Chapter 1: Ang Pangako.
Written by: CDLiNKPh
ILANG LINGGO na rin simula no'ng mailibing ang mama at papa niya. Isang pangyayari ang naganap na tuluyang nagpabago sa buhay niya. Parehong namatay ang mga ito sa isang sunog na pinagtatrabahuhan ng mga ito bilang factory worker kaya napilitan siyang isanla ang bahay at lupa nila para lang may maipalibing ang mga ito. Malapit na rin siyang pumunta sa Manila para roon mag-trabaho. Aalis siya sa lugar na ito dahil wala na rin naman siya ritong matitirhan. Ang lugar na kinalakhan niya...
Muling nagbalik sa ala-ala niya ang masayang pamilya na mayroon siya noon. Napakabait ng mga magulang niya no'ng nabubuhay pa ang mga ito. Kailan man ay hindi nag-away ang mga ito at sa kabila ng edad ay napaka-sweet pa rin sa isa't-isa. Naging mabuti ring mga magulang ang mga ito para sa kanya kahit na mahirap lang sila. Sa tuwing maiisip niya ang mga ito ay hindi niya maiwasang mapaiyak. Lalaki nga siya pero hindi bato ang puso niya sa katotohanan na wala na siyang mga magulang kahit na isa. Sabay na nawala ang dalawa sa kanya at napasakit talaga niyon...
Doon na dumating si Nikki. Nakita niyang nalungkot din ito nang makitang umiiyak din siya. Parang napapahiyang nagpunas siya ng mga luha.
"Huwag mo nang pigilan ang pag-iyak mo, Kuya Christian. Normal lang naman 'yan dahil hindi madaling mawalan ng mga magulang. Alam ko na malungkot ka kaya bakit hindi ka lang umiyak? Nandito lang ako para sa'yo. Nandito lang ako para yakapin at damayan ka. Kahit na kailan ay hinding-hindi kita iiwan." Umiyak na rin si Nikki na parang ramdam din nito ang pagdurugo ng puso niya.
Doon na siya tuluyang napaiyak nang malakas. Hindi na alintana kung lalaki man siya. Ibinuhos niya ang lahat-lahat ng sakit na nararamdaman niya sa yakap ni Nikki na kahit papaano ay nakakapagpagaan ng loob niya. Hinahaplos pa ni Nikki ang likuran niya na pinababatid sa kanya na naiintindihan siya nito. Na hindi siya nag-iisa...
Nang gumaan na ang loob niya ay saka sila naghiwalay ng yakap. Tumitig sila sa dagat at kahit walang pag-uusap na namamagitan ay para bang naiintindihan nila ang isa't-isa.
Maya-maya ay nagsalita rin si Nikki na sa tingin niya ay siyang bumabagabag sa loob nito. "Kuya Christian, totoo ba na aalis ka na raw?" Narinig niyang malungkot na tanong nito. Hindi naman na siya nagtaka na nalaman nito. Mabilis namang kumalat ang balita sa lugar na iyon.
Mahinahon na siyang sumagot. "Oo, Nikki, totoo..." malungkot din na sagot niya.
"Pero paano na ako kung aalis ka? Sino nang magtuturo ng mga assignments ko? Sino na rin ang makakasama kong magsimba tuwing linggo? Sino na ang magpapasaya sa akin kapag malungkot ako? At kailangan mo rin ako, Kuya Christian. Kailangan natin ang isa't-isa kaya hindi tayo pwedeng maghiwalay..." Nag-uumpisa na namang tumulo ang luha sa mga mata ni Nikki. Dahilan para bumigat na naman ang dibdib niya. Sa lahat ng ayaw niya ay makitang umiiyak si Nikki pero siya pa ngayon ang nagiging dahilan ng pag-iyak nito.
"Babalik naman ako, Nikki. Hindi ko rin kayang malayo sa 'yo..."
"Pero kailan pa? Huwag ka nang umalis dito! Alam kong nabenta mo na ang bahay ninyo at wala ka nang iba pang kamag-anak dito pero kung gusto mo, pwede namang doon ka na lang muna sa hacienda namin tumira. Basta huwag ka lang aalis, Kuya Christian. Huwag dahil hindi ko talaga kakayaning mawala ka sa akin!" Para nang desperadang si Nikki. Para bang handa nitong gawin ang lahat huwag lang siyang umalis. Pero handa rin siyang gawin ang lahat para lang mapatunayan niya ang sarili niya rito. Kaya siya aalis ay para rin dito...
Pinilit niyang ngumiti. "Hindi lang naman ako basta magta-trabaho roon para sa mga kamag-anak ko, e. Maghahanap ako ng magandang oportunidad doon para magamit ko ang pinag-aralan ko. Gusto kong maging karapat-dapat para sa 'yo, Nikki. Para pagbalik ko ay wala namang masabi pang kahit ano pa sa akin si Don Manuel. Gusto kong may mapatunayan hindi lang sa 'yo at para sa sarili ko kundi para na rin sa mga taong mahalaga sa 'yo," sincere na sabi niya habang nakatitig ng diretso sa mga mga mata nito.
"Pero bakit mo kailangang gawin 'yon, Kuya Christian?" naguguluhang tanong ni Nikki.
"Dahil mahal kita, Nikki..." rebelasyon niya na nakapagpatigil dito. Nag-blush pa ito saka nagbaba ng tingin pero inangat niya ang mukha nito saka niya hinaplos iyon. "Ngayong nasa tamang edad na tayo, kahit papaano ay gusto kong malaman mo na kung ano ba talaga ang totoong nararamdaman ko para sa 'yo." Hindi niya napigilang hawakan naman ang labi nito na matagal na niyang gustong tikman. "Sabihin mo sa akin, Nikki, hindi mo ba ako mahal?" nangangambang tanong niya.
Hindi ito kaagad nakasagot. Nag-iwas pa nga ng tingin at parang nawalan ng dila. Isa lang ang ibig sabihin no'n, hindi sila parehas ng nararamdaman. Kaya inalis na niya ang kamay na nakahawak sa mukha nito saka tumalikod pero bigla siya nitong hinablot.
"Mahal din kita, Kuya Christian!" pagsigaw nito.
Hindi makapaniwalang napaharap ulit siya rito. "Ano'ng sinabi mo?" tanong niya.
Parang confused naman na nagbaba ito ng tingin. Naging cute lang tuloy itong lalo sa paningin niya. "Nakakainis naman, e, bingi lang? Kailangang paulit-ulit?" Kunwari ay naiinis na sabi nito saka tumingin ng diretso sa mga mata niya. "Sabi ko, mahal din kita..." mahina ang boses na sabi nito.
Doon na tuluyang lumaki ang ngiti niya. Saka niya hinila palapit sa kanya si Nikki at nanlaki ang mga mata nito sa ginawa niya dahil siniil lang naman niya ito ng halik sa labi!
"Ump—" ungol nito dahil nagulat ito sa ginagawa niya. Mapangahas kasi na ipinasok niya ang dila niya sa bibig nito at naglaro iyon doon. Nararamdaman niya na napag-iinit na rin niya si Nikki kaya naman unti-unti— Kahit na hindi ito marunong ay pinilit nitong makipagsabayan sa galaw ng dila niya.
Halos parehas na silang hindi makahinga matapos ang halik na iyon. Pulang-pula ang mukha ni Nikki. Halatang first kiss siya nito.
"Kahit na sa ganitong sitwasyon ay kayang-kaya mo talaga akong pasayahin, Nikki. Hindi mo lang alam kung gaano akong kasaya na nalaman ko na mahal mo rin pala ako. Pakiramdam ko ay natupad ang pangarap ko. Matagal kong inisip na nakakatandang kapatid lang ang tingin mo sa akin."
Nag-pout si Nikki. "May kapatid ba na nagseselos kapag may mga babaeng umaaligid sa 'yo? Gusto ko, palaging nasa akin lang ang atensyon mo. Gusto ko sa akin ka lang! Kasi mahal na mahal kita, kuya— ah, wala na nga palang kuya dahil girlfriend mo na ako, hindi ba, Christian?!" Nakasimangot ang mukha ni Nikki pero hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng kilig.
Oo, kinikilig din ang mga lalaki pero madalas ay tinatago lang nila. Pero hindi niya mapigilang itago pa iyon ngayon.
"Kung alam mo lang kung gaano katagal ko nang pinapangarap na maging boyfriend mo kaya oo, girlfriend na kita!" Niyakap niya nang mahigpit si Nikki. "Dahil sa biyayang ito ng Diyos ay parang ayaw ko na tuloy umalis, Nikki. Pero hindi pwede, kailangan nating maghiwalay sandali para sa ikabubuti rin natin, Nikki. Kailangang may magbago sa akin. Gusto kong maging lalaki na maipagmamalaki mo at hindi mangyayari iyon kung dito lang ako," pagpapaintindi niya rito pero lalo lamang umiyak si Nikki
"Bakit kasi kailangan mo pang patunayan ang sarili mo, Christian? Hindi mo naman kailangang magbago, e. Mahal naman kita na ganyan ka. Hindi ko kayang mawala ka, kaya please naman, oh? Huwag mo naman akong iwan!" pagmamakaawa na nito.
"Sorry, Nikki. Pero sana ay maintindihan mo na may pangarap din ako na gustong matupad. Babalik naman ako, e. Kaya sana ay mahintay mo ako..." naghihirap ding sabi niya.
Hindi nagsalita si Nikki. Parang masama pa rin ang loob.
Bumuntong-hininga siya saka inilabas ang necklace na nakalagay sa bulsa niya saka niya isinuot iyon dito nang patalikod. Pagkatapos niyon ay niyakap niya ito habang nakatalikod pa rin ito.
"Galing pa sa ninuo namin ang kwintas na iyan, Nikki. Ipinapasa sa mga anak na lalaki para ibigay sa mga babaeng iniibig nila. Kapag malungkot ka ay maari mong kausapin ang kwintas na parang katabi mo lang ako. Para hindi ka na malungkot... Gusto kong makitang suot mo pa rin 'yan pagbalik ko. Sana ay mahintay mo ako pero kung hindi mo makaya ay maiintindihan ko..." Iyon lang at tumayo na siya saka tinalikuran ito para umalis na.
Pero sa pagkakataong ito ay si Nikki naman ang humabol at yumakap sa kanya patalikod. "Kahit ano'ng mangyari ay hihintayin kita, Christian. Kahit masakit, tatanggapin ko ang desisyon mo. Hinding-hindi kita ipagpapalit dahil mahal na mahal kita..." Habang hilam ang mga mata sa luha ay nasabi pa nito.
Hindi na siya nakapagpigil at humarap ulit siya saka nila muling niyakap nang mahigpit ang isa't-isa...