1

1886 Words
Mabilis na hinawi ni Jhanna ang bangs na bahagya nang tumatabing sa mga mata niya. Tinamad siyang hawiin iyon ng daliri kaya malakas na nagbuga na lang siya ng hangin. Nagtagumpay naman siyang mahawi ang bangs niya kaya medyo nakontento na siya. Nang marinig ang malalim na pagpapakawala ng buntong hininga ng tiyahin niyang si tita Sanya ay napalingon siya sa direksiyon nito. “Ilang taon ka na nga ulit?” “Twenty nine po,” sagot naman niya. “Nasa tamang edad ka na para mag asawa,” “Eh, tita—” “Halos lahat ng mga pinsan mo ay may asawa na,” “Hindi ko po kailangan ng asawa sa ngayon—” “Kung sinunod mo lang sana ako noon na tanggapin ang alok na kasal ni Tiburcio, siguradong nakahiga ka na ngayon sa pera.” Sa puntong iyon ay napasimangot na siya. Ang Tiburcio na tinutukoy ng tiyahin niya ay anak ng kaibigan nito. Hindi niya gusto si Tiburcio, maliban sa kinikilabutan siya sa pangalan nito ay napakaboring pang kasama ng lalaki. Hindi nito kayang sakyan ang trip niya kaya bakit niya ito papatulan? “Hindi naman po nanliligaw si Tiburcio,” “Paano ka maliligawan? Nasa labas palang daw siya ng bahay mo ay nakaabang na ang mga alaga mong aso!” sikmat ng tiyahin niya. Napangisi siya. Mahilig siyang mag alaga ng mga aso at iyon ang madalas na pag awayan nila ng daddy niya. Nangangamoy aso na raw kasi ang buong bahay nila at ang gusto nito ay ipamigay na lang niya ang mga alaga niyang aso. Hindi siya pumayag sa gustong mangyari ng ama kaya palagi na lang silang nagtatalo. “Sa sobrang kaartehan mo, ayun nagpakasal na siya sa ibang babae.” Dismayadong sabi pa ng tita Sanya niya. Dumiretso siya ng upo nang marinig ang sinabi nito. “Eh, tita, hindi naman po kasi tungkol sa pag aasawa ang ipinunta ko dito,” “Ano pala?” “Eh kasi po…” nakagat niya ng mariin ang mga labi at parang wala sa sarili na nakamot na lang niya ang batok niya. Dapat pa ba niyang sabihin sa tiyahin ang dahilan nang pagbisita niya? parang nasira na ang mood nito nang mabanggit ang tungkol sa pag aasawa. Mas bitter pa yata ito kapag ang love life na niya ang pinag uusapan. Matandang dalaga ito at maliban sa isang kasambahay ay wala na itong ibang kasama sa bahay. Kapatid ito sa ama ng daddy Samuel niya. Ang sabi ng daddy niya ay siya ang paboritong pamangkin ni tita Sanya at hindi naman siya nagtataka sa bagay na iyon dahil kahit noong bata pa siya ay spoiled na siya dito. Lahat nang hilingin niya ay ibinibigay nga nito. Pero kung may isang bagay man na madalas nilang pagtalunang dalawa ay tungkol iyon sa love life niyang mas malabo pa sa forever. May mga naging karelasyon naman siya pero wala kahit isa man sa mga iyon ang nagtatagal. Kung hindi siya ang nagsasawa sa nagiging boyfriend niya ay siya naman ang naloloko at ipinagpapalit sa ibang babae. Sa ngayon ay ayaw na muna niyang makipagrelasyon dahil masyado siyang nastress sa huling naging boyfriend niya. Nahuli niya ang magaling na boyfriend niya na kumakain sa food court ng mall kasama ang ex girlfriend nito. Sabihin na ng iba na eksaherada siya o wala siyang kwentang girlfriend pero hindi niya kayang tumanggap ng kahit na anong paliwanag mula sa manloloko niyang boyfriend. Kaya sinugod niya ang dalawa at bago pa siya maawat ng boyfriend niya ay sinabunutan na niya ang kabit nito at kinaladkad hanggang sa restroom ng mall. Nagviral sa social media ang video nang pagwawala niya sa mall. Naging instant celebrity tuloy siya, marami ang kumampi sa kaniya at marami ring bashers na kumontra dahil mali daw ang manakit siya ng kapwa. Pero wala naman siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao kaya hindi siya nagpaapekto. Hindi na rin nagpakita ulit sa kaniya ang walanghiyang boyfriend niya. Natakot siguro ito dahil pinagbantaan niya ito na ipapalapa sa mga alaga niyang aso. “Ah, tungkol sa pera?” ani tita Sanya na parang nahulaan na agad ang gusto niyang sabihin. Mabilis na tumango siya. Alam niyang mabilis siya nitong maiintindihan. Halos ito na kasi ang nagpalaki sa kaniya. Namatay sa sakit na leukemia ang kaniyang ina. Dalawang taon palang siya nang mawala ito kaya halos ang tiyahin na niya ang nag alaga sa kaniya. Ang daddy naman niya ay hindi na ulit nag asawa pa. Ibinuhos nito ang oras sa pagpapalaki sa kaniya at sa pagtatrabaho bilang manager ng bangko. “Kaninong sasakyan na naman ang sinira mo? Sinong lalaki na naman ang nangloko sa'yo?” Ikinumpas ni Jhanna ang mga kamay at mabilis na nagpaliwanag. “Hindi tita, wala naman akong boyfriend sa ngayon. Kailangan ko lang talaga ng pera kasi plano kong magtayo ng business.” Paliwanag niya. “Business?” namamanghang bulalas nito at gulat na pinagmasdan siya. Kung tingnan siya nito ay parang bigla siyang nagtransform sa pagiging alien. “Business?” ulit pa nito. “Yes, tita, business po talaga. Wala pong gustong bumili ng mga painting ko at pakiramdam ko wala naman talaga sa pagpipinta ang hilig ko.” “Sinabi mo rin 'yan pagkatapos mong magpalipat lipat ng kurso noon.” Napangiwi siya bigla. Kung anu-ano na lang kasi ang kinuha niyang kurso pero wala kahit alin sa mga iyon ang nakakuha ng atensiyon niya. Ngayon niya napatunayan na wala naman talaga siyang sayad sa utak na katulad ng madalas sabihin ng iba. Masyado lang mataas ang IQ level niya at kaya madalas na nagsasawa siya sa isang bagay ay dahil naghahanap siya ng bagay na pwedeng magbigay ng challenge sa kaniya. Hindi niya hilig ang pag aaral pero hindi siya ignorante. Kung nagseryoso lang siya sa pag aaral noon ay siguradong malalampasan niya pa ang magagaling na estudyante sa klase nila. “At ano naman ang alam mo sa pagnenegosyo, Jhanna Nykole? Pumirmi nga sa isang lugar ng matagal hindi mo na kaya, magnenegosyo ka pa?” “Kumuha naman ako ng business course dati, remember?” paalala niya. Ilang taon na siyang graduate. Sinubukan niyang magtrabaho sa bangko pero isang linggo lang ay nagresign na siya. Tinadyakan niya sa mukha ang isa sa mga superior niya dahil sinubukan siya nitong manyakin. Dahil sa trauma ay hindi na siya muling nag apply pa ng trabaho. Ilang taon na siyang tambay at aminado siya na hindi talaga siya nagtatagal sa isang lugar. Malaki ang ibinibigay na allowance sa kaniya ng daddy niya kaya nakakapagbakasyon siya sa malalayong lugar. Balak nga niyang magbakasyon sa Africa at kapag nagustuhan niya ang buhay doon ay hindi na siya babalik pa ng Pilipinas. “Hindi naman porke kumuha ka ng business course ay magaling ka na sa pagnenegosyo.” “At least may educational background,” Parang mauubusan na ng pasensiya na natutop nito ang noo. “Anong negosyo? Magkano?” Kamuntik na siyang mapatili sa tuwa. Nagmamadaling ibinigay niya sa tiyahin ang folder na naglalaman ng business proposal niya. Naayos na niya ang lahat at nakapaloob na iyon sa ginawa niyang proposal. “Limang milyon para sa pagtatayo ng publishing house?” anito habang pinapasadahan ng tingin ang proposal niya. Tumango siya at muling nagpaliwanag. Ang balak niya ay buhayin ulit ang LOVE AND PAGES Publishing House na pag aari ng kaniyang ina. Noong nabubuhay pa ito ay kilalang kilala ang publishing nila sa buong bansa. Kahit nga sa international ay nakilala ang LAP dahil marami silang mga romance pocketbook na naisalin sa salitang Ingles. Pero mula nang mawala ang kaniyang ina ay humina na ang negosyo nila. Lumipat na sa ibang publishing ang mga sikat na writers dahil sa unti unting pagbagsak ng LAP. Nagkaroon lang naman siya ng ideya na ibalik ang publishing dahil natuklasan niya na matindi pala ang naging impact sa mga tao ng mga kwentong inilabas ng publishing nila. Karamihan kasi sa mga bagong kakilala niya ay natutuwa kapag sinasabi niya na anak siya ng may ari ng dating sikat na publishing. Maliban pa doon ay maraming magagaling na writer ngayon ang gusto niyang mabigyan ng chance. Nakausap na rin niya ang ilan sa mga senior writer at nangako ang mga ito na sa oras na maituloy niya ang plano ay magpapasa ang mga ito sa kaniya ng manuscript. Ang ilan pa sa mga iyon ay nag apply na editor kaya wala pa man siyang budget ay nakabuo na agad siya ng editorial team. May background rin naman siya sa literature kaya alam niyang hindi siya mahihirapan sa pagtatayo ng publishing house. “May location na tita, ang kailangan lang ay budget dahil kailangan ng bonggang renovation. Bibili rin ako ng mga gamit na pang imprenta at marami pang iba.” Nasa kanila pa rin ang warehouse ng LAP. Hindi ibinenta ng daddy niya ang malaking warehouse kahit na bumagsak na ang kabuhayan nila noon. Naisip siguro nito na kung sakaling gustuhin niyang magnegosyo ay pwede niyang magamit ang lugar. “Alam mo naman siguro kung gaano kalaki ang hinihingi mong pera, 'di ba?” Natigilan siya. Bumuka ang mga labi niya at matagal na pinagmasdan si tita Sanya. Alam niyang marami itong pera dahil noong sanggol palang siya ay nanalo ito ng malaking milyones sa Lotto. Hindi maluho ang tiyahin niya at ang pera nito ay ipinasok nito sa investment kaya lumago nang lumago. Simple lang ito kung titingnan pero sigurado siya na kayang kaya nitong humabol sa level ng mga Aquino. Barya lang kung tutuusin para dito ang limang milyon dahil nga napakayaman nito. Nagkamali ba siya nang isipin niya na masyado siyang mahal ng tiyahin at ibibigay nito agad sa kaniya ang hinihingi niyang pera? “Hindi ka ba napapagod sa ginagawa mo—ah—hindi—dapat pala ay itanong ko kung hindi ka ba napapagod na wala kang ginagawa?” “Tita…” Sh@t. Bakit biglang humuhugot na si Tita? Napagod na ba itong pagbigyan ang mga request niya? maraming beses na siya nitong kinunsinti pero ngayon lang siya humingi ng mabigat na pabor at mukhang mabibigo pa siya. “Ang gusto ko lang ay mag asawa ka na para hindi ka na tumulad pa sa akin na puro pagpapayaman lang ang inatupag noon kaya tumandang dalaga.” Dagdag pa nito. “Tita, pwedeng next time na lang natin pag usapan ang mga boys? Hindi naman tayo yayaman diyan—” “Nakapagdesisyon na kami ng daddy mo,” “Uh,” napalunok siya bigla at kinakabahang ngumiti. “Ano po ba iyon?” “Napag usapan namin na sa oras na humingi ka sa akin ng panibagong pabor ay hindi na kita pagbibigyan pa, maliban na lang kung….” “Kung?” gusto niyang magwala sa inis nang ibitin nito ang huling sasabihin. “Kung magpapakasal ka sa kahit na sinong poncio pilato pa, basta ang mahalaga ay matino at hindi drug addict.” “A-ano po?” “Seryoso ako, maraming beses kong sinakyan ang trip mo Jhanna Nykole kaya dapat lang na ako naman ang pagbigyan mo ngayon.” May halong sumbat na paalala sa kaniya ni tita Sanya. Pakiramdam niya ay umikot pabaliktad ang mundo niya. Kasal? Sinong lalaki ang papayag na magpakasal sa kaniya sa lalong madaling panahon?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD