Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang mag-email siya kay Miko, pero wala pa ring sagot ang asawa. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin. Patuloy pa rin ang pamimilit ng Daddy niya na umuwi na siya. Pero may kasunduan sila ni Miko. Hindi siya babalik ng San Juan hangga't hindi sinasabi nito. Dahil parte ng kasunduan nila, si Miko ang gagastos sa pagtira niya sa New York.
"Hindi ako puwedeng basta na lang umuwi nang walang alam si Miko," bulong niya. Paos na ang boses niya. Dalawang gabi na siyang hindi maayos ang tulog. Pero sobrang pressure na rin niya sa Daddy niya. Ayaw niyang nagkakagulo ang pamilya dahil sa kanya. Lalo na't may edad na ang mga magulang niya. Dapat nag-e-enjoy na lang sila sa buhay, hindi na stress. Sa kanilang tatlo, siya pa yata ang pinaka-pasaway. Siya pa yata ang tanging problema.
Pangalawa siya sa magkakapatid. Ang Kuya Ariel niya, 25 years old na. Graduate ng business course sa kilalang university sa Pilipinas. Ang bunso nila na si Kate, high school pa lang at nasa kilalang university sa bayan. Negosyante ang Daddy niya. Kaya nito nakilala ang Papa ni Miko. Negosyante rin iyon.
"Please, anak. Umuwi ka na para sa ikatatahimik ng Daddy mo," pakiusap ng Mommy niya sa kanya isang gabi. "Hindi na siya nakakatulog. Lagi ka niyang iniisip."
"Sige po, Mommy. Uuwi na po ako ng San Juan. Kukuha na po ako ng ticket bukas," malungkot niyang sagot.
"Salamat, anak. Maraming salamat," tugon ng ina. Ginhawa ang boses nito. Lalo siyang nakonsensya. Buong buhay niya, hindi pa siya sumuway sa mga magulang. Ang gusto ng mga ito ang laging nasusunod. Pero siya pa rin ang "less favorite" kasi para sa kanila, problema lang ang dala niya.
Matapos ang usapan nila, tinawagan niya ang secretary ng asawa.
"Ms. Tan, nakausap niyo na po ba si Vice Mayor tungkol sa akin?" Pilit niyang pinatatag ang boses.
"Pasensya na, Mrs. Dela Cerna. Nag-note na po ako sa kanya pero wala pa pong response," sagot ng secretary. "Umalis po kasi kanina si Vice Mayor para sa business trip sa labas ng bansa. Kaya po siguro wala pang sagot."
Kibit-balikat na lang siyang tinapos ang tawag. Wala rin palang madaling paraan para makausap ang asawa niya. Bahala na si Miko kung magalit ito sa biglaan niyang pag-uwi.
Bago siya matulog, nag-email ulit siya kay Miko. Masakit sa mata ang liwanag ng laptop. Tatlong oras siyang nakatitig dito, binubura at sinusulat ulit ang message. Tinanong niya kung saan siya tutuloy. Alam niyang may sariling mamahaling bahay na ang asawa. Pero baka hindi siya nito patuluyin doon. Tinago nga siya nito. Ayaw nito na may makaalam tungkol sa kanila. Pwede naman siya sa bahay ng mga magulang niya. Pero baka magtaka ang Mommy at Daddy niya. Ang gusto ng mga ito, maayos na ang pagsasama nila ni Miko. Kaya siya pinauuwi para ayusin ang kasal nila. Pero wala namang pakialam sa kanya si Miko. Wala itong interes sa kanya.
Ganoon pa man, uuwi na siya. Para tumigil na ang mga magulang niya. Bahala na siya kung paano haharapin si Miko.
Kinabukasan, pagtapos ng klase, bumili agad siya ng ticket pa-Pilipinas. Nais lang niyang mapagbigyan ang mga magulang. Tiyak naman na wala ring mangyayari sa pagsasama nila ni Miko. Hindi naman nila mahal ang isa't isa.
Minsan na siyang nakibalita tungkol sa asawa. Sikat na Vice Mayor si Miko sa San Juan. Sikat dahil Del Cerna ito. Ang pinsan nitong si Mayor Mark Dela Cerna ang nakaupo ngayon. Aware siya na kahit kasal sila, iba-ibang babae pa rin ang na-li-link kay Miko. Hindi siya sure kung alam ng pamilya niya. Sana hindi. Malulungkot sila para sa kanya. Pero para sa kanya, okay lang. Hindi pa naman siya nag-i-invest ng feelings kay Miko.
Sa social media lang niya nakikita ang asawa. Hindi sa account nito, kundi sa mga balita at tsismis page. Kaya alam niyang mahilig ito sa artista, modelo, at may ilang beauty queen pang na-link dito sa loob ng dalawang taon nilang kasal.
Dalawang araw mula ngayon ang flight niya pa uwi ng Pinas. Iyon na ang pinakamalapit na date.
Pag-uwi niya sa apartment, chineck niya ulit ang email. Walang reply mula kay Miko.
"Ano pa nga ba ang aasahan ko sa asawa ko," bulong niya habang umiling.
May pasok pa siya kinabukasan kaya nag-ayos na siya ng gamit para mabawasan ang gagawin bago bumiyahe. Konting damit lang ang dadalhin niya. Hindi naman siya magtatagal sa San Juan. Sapat na makasama niya ang pamilya.
Bago matulog, nag-check ulit siya ng email. Umaasa. Pero wala pa rin.
Mabilis na lumipas ang mga araw. At ngayon na ang flight niya pauwi ng Pilipinas. Wala pa ring tugon si Miko. Nang tawagan niya ang secretary bago umalis, sabi lang nito nasa business trip pa rin ang asawa. Hindi man lang sinabi kung saang bansa.
Mabigat ang dibdib niya habang hinihila ang maleta sa airport. Pakiramdam niya, wala siyang kuwenta sa asawa niya. Hindi lang si Miko ang napilitan sa kasal nila. Pati siya. Pero never niyang binalewala ito.
Hindi niya alam ang mararamdaman nang makalapag ang eroplano. Kumakabog ang dibdib niya. Takot. Dahil hindi niya alam kung ano ang kakaharapin niya. Matapos ang kasal nila, ngayon lang ulit siya babalik ng San Juan.
"Dapat ba masaya ako?" tanong niya sa sarili habang naglalakad sa malawak na airport.
Hindi na siya nagpasundo sa mga magulang. Gusto niyang mag-isa. Malapit lang naman ang San Juan sa airport. Kaya na ng taxi. Magpapasundo sana siya kay Miko o sa mga tauhan nito. Pero walang sagot. Bente anyos na siya. Kaya na niyang bumiyahe mag-isa.
Paglabas niya ng airport, sinalubong siya ng maalinsangang hangin.
May lalaking pamilyar sa kanya na palabas din ng airport. Naka-shades na itim. Puting t-shirt, asul na jacket, asul na pants, at sneakers. May hawak na katamtamang laki na luxury bag. Pamilyar ang tindig.
"Miko..." Hindi siya pwedeng magkamali.
Palingon-lingon ito sa paligid, parang may hinahanap. Huminto ito malapit sa pintuan at sumilip sa loob. Maya-maya, may lumabas na magandang babae at agad na lumapit sa lalake.
Nanuyo ang lalamunan niya. Malaking jacket ang suot ng babae. Mukhang kay Miko pa. Maikling puting palda. Makikinis at mahahabang hita. Puting sneakers. Kulot at makintab ang buhok nito, sumasayaw sa hangin. May mamahalin ding bag. Napalunok siya nang maghawak-kamay ang dalawa. Samantalang siya, nakasunod lang ng tingin sa gilid. Ni hindi man lang siya napansin ng asawa niya.
Biglang sumikip ang dibdib niya. Sinundan niya ng tingin ang dalawa na lumapit sa itim na mamahaling sasakyan. May lalaking naka-uniporme na sumalubong para kunin ang bag ng dalawa at pagbuksan ng pinto. Unang pinasakay ni Miko ang babae. Saka ito sumunod. Walang lingon. Ni hindi man lang luminga sa paligid. Ni hindi man lang siya nakita ng asawa.
Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Para siyang na-estatwa. Ang mga paa niya, parang nakabaon sa semento. Napahawak siya sa dibdib. Para siyang tinutusok ng libo-libong karayom. Nanikip ang paghinga niya. Ang paligid, biglang umikot. Ang ingay ng airport, naglaho. Ang naririnig na lang niya ay ang kabog ng puso niya. Hindi ito ang inaasahan niyang sasalubong sa kanya makalipas ang dalawang taon.
"Bakit parang nasaktan ako?" bulong niya sa sarili. "Hindi ko siya mahal. Hindi niya ako mahal. Pero bakit pakiramdam ko, ako yung kabit? Ako yung nakikihalo sa buhay ng may buhay na?"