Napahugot ng hininga si Atasha ng makarating siya ng bahay. Pagod na pagod ang katawan niya sa paghahanap ng trabaho. Ngunit ni isang kompanya ay wala man lang tumanggap sa kanya. Parang gusto na lang niyang umiyak at sumuko. Ngunit pagnaiisip niya ang pagsuko. Palagi namang ipinapaalala ng isipan niya sa kanya ang munting anghel na dahilan para lumaban siya sa buhay. Si Juaquim, at ang nag-iisang taong tumanggap sa kanya.
Ipinikit ni Atasha ang mga mata. Isinandal din niya sa sandalan ng upuan ang pagal niyang katawan. Gaano na ba katagal mula ng mamuhay siyang malayo sa mga magulang? Matagal na rin, napakatagal na.
Napabangon bigla si Atasha ng maalala niya ang nangyari sa nakaraang gabi. Ngunit sa pakiramdam niyang daig pa niya ang binugbog ay bigla din siyang bumagsak sa kamang kinahihigaan. Inilibot niya ang paningin sa paligid. Mag-isa na rin siya sa silid na iyon. Wala ni isang palatandaan ng lalaking nakasama niya.
"Ano bang nangyari? Ano bang ginawa ko?" tanong niya sa sarili. Hanggang sa unti-unting naging malinaw ang lahat.
Naalala niya ang ginawang panloloko sa kanya ni Jiho. Kasunod noon ang paglalasing na ginawa niya sa club na pinuntahan niya. Madami siyang nainom. Ngunit hindi nag-init ang kanyang katawan katulad ng nangyari pagkatapos niyang inumin ang alak na huling order niya, na iniabot sa kanya noong may edad na lalaki.
Oo nga at sa tingin niya ay may edad na ito, dahil ka features iyon ng daddy niya. Pero kahit saang tingnan ay matipuno naman ito at hindi naman nakakahiyang makita na kasama niya. Ngunit sa nangyari sa kanyang iyon. Ano na lang ang magiging buhay niya?
Itinaas niya ang kumot na tumatabon sa kanyang katawan. Doon nakita niya ang mapupulang marka na alam niyang walang ibang may gawa kundi ang lalaking nakaniig niya sa nagdaang gabi.
Bigla na lang tumulo ang mga luha sa mata ni Atasha. "Ano ang gagawin ko kung magbunga ang katangahan ko? Hindi lang isang beses na pinagsawa ng lalaking iyon ang sarili sa aking katawan kundi ilang beses pa. Wala siyang proteksyon at alam ko iyon. Hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa ang lahat ng kanyang ginawa." Lalo lang siyang napahagulhol ng iyak.
Pilit niyang inaalala ang mukha ng lalaki ngunit dahil sa kalasingan ay hindi talaga niya matandaan. Madilim noon kaya paano niya makikita ang mukha nito. Kahit anong pilit niya hindi niya maalala ang lahat. Ang sinabi ng ng bartender matandang lalaki ang tumabi sa kanya. Alam din niyang iyong lalaking iyon ang nagdala sa kanya sa silid na iyon.
"Pero bakit parang?" Hindi na niya magawang ituloy ang iniisip. Lalo na at hindi talaga niya maalala ang lahat.
Pinilit niyang bumangon. Sinamsam niya ang mga nagkalat niyang damit na kung saan-saan nakapatong. Nagtungo siya sa banyo para maglinis ng katawan. Kahit ayaw niyang isuot ang damit niya sa nakaraang araw ay wala naman siyang pagpipilian. Pasalamat na lang siya na sling bag ang dala niya. Nakasabit iyon sa katawan niya kaya hindi naiwan kung saan-saan. At kasama lang ng damit niya iyon na nakakalat lang din sa sahig.
Lumabas siya ng motel at humanap ng taxi. Nagpahatid siya sa may club, dahil naroon ang kotse niya.
Dalawang buwan ang lumipas. Pilit niyang kinakalimutan ang gabing iyon sa buhay niya. Ngunit sabi nga walang lihim na hindi nabubunyag. Nakaramdam siya ng pagsama ng pakiramdam. Hanggang sa bigla na lang siyang nawalan ng malay. Nagising na lang siya na nasa loob ng isang silid sa ospital.
"Ayos ka lang Atasha?" nag-aalalang tanong ng Mommy Tasha niya.
"Opo mommy, ano po ang nangyari?"
"Hindi ko rin alam anak. Bigla ka na lang nawalan ng malay kaya isinugod ka na namin ng daddy mo sa ospital."
"Ganoon po ba? May nasabi na po ba ang doktor sa inyo na dahilan kung bakit po ako nawalan ng malay?"
"Wala pa anak. Ngunit madami na silang nagawang laboratory test sa iyo. Kinuhanan ka na nila ng dugo. Ang isa pa ay nagperform sila ng pelvic ultrasound. Hindi ko alam anak kung para saan. Pero ang sabi ng doktor para sigurado. Mamaya ilalabas nila ang resulta," paliwanag ng mommy niya.
Doon binalot ng kaba si Atasha. Hindi pa naman siya sigurado. Ngunit ilang linggo na rin siyang nakakaramdam palagi ng mabilis na pagkapagod at pagkahilo. Idagdag pa ang malimit niyang pagsusuka. Nagdududa na siya sa nararamdaman. Pero binaliwala niya ang lahat ng iyon. Ngayon ay nasa ospital sila at mukhang alam na niya ang mangyayari.
Ilang sandali pa at pumasok ang doktor sa silid na inuukupa niya. Habang ang mommy niya ay puno ng pag-aalala, naroon naman ang matalim na tingin ng ama na kasunod ng doktor. Parang nahuhulaan na niyang tama ang kanyang hinala.
Nakangiti pa ang doktor ng iabot sa mommy niya ang resulta ng mga laboratory test niya. Tapos ay tiningnan siya ng doktor. "Congratulations Ms. Castellejo, you are eight weeks pregnant," nakangiting saad pa ng doktor.
Wala ni isa sa kanila ang nagsalita. Hanggang sa magpaalam ang doktor sa kanila. Kahit naman si Atasha ay hindi malaman ang sasabihin. Hanggang sa basagin ng daddy niya ang nakakabinging katahimikan.
"Ayusin mo na Tasha ang gamit ninyo at uuwi na tayo sa bahay." Iyon lang ang sinabi ng daddy niya at lumabas na ito ng silid na iyon.
Tahimik lang siyang nakatingin sa mommy niya. Busy ito sa ginagawa, ngunit hindi siya iniimikan.
"Mommy."
"Please don't talk to me Atasha. Sa bahay na tayo mag-usap."
Tumango na lang siya bilang sagot. Matapos ayusin ng mommy niya ang gamit niya ay walang imik na lumabas na ito ng silid ng ospital. Kaya naman sumunod na lang din siya.
Tahimik lang silang tatlo sa sasakyan at wala ni isang nagbalak na magsalita. Pagkarating nila ng bahay ay bumaba na lang siya ng sasakyan. Ngunit nauna pang bumaba ang mga magulang niya.
Pagpasok niya ng kabahayan ay isang sampal ang sumalubong sa kanya.
"M-mommy," naiiyak niyang saad.
"Sino ang ama ng batang ipinagbubuntis mo Atasha? Matapos naming ibigay ng daddy mo sa iyo ang lahat ng karangyaang tinatamasa mo ito pa ang igaganti mo sa amin?"
"M-mommy hindi ko po sinasadya. Patawarin po ninyo ako."
"Sino ang magaling na lalaki na nakabuntis sa iyo Atasha? Hindi kami makakapayag na mabahiran ng pangit na pangyayari ang pangalang matagal na iningatan ng pamilya Castellejo. At ikaw pa talaga Atasha ang sisira!" galit na sigaw sa kanya ng ama.
"D-daddy hindi ko po alam."
"Hindi mo alam!" hindi makapaniwalang saad ni Arturo sa anak. "Paano ka mabubuntis ng walang gumalaw sa iyo? Sabihin mo kung sino ang ama ng ipinagbubuntis mo."
"Hindi ko po talaga alam. Totoo po ang sinasabi ko. Hindi ko siya kilala," sagot ni Atasha ng makatanggap na naman siya ng isang malakas na sampal mula sa ama.
"Tu hijo de puta!" galit na sambit ng kanyang ama at dinuro pa siya. "Kung hindi mo sasabihin kung sino ang ama niyang ipinagbubuntis mo at walang mananagot sa nangyari sa iyo ay isa lang ang pwede mong pagpilian Atasha. Ipalaglag mo ang batang iyan. Hindi ko iyan matatanggap!"
"Daddy!" Sigaw ni Atasha sa ama. "Anak ko ang sinasabi ninyong ipalaglag ko. Hindi ba kayo natatakot sa lumalabas dyan sa bibig ninyo. Kahit sino ang ama niya, apo pa rin ninyo ang bata sa sinapupunan ko." Hindi na napigilan ni Atasha ang mga luha niya. Hindi niya akalaing kaya iyong sabihin ng daddy niya sa apo nito.
"Wala akong pakialam sa sinasabi mo. Dugo pa lang iyang bata na iyan at kayang-kaya pang mawala sa mundo. Mas hindi ko kaya ang kahihiyang magiging dala ng bastardong iyan sa pamilya natin," may pinalidad na saad ng daddy niya.
Doon lang nagising sa katotohanan si Atasha na sa pamilya nila hindi uso ang salitang pagmamahal. Ang mahalaga lang ay katanyagan, kayamanan at pangalan.
"Hindi ko gagawin ang nais ninyo. Anak ko ang inaalisan ninyo ng karapatang makita ang mundo. Wala ba kayong puso? Mga magulang ko ba talaga kayo? Mas mahalaga pa ba sa inyo iyang pangalan ninyo, kaysa buhay ng apo ninyo?"
Napaigik na lang si Atasha sa pagsampal ng kanyang ama. Sa lakas noon ay napaupo siya. Nakatingin lang sa kanya ang kanyang ina. Wari mo ay ipinaparating na tama ang daddy niya at mali siya.
"Kahit saktan ninyo ako. Hindi ko gagawin ang nais ninyo! Anak ko ang pinag-uusapan dito, at ako ang magdadala sa kanya ng siyam na buwan hanggang sa maisilang ko siya sa mundo," may paninindigan niyang saad.
"Kung magmamatigas ka, ngayon pa lang lumayas ka na! Wala akong anak na hindi sumusunod sa nais ko. Ang Kuya Allen mo ay nagpakasal dahil iyon ang nais namin sa kanya."
"Pero mahal ni kuya ang asawa niya."
"Labas na kami sa nararamdaman ni Allen. Ngunit mabuti kong ganoon. Ang mahalaga ay nasunod ang nais namin sa kanya," sabat ng mommy niya.
"Huwag kang magmatigas Atasha! Ap---!"
"Arturo!" sigaw ni Tasha sa asawa.
"Hindi ko matatanggap ang batang dinadala mo Atasha. Lumayas kayo dito kung ayaw mong ipalaglag ang batang iyan." Sagot na lang ng daddy niya.
"Wala kayong mga puso, parang hindi ko na kayo kilala."
"Mas lalong ayaw ko sa suwail na anak. Kung ayaw mo sa nais ko ay lumayas ka! Aalisin ko ang lahat ng koneksyon ng pangalan mo sa mga Castellejo at wala kang makukuha na kahit na ano. Paiimbestigahan ko ang ang nangyari sa iyo at aalisin ko ang lahat ng tungkol sa iyo!" galit na saad ng daddy niya at iniwan na siyang nakasalampak sa sahig.
Tinawag ng mommy niya ang mga katulong. Narinig lang niya na ipinapalagay ng mommy niya ang mga gamit niya sa maleta. Walang ilang minuto ng bumaba ang mga katulong mula sa silid niya bitbit ang dalawang maleta.
"Dahil anak pa rin kita, hindi ko hahayaang umalis ka ng walang dala na kahit na ano," ani Tasha sa nagngangalit na tinig. Hinawakan nito ang kanyang kamay at inilagay doon ang ilang lilibuhing pera.
"Para saan pa?"
"Panggastos mo," sagot ng ina.
"Salamat sa pera ninyo. Tatanggpin ko ito hindi dahil sa gusto ko. Kundi para sa anak ko."
Tumayo si Atasha at walang sabi-sabing iniwan ang ina. Bitbit ang maleta at perang ibinigay nito ay umalis siya sa bahay na iyon ng walang lingon-lingon.
Hindi niya napansin na ang cellphone niya ay nahulog sa bag niya.
Isang linggo matapos niyang makakita ng bahay ay naghanap na siya ng trabaho. Doon niya nalamang ipinaban ng mga magulang ang pangalan niya sa lahat ng kompanyang pinag-apply-an niya. Blacklisted ang pangalan niya. Wala siyang nagawa kundi ang umiyak.
Kahit wala siyang alam sa gawaing bahay ay napilitan siyang mamasukan, bilang katulong sa isang mayamang pamilya. Ngunit ng malaki ang tiyan niya ay tinaggal na rin siya sa trabaho.
Matapos makapanganak ay naghanap muli siya ng trabaho. Kahit pagiging tindera lang ay pinatos na niya. Mas kailangan niya ng pagkakakitaan para sa anak niya.
Si Nanay Rosing. Ito ang naging katuwang niya habang nagtatrabaho siya sa pag-aalaga niya kay Juaquim. Si Nanay Rosing din ang nag-iisang tumanggap sa kanya noong panahong nag-iisa siya. Mag-isa lang ang matanda sa buhay. Nang dumating siya sa buhay nito kahit papaano ay napasaya niya ang matanda at nagkaroon ito ng kasama sa bahay.
Ang maliit nitong tindahan noon na nawalan ng paninda dahil naubos sa pagpapagamot ni Nanay Rosing ay binuhay niyang muli. Kaya kahit noon ay wala siyang trabaho ay may napagkukunan sila ng pang-gastos sa pang araw-araw.
Sa nakalipas na limang taon naging miserable ang buhay niya. At akala niya nakalimutan na ng lahat ang nangyari sa kanya. Ngunit hanggang ngayon ay blacklisted pa rin pala ang pangalan niya.
Napaiyak na lang si Atasha. Hindi niya alam kung paano niya mabibigyan ng magandang buhay ang anak.
"Mommy." Napamulat siya ng mata ng marinig ang tinig na iyon.
"Anak, kanina ka pa ba dyan? Ang Nanay Rosing," tanong niya at mabilis na pinalis ang mga luha sa kanyang mata na dumaloy sa kanyang pisngi.
"Nakatulog po kami ng lola. Nagising lang po ako ng may nagbukas ng pintuan. Umiiyak ka na naman mommy," malambing pang saad ng kanyang anak.
"Hindi anak, napuwing lang ako." Pagsisinungaling niya.
Nilapitan siya ni Juaquim at kumandong sa kanya. Niyakap siya ng mahigpit ng anak. Gumanti din siya ng yakap dito.
"Mommy pagmalaki na ako, maghahanap ako ng trabaho. Hindi ka na mahihirapan. Bibigyan kita ng magandang buhay. Kayo po ng Lola Rosing," ani Juaquim na nagpaiyak lalo sa kanya. Hindi na niya nagawang itago ang mga hikbi niya sa anak. Kahit anong tago niya dito ay hindi na rin niya napigilan ang pag-iyak.
Mahigpit niyang niyakap ang anak, at doon umiyak siya nang umiyak. Kahit napakapait ng mundo sa kanya. Naroon sa tabi niya ang anak na naging sandigan niya.