Chapter 31

2806 Words
Naging mabilis ang paglipas ng mga oras, araw, linggo at buwan. Kahit na buwan-buwan ang pagpapacheck-up si Atasha kay Dra. Marquez ay parang kailan lang ang lahat. Nasa anim na buwan na ang ipinagbubuntis ni Atasha. Kahit medyo malaki na ang kanyang sinapupunan ay naiitago naman iyon ng makapal at malaking kasuotan. "Hey little sprout," ani William habang nakaluhod sa tapat ng tiyan ni Atasha. Bigla namang gumalaw ang sanggol sa sinapupunan nito kaya naman naramdaman ni William ang paggalaw ng kanyang anak. "Wooh," aniya at masayang tumingin sa mukha ng babaeng kanyang sinisinta. "And why?" Nakataas ang kilay na tanong ni Atasha. Unti-unti namang sumilay ang ngiti sa labi ni William. "Pregnancy suits you." "How do you say so?" "Ang taray naman ng love ko. Ito talaga hindi biro ah. Habang lumalaki sa sinapupunan mo ang anak natin mas lalo kang gumaganda," seryoso at hindi kakikitaan ng pagbibiro ang mukha ni William. Naroon ang sinseridad sa tono ng boses nito. "Tumayo ka na nga dyan at baka nangangalay ka lang. Huwag ako William Del Vechio. Kahit ganito ako kaputi ay makikita ang pangingitim ng kilikili ko. Pansin din ang malaking pagbabago sa akin at alam kung pumapangit ako. Hindi ito ang unang pagbubuntis ko. Kaya huwag mo akong niloloko." "Love, seryoso ako. Sa tingin mo ba magagawa ko pang magbiro sa mga oras na ito? Masaya lang ako sa sinabi ni doktora na healthy kayo pareho ng anak natin. Ang baby boy natin," ani William na kahit na papaano ay ikinatango ni Atasha. Nakapagpaultrasound na rin siya. Kahit inaasahan nilang lalaki ang ipinagbubuntis ni Atasha, lalo na at dumaan ito sa sperm insemination ay iba pa rin ang pakiramdam na malaman mong lalaki talaga ang ipinagbubuntis niya. Kagagaling lang nila ni William kanina sa ospital kung saan naroon ang klinika ni Dra. Marquez na kanyang ob-gyne. Kahapon pa lang ay inihatid na ni William si Juaquim kay Nanay Rosing kaya naman hindi na nila kasama ang bata. Ngayon naman ay kauuwi na nila sa condo ni William. Hindi na rin naman nagtanong si Nanay Rosing kung bakit hindi na nakasama si Atasha sa paghahatid kay Juaquim. Kahit hanggang ngayon ay wala pa ring ibang nakakaalam ng pagbubuntis ni Atasha. "Love, wala ka pa bang balak ipaalam sa anak mo at sa Nanay Rosing mo ang estado nating dalawa? Oo nga at wala tayong lebel sa tawag sa ating relasyon dahil hindi mo pa ako sinasagot. Ngunit seryoso naman ako sa iyo Atasha." Napabuntong-hininga si Atasha. Hindi niya alam kung bakit may pumipigil sa kanya na sagutin si William. Gayong halos daig pa nilang magkasintahan sa ka-sweet-an na ipinapakita at ipinaparamdam sa kanya ni William. Kay William lang niya naramdaman na parang binubuo nito ang pamilyang wala siya. Sa binata niya naramdaman ang pagmamahal na ipinagkait ng ex niya. Higit sa lahat ang ipinaparamdam nitong pagmamahal sa kanyang anak, na hindi niya inaasahan. At ang pagrespeto nito sa kanya at sa kanyang Nanay Rosing na kahit hindi niya ito totoong kadugo. "Hindi pa ako handa, ngunit---." "Ngunit? What it is love?" "Kung sasabihin ko ba sa iyong mahal kita magiging masaya ka? Kung sasabihin ko bang gusto kong subukan na magkaroon ng lebel ang relasyon natin matutuwa ka?" Natigilan naman si William sa narinig. Parang sandali ay tumigil sa pagpintig ang kanyang puso. Hindi dahil sa kaba. Kundi dahil sa saya na kanyang nadarama. "Totoo ba ang sinasabi mo Atasha? Sinasagot mo na ako? Papayag ka ng maging kasintahan ko? Oh God! Pangako mamahalin ko si Juaquim na parang isang tunay kong anak. Hindi ako magkukulang at hindi ko ipaparamdam na parang hindi siya akin. Dahil siya ang magiging panganay nating dalawa. Thank you love. Salamat Atasha," masayang saad ni William at hindi na napigilang yakapin si Atasha. Natigilan naman si Atasha ng maramdaman ang pagyugyog ng balikat ni William. Umiiyak ito. Doon hindi na rin napigilan ni Atasha ang paglandas ng kanyang mga luha. Sobrang saya niya. Hindi niya akalaing may lalaki pang labis na magmamahal sa kanya sa kabila ng mga maling nangyari sa kanya. Dumating si Juaquim sa kanya noong panahong naghahanap siya ng ambon ng pagmamahal. Habang ngayon, dumating sa buhay nilang mag-ina si William sa oras na hindi nila inaasahan at ang pagmamahal nito sa kanilang mag-ina na wari mo ay isang panaginip lamang. Iyong tipong pang fairytale, ngunit totoong nangyayari pala sa tunay na buhay. Ang pagmamahal na labis, totoo at tapat. "I love you Atasha," ani William at hinalikan sa labi si Atasha. Hindi na rin naman nagulat si Atasha. Dati pa man ay malaya siya nitong nahahalikan. Ngunit ang una at isang beses na may nangyari sa kanila ay hindi na nasundan. Ayaw din naman niyang isipin ni William na ayos lang sa kanya ang ganoon. Lalo na at hindi naman talaga. Kahit sabihing dalaga siyang ina at dinadala niya ang anak ng lalaki ay hindi niya ibababa ang buong pagkatao niya ng dahil lang sa tawag ng laman. Ang nangyari noon ay dala lang ng kanyang pagbubuntis ngunit hindi naman niya pinagsisisihan. Pero mas mabuti pa ring alam ni William ang limitasyon nila. Na iba ang pagmamahal sa pagnanasa. Tulad ng nararamdaman nilang dalawa ngayon. Totoong pagmamahal. "Mahal din kita Liam." "Thank you love." At muli ay hinalikan ni William si Atasha. Tinugon ni Atasha ang halik na iyon. Lalo na at nadadala na rin siya. Wala namang masama kung magpaubaya. Mahal niya si William at mahal din siya nito. At alam niya ang limitasyon sa kanyang sarili. Halik lamg iyon at hindi sila lalampas doon kahut ngayon ay mayroon na silang relasyon. Ngunit sabay silang nahinto ng biglang tumunog ang doorbell. Itinulak ni Atasha si William na ikinasimangot nito. "Wrong timing," reklamo ni William kaya naman natawa na lang siya. "Sige na, nagugutom na ako. Baka ayan na ang order nating pagkain." "Oo na po. Ano pa nga ba?" Natatawa na lang si Atasha. Kahit naman siya ay nabitin sa halik na pinagsasaluhan nilang dalawa. Nakatanaw lang si Atasha kay William habang papalapit sa may pintuan. Pagbukas nito ng pintuan ay nasilip pa niya ang pamilyar na mukha ng food delivery rider. Bigla itong napaatras ng bumukas ang pintuan. Ilang segundo ring nakatitig ang nasa labas kay William bago ito nagbawi ng tingin at medyo iniiwas na ipakita ang mukha na ipinagtaka niya. Mabilis naman siyang lumapit kay William at binati ang babae. "Hi! Ikaw iyong babae dati di ba?" aniya na mas ikinayuko lalo ng ulo ng delivery rider. "Babae?" nagtatakang tanong ni William na hindi niya napansing babae nga ang kaharap. Naka suot ito ng sumbrero at wala naman siyang nakikitang mahabang buhok. Bukod pa duon ay naka jacket ito na may tatak ng restaurant na pinagtatrabahuhan nito. "Nagkakamali ka ma'am. Ngayon lang ako nakapagdeliver dito," sagot nito na medyo tinakpan ang mukha. "Bakit parang ikaw iyon. Maaari mo bang alisin ang sumbrero mo?" ani Atasha at mas lalong nagbigay distansya ang babae. Saglit namang natigilan ni William ng mapansin ang titig nitong sa tingin niya ay nakita na niya noon. "Sir, ma'am, order ninyo," wika pa nito at iniabot na kay William ang supot ng pagkain. Wala na rin namang nagawa si William at tinanggap na iyon Nasundan na lang nila ng tingin ang food delivery rider ng mabilis itong umalis sa kanilang harapan. Nagkatinginan pa silang dalawa ng sa halip maghintay na bumukas ang elevator ay tinungo nito ang hagdanan, at doon ito bumaba. "Kilala mo ba ang taong iyon love?" tanong ni William na ikinailing niya. Totoo namang hindi niya kilala ang babae. Noong unang beses na nakita nila ni Juaquim ang babae ay napansin lang naman talaga nilang medyo masama ang pakiramdam nito kaya pinatuloy nila sa loob ng condo. Ngunit umalis din naman kaagad ng hindi nagpapaalam. Kaya hindi na niya natanong ito. "Hindi. Pero nakapagdeliver na siya dati dito. Hindi ako maaaring magkamali. Dahil pinatuloy ko siya dito sa loob ng mapansin namin ni Juaquim na medyo sumama yata ang pakiramdam niya. Nanginginig siya." "Love, bakit mo naman pinapasok? Paano kung masamang tao iyon at ginawan kayo ng masama ni Juaquim." "Walang nangyari sa aming masama okay. Nakikita mo naman na maayos kami, ako. Isa pa ay napakatagal na noong pangyayari na iyon. Halos nakalimutan ko na nga at ilang buwan na rin naman ang nagdaan. Naalala ko lang dahil namukhaan ko siya. Hindi mo ba napansing babae iyong nagdeliver ng pagkain?" tanong ni Atasha na ikinailing lang ni William. Totoo namang hindi niya napansin kung babae nga ang nagdedeliver sa kanila ng pagkain. Hindi naman niya tinitingnan ang itsura nito. Ang mahalaga ay maihatid nito ng maayos ang pagkaing order nila. Ngunit may isang parte sa isipan ni William na hindi niya maipaliwanag. Alam na niyang nakita na niya ang mga matang iyon at ang mga titig na iyon ng babaeng sinasabi ni Atasha. Ngunit wala siyang maisip kung saan niya iyon nakita. Pinilit iwaksi ni William ang isipan sa kanyang nakita at kakaibang nararamdaman. Inaya na niya si Atasha patungong kusina at para makakain na rin. Lalo na at medyo dumidilim na rin. Samantala, mula sa may hagdanan ay muling lumabas ang babaeng siyang naghatid ng pagkain nina William at Atasha. Kasabay ng paglapat ng pintuan ng condo ni William, ay siyang ang pag-agos ng kanyang mga luha. Nakatingin siya sa saradong pintuan. Umiiyak, nasasaktan. Nagtatanong sa sarili kung ano ang mali sa kanya. Bakit naniwala lang ang binata sa nakikita ng mga mata nito. At hindi ang isinisigaw ng puso nito. Napahugot siya ng hangin. "Bakit hindi mo ako hinanap? Bakit hindi mo man lang nalaman na nawawala ako?" wika niya habang patuloy lang sa pag-iyak. Naalala pa niya noong nagising siya sa isang pampublikong ospital sa isang malayong probinsya. "Nasaan ako?" iyon kaagad ang naitanong niya sa sarili ng mapansin niyang nasa loob siya ng isang silid. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa niya doon at kung ano ang nangyari sa kanya. Hanggang sa mapansin niya ang paglapit ng isang babae sa kamang kinalalagyan niya. Kitang-kita sa mga mata ng babae ang labis na kasiyahan ng makitang gising na siya. Na labis niyang ipinagtaka. Mabilis itong lumabas ng silid at tatawag daw ito ng doktor. Doon lang niya napagtantong nasa ospital siya at ang babaeng lumabas sa silid na iyon ay isang nurse. Ilang sandali pa at may pumasok na doktor kasunod ang nurse kanina. Sinuri nito ang kanyang mata, blood pressure at kung anu-ano pa. Hanggang sa magsalita ito. "Ano ang pangalan mo hija?" tanong ng doktor na nagpahinto sa kanya sa pag-iisip. Tinitigan niya ang doktor sa mata. Hanggang sa mapagtanto niyang hindi niya kilala ang sarili kaya naman umiling na lang siya. "As I expected, maaari mo talagang maranasan na magkaroon ng amnesia. Lalo na at napakatagal mong walang malay. Higit sa lahat dahil sa injury na natamo mo," paliwanag ng doktor. Pero wala din naman siyang maapuhap na sasabihin. Kahit isang salita ay walang pumasok sa kanyang isipan. Alam niyang nakikita ng doktor ang pag-aalinlangan niya sa mga mata. Hindi niya alam kung bakit hindi pa niya kayang ibuka ang bibig para makapagsalita. Siguro nga ay matagal siyang walang malay. Kung gaano katagal ay hindi niya alam. Napahugot ito ng hangin at hinawakan ng doktor ang kanyang kamay. Ramdam niya ang init ng palad nito na nagpapahiwatig na huwag niyang piliting makaalala at maaayos din ang lahat. "Maging matatag ka hija sa malalaman mo. Lalo na at ang mag-asawang tumitingin sa iyo dito ay hindi ka rin daw nila kilala. Walang identification na nakuha sa iyo para malaman kung sino ka. Ipinagpaalam ka namin sa mga pulis na baka may naghahanap sa iyo. Pero wala talaga. Kaya naman sinagot namin ang lahat ng gastos mo dito sa ospital at nananalangin kaming sana ay magising ka. At ito na nga. Hindi mo kami binigo. Salamat hija," paliwanag ng doktor ngunit hindi naman niya nakuha ang gusto niyang marinig. Pinipilit niyang magsalita ngunit nahihirapan talaga siya. Hanggang sa nagpatuloy ang doktor. "Hindi ko alam kung makakatulong sa iyo ang sasabihin ko. Ngunit alam kung kahit kagigising mo pa lang ay kailangan mo itong malaman." Saglit pang tumigil sa pagsasalita ang doktor. "Hija, iyong mag-asawa na nakakita sa iyo ay medyo matanda na at nangangalakal ng basura. Mahirap lang sila at hindi nila alam ang gagawin ng makita ka nilang walang malay sa basurahan. Duguan ka at matindi ang tama sa iyong ulo. Dahilan kaya naapektuhan ang alaala mo ngayon. Higit sa lahat, halos isang taon ka ring walang malay." Hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang maramdaman sa mga oras na iyon. Maliban na lang na ang mga luha sa kanyang mga mata ay unti-unti na ring nag-unahang bumagsak. Iniwan na sila ng nurse, pero naroon pa rin ang doktor hanggang sa may dumating na mag-asawa na sinasabi nito Nakatitig lang siya sa mga ito habang nag-uusap-usap. Sa tingin niya ay nasa edad sitenta hanggang otsenta na ang mag-asawa. Lumapit ang matandag babae sa kanya at umiyak nang umiyak. Nagpasalamat ito ng nagpasalamat sa Panginoon habang umuusal ng panalangin dahil nagkamalay na siya. Ilang buwan pa ang itinagal niya sa ospital hanggang sa makarecover ang kanyang katawan. Wala silang binayaran sa ospital lalo na at itinuring na milagro ang nangyari sa kanya. Nakatanggap pa ng tulong pinansyal ang mag-asawa dahil sa kabutihang loob na ipinamalas ng mga ito. Sa maliit na bahay ng mag-asawa siya nanirahan. Para na rin makatulong sa mga ito sa gawaing bahay at sa buong puso niyang pagpapasalamat sa dalawang matanda. "Tala, kakain na," tawag sa kanya ng kanyang inay. Tala ang ipinangalan ng mga ito sa kanya. Lalo na at gabi noong matagpuan siya ng mga ito. At tanging bituin lamang ang tanglaw. "Opo inay." Nag-alay pa ng panalangin ang mag-asawa bilang pasasalamat sa pagkaing nakahayin sa mesa. Simple lang iyon, tuyo, gulay at kanin. Ngunit labis-labis ang pagpapasalamat ng mag-asawa sa pagkain nakahayin sa hapag. Siya man ay labis na nagpapasalamat sa mag-asawa. Hindi man siya lubusang kilala ng mga ito, ngunit heto siya at kung ituring ng mag-asawa ay daig pang anak na totoo. "Inay, itay, salamat po sa pag-aalaga at pagkupkop sa akin. Alam ko pong darating din ang panahon na makakabawi ako sa inyo. Ako naman po ang tutulong sa inyo at bibigyan ko kayo ng magihawang buhay," naiiyak na saad ni Tala. Kahit ang mag-asawa ay naiyak din. "Salamat anak. Masaya na kami ng iyong itay na maranasang magkaroon ng anak sa pamamagitan mo. Biyaya sa aming mag-asawa ang pagdating mo. Higit sa lahat tingnan mo naman kami ngayon. Noon nagkakalakal kami ng basura, pero napansin nila ang pagtulong namin sa iyo, kahit sa katotohanang bukal iyon sa aming puso at walang hinihingingng kapalit. Pero heto ay mayroon na tayong maliit na tindahan na bigay nila," wika pa ng kanyang inay. "Hindi po ba ako naging pabigat sa inyo?" "Mas lalong hindi anak. Masaya kami ng iyong inay na makilala ka. At mas lalo kaming naging masaya ng magising ka at ngayon kasama ka na namin dito sa aming munting tahanan," sagot pa ng kanyang itay. Kahit naiiyak ay masayang-masaya si Tala sa mga sinabi ng natagpuan niyang mga magulang. Naramdaman niyang labis siyang mahal ng mga ito. Kahit siya man ay nabuo ang sobrang pagmamahal sa mag-asawa. Ilang taon na rin naman ang lumipas at wala talagang naghanap sa kanya. Kaya tinanggap na niya sa sariling baka totoong wala na siyang pamilya. At maaaring aksidente lang talaga ang lahat ng pagkakakita sa kanya ng mag-asawa at maaaring biktima talaga siya ng hit and run, na unang naging resulta ng imbestigasyon. Ngunit natakot ang mga gumawa, kaya sa halip na basta na lang siya iwan sa tabing kalsada ay itinapon siya sa basurahan. Magkakasamang namamalengke ng paninda sina Tala at ang mag-asawa. Pauwi na sila sa mga oras na iyon at sakay na ng tricycle. Nang biglang may isang truck na kasalubong nila ang kinain ang linyang tinatahak nila. Huli na para makaiwas ang driver at sinalpok sila ng truck. Dahil siya ang mas bata ay siya ang naupo noon sa hulihan ng driver at ang mag-asawa ang nasa loob. Pareho silang tumalsik ng driver sa gilid ng kalsada. Hanggang sa ang huli niyang natatandaan ay ang pagkayupi ng tricycle sa lakas ng pagkakabangga. At ang pinakamasakit ay, hindi nakaligtas ang mag-asawa. Dead on the spot ang dalawa. Nagising na lang si Tala sa ospital. Doon kasabay ng pagmulat ng kanyang mga mata, ay dumaan sa kanyang isipan ang kung anu-anong alaala. Ang imahe ng dalawang matandang kumupkop sa kanya mula ng magising siya noon sa ospital, ilang taon na ang nakakaraan. Ang pangalang Tala na ibinigay ng mag-asawa sa kanya. Hanggang sa kung paano nawala ang kanyang alaala. At kung paano ito bumalik sa mga oras na iyon. "Teresa. Ako si Teresa," aniya habang walang patid ang kanyang pag-iyak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD