Kasalakuyuang nasa kuwarto niya si Reyna at tinitingnan ang sarili sa salamin. Kilalang-kilala niya ang babaeng kaharap niya sa salamin. Ang mukhang natatakpan ng kumikislap na pampaganda, ang balat na napapalamutian ng kumikinang na mga alahas, at ang katawan na nababalot ng nagniningning na bestida. Ang Reyna na nga ito.
Hindi… hindi pala. Ang Reynang kilala niya ay walang buhay ang mga mata. Pero ang babaeng nasa salamin ay nababanaag ang kalungkutang nagpapalamlam sa mga mata nito. Ang kalungkutang pilit niyang tinatago at nilalabanan. Ang kalungkutang tanging ang kuwarto ito ang nakakasaksi at nakakaalam.
Narinig ni Reyna na may kumatok sa pintuan. Si Ramos ‘yon at sinabihan siyang naghihintay na ang lahat sa kaniya sa baba. Hindi siya sumagot at pinikit na lamang ang kaniyang mga mata. Kailangan na niyang gawing manhid ang puso at burahin sa isipan ang kalungkutan. Dapat paglabas niya sa kuwarto, siya na si Reyna na walang pakiramdam, walang kaluluwa.
Pagmulat niya nang mga mata niya, ang imaheng bumungad sa kaniya sa salamin ay ang buong-buo na si Reyna. Tumayo na siya at lumabas sa kuwarto. Naroon si Ramos at agad itong bumaba habang naiwan siya.
Naglalakad pa lang si Reyna sa pasilyo pero dinig na dinig niya ang nagbubulungan na tila mga bubuyog, ang mahina at mabagal na musika, at pagkalansing ng mga babasaging baso. Nang nasa tuktok na siya ng hagdanan, huminto ang pagtunog ng musika. Unti-unting tumahimik ang malawak na sala na punong-puno ng mga bisita na pinakamayayaman, pinakakilala, at pinakamakapangyarihan sa Cabala City at sa karapit lungsod din. Ngunit lahat sila ay nakatingala ngayon sa Reyna, pati na ang Don at ang kapatid niya na nasa magkabilang pinakahuling baitang ng hagdan.
Nakataas ang noo ni Reyna habang dahan-dahang binabaybay ang hagdanan na parang animo’y nagniningning na tala na bumaba mula sa kalangitan. Ang kulay dugo nitong gown na balot ng kumikinanang na maliliit na bato ay mas lalong nagpatingkad sa kayumanggi niyang balat. Ang kariktan niyang litaw na litaw mula sa maliiy na mukhang may kolorote at sa balingkinitang katawan na mas kapansin-pansin dala ng hapit na suot, nakalantad na makinis na binti dahil sa high slit, at sa dibdib na medyo nakadungaw dahil sa kaunting low cut ng cleavage. At sa likod ng nakasisilaw nitong kagandahan, naroon ang matalim na pagkislap ng mga mata at ang napakalamig nitong titig.
Huminto si Reyna at tumayo sa mas mataas na baitang kaysa sa kung saan nakatayo rin sina Don Martin at Carlos. Nilahad ni Don Martin ang kaniyang kamay at hinawakan naman agad 'yon ni Reyna.
"Sa kapita-pitagang mga bisita, sa mga kasosyo sa negosyo, at sa malapit na mga kaibigan, kinagagalak kong sabihin sa inyong lahat na nagbalik na ang aking anak, Reyna Valmorida," buong pagmamalaking deklara ni Don Martin.
Isang masigabong palakpakan ang dumagundong sa malawak na sala. Ngunit nanatiling walang emosyon ang mukha ng Reyna, ni ang ngumiti hindi nito ginawa.
Nang tuluyan na silang nakababa sa hagdan, pinakilala ni Don Martin si Reyna sa mga bago nitong kasosyo at kaibigan. Dinala rin ni Don Martin si Reyna sa mga dati pa nitong kakilala. Matipid na pagbati, pagtango, at pakikipagkamay lamamg ang ginawa ni Reyna. Sa kabila no'n, lahat naman ng nakausap niya'y tila natutuwa sa pagbabalik niya mula raw sa Amerika. Ang pinagkalat na balita ni Don Martin ay nag-aral daw siya ng master's at doctor's degree sa Amerila kaya matagal na nawala.
Lumapit naman sila sa taong pagkakatanda ni Reyna ay mayor ng bayan na ito. Pero ang pakilala ng Don sa kaniya ay congressman na. Katabi naman nito ang anak na lalaki na kababata ni Reyna.
"Heto na ba ang inaanak ko. Aba, mas lalo kang gumanda, iha. Bagay na bagay talaga kayo nitong anak ko," nakangising sabi ni Congressman Buenavista.
Nagkatinginan sila ng kababata niyang lalaki. "Leon," simpleng pagbati ni Reyna rito.
"Reyna," tugon naman nito sa kaparehong malamig na tono.
Umangat ng kaunti ang dulong labi ni Reyna. Mukhang hindi pa rin ito nagbabago. Kaya magkasundo sila noon dahil halos magkapareho ang ugali nila.
"Mayor na rito 'yang anak ko, Reyna. Hindi pa 'yan nag-aasawa o nagkaroon man lang ng nobya kasi hinihintay ka niyan," tudyo ni Congressman Buenavista.
Ngumisi naman si Don Martin. "Ganoon din naman si Reyna," turan niya.
Sanggol pa lang sila, pinagkasundo na silang magpakasal nina Don Martin at Congressman Buenavista. Matalik na magkaibigan kasi 'yong dalawa at magkumpare rin. Iniwan na silang dalawang magkasama ng Don at Congressman para raw makapagkamustahan naman sila.
Palagay naman ang loob ni Reyna kay Leon dahil tahimik itong tao. Pero 'pag may lumalapit sa kanilang bisita, si Leon ang halos kumakausap at nakikipagbiruan pa ito sa kanila. Mukhang magaling na itong makisama sa mga tao na siyang mahalagang katangian ng isang pulitiko.
Hindi na umalis si Leon sa tabi niya, na kahit papaano ay kinagaan ng loob niya. Ayaw niya ng mga party dahil puro pakikipagplastikan at pakitang-tao lamang ito. At saka alam naman niya na ang party na ito ay hindi talaga tungkol sa kaniyang pagbabalik, kundi para iparating ang mensahe na mas malakas at makapangyarihan na ang Don at Pahimakas dahil nasa kamay na nito ang pinakamatindi nitong armas. At 'yon ay walang iba kundi ang Reyna.
Natapos ang party ng maayos at walang gulo. Hindi naman gumawa ng eksena si Carlos na kasama ang mga barkada nito na anak ng mayayaman o maimpluwensiyang mga tao sa Cabala. Pinuri rin siya ng Don mula sa kasuotan niya hanggang sa pag-asta niya sa party.
Kinaumagahan, pumunta na si Reyna kasama si Ramos sa hacienda. Nasa malaking kubo na ang mga trabahador nakatipon dahil inaasahan na nila ang pagdating ni Reyna.
Medyo nagulat pa si Reyna dahil mukhang nasa tatlumpo na lang ang bilang ng mga trabahador. Nasa mahigit dalawang hektarya ang tubuhan kaya siguradong hindi sapat itong mga trabahador na mayroon sila.
Nang pinakilala siya ni Ramos na bagong tagapamahala, ni isa sa mga trabahador ay walang pumalakpak o nakangiti. Kitang-kita sa mga mata nila ang takot at pagkabalisa dahil na rin kasama nila sa loob ng kubo ang mga armadong bantay.
“Pumalakpak kayo,” utos ng isang lalaki na agad naman sinunod ng mga trabahador.
Nabaling sa lalaki lahat ng atensiyon ni Reyna. Sa tantiya niya ay nasa 40 taong gulang na ito. Nakasuot ito ng kurbata at may makapal na salamin na parang nagtatrabaho sa isang opisina.
“Ako nga pala si Mr. Belmonte, ang pangalawang tagapamahala ng Hacienda Dela Reyna, Ms. Valmorida,” pagpapakilala nito nang nakalahad ang mga kamay.
Tiningnan lang ni Reyna ang nakalahad nitong kamay. “Sino’ng naglagay sa ‘yo sa posisyon na ‘yan?” tanong niya.
Binaba na lang ni Mr. Belmonte ang kaniyang kamay. “Si Mr. Valmorida,” sagot naman niya.
“Sino’ng Mr. Valmorida?” paglilinaw na tanong ni Reyna. Malakas ang kutob niyang tauhan ito ni Carlos. Sa hitsura pa lang nitong lalaki, tanging si Carlos lang ang tangang kukuha rito balang pangalawang tagapamahala ng hacienda.
“Si Mr. Carlos Valmorida,” may himig na pagmamalaki na sagot ni Mr. Belmonte.
“Sisante ka na,” malamig na deklara ni Reyna.
Bumilog ang mga mata ni Mr. Belmonte. “Hi-hindi mo puwedeng gawin ‘yan. Ayon sa batas, hindi puwedeng bastang mag--”
“Mamili ka Mr. Belmonte. Aalis ka ng walang kahit katiting na galos sa katawan mo o gagapang ka paalis sa hacienda at hindi na muli pang makatatapak sa Cabala City,” sabi ng Reyna.
“Te-teka lang… hi-hindi…” nauutal nang sabi ni Mr. Belmonte habang palinga-linga sa mga armadong bantay na tila humihingi ng saklolo.
“Baka naman puwede pong--”
“Gusto mong sumama sa kaniya?” tanong ni Reyna sa isa sa mga bantay na nagsalita.
Umiling ito at saka yumuko. Tila namutla naman si Mr. Belmonte nang mapagtantong wala nang may sasaklolo sa kaniya. Umalis na lang siya pero pupuntahan niya si Carlos para isumbong ang ginawang pagpapahiya sa kaniya nitong kapatid niyang babae.
“Ikaw, ano’ng pangalan mo,” tanong ni Reyna habang tinuturo ang isa sa mga trabahador.
Nabigla ang lalaki dahil tinuro siya ng Reyna. Hindi niya alam kung natatandaan pa siya nito, pero magkaklase sila ng Reyna mula elementarya at high school. Tumayo siya kahit na nangangatog ang mga tuhod niya.
“Ako po si Lito.”
“Binibigay ko sa ‘yo ang posisyon na pangalawang tagapamahala,” walang pag-alinlangan na sabi ni Reyna. “Tinatanggap mo ba Lito?”
“Oo, tinatanggap ko,” sabi ni Lito sa mababa ngunit matatag na boses.
Tumango si Reyna. Natatandaan niya pa ito. Minsan niyang naligtas ito nang pinagtutulungan itong bugbugin ni Carlos at ng barkada nito no’ng high school pa sila.
“Magsibalik na kayo sa trabaho n’yo,” utos ni Reyna sa mga trabahador.
Naunang lumabas si Reyna sa kubo bago sumunod ang mga trabahador. Dumiretso naman sina Reyna at Carlos sa farm. Tulad ng mga trabahador, ilag at takot ang mga nangangalaga ng mga hayop. Nalaman din niya na si Mr. Belmonte rin ang namamahala sa kanila dahil madalas wala naman si Carlos. Sinabihan niya sila na si Lito na ang bagong pangalawang tagapamahala na tutulong sa kaniya sa pamamalakad ng farm.
Tiningnan muna ni Reyna ang kalagayan ng mga hayop. Mukhang maayos naman ito, maliban sa sira-sira nitong mga tirahan. At talagang kakaunti na lang ang mga alaga nilang hayop. Mukhang napakarami talaga niyang aayusin dahil talagang napabayaan na ito ni Carlos.
Pagkagabi, pumunta sa bayan si Reyna para bisitahin ang isa pang negosyo na binigay sa kaniya ng Don, ang bar na kung tawagin ay Cobalt. Sigurado siyang si Carlos ang nakaisip ng pangalan dahil ‘yon ang paborito nitong kulay.
Sa labas ng bar ay may mga bouncer na binati siya at tumabi para padaanin siya. Kilala na siya ng lahat na nagtatrabaho sa bar dahil nakapunta na siya rito nang ilang beses. Pagkapasok pa lang niya, rinig na rinig niya ang dumadagundong na tugtog .
Dumiretso si Reyna sa may bar area kung saan kitang-kita niya ang mga taong nagkukumpulan habang sumasayaw sa medyo madalim na dance floor na iniliwan lamang ng nagkikislapang mga spot light. Sa pinakaunahan ay nandoon ang DJ na nagpatugtog.
Lumapit sa kaniya si Karen, ang babaeng manager ng Cobalt. Hindi niya ito sinasante dahil nalaman niyang ex-gf siya ni Carlos at lihim itong may galit kay Carlos dahil pinagpalit siya nito sa ibang babae. Pinili lang daw nitong ‘wag umalis dahil mataas ang sahod niya rito at may sakit ang kapatid nito na kailangang ipa-dialysis bawat linggo.
Binulungan siya ni Karen na nandito si Carlos kasama ang mga barkada nito sa VIP room. Napag-alaman niya rin kay Karen na madalas talaga sina Carlos dito pero hindi raw sila nagbabayad ng mga ininom nitong drinks at ino-order na mga pagkain. Nagdadala rin daw sila ng mga babae rito.
Pinuntahan ni Reyna ang VIP room kasama si Ramos na sumusunod sa likod niya. Nasa may pintuan nagbabantay si Roman, na hindi naman na kinagulat ni Reyna.
“Tumabi ka, Roman,” utos ni Reyna sa maskuladong lalaki.
“Hindi puwede, Reyna,” lakas na loob na sabi ni Roman.
“Kusa kang tatabi o ako ang magpapatabi sa ‘yo,” hindi nagpatinag na sagot ni Reyna.
Nagbuntong hininga muna si Roman bago tumabi. Pumasok naman si Reyna at sumunod din naman sina Ramos at Roman.
Masayang nagkakasiyahan si Carlos kasama ang apat pa nitong barkadang lalaki habang may tatlong babaeng wala nang suot na pang-itaas ang sumasayaw sa mesa. Sinenyasan ni Reyna si Ramos na patayin ang tugtog dahil hindi man lang napansin ng mga lalaki na nakapasok na sila.
Nang huminto ang tugtog, saka lang tumigil ang mga lalaki sa pag-inom at paghiyaw. Nang makita nilang si Ramos ang pumatay, awtomatikong hinanap ng mga mata nila ang Reyna. Napatayo ang dalawang barkada ni Carlos at tila nawala ang kalasingan.
“Labas,” utos ni Reyna sa dalawang babae na mabilis pa sa alas kuwatro na kumaripas sa paglabas pagkatapos damputin ang damit pantaas .
“Babayaran n’yo lahat ng inorder n’yo,” utos ulit ni Reyna.
“At kung ayaw namin?” matapang na sabi ni Carlos na nanatling nakaupo habang hawak ang isang bote na beer.
“Hindi kayo makalalabas hangga’t hindi kayo bumabayad,” malamig na turan ni Reyna.
“Kukulungin mo kami rito?” nakangising sabi ni Carlos.
“Gano’n ba kabait ang tingin mo sa akin, Carlos?” tanong pabalik ni Reyna na siyang nagpabura sa pagngisi ni Carlos.
Naglalaban pa ng titigan sina Carlos at Reyna nang may isa sa barkda nito na sumugod na akmang papaluin ang boteng hawak nito sa mukha ni Reyna. Mabuti na lang at mabilis na nakailag si Reyna. Napasubsob nang kaunti ang lalaking may pilat sa mukha dahil nawalan ng balanse dala ng kalasingan.
Nahuli ni Reyna ang kamay nito at agad na pinilipit ito at binali. Humihiyaw sa sakit ang lalaki habang nakahandusay sa sahig.
“Sabi ko naman sa ‘yo noon, Gerald, na kapag sinubukan mong hawakan ako, babaliin ko ang kamay mo,” walang emosyon na sabi ni Reyna.
“Dito kaya, lalaban ka, Reyna?” sabi ni Carlos nang tinutukan ng baril si Reyna sa mukha.
“Iputok mo. ‘Wag kang puro satsat,” walang takot na hamon ni Reyna kay Carlos.
Kitang-kita ni Reyna ang pag-alinlangan sa mga mata ng kapatid niya. Pag-alinlangan na dulot ng kaduwagan. Gaya ng inaasahan ni Reyna, binaba ni Carlos ang baril nito.
“Hindi ako tanga para patayin ka at bigyang dahilan si Papa para itakwil ako,” sabi ni Carlos at umatras nang kaunti mula kay Reyna. “Pero ito ang tatandaan mo, mahal kong ate. Hinding-hindi ka magiging lider ng Pahimakas,” dagdag pa nito nang may diin.
Binuksan ni Carlos ang pitaka at nag-iwan ng credit card. “Keep the change,” sabi niya at umalis na kasama ng dalawang barkada nito at si Gerald na hindi maipinta ang mukha,
Hindi man lang nanginig ang laman ng Reyna. Kung sa nakababatang kapatid lang din niya, alam niyang matatalo niya ito. At sa dulo, ang Reyna pa rin ang magtatagumpay.