ng tingin sa kanyang kaibigan. Inaasahan na niya ito rito. Alam niyang may kakayahan si Speed na magawa iyon dahil naniniwala siya sa taong ito.   Pagkasabi rin ni Speed noon ay napatingin ang tatlong nasa likuran ni Sir Shin na sina Claude, Shilva at Odessa rito. Naalala nila ang nangyari kahapon sa pagsasala. Ang lalaking iyon ay ang naglakas-loob na nagsabi sa harapan ni Sir Kuro na wala sa antas ng aura nasusukat ang kakayahang maging isang bayani.   Bakit nga ba sila nagpunta sa Purif School kahapon kahit alam na nilang imposible silang makuha?   Iyon ay dahil naisip nila ang kanilang pamilya. Ang mga taong kagaya nila na bihirang matulungan kapag sila ang may kailangan ng tulong. Gusto nilang maging Hero para tulungan ang mga taong hindi pinapansin ng lipunang mayroon sa mundo.   Ang mga may mahinang aura, sila ang mga indibidwal na hindi kinikilala ng karamihan. Maraming mga nasa Manpower ang nakakaranas ng deskriminasyon. Totoong kailangan sila sa pag-unlad, pero ang mga may asul na aura pataas... Sila ang yumayaman. Sila ang kinikilala... Ang mas pinapahalagahan... Ang mas inililigtas!   Dito'y muling nagliwanag ang aura ng tatlong kanina lamang ay unti-unti nang humihina. Nagpunta sila kahapon sa paaralan upang sumubok. Dahil walang masamang sumubok sa mga bagay na hindi nila alam ang magiging resulta. Sa Purif School, susubukan nilang labanan ang hiya sa lahat ng narito. Sila mismo ang gagawa ng paraan upang makilala at gagawa sila ng paraan para sila maging Hero!   "Maganda nga sir ang sinabi mo... Pero paano sila makakapagligtas? Madali silang mawawalan ng aura? Isa pa, ang mga abilidad nila... Kagaya na lang nitong si... Speed? Kaya niyang makita ang hinaharap, pero 'yun lang iyon?" biglang winika ni Luke na ayaw maniwalang kayang maging Hero ng mga indibidwal na may mahihinang aura.   Nagkatinginan nga sina Speed at Luke matapos iyon. Nagliwanag din ang aura nito.   Si Sir Shin, napatingin sa dalawa.   "Bakit hindi mo siya labanan Luke Manchester?" biglang winika ni Sir Shin na ikinagulat ng lahat. Si Speed, napakuyom ng kamao nang marinig iyon.   "Speed? Gusto mong maging Hero? Ngayon, ipakita mo sa isa sa malalakas mong kaklase na gusto mong mangyari iyon," wika ng kanilang guro habang nakangiting nakatingin sa binatang nasa likuran.   "Kayong tatlo sa likuran? Palagay ninyo? Makakaya kayang talunin ni Speed si Luke?" dagdag pa nito.   Nagdilim ang paningin ng tatlo.   "Kaya po ni Speed. Dahil naniniwala kami sa kanya!"   Napangisi si Shin nang marinig iyon. Ang mga estudyante niyang may Blue Aura, sandaling nagulat dahil doon.   Sina Enma at Mirai ay nagkatinginan matapos iyon. Aminado silang ayaw nila sa ugali ni Luke. Ngunit hindi nila alam kung paano mananalo si Speed laban dito. Iyon ay kahit gusto nilang matalo nito ang mapagmataas na Manchester.   Si Luke, napatawa naman.   "Sigurado po kayo sir? Ngayon na po ba? Dito ko ba siya lalabanan?" wika ni Luke na inayos pa ang blonde niyang buhok. Napatingin pa ito kay Speed at nakita niyang nagsimula nang maglakad ito mula sa kinatatayuan nito.   Si Beazt, tinapik naman ang balikat ng kaibigan. Walang anumang salita ang lumabas mula sa bibig nito, pero ang ginawa niyang iyon ay ang senyales ng kanyang pagbibigay tiwala at suporta rito. Gusto niyang ipakita ni Speed ang kakayahan nito sa iba.   Madalas siyang nagpapalakas ng katawan at madalas niyang kasama si Speed dito. Hindi man niya nakikita ito, alam naman niyang humahanap ang binata ng paraan upang maging malakas ito sa pakikipaglaban.   "Alam mo ba kung bakit Speed ang pangalan ko?" tanong ng kaibigan niya sa kanya nang minsang nasa tabi sila ng isang ilog.   "Kasi, mabilis akong tumakbo. Madalas ko ngang natatakasan ang mga humahabol sa akin sa siyudad!" natatawang sinabi ni Speed na biglang napatayo mula sa pagkakaupo nang may kung anong humila sa tansi ng kanyang pamingwit.   "May nahuli ako!" bulalas nito at mukhang malaki iyon kaya si Beazt ay napatayo rin mula sa pagkakaupo mula sa ibabaw ng isang malaking bato roon. Tinulungan niya ang kanyang kaibigan at nang hilahin nila iyon, isang malaking isda ang kanilang nakita.   “Ayos, masarap ang tanghalian natin,” masiglang winika ni Speed nang sandaling iyon habang pinagmamasdan ang malaking isda na hinila nila mula sa ilog.   *****   NILAPITAN ni Speed ang natatawang si Luke. Dito ay unti-unting nagliwanag ang nagdidilim nitong paningin. Sumilay ang ngiti sa labi ni Speed at iniangat ang kanyang kanang kamay.   Inalok niyang makipagkamay si Luke sa kanya.   "Ikinagagalak kong labanan ka! Kung ang paglaban sa iyo ang magiging simula upang maipakitang seryoso ako. Tatanggapin ko ang gustong laban ni Sir!" seryosong winika ni Speed na ikinangiti ni Sir Shin.   Ang mapagmataas na ngiti ni Luke ay napalitan ng seryosong imahe. Biglang kumawala ang Blue Aura nito at tila naging isang mata ng isang seryosong indibidwal ang makikita rito.   "Kapag natalo kita! Umalis ka na sa paaralang ito at huwag nang sumubok pang maging isang Hero kailanman!" bulalas ni Luke at ang mga kaklase nila'y nagsiatrasan nang biglang umusok ang katawan nito.   Magsasalita pa sana si Sir Shin, subalit mabilis na sumagot si Speed.   "Sige ba! Kapag natalo kita... Gusto kong maging magkaibigan tayo? Okay ba iyon?" nakangiting ani Speed.   Nabigla naman si Sir Shin sa sinabing iyon ni Speed, may naalala kasi siya bigla dahil doon.   Si Luke naman ay napatingin nang seryoso rito. Sinubukan nitong huwag matawa. Pero hindi rin niya nagawa iyon. Tinawanan nga niya ang may kapayatan niyang kaklase na si Speed.   "Isa kang komedyante! Ngayon, gusto mo pang maging kaibigan ako? Hindi nababagay ang isang tulad ko na maging kaibigan ka," wika ni Luke dito.   "Mukhang isa itong Tagisan? Kung ganoon," winika naman bigla ng kanilang guro at muling pumitik ito sa hangin. Sa isang kisap ng kanilang mga mata ay nagbagong muli ang paligid. Nasa ibabaw na sila ng isang may kalawakang pabilog na battle arena.   "Isang magandang lugar para sa Tagisan. Hindi ba?" tanong ni Sir Shin habang ang mga estudyante nila'y nagsipuntahan sa labas ng Battle Arena.   Naiwang magkaharap sina Speed at Luke. Habang ang kanilang guro, namagitan muna sa dalawa bago simulan ang laban.   "Ngayon, parte na ito ng pagsisimula ninyo sa Purif School. Bibihira ang paglalaban ng mga magkaibang Aura rito pero mukhang interesante ang mangyayari," seryosong winika ng guro sa dalawa.   "Kung sino ang unang susuko, mawawalan ng malay o kung sino ang unang malalaglag sa labas ay siya ang panalo..." dagdag pa nito at muli itong pumitik sa hangin. Kasunod noon ay bigla na lamang itong naglaho at napunta sa mga estudyante niyang nasa labas na ng paglalabanan.   "Panoorin ninyong mabuti ang laban. Ipapakita nito sa inyo na kayang maging bayani ng sinuman! Na kahit mahina ang aura nito, kaya nitong manalo!" sabi ni Sir Shin matapos pagmasdan ang mga Blue Aura niyang mga estudyante.   Dito ay biglang kumawala ang napakaliwanag na Blue Aura ni Luke. Nakangisi niyang pinagmasdan si Speed na nakahanda na rin habang nagliliwanag naman ang Violet nitong aura.   "Tatapusin ko na kaagad ito..." sambit ni Luke na biglang umusok ang kanang kamao. Bahagyang namula iyon, patunay na napakainit ng parteng iyon.   Mabilis siyang lumapit kay Speed na seryoso siyang pinagmamasdan. Sa pagkakataong iyon ay pinakawalan niya ang kanyang mainit na kamao. Nakatingin siya sa nakabukas na mukha ng kalaban. Kasabay ng mabilis na paghakbang ng kanyang kanang paa ay ang pagbulusok ng umuusok niyang suntok patungo rito.   Walang kahirap-hirap namang iniwasan iyon ni Speed. Nakita niya ang suntok na iyon gamit ang kanyang ability.   Si Luke, napangisi naman matapos iyon. Inaasahan na niya iyon. Kaya nga paglampas ng kanyang kamao ay mabilis niyang iginalaw ang kanyang mga paa. Nagpakawala pa nga ng mainit na usok ang kanyang katawan. Nakita rin niya ang pag-atras ni Speed. Napangisi muli siya at bigla siyang tumalon gamit ang usok na inilalabas ng kanyang mga paa.   Napakabilis noon, si Speed, nakita muli ang mangyayari, ngunit masyadong mabilis ang paparating na si Luke.   "Hindi maganda 'to," bulalas ni Speed na pagkaatras ay mabilis na nagpalabas ng Violet Aura. Nakikita niya na papalapit na ang suntok ni Luke sa kanyang mukha. Kailangang makaupo agad siya upang hindi nito tamaan, ngunit huli na ang lahat. Sapagkat, masyadong mabilis ang kanyang kalaban.   Sumabog ang usok na lumalabas mula sa mainit na kamao ni Luke. Napangisi siya dahil naramdaman niya ang pagtama ng kanyang kamao. Sa pagtama ng suntok na iyon sa mukha ni Speed, siya namang pagtalsik nito papalayo. Nagpagulong-gulong pa ito hanggang sa dumiretso ito sa dulo ng battle arena na nakahiga.   Nakita ng mga nasa labas ang nangyari.   "Imposibleng manalo ang isang iyan kay Luke," sambit ni Lasty na seryosong nakatingin sa nakabulagtang si Speed habang umuusok pa rin ang mukha nito dahil sa init.   "Ang Violet Aura ay mananatiling mahina. Hindi niya matatalo si Luke Manchester," wika naman ni Vruce na hinihimas-himas ang kanyang kamao.   Si Beazt, nakatingin lang sa kanyang kaibigan. Ni hindi siya nag-aalala rito sapagkat nararamdaman niya at malinaw niyang nakikita na patuloy na nagliliwanag ang aura ni Speed...   "Ang sakit!" bulalas ni Speed nang suntukin siya ni Beazt nang minsang sinubukan niyang labanan ito. Kahit na walang aura ang kanyang kaibigan ay hindi niya naman ito matalo-talo.   May mga araw na hinahamon niya ang kanyang kaibigan sa isang laban. Ginagawa niya ang lahat upang mapatumba si Beazt, ngunit hindi niya iyon magawa. Kaya sa huli, palagi siyang bugbog-sarado sa kanyang kaibigang ito.   Ilang taon nila itong ginagawa at kahit ilang ulit at palaging bugbog-sarado si Speed, ni minsan ay hindi ito sumuko na mapatumba ang kaibigan sa unang beses. Hanggang sa nitong nakaraang buwan ay nagawa na nga niya ito, napatumba niya si Beazt.   "Sa wakas, natamaan na kita at napatumba!" masayang wika ni Speed na namamaga na ang mukha at makikitang marami na ring dugo ang dumadaloy sa mga sugat nito.   Mabilis namang tumayo si Beazt. Hindi niya nakita ang ginawa ni Speed, at nabigla na lang siya nang may kung ano'ng tumakid sa kanyang binti. May kung anong inalis din ang kanyang kaibigan sa mga paa nito, at kung ano man iyon... mukhang iyon ang nagbigay ng bilis na hindi niya nakita.   "Mukhang nagpalakas ka na nga," mahinang wika ni Beazt sa kanyang kaibigang nakangiting bumagsak sa kanyang harapan.   *****   NAPAPANGITI si Speed habang nakahiga sa dulo ng battle arena. Nararamdaman niya ang sakit at init ng suntok na iyon ni Luke. Kung hindi siya makakabangon ay wala na siyang pag-asang manalo. Kaya iniwaglit niya ang sakit na nararamdaman mukha niya.   "Mas malakas sumuntok si Beazt kumpara sa iyo..." sabi niya sa sarili habang inaalala ng mga laban niya kay Beazt.   Naisip niya na kailangan niyang manalo. Kailangang may magawa siya para maipakita niya sa kanyang sarili na kaya niyang manalo at kaya niyang magligtas nang hindi kasama si Beazt.   Dito ay bumangon siya kaagad. Parang nahihilo siya pero nilabanan niya iyon. Nakita nga niya si Luke na naglalakad na papalapit sa kanya. Umuusok ang katawan nito habang nababalutan ng asul nitong aura.   Kinapa kaagad niya ang dalawang metal na palaging nakaikot sa taas ng kanyang mga paa. Mga pabigat ito na maraming taon na niyang suot-suot at isang beses pa lang nga niya ito sinubukang alisin.   Nang makita kasi niya noon ang araw-araw na pag-e-ensayo ni Beazt, naisipan niyang gayahin ito. Subalit mukhang ang katawan na meron si Beazt ay hindi niya matatamo sapagkat kahit gaano karaming isda at gaano karaming pagkain ang kanyang kainin ay hindi siya nagkakalaman.   Speed! Hindi niya ito ipinangalan sa kanyang sarili nang walang dahilan. Isa pa, nalaman niya na malaki ang naiitulong ng aura para mas mapalakas ang isang atake o mapabilis ang pagkilos ng isang indibidwal.   Inalis niya ang mabigat na bagay na iyon sa kanyang mga paa.   "Hindi ako basta lang umaasa sa aking kapangyarihan. Maraming paraan para manalo!" seryosong sinabi ni Speed at si Luke ay kasalukuyan na ngang nasa kanyang harapan.   Nagliwanag ang mga mata ni Speed. Nakita niyang yayakapin siya ni Luke upang ipadama ang napakainit nitong kapangyarihan.   Napangisi si Luke at mabilis na umabante habang ang mga bisig niya ay nakabukas.   "Tingnan ko kung makabangon ka pa pagkatapos nito!" bulalas ni Luke at kumawala ang napakaraming usok at singaw sa katawan nito.   "Steam Hell!" sambit pa nito at naramdaman ang napakainit na singaw sa buong paligid. Mabilis nitong niyakap si Speed. Ngunit bago pa man mangyari iyon ay mabilis nang napunta si Speed sa likod nito. Ang Violet Aura nito, naipon lamang sa mga paa nito. Hindi lang iyon, nababalot na rin ng aura ang kamao ng payat na binata.   "Hindi ito malakas na suntok pero, sapat na ito para mapabagsak kita!" bulalas ni Speed na kasalukuyang nasa likuran na ni Luke. Nararamdaman niyang tila pumapasok sa kanyang balat ang napakainit ng singaw na inilalabas ng kanyang kalaban.   "Akala mo ba matatalo mo ako? Mahina ka!" bulalas agad ni Luke na mabilis na hinarapan si Speed. Ang kanang kamao niya ay paparating na rin agad patungo kay Speed.   Kumawala ang malakas na hangin nang bitawan ni Luke ang suntok na iyon. Nagawa noong hawiin ang usok na dulot ng kanyang kapangyarihan. Ngunit wala siyang tinamaan.   Sa paggalaw ng mga paa ni Speed ay siya ring mabilis na paglalaho nito. Kasunod noon ay napatingin na lang si Luke sa ibaba niya.   Isang biglaang pagyuko mula kay Speed!   Naroon na nga si Speed na unti-unting umaangat. Aatras sana siya ngunit may kung ano'ng bagay ang bigla niyang naramdaman mula sa kalaban. Isang nakakapangilabot na pakiramdam!   Nagliyab ang Violet Aura ni Speed at naging tila apoy iyon. Kumawala ang malakas na hangin dahil doon at kasunod noon, tumama sa baba ni Luke ang isang malakas na right upper-cut punch na nababalutan ng aura ng binata.   Napatingala si Luke dahil sa pwersa noon. Unti-unti ring umangat ang mga paa niya mula sa kinatatayuan nito. Nadadala siya ng pwersa ng suntok na iyon. Hindi iyon sobrang lakas, ngunit may bwelo iyong sapat na upang madala ang kanyang katawan.   Habang nasa ere rin ang katawan ni Luke. Hindi naman huminto si Speed. Gamit ang kanyang bilis ay muli niyang ikinuyom ang kanyang kanang kamao. Nababalot pa rin iyon ng kanyang aura. Buong-lakas muli siyang humakbang pauna. Kasabay noon ay ang pagtama ng kanyang kamao sa katawan ni Luke na nagpatalsik dito patungo sa labas ng battle arena.   Kumawala ang hindi kalakasang hangin mula sa impact ng suntok na iyon.   Hiningal nga si Speed matapos iyon. Nakatingin lamang siya kay Luke na kasalukuyang nakaupo sa ibaba, sa labas ng kanilang pinaglabanan. Nasa labas na ito ng battle field, at ibig-sabihin noon... tinalo niya ang isang Blue Aura user.   Napahiyaw bigla sa tuwa ang tatlong Indigo Aura dahil doon. Ang mga Blue Aura users naman ay napatingin na lamang sa nakatayong si Speed. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan. Nanalo nga ito!   Si Beazt naman, napatingin na lang sa malayo matapos iyon. Nakikita niya ang tila apoy na aura ni Speed. Kagaya ng aura na ipinakita ng kanilang guro, ang nagliliyab na aura. Isa itong malinaw na patunay na kahit ang kanyang kaibigan pa ang nagtataglay ng pinakamahinang aura sa paaralang ito... kaya nitong makipagsabayan sa mga naglalakasang estudyante rito.   Napangiti si Sir Shin sa nasaksihan. Masyadong minaliit ni Luke si Speed, ito ang kahinaan ng mga tulad nito. Hindi sila nakakakita ng potensyal. Hindi sila nag-iisip ng mga posibilidad. Nasa isip lang nila na malakas sila kasi mahina ang aura ng kalaban.   Ngunit mali ito.   "Si Speed ang patunay na huwag kayo basta titingin sa kulay ng aura ng isang indibidwal. Huwag ninyong kalimutan na palaging may puwang ang pagpapalakas at palaging may tsansang manalo ang mga itinuturing nating mahina!" wika ng kanilang guro na pumanhik na sa taas ng battle arena.   Si Luke, tulala pa rin at hindi makapaniwalang nagawa siyang isahan ng isang indibidwal na may mahinang aura.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD