19

950 Words
“Ewan ko ba naman sa inyong mga bata kayo, kung kailan kayo tumanda saka pa ninyo ako bibigyan ng sakit ng ulo. Hay ewan!” Hindi magawang tingnan ni Top ang lola niya habang padabog na bumababa ito ng hagdan. Sigurado kasi siya na si Marcus ang dahilan kung bakit mainit na naman ang ulo nito. Ilang araw nang nagkukulong lang sa kwarto ang kapatid niya at kahit anong pilit ng lola nila ay ayaw naman nitong sabihin kung ano ang problema nito. Ngayon lang nila nakita si Marcus na nagkaganoon kaya hindi niya masisisi ang lola nila kung halos hindi na ito mapakali dahil sa matinding pag aalala sa panganay na apo. Gusto sana niyang sabihin sa matanda ang totoong dahilan kung bakit ilang linggong nawala si Marcus kaya lang ay naisip niya na mas mabuti na huwag na lang siyang makialam pa. May sarili siyang problema na kailangan ayusin kaya bakit niya iisipin ang problema ng iba? “Bantayan mo ang kuya mo ha? baka mamaya lumabas na naman 'yun ng walang paalam at bumili ng alak.” “Lola, hayaan na muna natin si kuya. Magiging okay rin po siya.” Pumalatak ito at naupo sa tabi niya. “Kailan pa? kapag tuluyan na siyang naging alcoholic, ha?” Napakamot na lang siya sa ulo at hindi na nagsalita pa. Umasa siya na kung hindi na siya magsasalita pa ay ibabaling na lang nito atensiyon sa ibang bagay. Pwede itong manood ng TV o kaya ay magbasa ng magazine habang naroon sila sa sala. Huwag na lang muna sana siya nitong kausapin pa dahil mas lalong nakakadagdag sa stress na nararamdaman niya ang problema nila kay Marcus. “Nasaan ba si Rolf?” Nagkunwari siyang walang narinig at patuloy lang sa pagtitig sa screen ng cellphone niya. Mahigit thirty message na ang naipadala niya sa messenger ni Jhanna pero kahit ‘seen’ ay hindi nito ginawa. Ilang beses rin niyang sinubukan na tawagan pero hindi niya ito macontact. Nag aaalala na siya dahil ilang araw na niya itong hindi nakikita. Nang puntahan naman niya ito sa bahay nito ay parang aloof pa sa kaniya si tito Samuel at wala itong maibigay na eksaktong detalye kung saan nagpunta ang anak nito. Isa lang ang naintindihan niya sa sinabi ng daddy ni Jhanna, nagbabakasyon daw ito sa probinsya. Kung saang probinsiya man ito naroon ay hindi na iyon sinabi pa sa kaniya ni tito Samuel. Mas lalo tuloy siyang nalito dahil parang may kakaiba sa mga nangyayari. Una ay nagising siyang mag isa na lang siya sa kwaro niya dahil na nakaalis na si Jhanna. Ang sabi ni lola Ignacia ay nagpaalam daw ang dalaga na may emergency kaya kailangan nitong umalis agad. Pagkatapos ng gabing iyon ay hindi na niya ulit ito nakita pa. Para na siyang mahihibang sa kakaisip kung bakit bigla itong naging missing in action. May nagawa ba siyang masama o may nasabi siyang hindi maganda? “Isa pa 'yang pangalawang kapatid mo, palaging wala sa bahay. Bakit ba hindi na lang kayo magsipag asawa lahat para hindi na ako ma-stress ng ganito? Paano na lang kung biglang magkasakit ang kuya mo dahil sa ginagawa niya sa sarili niya? kung bakit ba naman kasi ilang linggo siyang mawawala tapos nang umuwi ay parang depressed na depressed na.” Natigilan siya nang marinig ang sinabi ni lola Ignacia. May nabuong pagdududa sa isip niya at sana naman ay nagkakamali lang siya ng iniisip. “'La, kailan nga ang eksaktong araw na umuwi si kuya Marcus?” Saglit na nag isip ang matanda bago nagsalita. “Noong gabing may sakit ka, bigla na lang siyang umuwi at mukhang mainit na agad ang ulo.” “Bago siya dumating, si Jhanna na muna ang umalis at ang sabi mo ay nagmamadali siya?” “O-oo, parang ganoon na nga,” “Hindi kaya tinawagan siya ni Roxanne?” “Roxanne? Sinong Roxanne?” nagtatakang tanong nito. “Baka naisip niya na hindi na niya ako pwedeng i-blackmail ngayon dahil inuwi na ni kuya Marcus si Roxanne?” natitigilang tanong pa niya. “Ha? may kasamang babae ang kapatid mo nang mawala siya?” hindi makapaniwalang naibulalas ni lola Ignacia. Tumayo naman siya at natatarantang nahagod niya ang sariling batok. Paano kung tama ang hinala niya? paano kung naisip ni Jhanna na dahil wala na itong hawak na alas laban sa kaniya ay nagdesisyon ito na huwag nang magpakita pa ulit? Nang mag ingay ang cellphone niya ay napilitan siyang sagutin ang tawag. Bihirang tumawag sa kaniya si Rolf kaya alam niyang kapag ganoon ay may importante itong sasabihin sa kaniya. “Umuwi ka na, kanina ka pa hinahanap ni lola,” bungad niya sa kabilang linya. “'tol, nandito ako sa bar—” “Hindi ko kailangan malaman kung nasaan ka, basta umuwi ka na ngayon din dahil—” “Nandito ang fiancée mo, may kasamang lalaki.” “Ano?!” para siyang binuhusan ng malamig na tubig dahil sa narinig. Umahon ang matinding inis sa dibdib niya. “Bantayan mo si Jhanna, pupunta na ako diyan.” Halos maibato na niya sa pader ang hawak niyang cellphone. Buong buhay niya ay ngayon lang siya nakaramdam ng ganoong klase ng galit na parang gusto na niyang magwala at sakalin ang lalaking kasama ni Jhanna ngayon. Parang susugod sa giyera na kumilos na siya at dumiretso sa garahe. Panay ang tawag sa kaniya ng lola niya pero parang walang naririnig na sumakay na siya sa kotse niya. Ngayon lang niya naisip na nakakabaliw pala talaga ang matinding galit. Bakit ba kailangan pa siyang galitin ng sobra ni Jhanna? Anong kaweirduhan na naman ba ang naisip nito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD