GANOON NA LAMANG ang malakas na pagsigaw ni Gabby na pumailanlang sa kabuuan ng puting kwarto. Nangangatog ang buong kalamnan niya nang magising dala ng matinding takot. Dama niya rin ang matinding pagkataranta habang sumisiksik sa isang sulok. Mayamaya pa, kumawala naman ang malakas na pagsigaw sa dalaga. Dama roon ang matinding takot na hindi maipaliwanag.
Dali-dali naman ang paglapit sa kanya ni Ruthy. Niyakap kaagad siya ng kaibigan at kinulong sa malaki nitong katawan. Paulit-ulit ang pilit na pagpapakalma nito sa kanya ngunit sigaw-sigaw pa rin nang sigaw si Gabby.
Patuloy na naglalaro sa isipan niya ang pagkuha sa kanya ng mga lalaki. Pilit siyang binibitbit ng mga ito papasok sa kagubatan. Nang pumalag siya upang makatakas sa mga ito, nakita niya kung paano barilin ang kanilang assistant director na kasama sa mga dinala. Nang makita ang itsura nito, habang lumalapit sa kanya, doon na siya nakaramdam ng matinding pagsisisi at takot. Bumagsak ang pobreng katrabaho na dilat ang mga mata at sumusuka ng dugo sa kanyang harapan. Pula. Kidiliman ang nakita ng dalaga habang paulit-ulit ang kanyang pagsigaw. Nagkaroon siya ng panic attack nang mga sandaling iyon. Hindi na maalala ni Gabby ang mga sumunod na nangyari sa kanya. Bukod sa mga sunod-sunod na putukan, wala na siyang ibang maalala pa.
“Hey, Gabby!” paulit-ulit ang naging pagtawag sa kanya ni Ruthy. Hindi ito tumitigil hanggang hindi nakukuha ang atensyon niya. “Gabby! Calm down…”
Nang bigo siyang mapakalma ni Ruthy, tatayo na sana ang kaibigan niya sa kanyang tabi upang tumawag ng doktor ngunit pinigilan niya ito. Naging mahigpit ang yakap niya rito habang kumakawala ang mahinang pag-iyak.
“Don’t leave me, please…” pakiusap niya sa kaibigan. Natatakot siya nang mga sandaling iyon na mag-isa. Pakiramdam niya sa oras na iwan siya ng kaibigan ay may susunod sa kanya upang kunin siya.
Hindi alam ni Gabby kung ilang oras siya na nasa ganoong posisyon. Hindi niya rin namalayan na nakatulog na pala siya at iniayos ni Ruthy ang kanyang pagkakahiga. Nang maalimpungatan, nasa maayos na siyang posisyon at nakakarinig ng mahinang sagutan sa labas ng pinto. Banda roon sa receiving area ng kwartong kanyang inaakupa.
“Ano bang klaseng hospital ito? Sinabi ko ng harangin ang media, na huwag magpapasok sa building ng reporter pero hindi nakinig—stress!” tuloy-tuloy na talak ni Ruthy.
Iminulat ni Gabby ang kanyang mga mata. Ang kaibigan kaagad ang una niyang hinanap. May pinindot na naman ito sa cellphone at may kausap na naman sa kabilang linya.
“What is this Mr. Antonio? I told you, don’t play dirty with us. We will not come back to your agency!” galit na sabi ni Ruthy. “Anong tingin niyo sa kaibigan ko, robot? Hindi porque nasa kasagsagan ng karera ang kaibigan ko, aabusuhin niyo na ang tao! File a lawsuit then. Sa tingin mo natatakot kami? Hindi mo kilala ang binabangga mo. Watch your mouth, Mr. Antonio! Talk to our lawyer. Huwag kang dumagdag sa init ng ulo ko!” galit nitong pinatayan ng telepono ang kausap.
Nagsunod-sunod naman ang pag-iling ni Gabby. Kapag galit ang kaibigan, nakakalimutan niyang beki ito dahil biglang nagkakaroon ng malalim na boses. Wala na rin sa tono nito ang malambot at nakakarinding tinig.
Tatawagin niya na sana ang kaibigan nang may pumasok sa kwarto na hindi niya inaasahang tao. Dali-dali ang pagpikit ni Gabby ng kanyang mga mata sa takot na malaman nitong gising siya. Hindi pa siya handang makipag-usap dito. Alam niyang mapapagalitan na naman siya ng ama. Iniiwasan niyang mangyari iyon. Hindi pa stable ang lagay ng utak niya at ng pakiramdam.
“Mr. Villa,” bati ng kanyang kaibigan.
Pasimpleng tumingin si Gabby sa kaibigan niya nang mapansing hindi nakatingin ang ama sa kanyang direksyon. Buo pa rin kase ang boses ng kaibigan. Timing ang pagdating ng ama niya na galit pa rin si Ruthy.
“What is this mess?” seryosong tanong ng ama niya. Ang tinutukoy nito ay ang kaguluhan sa labas. Naroon pa rin ang media.
Tumaas naman ang kilay ni Ruthy. “Excuse me? Hindi ba dapat ang itatanong mo ay kumusta na ang anak mo? Bilib talaga ako sa pagiging tatay mo, Mr. Villa.”
“Fix this problem,” sabi ng daddy niya.
Nagsunod-sunod ang pag-iling ni Ruthy. Mukhang hindi lalo nagustuhan ng kaibigan niya ang sinabi ng ama niya.
“Ang anak mo ang agrabyado rito, Mr. Villa. Nakaligtas siya ngunit ang trauma na hatid sa kanya ay hindi ganoon-ganoon lang. Katutulog pa nga lang niyang si Gabby. Hindi ko maiwan kase nangangatog sa takot,” sandaling natahimik si Ruthy. Pinagmasdan nito ang ama niya na hindi umiimik. “What is this? Balak mong muling tumakbo, Mr. Villa? Kaya ba nagpunta ka rito para masabing mabuti kang ama? Nag-aalala ka rin sa kontrobersya kung sakaling madawit ang pangalan mo kay Gabby?”
Bahagyang natawa ang kaibigan niya nang hindi sumagot ang dad niya.
“Kung tapos ka na magsalita, Mr. Villa, makakaalis na ako. Nakakasira ka ng beauty,” saad ng kaibigan niya bago magtuloy-tuloy ng pagpasok sa kanyang kwarto. Dali-dali rin ang pagsarado nito roon ng pinto.
Natawa siya nang hawakan ng kaibigan ang dibdib nito at paghinga nang malalim.
“Ayos ka lang?” mahina niyang tanong sa kaibigan nang idilat nito ang mga mata.
Nagkunwari naman itong umiiyak na lumapit sa kanya upang yumakap.
Ipinikit na lamang ni Gabby ang mga mata nang iyakap din ang braso sa kaibigan. Lihim siyang nagpapasalamat dito dahil kahit na anong pagtataboy niya, hindi siya iniwan nito. Sa mga panahong kailangan niya ng karamay, nasa tabi niya rin si Ruthy. Hindi niya nararamdaman ang pagiging mag-isa. Ito ang nag-iisang nasa tabi niya kapag kailangan niya ng masasandalan.
Aksidenteng nabaling ang tingin ni Gabby sa orasan ng hospital. Ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata niya nang makita ang oras doon. Dali-dali ang pagkuha niya ng remote upang buksan ang tv at ilipat sa isang channel.
“Napano ka?”
Nagtatakang tanong ng kaibigan niya nang mapansin ang pagbagsak ng katawan niya sa higaan.
“Hindi ko napanood ang laban ni Conrad,” gusto niyang maiyak nang mga sandaling iyon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi niya napanood ang laban ng ultimate crush niya. Magsimula nang mag-fangirl siya rito, wala ng laban na hindi niya napanood ang binata. Dali-dali ang pagkuha niya ng cellphone upang hanapin ang bagong article ukol sa binata. Ganoon na lamang ang pagpapasalamat niya nang mabasang nanalo pa rin ito.
“Te, patay na patay ka talaga sa Conrad na iyan,” nakataas ang kilay ni Ruthy.
“Ulit-ulit?” nakangiti niyang tanong sa kaibigan. Hindi niya itatanggi ang sinabi nito kase may katotohanan iyon.
Magsimula nang iligtas siya ng binata sa bar, hindi niya na ito nakalimutan. Kaya nang itadhanang makita niya muli ang binata sa isang MMA fight, hindi niya na ito nilubayan. Kapag may extra siyang oras, ito kaagad ang pinupuntahan niya. Gumagawa rin siya ng paraan upang mapanood ang mga laban nito. Ganoon ang mga naging gawi niya sa loob ng isang taon na patuloy na pagsunod sa binata. Patuloy niya pa ring ginagawa iyon kahit pa ilang ulit na siya nitong pinagtatabuyan.